This entry is part 61 of 68 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

“Xuren!”

Dumaplis sa pandinig ni Yura ang matalim na tinig ni Won. Sa kabila nito ay nagpatuloy parin ang kanyang mga hakbang na tila hindi niya ito narinig.

Mistulang dinaganan ng mabigat na bagay ang dibdib ni Won ng makita niya ang malamig na likod ng Xuren. Hindi lumalabas ang patalim ng Xuren gaano man kapanganib ang mga taong nakakaharap nito. Mabibilang niya lamang ang mga sandaling nakita niyang naging marahas ito. Hindi lubos matanggap ni Won na magagawa ng Xuren na dungisan ang kamay nito para lamang sa isang babae na hindi karapat-dapat para dito. Kung tunay ang damdamin niya para sa inyo, makikilala ka niya kahit mawala pa ang kanyang paningin!

Mabilis na humabol ang bantay upang pigilan ang Xuren. Umangat ang kamay ni Won sa manggas ni Yura. Humigpit ang kapit ng palad niya sa dulo ng manggas hanggang sa malukot ito sa kanyang kamay.

“Kailangan bang malagay kayo sa panganib at lahat ng inyong nasimulan ng dahil lamang sa kanya? Siya ang nagdesisyong sumunod sa inyo sa kabila ng panganib. Ilang beses niyo siyang tinanggihan ngunit pinili niya paring manatili sa tabi niyo. Hindi niyo kailangang akuin ang pagkakasala ng iba upang protektahan siya!” Kumawala ang mga salitang piniling supilin ng bantay noon.

“Pinili niyang manatili sa tabi ko dahil nagtiwala siya sa’kin. Nais mong piringan ko ang aking mga mata pagkatapos ng kalapastanganang ginawa sa kanya?”

“Sa sandaling matuklasan niya ang katotohanan, mas nanaisin niyang wakasan ang buhay niya sa halip na harapin kayo.” Nang makita ni Won ang bahagyang pagdaloy ng pagbabago sa nagyeyelong tingin ng Xuren, lumapit siya dito at nagsabi sa mababang tinig. “Hanggang kaylan kayo hahabulin ng nakaraan? Hindi pa ba sapat ang mga nagawa niyo para sa kanya?”

Mahigpit na bumakat ang kamay ni Yura sa balikat ni Won. Nangangapa ang kanyang tingin sa mukha ng bantay na puno ng pag-aalala at labis na hinanakit sa kanya. Mahinanong kinalma ni Yura ang sarili. “Paano ko mapaninindigan ang aking tungkulin kung pahihintulutan ko itong mangyari?” Hindi na matukoy ni Yura kung sino ang dapat niyang protektahan, kung para kanino niya ginagawa ang lahat ng ito. Nasasakal siya sa katotohanang siya ang nagpain kay Sena upang mahulog ito sa isang malupit na kasinungalingan. “Huwag mo akong pigilan. Lalo ko lamang kasusuklaman ang sarili ko.” Nanghihina ang mga daliring pinakawalan ni Yura ang balikat ni Won.

Walang nagawa ang bantay ng sumakay ang Xuren sa kabayo nito at tumuloy sa direksiyon ng kampamento ng Ikalawang Prinsipe. Hindi niya matanggap na nagagamit ng iba ang kahinaan ng Xuren. Batid ni Won ang mga balakid na humaharang dito. Subalit nabigo siyang ilayo ito sa nakaabang na panganib, nanatili siyang duwag pagka’t nangangamba siyang maglaho ang tiwala ng Xuren sa kanya.

Mabigat ang hiningang sumunod ang bantay sa Xuren nito.

Binabalot ng mga pinong tinik ang lalamunan ni Yura, hindi niya kayang lunukin ang inihaing sorpresa ng Ikalawang Prinsipe sa kanya.

Marami na siyang nasaksihang karahasan na nanatiling sariwa sa kanyang isipan subalit ang mangyari ito sa mga taong mahalaga sa kanya ay hindi niya matatanggap.

Mula sa malayo ay matatanaw ang makapal ng bilang ng mga kawal na nakapaligid sa lokasyon ng Ikalawang Prinsipe.

Mabilis na nakalap ng Punong Bantay ang Hukbong Kawal ng Ikalawang Prinsipe na tila naghahanda ito sa paparating na panganib.

Tumuwid ang likod ng unang linya ng mga kawal ng makita nila ang paparating na Lu Ryen, hindi nila maunawaan kung bakit nagbaba ng utos ang Punong Bantay na harangin ito at huwag itong pahintulutang makalapit sa Ikalawang Prinsipe.

Huminto ang malaking karwahe na mabilis na humarang kay Yura.

Matalim ang anyo ng Xuren ng Yan ng bumaba ito mula sa karwahe at sumalubong sa Lu Ryen bago pa man ito makalapit sa teritoryo ng Ikalawang Prinsipe.

“Ipinaupabaya mo sa akin ang pinsan mo subalit hindi mo kayang isuko ang Fenglin na ito?” Mabigat na akusa ni Duran kay Yura.

Sa pagdating ng Xuren ng Yan sa kapitolyo, ang unang bagay na inalam niya ay ang sitwasyon ng Ikalawang Prinsipe, walang inilihim sa kanya ang mga tapat nitong lingkod pagka’t lubos silang nagtitiwala sa kanya. Nang sandaling matuklasan ni Duran ang kapangahasang ginawa ni Siyon, wala siyang hinintay na sandali na sumugod sa lugar upang pigilan ang Lu Ryen.

Hindi nga siya nagkamali, tulad ng araw na nagtagpo ang kanilang landas, isinasantabi ng Lu Ryen ang kanyang estado pagdating sa fenglin nito.

“Hindi mo ba nakikita? Ito ang hinihintay niyang mangyari, huwag mong pahintulutang mabulag ka ng iyong galit.”

Nagtuloy si Yura na tila hindi ito narinig. Nilalamon ang puso niya ng matinding pagkamuhi, wala ng halaga sa kanya kung ano man ang kahihinatnan ng kanyang desisyon ng mga sandaling iyon. Nasisiguro niyang ito rin ang gagawin ng kanyang Ama kung ito ang nasa kanyang sitwasyon.

“Tatalikuran mo ang ating napagkasunduan? Kung ganon, wala naring dahilan upang protektahan ko ang pinsan mo.” Mabigat na banta ni Duran.

Humigpit ang kamay ni Yura sa renda.

Napaatras ang paa ni Duran sa talas ng kilos ng Lu Ryen ng bumaba ito sa kabayo nito.

Sumikip ang paghinga ni Duran ng makulong ang kanyang leeg sa kamay ng Lu Ryen. Sa gitna ng panganib ay nagawa niya paring iangat ang kamay upang pigilan ang mga tauhan niya na atakihin ito.

Bawat sandali ay mas lalong humihigpit ang kamay ni Yura sa kanya. Pakiramdam ni Duran ay isinugal niya ang buhay niya upang pigilan ito.

Dapat ba siyang matuwa na matuklasang mas mabigat parin sa Lu Ryen ang sarili nitong kadugo?

Nangangapos ang hininging sumagap ng hangin ang Xuren ng Yan ng sandaling pakawalan ito ng Lu Ryen. Nag-alalang lumapit ang mga tauhan ni Duran upang alalayan ito. Batid niyang hindi kailangan ng Lu Ryen na gumamit ng dahas upang kitilin ang buhay niya, kung kaya’t maituturin niya itong mababaw na parusa.

Hindi lubos maisip ni Duran na darating ang araw na babaliktad ang kanyang sitwasyon. Kung noon ay pinoprotektahan niya ang pinsan niya mula sa manipulasyon ng Lu Ryen. Ngayon ay pinipigilan niya ang Lu Ryen na makagawa ng pagkakamali. Hindi man mabilang ang buhay na nawala sa kamay ni Siyon, ngunit ni minsan ay hindi nito pinagbantaan ang buhay niya. Huli na upang bumalik siya sa panig ng Ikalawang Prinsipe. Isinuko na niya sa Lu Ryen ang kanyang kapalaran. Kung kaya’t hindi niya papayagang magkamali ito.

Gumuhit ang sariwang sugat sa mga mata ni Yura ng talikuran niya ang teritoryo ng Ikalawang Prinsipe.

Muli niyang binigo si Sena, tuluyang bumalik sa kanya ang pagkakamaling nagawa niya noon. Kung hindi niya pinigilan si Yanru na paslangin ang dalawang mangingikil na nahuli nito, hindi nila magagawang makawala upang muling gumawa ng mas mabigat na karahasan.

Natauhan lamang si Yura ng masaksihan niya kung paano wasakin ng dalawang mangingikil ang isang inosenteng dalagita sa madilim na kakahuyan…

Naging malinaw sa alaala ni Yura ang bangungot ng nakaraan at ang nadatnan niyang anyo ni Sena sa loob ng madilim na kampamento. Gumapang ang kilabot sa kanyang sikmura paakyat sa kanyang lalamunan. Naduduwal na napasandal ang kamay ni Yura sa katawan ng isang puno.

Nag-aalalang lumapit si Won upang alalayan ito subalit huminto ang kamay niya ng makita ang panginginig ng balikat ng Xuren. Pinili niyang lumayo at bigyan ito ng sandaling kumalma, sa kabila nito ay hindi maitago ng bantay ang labis na pagkabalisa sa kanyang mga mata.

Ni minsan ay hindi nagpakita ng kahinaan ang Xuren, gaano man kalalim ang sugat na natamo nito, o katalim ng lasong kumapit dito ay hindi ito bumigay sa kanilang harapan. Ito ang unang beses na nasaksihan ni Won ang paglagas ng balikat ng Xuren.

Sa sandaling dumating ang araw na maisakatuparan ng Xuren ang mga plano nito. Sisiguraduhin ni Won na hindi magiging madali para sa Ikalawang Prinsipe ang magiging hatol niya para dito. Walang sino man ang maaaring lumapastangan sa Xuren ng Zhu hangga’t siya ang bantay nito.

Bahagyang napaangat ang tingin ni Siyon sa paparating niyang panauhin, hindi niya inasahan na ang pinsan niya ang darating at kakastigo sa kanya.

“Hindi ba’t nais mo siyang makuha sa iyong panig? Ngunit anong ibig sabihin ng ginawa mong ito?” Pinigilan ni Duran ang pag-angat ng kanyang tinig sa Ikalawang Prinsipe.

“Nagbago ang isip ko,” naaaliw na pinagmasdan ni Siyon ang pagbabago ng ekspresyon sa mukha ni Duran. “Sa kabila ng aming mga kasunduan at pagpapaunlak niya sa akin, ni minsan ay hindi ko naramdamang nasa panig ko ang Lu Ryen. Hindi nagkamali si Ama, tunay na walang Zhu ang yuyuko sa maharlika ng imperyal.”

“Pagkatapos ng nangyari sa Nyebes. Natitiyak kong hindi mo na mababawi ang tiwala ng Emperador. Huli na upang magbago ka ng iyong desisyon.”

“Duran, malinaw na sa akin ngayon ang lahat. Hindi ko kailangan ang Emperador o ang Zhu…” Ninamnam ni Siyon ang pait ng puting alak sa kanyang bibig.

Lihim na napalunok si Duran sa tugon na kanyang narinig. Hindi nakaligtas sa kanya ang ibig nitong ipahiwatig. Sa kabila ng nakakabighani nitong anyo ay nangingibabaw ang panganib sa sulok ng kanyang paningin. Mararamdaman ang madilim na ideyang naglalaro sa isipan nito.

Nang sandaling sinuway ni Siyon ang Emperador, nawasak ang natitirang kahinaan na pumipigil dito, bagkus ay napalitan ito ng mapusok na kagustuhang malasap ang kalayaang matagal na nitong hinahangad.

Ang tuluyang pagkalas nito sa gapos ng Emperador ay simula ng trahedyang darating sa sinumang pupukaw ng kanyang damdamin.

Tahimik na nilisan ni Duran ang kampamento ng Ikalawang Prinsipe. Hindi na niya nais isipan pa kung ano ang kahihinatnan niya sa sandaling malaman nito ang kanyang kataksilan…

Bumagsak ang nanginginig na tuhod ng Punong Bantay sa harap ng Ikalawang Prinsipe. Sa kabila ng pagkakayuko nito ay hindi maitatago ang madilim nitong ekspresiyon.

“Bakit tila hindi mo nagustuhan ang iyong naging desisyon?” Umangat ang gilid ng labi ni Siyon ng makitang lumalim ang pagkakadiin ng mga daliri ng Punong Bantay sa palad nito. “Huwag mong kalimutan na pinapili kita, kung ang patalim mo, o ang sarili mo ang ibabaon mo sa Fenglin ng Lu Ryen.”

Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

ANBNI | 59: Sa Ilalim ng Mapusyaw na Ngiti ANBNI | 61: Ang Lihim ng Palasyo