This entry is part 17 of 22 in the series Dangerous Thirst

Nang dumating si Syven sa kanyang lugar, naabutan niya si Ellis na tumitingin sa mga bagong koleksiyon niya ng mga alak.

Nadiskubre ni Ellis ang malalim na interes ni Syven sa pagkolekta ng mga kakaibang inumin nang makita nitong napuno ang isang kwarto ng iba’t ibang klase ng alak.

Hindi namalayan ni Ellis ang presensiya ni Syven nang pumulupot ang mga kamay nito sa kanyang beywang.

Mahigpit na niyakap ni Syven si Ellis mula sa likod nito, natukso siyang dampian ng halik ang nakalahad nitong leeg sa kanya.

Ang leeg ang pinakapaborito ni Syven sa katawan ng babae kaya naman nagustuhan niya ang bagong putol na buhok ni Ellis na hanggang balikat lamang nito.

Kumalas sa pagkakayakap niya si Ellis at pinili nito ang limited-brand na alak mula sa mga koleksiyon niya. Inangat nito ang bote na akmang bibitawan anumang oras.

Tinago ni Syven ang pamumutla niya at kalmadong nilapitan si Ellis, pero humakbang ito palayo sa kanya.

“Saan ka umuwi kagabi?”

“Nagkaroon kami ng hindi pagkakaintindihan ni Dad kaya hindi ako tumuloy sa kanila kagabi.” Nagsimulang magpaliwanag si Syven, iniwan niya lang ang mga parteng hindi na kailangang malaman ni Ellis.

Kung pakakasalan niya si Ellis, kailangan niyang gumawa ng storage ng mga alak niya na hindi nito mapapasok. Hindi niya masisisi ang sarili niya noon kung bakit tinanggihan niya ito ng ilang beses. Alam niyang mapanganib ito, pero hindi niya lubos maisip na maglalakad siya sa patalim nang pasukin niya ang relasyong ito.

“Walang nabanggit sa akin si Bryant na magkasama kayo.”

“Bakit hindi mo na lang siya tawagan?”

Lihim na nakahinga ng maluwag si Syven nang ibalik ni Ellis ang alak niya sa dati nitong pwesto. Alam niyang malaki ang tiwala ni Ellis sa pinsan nito, kaya nang banggitin niya si Bryant ay nawala ang lahat ng pagdududa nito sa kanya.

“Bakit hindi mo sinabi sa’kin ang totoo?”

“Dahil hindi ko na gustong ipaalam sa’yo ang gusot sa pamilya ko.”

“Pero gusto kong nasa tabi mo ako sa mga ganoong panahon. Gusto kong ako ang una mong hahanapin.”

Hindi maintindihan ni Syven kung bakit ngayon siya ang gustong umatras nang lumapit si Ellis sa kanya.

“Pero hindi ako ang sumagi sa isipan mo, hindi ba?”

“Ellis—”

“Naiintindihan ko.” Umangat ang kamay ni Ellis sa batok ni Syven. “Mas nanaisin mong lumayo, iyon ang lagi mong ginagawa kapag pakiramdam mo ay nakukulong ka. Maghihintay ako na dumating ang araw na ako ang unang hahanapin mo sa susunod na maisipan mong lumayo.”

Nanatili si Syven nang dumampi ang labi ni Ellis sa kanya. Mas naging mapangahas ang halik nito nang maramdaman nitong hindi siya tumutugon. Nakakabahala na tinakasan siya ng ano mang init sa katawan.

Sinubukan niyang tugunin ang halik ni Ellis, nais niyang buhayin ang init na dapat niyang maramdaman. Mariing bumakat ang daliri niya sa batok nito. Pakiramdam ni Syven ay pinaparusahan niya ang sarili niya, gusto niyang kumalas pero hindi siya maaaring bumitaw.

Ang mga bagay na tinanggihan niya noon ay kailangan niyang yakapin ngayon…

Nanatiling bukas ang mga mata ni Syven, habang mahimbing na natutulog si Ellis sa tabi niya. Nilisan niya ang kama nang masigurong hindi niya ito magigising.

Nagsalin siya ng alak, marahil ay dahil nakatulog siya nang mahaba noong isang gabi kaya hindi siya dinadalaw ngayon ng antok. Muli niyang nalasahan ang pamilyar na pait ng inumin, dumako ang tingin ni Syven sa madilim na paligid.

Malawak ang kanyang lugar kaya bakit nasisikipan siyang huminga?

Muling lumagok siya ng inumin nang wala na siyang malasahan na kahit na ano. Sadyang hindi napapatid ang kakaibang pakiramdam na nararamdaman niya ngayong gabi.

Binabad ni Syven ang sarili sa malamig na shower nang dumating ang umaga. Gising na gising ang diwa niya kahit hindi siya dinalaw ng antok sa buong magdamag.

Labis ang agahang pinahanda ni Ellis dahil hindi nito alam kung anong gusto niyang kainin. Malaya nitong nagagamit ang chef at staff ng hotel na naka-assign sa kanya.

Sinalubong ni Ellis ng mainit na halik ang labi ni Syven.

“Since this is our first breakfast together, I want to make it special.”

Pagkatapos ng nangyari sa kanila kahapon, pakiramdam ni Ellis ay hawak na niya ang mundo ni Syven. Hinila niya si Syven na umupo, at siya mismo ang naglagay ng pagkain sa plato nito.

Pinigilan ni Syven ang kamay ni Ellis.

“Hindi ako kumakain ng mabigat sa umaga.”

“Kaylan ba kita nakitang kumain ng marami? Pagkatapos ng tatlong subo ay tapos ka na. Hindi ako papayag na manghina ka.”

“Kung sa tingin mo ay nanghihina ako, bakit hindi mo ako muling subukan?”

Pilyong kinintalan ng halik ni Syven ang daliri ni Ellis.

Namumulang binawi ni Ellis ang kamay nito.

“Eat. Ayokong mahuli sa practice ko.”

“May practice ako mamaya, ihahatid na lang kita…”

Natigil ang daliri ni Syven sa paghawak ng kubyertos. Hindi niya nagawang magpaalam kay Bryant nang umalis siya sa condo nito.

Nang subukan niyang sumubo ng pagkain, nahirapan siyang lunukin ito. Parang may nakabara sa lalamunan niya.

“What’s wrong?” si Ellis nang mapansing hindi nagustuhan ni Syven ang lasa ng pagkain.

“Nothing.” Nagsalin ng tubig si Syven. “Hindi ba mag-aalala ang parents mo na hindi ka umuwi kagabi?”

“Mag-aalala lang sila kung sila ang hahanapin ko. Madalas silang wala kaya hindi nila malalaman kung nawawala ako. Kung hindi mo pa sila nabanggit, hindi ko maaalala na sinabi sa akin ni Mommy na gusto ka nilang makilala.”

“They want to meet me?” ulit ni Syven. Masyado pang maaga para makilala niya ang magulang ni Ellis.

“They’re fond of your father. My dating choices don’t bother them, even if it’s the school’s biggest bully.”

Naiintindihan ni Syven kung bakit naging matigas si Ellis—at kung bakit siya ang pinili nito. Nakikita ni Ellis ang sarili nito sa kanya, naniniwala itong tanging sila lamang ang makakapaghilom ng sugat ng isa’t isa.

Lalong nawalan ng panlasa si Syven. Marahil ay wala siya sa lugar para maghangad ng iba.

Dangerous Thirst

DT | Chapter 14: A Night With Him DT | Chapter 16: Silent Confession