Sa pagsibol ng bagong umaga sa kahariaan ng Nyebes, naghahanda ang mga katiwala sa tahanan ng Punong Opisyal upang ihatid ang mainit na tsaa sa silid ng Ikatlong Prinsipe.
“Iwan niyo na lamang ‘yan.” Utos ni Tien sa mga katiwala. Maingat na nilapag ng mga ito ang maligamgam na inumin na pinakuha ng batang ministro. Hinintay ni Tien na sila na lamang ni Yiju ang nasa loob ng silid bago niya inabot sa Prinsipe ang tsaa. “Mawawala ang epekto nito kung hindi mo iinumin ngayon.” Payo ni Tien.
Nananakit ang sentidong tinanggap ni Yiju ang inumin. Nababahalang pinag-aralang mabuti ni Tien ang Ikatlong Prinsipe. “Kamahalan, ano ang huli niyong naaalala?”
“Hindi ko na matandaan,” tugon ni Yiju na bahagyang nagsara ang talukap.
Napapaisip na napahawak si Tien sa kanyang noo. “Maaaring muli kang lumabas ng ihatid kita dito sa silid mo.” Ang Ikatlong Prinsipe at ang Pang-anim na Prinsipe ay pareho ng karamdaman. Wala na silang naaalala sa sandaling matikman nila ang alak. Subalit ang pagkakaiba ng dalawa ay malalamang lasing ang Ika-anim na Prinsipe dahil nanlalabo ang paningin nito sa paligid, habang ang Ikatlong Prinsipe ay hindi kakikitaan ng ano mang sintomas dahil walang naiiba sa mga kilos nito na tila hindi ito nakainom ng alak, maliban na lamang kung magsasalita ito dahil mararamdaman ng mga nakakakilala dito na nag-iiba ito ng katauhan. “Kamahalan, kailangan nating malaman ang nangyari sa inyo kagabi.” Nang balikan niya ang ikatlong Prinsipe sa silid upang tignan ang kalagayan nito, nadatnan niya itong basa ang kasuotan na tila tinapunan ito ng tubig sa mukha. Sino ang may lakas ng loob na insultuhin ang Ikatlong Prinsipe ng Salum? Kung ang Ikalawang Prinsipe ay nag-iingat dito dahil sa Emperatris, sino pa ang may tapang na tapunan ito ng tubig? Ang reputasyon nito ang nais protektahan ni Tien. Hindi niya hahayaang masira ito habang nasa tabi siya ng Pangatlong Prinsipe.
“Hindi na mahalaga, marahil ay nabuhusan ko lang ang sarili ko.”
Itinago ni Tien ang pagkunot ng noo niya sa naging tugon ni Yiju. Sa nakita niya kagabi, madilim ang anyo ng prinsipe. Mararamdaman ang galit nito kahit naging tahimik lamang ito kagabi. Nagpakawala na lamang ng hininga si Tien at muli itong pinayuhan. “Mas makakabuti kung manatili muna kayo sa inyong silid habang wala pa kayo sa kondisyong makiharap sa mga tao. Pinasabi ko na rin sa Ikalawang Prinsipe na hindi natin sila masasaluhan sa umagang ito.” Pinatawag ni Tien ang mga katiwala upang ihanda ang pagkain ng prinsipe sa silid nito.
“Ang Lu Ryen?”
“Kamahalan, wala kayong dapat ikabahala. Kahit wala kayong gawin, hindi makukuha ng Ikalawang Prinsipe ang pabor ng Pangalawang Xuren ng Zhu.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ninakaw niya mula sa Zhu ang buhay ng isang batalyong Goro. Namatay sila ng walang dignidad dahil ginamit lamang silang pain ng Ikalawang Prinsipe. Kung ako ang nasa posisyon ng Lu Ryen, hindi ko nanaising makasama ito sa iisang lamesa.”
Samantala, sa pagodang bahagi ng tahanan ng Punong Opisyal maririnig ang malamyos na musika ng hanging humahalik sa dahong bulaklak na nakalibot sa pagoda. Ang matamis na halimuyak nito ang nagbibigay ng kulay sa maaliwalas na paligid.
Tahimik na nagpaalam ang mga katiwala matapos nilang ihain ang umagahan ng Ikalawang Prinsipe at ng Lu Ryen.
“Mukhang nalunod sila sa kasiyahan kagabi at hindi na nila tayo masasaluhan.” Si Siyon ng dalawa na lamang sila ni Yura ang naiwan sa pagoda.
Tinantiya ni Yura ang init ng maligamgam na tsaa sa kopang hawak niya. “Ipagpaumanhin niyo kung hindi ako nagtagal sa kasiyahan.”
“Marahil ay hindi ka ganoon kainteresado sa mga salaysay ng Punong Opisyal.” Sinundan ng tingin ng Ikalawang Prinsipe ang mga daliring nakayakap sa puting kopa. Bahagyang tumigil ang kanyang tingin dito bago lumapat ang sarili niyang inumin sa kanyang labi ng makaramdam siya ng pagkauhaw. “Hindi mo ba ako tatanungin kung bakit ikaw ang napili kong sumama sa akin sa Nyebes?”
“Kamahalan, ang ibig niyo bang sabihin ay kung bakit niyo pinili ang taong tumanggi sa inyong imbitasyon at kumamkam ng inyong espesyal na panauhin?”
“Espesyal? Iyon ba ang tingin mo sa mababang fenglin na binihag mo mula sa akin ng gabing iyon?”
“Ang fenglin na tinatawag niyong mababa ay opisyal ko ng Xienli. Hindi tamang sabihin na binihag ko siya mula sa inyo gayong sa umpisa palang ay pag-aari na siya ng aking tahanan.”
“Kung ganon, bakit hinayaan mo siyang makapasok sa fenglein? Bakit hinintay mong may pipitas sa kanyang iba bago ka nagdesisyong angkinin siya?”
Marahang lumuwag ang mga daliri ni Yura sa hawak na kopa. Sa likod ng kopa ay sumilay ang ngiti sa labi ni Siyon.
“Hindi mo na ako kailangang sagutin, nilayo ka ng Punong Heneral sa kapitolyo. Nang binaba ng Emperador ang kautusan, hinarang niya ang iyong pagbabalik. Tuluyan kang mawawalan ng espasyo sa tahanan ng Zhu kung iuuwi mo ang isang fenglin.”
“Hindi ko inaasahang napakalalim ng impormasyong hinukay niyo tungkol sa’kin.”
“Yura Zhu, hindi na ako magpapaikot-ikot pa. Kailangan kita sa aking pangkat.”
Nilapag ni Yura ang malamig na inumin na ni minsan ay hindi lumapat sa kanyang panlasa. “Isa lamang akong Lu Ryen ng pamilya ng imperyal. Walang kakayahan ang aking titulo upang mapukaw ang inyong interes.”
“Sapat na ang mga natuklasan ko upang makilala ang tunay na ginto. Nakikita ko ang sarili ko sayo pagka’t pareho tayong pangalawa sa mata ng ating Ama. Halos sa labas tayo ng ating tahanan lumaki upang hindi natin mahigitan ang hinirang nilang tagapagmana. Mananatili tayo sa likod ng ating nakakatandang kapatid. Dahil nauna sila sa atin, nasa kanila ang pribilehiyo.” Nagsalin ng bagong tsaa si Siyon, inangat niya ito bilang paanyaya kay Yura. “Natitiyak kong hindi mo nanaising sumunod sa anino ng iyong kapatid.”
Tinanggap ni Yura ang mainit na inumin na lumapat sa daliri niya. “Kung ganon, batid niyo ding hindi ko nanaising sumunod sa anino ng taong nakatali sa kamay ng kanyang Ama.”
Dumaan ang malamig na simoy ng hangin sa pagitan ng dalawa. Nang hawiin ng hangin ang ilang hibla ng buhok ng Lu Ryen, natunaw ang yelong bumabalot sa dibdib ng Ikalawang Prinsipe. Sadyang kahinaan niya ang larawan ng perpektong tanawin. Sumusukong pinagsalikop ni Siyon ang kanyang mga kamay. “Yura Zhu, may sarili kang paraan upang kamuhian ka ng mga taong nakapaligid sayo, subalit sa kabila nito ay magdadalawang isip parin silang saktan ka.” Ito na ang pangatlong pagkakataong tinanggihan siya ng Ikalawang Xuren ng Zhu. Kung ibang Xuren ang nasa kanyang harapan, nasisiguro niyang hindi na niya ito bibigyan ng pangalawang pagkakataong tanggihan siya. Subalit ang mahigpit na pagsara nito ng pinto sa kanya ay pagpapakita na hindi ito natitinag. Mistulang may tinatago itong patalim na maaaring makasugat sa kanya. “Sabihin mo sa akin kung ano ang makakapagpabago ng isip mo?”
“Ang lupain ng Nyebes ang pinagbuwisan ng buhay ng aking mga ninuno, subalit dinudungisan ito ng mga dayuhang barbaro. Kung bibigyan niyo ng hustisiya ang kalaspatangang ito. Ituturin ko itong isang malaking utang na loob sa inyo.”
Siyon, “Dayuhang barbaro?”
“Hindi ba nabanggit sa inyo ng Punong Opisyal na nanggaling sa iba’t-ibang lupain ang mga bandidong umatake sa atin ng araw na iyon? Umanib sila sa mga bandido ng Nyebes dahilan ng paglaki ng kanilang mga bilang. Anong meron ang lupaing ito para gapangin ng mga dayuhang barbaro? Hindi sapat ang armas upang makabuo sila ng malaking kilusan. Kung walang malaking tao sa loob ang nagpapapasok sa mga bandido, hindi nila magagawang makatapak sa lupaing ito.”
“Batid mo ba ang bigat ng iyong mga paratang?”
“Kung maduduwag akong banggitin kung sino sila, hindi ako matatawag na Xuren ng Zhu.” Tinabi ni Yura ang kopang natanggap niya mula sa Ikalawang Prinsipe. “Sa sandaling mapatunayan ko na hindi ito mga paratang lamang, hinihiling ko sa inyong hubaran ang mga opisyales na kabilang sa likod nito.”
“Yura Zhu, nais mong hamunin ang mga maharlika?”
“Hindi ba’t sila ang kahinaan niyo? Binibigyan ko kayo ng pagkakataong supilin sila. Kung hindi niyo ito magagawa ngayon,” dinama ng mga daliri ni Yura ang kopa na bumaba na ang temperatura, ng maramdaman niyang malamig na ito, marahang ibinalik niya ito sa Ikalawang Prinsipe. “Walang dahilan para mapabilang ako sa inyong pangkat.”
Makalipas ang mahabang sandali, naiwan ang Ikalawang Prinsipe ng mag-isa sa pagoda. Ang mga pagkaing nakahain ay nalipasan na ng init ng hindi nagagalaw. Natatawang tumayo ito paikot sa pagoda, ang kalansing ng ornamentong nakayakap sa buhok nito ay tila sumasabay din ng halakhak sa kanya. Hindi niya lubos akalain na siyang naglatag ng pain ay siyang pain din na gagamitin ng Lu Ryen sa kanya. Binibigyan siya ng desisyong tumanggi o kagatin ito. Ito na marahil ang pinakatusong tao na nakilala niya. Nabaliktad na ng Lu Ryen ang harap at likod ng lupain ng Nyebes habang pinagtatawanan nila ang isang mangangalakal at pinipiga ng kasagutan ang Punong Opisyal.
“Lu Ryen, sino sa tingin mo ang maglalakas ng loob na harangin ako?”
“Kamahalan, alam niyo ang sagot sa tanong niyo.”
Natigil ang Pangalawang Prinsipe sa pagtawa ng masagi ng kamay nito ang kopang bumagsak na lumikha ng matalim na ingay. Naglaho ang tuwa sa mga mata nito na napalitan ng mapanganib na ekspresiyon.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Kaori: Kanang bantay ni Yura
Won: Kaliwang bantay ni Yura
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Yiju: Ikatlong Prinsipe
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Jing: Pangunahing Xuren ng Punong Ministro/ Pinsan ni Hanju
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
Tien: Ang Pinakabatang Ministro ng Imperyong Salum
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply