This entry is part 64 of 68 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo


Unti-unting lumitaw ang kamalayan ni Yura, hindi sa paraang nakasanayan, kundi tila ang kanyang isipan lamang ang gising habang ang katawan niya ay nananatiling nakalugmok sa dilim.

Mabigat ang kanyang mga talukap… tila may nakadagan na pumipigil sa kanyang magmulat. Sinubukan niyang ibuka ang mga ito, pinilit gamit ang bawat piraso ng kanyang kamalayan, subalit nanatili itong nakatikom, maliban sa isang manipis na siwang kung saan doon lamang sumingit ang kakaibang kislap ng umaga. 

Nag-uunahan ang mga utos ng kanyang isipan, pilit na ginagalaw ang bawat himaymay ng kanyang kalamnan, ngunit ang tanging tumugon ay ang bahagyang paggalaw ng mga daliri sa kanang kamay. Kumuyom ito, kumapit sa malamig na telang nasa ilalim niya, isang palatandaan na buhay pa siya kahit hindi sumusunod ang kanyang katawan sa kanyang isip.

Puno ng pagkabahala, sinubukan niyang umupo, o kahit man lang igalaw ang kanyang mga braso at binti. Ngunit parang may pader na nakaharang sa bawat galaw niya. Isang nakakabinging katahimikan ang bumabalot sa paligid, kasabay ng pamilyar na pangamba na dahan-dahang gumagapang sa kanyang dibdib. 

Batid ni Yura kung anong klaseng lason o mas tamang sabihing gamot ang kumalat sa kanyang sistema. Hindi ito nakamamatay, ngunit kung pipilitin niyang gumalaw lalo lamang nitong uubusin ang natitira niyang lakas. 

Hindi siya nakagapos subalit nakulong siya sa sarili niyang katawan. Bumalik sa alaala ni Yura kung paano siya kinulong ni Yanru sa isang madilim na silid, at wala siyang magawa kundi makaramdam ng malalim na kaba. 

Ngayon lamang siya muling nalagay sa ganitong sitwasyon, kahit gaano pa kapanganib ang kondisyong kinalalagyan niya, may kalayaan pa rin siyang kumilos. Pilit na nilalabanan ni Yura ang takot na namumuo sa kanya. 

Sa patuloy na pagdaan ng mga sandali ay lalong lumalalim ang bungkal ng pagkabahalang lumalamon sa kanya. Tumigil siya sa paghinga ng madinig ang papalapit na mga yabag. Mahihinang hakbang na halos hindi dumadampi sa sahig, subalit dahil sa katahimikan ng lugar, hindi ito nakaligtas sa kanyang pandinig. 

Marahang nagpakawala siya ng hangin ng tuluyan bumukas ang pinto ng silid at pumasok ito. Kinalma ni Yura ang sarili ng maramdaman niyang lumapit ito sa tabi niya. Sa halip na lumaban sa epekto ng gamot, hinayaan niyang tuluyang sakupin siya nito.

Bumaba ang tingin ng Ikaanim na Prinsipe sa Lu Ryen na mistulang mahimbing na natutulog. Kapag wala itong malay, para itong isang payapang lawa na tahimik, mahinahon, at wari’y walang bahid ng panganib. Ngunit sa sandaling bumukas ang mga mata nito, di mo namamalayang nahihila ka sa isang malalim na alon. Huli na upang mapagtanto mong ika’y nalulunod. Hindi mo alam kung hanggang saan ang lalim na kaya mong ilubog.

Sinindihan ng ikaanim na prinsipe ang insenso na may matapang na aroma. Tumayo siya mula sa tabi ng Lu Ryen ng maramdaman niya itong gumalaw.

Buong araw itong nawala sa paningin ng palasyo ng imperyal. Batid niyang hinahanap na ito ng mga tapat nitong tagapaglingkod.

Mariing nagusot ang sapin ng maikuyom ni Yura ang kanyang palad, ramdam niya nag pagbalik ng kanyang pakiramdam. Sinubukan niyang bumangon subalit mahina pa ang kanyang katawan.

Muling huminto ang kanyang paghinga ng maramdaman niya ang mga kamay na umalalay sa kanya. 

“Sa halip na ikulong mo ako, bakit hindi mo ako iharap sa Emperador?” Tinaboy ng Lu Ryen ang kamay ng Ikaanim na Prinsipe matapos niyang makabangon. Tila patalim ang mga tingin niyang tumatagos dito.

“Ang hukbong goro ang tumatayong haligi ng imperyo, nais mong buwagin ko ang proteksiyon ng lupaing ito?”

“Hindi ba’t ikaw ang unang lumapastangan sa imperyo ng papasukin mo ang mga tulisan?”

Dumilim ang ekspresyon ng Ikaanim na Prinsipe sa narinig. “Ito ba ang dahilan kung bakit pinagtangkaan mo ang bukay ko ng gabing iyon?”

“Kung bibigyan ako ng pangalawang pagkakataon, sisiguraduhin kong hindi ako mabibigo.”

“Nais mong tuluyang magrebelyon ang iyong angkan sa imperyo?”

“Hindi pa ba maituturing na rebelyon ang pagpasok ko sa pamilya ng imperyal?” 

Matagal siyang tinitigan ni Hanju bago muling nagsalita.

“Mananatili ang lihim mo kung palalayain mo ang Punong Ministro. Pagkatapos noon, lilisanin mo ang palasyo.”

Natahimik si Yura. Hindi niya mabasa ang tunay na intensyon nito. May mga bagay na hindi tumutugma sa katauhan nito subalit mas pinili niyang huwag mag-alinlangan noon. May kakayahan itong sundan ang kanyang mga bakas kaya bakit hindi nito napigilan ang pagsunog niya sa mga sangay nito? 

“Yura Zhu, ang kondisyon ko ay katumbas ng buhay ng iyong angkan.” malamig na banta ng prinsipeng hindi niya makitaan ng pag-aalinlangan ang Lu Ryen.

Bumangon si Yura mula sa higaan at pilit na tinaboy ang panlalabo ng kanyang paningin. Mariing hinagilap ni Yura ang mga ugat na gigising sa kanya. 

“Bago pa man ako tumapak sa palasyo ng imperyal, batid kong nakabaon na sa hukay ang isa sa aming mga paa. Mas pipiliin ng Zhu na mamatay ng may dangal sa halip na masawi sa kamay ng mga taong hangal sa kapangyarihan.”

“Ang pagkitil ba sa mga pinuno ng imperyo ang itinuturing mong marangal na layunin ng Zhu? o ginagamit mo lamang itong kasangkapan upang isakatuparan ang pansarili mong hangarin?”

“Nakakamanghang isipin na sa’yo ko ito maririnig.”

“Kung may natitira pang awa sa puso mo para kay Jingyu, pakawalan mo ang Punong Ministro.”

Bumaba ang tingin ni Yura ng mabanggit ng prinsipe ang pinsan nito, subalit sunod siyang natigilan ng pumasok ang pagdududa sa kanyang isipan. Nagkamali ba siya? Kung ito ang nasa likod ng Punong Ministro, magagamit nito ang lihim niya upang wasakin ang angkan ng Zhu, mas mapapadali dito ang magpalaganap ng rebelyon sa lupain kung masisira ang relasyon ng Goro sa imperyo. Wala siyang nakikitang dahilan upang itago nito ang kanyang lihim.

Ang pag-aalinlangan niya noon sa Ika Anim na Prinsipe ay itinuturing niyang kahinaan, kung kaya’t isinantabi niya ang mga katanungang pumipigil sa kanya. Subalit ang nakikita niya ngayon ay sumasalungat sa sinabi ni Tolo.

“Isang tusong sakim na kayang kitilin ang buhay ng kanyang ama at mga kapatid…”

“Magagawa ko siyang pakawalan,” mahinang tugon ni Yura bago umangat ang kanyang tingin upang muling salubungin ang tingin ng ika-anim na Prinsipe. “subalit hindi ko lilisanin ang palasyo ng imperyal.”

Napatigil ang Ikaanim na Prinsipe, tila sinusuri ang bigat ng mga salitang binitawan ni Yura. Ilang sandali siyang nanatiling walang imik bago muling nagsalita.

“Bibigyan kita ng taning na panahon, ano man ang dahilan, nagawa mo man o hindi ang layunin mo. Kailangan mong iwan ito bago maging huli ang lahat.”

Marahang itinaas ni Yura ang tingin, naramdaman niya ang bahid ng panganib ngunit nanatiling malamig ang kanyang tinig.

“Pagtakpan mo man ang lihim ko, hindi mawawala ang banta sa aking pamilya.”

Lumalim ang tingin ni Hanju sa Lu Ryen, nakikita niya ang anino ng kanyang ina sa katauhan nito.

“Gusto mo bang sumunod sa yapak ng yumaong konsorte ng Emperador?” Lumapit siya sa isang sulok at mula roon ay may hinugot siyang lumang libro. Nakasuksok ito sa pinaka-ilalim, na tila matagal nang hindi nasilayan ng liwanag. Binuklat niya ito, hinahaplos ang pamilyar na sulat-kamay na nakalagda roon. Ang bawat pahina ay may bahid ng sinaunang tinta, bahagyang nanginig ang kanyang daliri habang sinusundan ang bawat linya.

“Kinamumuhian niya ang Emperador, subalit nanatili siya sa tabi nito dahil sa akin. Nais niya akong protektahan subalit nais niya ring protektahan ang mga tao mula sa mapagkamkam na opisyales ng imperyo.”

Natuon ang pansin ni Yura sa hawak nitong kopya ng pulang libro.

“Nang madiskubre ito ng Emperador, ginawa niya ang lahat ng paraan upang masunog ang lahat ng bakas na magtuturo sa kanyang pinakamamahal na konsorte. Ang librong sana’y magiging proteksiyon ng mga tao ay siyang kumitil sa kanilang buhay. Hindi ito matanggap ng aking ina.”

Sinara ni Hanju ang libro at lumibot ang kanyang tingin sa loob ng silid. Lumamlam ang kanyang paningin. “Kinulong niya ang sarili, kasama ang apoy na sumunog sa sumulat ng librong inakala niyang magliligtas sa buhay ng iba.” 

Tahimik na sinalubong ni Hanju ang tingin ni Yura.

“Sabihin mo sa akin… ano ang pinagkaiba mo sa kanya?”

Sandaling hindi gumalaw si Yura. Nang umikot ang usok ng insenso sa paligid, unti-unting nanumbalik ang lakas sa kanyang mga daliri at braso.

Tuluyang naigalaw ni Yura ang kanyang katawan nang masagap niya ang matapang at mapait na timpla ng insenso. 

“Mamamatay akong kasama sa hukay ang mga taong banta sa aking pamilya,” mariing sambit niya, bawat salita’y mabigat na lumapag sa pagitan nila.

Humugot siya ng hininga, pinanood ang usok na tila kumikilos ayon sa bigat na dumadalay sa kanyang dibdib.

“Hindi ko iiwan ang aking angkan at ang hukbong Goro na patuloy na nalalagay sa panganib,” dugtong niya, mariin. “At hindi ako mamamatay nang hindi ko napaparusahan ang halimaw na lumapastangan sa taong mahalaga sa’kin.”

Dahan-dahang tumayo si Yura, nilapitan ang ikaanim na prinsipe hanggang sa ilang dipa na lamang ang layo nila. “Kung hindi mo ako pipigilan,” nagbabanta ang tinig, “huwag mong harangin ang daraanan ko.”

Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

ANBNI | 62: Ang Lason Ng Ligaw Na Damdamin ANBNI | 64: Unang Halik