- Lost Heart
- CHAPTER 1: Prisoner of Desire
- CHAPTER 2: Fading Reflection
- CHAPTER 3: The Lies That Bind
- CHAPTER 4: Held in the Dark
- CHAPTER 5: Bound to Him
- CHAPTER 6: When She Was Gone
- CHAPTER 7: The Life She Chose
- CHAPTER 8: A Familiar Portrait
- CHAPTER 9: He Found Me
- CHAPTER 10: His to Keep, His to Break
- CHAPTER 11: No Escape from You
- CHAPTER 12: Torn Between Us
- CHAPTER 13: Nowhere to Run
- CHAPTER 14: Buried Truths
- CHAPTER 15: The Child I Never Knew
Tatlong mapayapang araw ang lumipas sa Mansion ng Fuentero. Tahimik na humihigop si Hale ng mainit na tsaa habang binabasa ang paborito niyang libro upang libangin ang sarili. Hindi siya pinahihintulutan ni Ar na humawak ng mga bagay na magbibigay sa kanya ng koneksyon sa labas, kaya ang tanging lagi niyang kasama ay mga libro. Gumawa si Ar ng isang library na konektado sa kwarto niya, at dito siya naglalagi tuwing hindi siya pinapayagang lumabas ng binata. Hindi lamang siya hinihigpitan ni Ar, kundi tinatago rin siya sa mga taong bumibisita sa mansion. Sa tuwing umaalis ito, sinisigurado ng mga tauhan nito na mananatili lamang siya sa kanyang silid.
Ganito ang naging takbo ng buhay niya sa loob ng dalawang taon. Kung hindi siya dumaan sa mataas na edukasyon at nahubog sa mahigpit na disiplina, matagal na sana siyang bumigay.
Ibinaba ni Hale ang librong binabasa niya matapos ang huling pahina. Muli sana siyang huhugot ng panibagong libro nang mapahinto siya dahil sa mahihinang katok sa pinto. Pumasok si Fein, hawak ang isang puting kahon na anyong maliit na bahay. Kitang-kita ang tuwa sa mukha nito.
“Hale, tignan mo kung ano ang regalong pinadala sa’yo ni Sir Ar.” Lumapit sa kanya ang dalagita at inilapag ang kahon sa tabi niya. Maingat na binuksan ni Fein ang pinto ng puting kahon. Bahagyang kumunot ang noo ni Hale nang sumungaw ang ulo ng isang munting kuting. Agad ding bumalik sa loob ang ulo nito nang makakita ng ibang tao.
“Aw… Ang cute niya!” si Fein, na nagtakip pa ng bibig. Palaging mga materyal na bagay ang ibinibigay ni Sir Ar kay Hale, kaya nagulat siya nang isang baby Persian cat ang ipadala nito. Hindi niya akalaing tinandaan pa ni Sir Ar ang sinabi niyang nagustuhan ni Hale ang Persian cat sa isang pelikulang pinanood nila.
Biglaan ang pag-alis ni Sir Ar, at hindi nila alam kung kailan ito makakabalik. Hangga’t wala itong konsento, hindi makakalabas ang dalaga sa kanyang silid. Masakit ang loob ni Fein para kay Hale—kahit isang simpleng paglabas sa hardin ay malaking bagay sana upang maaliw ang dalaga. Pero dahil walang pahintulot ni Sir Ar, hindi maaaring lumabas si Hale sa garden.
Marahil, sa munting regalong ito, kahit paano’y gagaan ang pakiramdam ng dalaga. Binaling niya ang tingin kay Hale, ngunit wala siyang nakitang kahit anong reaksyon mula rito. Sa halip, binalik ni Hale ang atensyon sa bagong libro at hindi na muling tinapunan ng tingin ang nahihiyang kuting.
“Ha? Ayaw mo?” nagtatakang tanong ni Fein. Dalawang beses nilang pinanood ang Persian cat movie, kaya akala niya’y matutuwa si Hale.
“Kawawa naman…”
“And what do you want me to do with it?” balik-tanong ni Hale, habang nananatili ang atensyon sa libro.
“Hale, kung tatanggihan mo ito, siguradong ako ang malalagot kay Sir Ar. Iisipin niya na wala akong kwenta. Gusto mo bang matapon ako sa Old Mansion?” reklamo ng dalagita. Iniisip pa lang niyang pagsilbihan ang matandang Fuentero, kinikilabutan na siya.
“So why do you need to report everything to him?” sagot ni Hale.
“N-Not everything!” mabilis na tanggi ni Fein, subalit hindi ito makatingin nang diretso sa dalaga. Kitang-kita ang pagkailang nito.
Napabuntong-hininga nang malalim si Hale at tinabi ang librong binabasa. Alam niyang nahahati ang dalagita sa pagitan nilang dalawa ni Ar, kaya hindi niya ito masisisi. Hindi niya rin gustong lumayo ito sa kanya dahil mula nang dumating siya rito, si Fein lang ang maituturing niyang malapit sa kanya. Lumipat ang tingin ni Hale sa kahon kung saan nagtatago ang kuting.
Lumiwanag ang mukha ni Fein nang makita niyang nagdadalawang-isip ito. “Aalagaan ba natin ito?” nagmamakaawang pakiusap niya.
Napilitang pumayag si Hale sa kondisyon na si Fein ang magbabantay at mag-aalaga sa maliit na kuting. Mainam na rin ito, upang kahit paano’y mabawasan ang atensyon ni Fein sa kanya.
“Anong ipapangalan natin dito?” Naaaliw na inilabas ng dalagita ang pusa sa kahon at tinaas sa ere. Nataranta ang kawawang kuting nang biglang masinagan ng liwanag.
“Arle? Lear? Arha? Hm… Ah! Haar? Haar nga! Ano sa tingin mo, Hale?”
Nawala ang abot-tengang ngiti ni Fein nang makita niyang tumalim ang tingin ni Hale sa kanya. Bitbit ang kuting na sumabit sa braso niya, tahimik na nilisan ng dalagita ang library. Hindi na niya hinintay na palayasin siya ni Hale. Natakot siyang baka magbago pa ang isip nito.
Akmang babasahin muli ni Hale ang libro nang bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. Pinikit niya ang mga mata at nagpahinga saglit. Lumapit siya sa bintana, kung saan makikita ang malawak na hardin na natatabunan ng luntiang damo. Gumaan ang kanyang pakiramdam nang lumibot ang tingin niya sa paligid.
Dumating ang gabi, ngunit maliwanag pa rin ang paligid dahil sa bilugang buwan na nagniningning sa kalangitan. Muling bumalik si Hale sa tabi ng bintana upang pagmasdan ang tanawin. Nang masagap ng kanyang paningin ang isang itim na sasakyan, bumilis ang pintig ng kanyang pulso. Alam niya kung sino ang paparating.
Mabilis ang naging hakbang ni Hale pabalik sa bedroom. Agad siyang nagtago sa ilalim ng kumot.
Hindi na niya kailangang hintayin ang mga katok sa pinto—alam niyang siya lang naman ang nakakapasok sa kwarto nang hindi nagpapaalam. Mariing hinigpitan ni Hale ang hawak sa kumot nang marinig niya ang pagbukas ng pinto. Sa kabila ng kaba, nanatili siyang kalmado sa panlabas, na para bang mahimbing na natutulog.
Naramdaman niya ang presensya nito sa kanyang tabi. Sinisikap niyang pakalmahin ang sarili nang haplusin nito ang kanyang buhok. Nanginginig ang kanyang damdamin nang maramdaman niyang dumampi ang halik nito sa kanyang noo.
“I’m home,” mahinang usal ng binata.
Nakakakilabot na kuryente ang dumaloy kay Hale nang marinig niya ang bulong nito sa kanyang tainga. Hindi niya maipaliwanag ang kaba at takot na muling bumalot sa kanya. Ilang taon man ang lumipas, hindi maglalaho ang pangamba na itinanim ng binata sa kanya.
Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.