This entry is part 6 of 16 in the series Lost Heart

Dumating ang itim na sasakyan sa mansyon nang sumapit ang malalim na  gabi. Tahimik ang paligid, tanging mahihinang huni ng mga kuliglig ang maririnig at malamlam na ilaw mula sa mga  chandelier ang nagbibigay-liwanag sa madilim na hallway. Sa bawat hakbang, ramdam ni Ar ang bigat ng pagod na bumabalot sa kanyang katawan, subalit nang mabungaran niya si Hale na mahimbing na natutulog, saglit na naglaho ang kanyang pagod.

Dahan-dahan siyang lumapit, nakatitig sa maamo nitong mukha. Payapa ang anyo ni Hale, ngunit kahit sa kanyang pagtulog ay tila may lungkot na nakaukit sa mga mata nito. Hindi maintindihan ni Ar kung bakit hindi niya kayang bitiwan ang dalaga. Ang kanyang malalim na damdamin rito ay hindi na maipaliwanag sa mga salita. Isang matinding pagkahulog, isang di-mapigilang emosyon, isang uhaw na hindi kailanman kayang pawiin ng dalawang taong pagkakakulong ng dalaga sa kanyang mga bisig.

Hinaplos niya ang pisngi nito, banayad ngunit may bahid ng pag-aangkin. Sa bawat araw na lumilipas, lalo lamang niyang gustong gawing kanya si Hale. Gusto niyang ilagay ito sa isang mundong siya lang ang may karapatan dito, isang mundong hindi ito kailanman makakatakas. Ngunit alam niya, na kung lalo niya itong ikukulong sa kanyang mga bisig, lalo lamang sisidhi ang kagustuhan nitong kumawala sa kanya.

Napupuno ng galit at takot ang mga mata ni Hale sa tuwing tititigan siya nito. Ngunit hindi niya ito kailanman bibitiwan. Dahil para sa kanya, walang ibang lalaking maaaring magmay-ari dito, walang sinumang pwedeng umangkin sa babaeng pumukaw ng kanyang damdamin—kundi siya lamang.

Ang mahinang hininga ni Hale ang huling narinig ng binata bago ito lamunin ng kanyang pagod sa mahabang gabi…

Nagmulat ng mata si Hale kinabukasan at agad na napapitlag nang mapagtantong may katawan na nakayakap sa kanya. Natigilan siya nang mapansing si Ar iyon—mahimbing ang tulog, tila mas kalmado kaysa sa nakasanayan niyang anyo nito. Pilit niyang inalala kung paano siya napunta sa sitwasyong iyon. Pinilit niyang manatiling gising kagabi, ngunit hindi niya namalayan na tuluyan pala siyang nakatulog.

Bahagyang napalunok si Hale, hindi alam kung paano siya makakawala nang hindi nagigising ang binata. Ngunit bago pa siya makagalaw, agad siyang hinila ni Ar pabalik sa yakap nito.

“Huwag ka munang gumalaw… gusto ko pang matulog,” bulong nito, malamig ngunit tila may bahid ng pagod.

Bumagal ang paghinga ni Hale, natatakot siyang uminit ang timpla nito. Pakiramdam niya’y muli siyang sinakal ng hindi nakikitang kadena. Ngunit kasabay ng poot ay isang kakaibang pakiramdam ang sumagi sa kanyang isipan nang maramdaman niyang bumalik ito sa pagtulog na maging siya ay naramdaman ang pagod nito.

Tumigil si Hale sa pagtatangka niyang kumalas sa binata. Namumuhi man siya kay Ar, ngunit nauunawaan niya ang sitwasyon nito, dahil naaalala niya ang sarili niya dito ng siya ang kinikilalang tagapagmana ng Montenor Corporation.

Ang bigat ng mga expectation at walang katapusang pressure mula sa mga taong nasa paligid niya. Alam niya kung paano maging isang tagapagmana ng mabigat na responsibilidad. Ngunit agad niyang itinakwil ang ideyang iyon. Paano niya nagawang maawa sa lalaking ikinulong siya sa loob ng dalawang taon? Ang taong dapat niyang kaawaan ay walang iba kundi ang sarili niya. Marahil malapit na siyang mahibang sa higpit ng kadenang sumasakal sa kanya.

Pagkatapos ng ilang sandali, nagising si Ar nang tuluyan at bumangon. Tahimik ang umaga, at kahit alam ni Hale na walang katiyakan ang pagiging kalmado ng binata, naramdaman niya na nasa mabuting mood ito. Nag-almusal sila nang walang imikan, at sa unang pagkakataon, hindi niya naramdaman ang matinding tensiyon. Ngunit hindi niya rin magawang kumilos nang malaya. Mas pipiliin niyang manatiling tahimik kaysa galitin muli ito. Pagod na siya sa paulit-ulit nilang argumento. Wala rin naman siyang napapala sa pagsuway dito. Sa huli, siya lamang ang napaparusahan.

Sa sumunod na mga araw, nanatili si Ar sa mansyon. Nakasanayan na ni Hale na makita itong umaalis upang asikasuhin ang negosyo ng kanilang angkan. Ngunit sa pagkakataong ito, pinili ni Ar na manatili sa tabi niya.

Naghintay si Hale kung kailan ito aalis, ngunit habang lumilipas ang mga oras, nanatili pa rin ito sa mansyon. Hindi ito natulog sa kwarto niya, hindi rin nagtatanong ng kahit na anong bagay upang kausapin siya—ngunit naroon lamang si Ar. Lagi itong nasa loob ng  kanyang library kung saan siya ay nagbabasa, habang nakatuon naman ang atensiyon nito sa mga dokumento at report sa trabaho. Ang tunog ng mga pahinang isinasara ay tila nagmamarka ng tahimik na tensyon sa pagitan nila.

Pakiramdam ni Hale ay hindi siya makagalaw nang malaya. Alam niyang naroroon lamang si Ar, tahimik na nagmamasid sa kanya kahit abala ito sa kanyang trabaho. Nakasanayan na niyang hindi masyadong nakikita si Ar, ngunit ngayon ay tila hindi ito umaalis sa kanyang tabi. Sa bawat galaw niya, nararamdaman niyang sinusundan siya ng presensya nito—hindi marahas, ngunit mahigpit. Parang hinahabol siya ng isang aninong hindi niya matakasan.

Dalawang araw ang lumipas bago ito tuluyang umalis upang asikasuhin ang panibagong proyekto. Nang lumabas ito ng mansyon, pakiramdam ni Hale ay muli siyang nakakahinga nang maluwag. Sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang araw, nagawa niyang umupo nang hindi nag-aalalang may matang nakasunod sa kanya. Ngunit kasabay ng kanyang ginhawa, may isa pang bagay na bumabagabag sa kanya—ang takot sa  tanong kung hanggang kaylan siya makukulong sa ganitong sitwasyon?

Pakiramdam ni Hale na sa bawat minutong lumilipas ay nawawalan na siya ng pag-asang makawala.

Lumilipas ang mga araw, buwan, at taon na ginugugul niya sa haligi ng mansyon na ito. Ang pagkawala ng presensiya ni Ar sa tabi niya ang tanging nagiging hangin upang malagpasan niya ang araw na ito.

Binalot ng kahungkagan ang puso ni Hale. Tunay na kamatayan lamang ang magpapalaya sa kanya.

Ngunit sinong mag-aakalang darating ang hindi inaasahang pangyayari na magbibigay sa kanya ng pag-asang makalaya sa kulungan nito.

Series Navigation<< CHAPTER 4: Held in the DarkCHAPTER 6: When She Was Gone >>