- Dangerous Thirst
- Prologue
- Chapter 1: Eighteen Again
- Chapter 2: Desperate Measures
- Chapter 3: Bargain for Freedom
- Chapter 4: Syven’s Warning Visit
- Chapter 5: Changing Fate
- Chapter 6: Second Chance
- Chapter 7: Losers but Loyal
- Chapter 8: Claiming his Heart
- Chapter 9: The Clash
- Chapter 10: Unspoken Tensions
- Chapter 11: A Life for Another
- Chapter 12: A Promise Remembered
- Chapter 13: Finding Light In The Darkness
- Chapter 14: A Night With Him
Anong gagawin mo kung alam mong oras mo na?
Marahil nais mong hanapin ang mga taong mahal mo sa buhay upang ilaan sa kanila ang natitirang panahon mo sa mundo, at gawin ang mga bagay na di mo nagawa dahil ang buong akala mo’y marami pang pagkakataon na darating ito sa’yo.
Ngunit paano kung wala nang natitirang pagmamahal sa puso mo para sa mga taong akala mo’y tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa’yo?
Paano kung natikman mo na ang lahat ng klase ng alak, droga, babae, at lahat ng tukso na kayang bilhin ng pera?
Paano kung nawalan ka na ng interes sa kahit na anong bagay o sa kahit na sino man?
Paano kung ang nais mo lang ay pabilisin ang oras upang tuluyan ka nang mawala sa mundo?
Iyon ang mga tanong na naglalaro sa isipan ni Syven habang inaalalayan ito ng dalawang private nurse upang inumin ang mga tableta ng gamot. Puno ng pasa at malalim na sugat ang kanyang katawan. Parehong nabali ang dalawa niyang kamay, kaya bawat pagkilos na kanyang gagawin ay dapat na may umaalalay sa kanya. Mistulang bumalik siya sa bagong silang na sanggol na kailangan ng matinding pag-iingat.
“Ako na ang bahala sa kanya. Iwan niyo muna kami.”
Utos ng bagong pasok sa silid na si Silas. Magalang na walang tugon na lumabas ang mga nurse sa malawak na kwarto. Maingat na inalalayan ni Silas ang kapatid na sumandal sa headboard ng kama. Puno ng pag-aalala ang mga mata nito na tila ito ang nahihirapan sa kondisyon ni Syven.
“Kuya, kailangang mainom mo sa tamang oras ang mga gamot para hindi mo maramdaman ang kirot ng mga sugat mo.”
Kinuha ni Silas ang gamot at tubig upang alalayan ang kapatid. Walang pag-aalinlangan na tinanggap ni Syven ang mga gamot. Bahagyang sumilay ang ngiti sa sulok ng labi ni Silas na mabilis din nitong napagtakpan ng mapait na ngiti.
“Buong magdamag na nasa tabi mo si Faye kaya pinilit ko muna siyang magpahinga—”
“Iyon na ba ang huling tableta ng gamot?”
Sinalubong ni Syven ang mga mata ni Silas. Sa kabila ng maputlang kulay ng balat nito at mga pasa’t sugat sa katawan ay kababakasan pa rin ng kakaibang karisma ang anyo ni Syven na kinahuhumalingan hindi lamang ng kababaihan.
“Dapat ba akong matuwa na gusto mong maging manhid ako hanggang sa huling hininga ko?”
Malalim na linya ang bumakas sa noo ni Silas na napalitan ng matinding pagkabigla. Umangat ang palad nito upang takpan ang mukha at itago sa dalawang pares ng mata na nagmamasid sa kanya.
Nauwi sa matining na halakhak ang naging tugon nito sa tanong ni Syven. Nawala ang maamong ekspresyon na lagi nitong suot kapag kaharap nito ang kapatid. Lumitaw ang tunay nitong mukha. Ang mukhang tinatago nito sa tuwing na kay Syven ang atensyon ng lahat. Sa tuwing ito ang laging hinahanap ng kanilang Ama at hindi siya.
Hawak-hawak ni Silas ang tiyan habang pinipigilan ang pagsungaw ng mga luha niya sa labis na tuwa. Nang kumalma ay muli niyang sinalubong ang tingin ng kapatid.
“Nakita mo na ang mga tinik na nilatag ko para sa’yo subalit hinayaan mo ang sarili mong tumapak sa mga pain ko? Kung gusto mo nang maglaho, bakit hindi mo pa ito ginawa nang mas maaga? Bakit kailangan mong sirain ang pangalan ng kumpanya? Bakit kailangan mo pang pakasalan si Faye?!”
Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Syven habang nakikita niya ang matinding pagkamuhi sa mga mata ni Silas. Ang kapatid na dating iniingatan at prinotektahan niya ay siya ring kikitil ng buhay niya.
“Hanggang ngayon, hindi mo pa rin alam kung bakit?”
Sa kabila ng abnormal na pagbabago ng kanyang paghinga ay kalmado pa rin ang kanyang ekspresyon na tila kuntento na siyang lisanin ang Ama na sinukuan siya sa panahon na kailangan niya ito. Mga kaibigan na tinuring niyang tunay na kapatid ngunit mas piniling talikuran siya. Kasintahan na buong akala niya’y sa kanya subalit nagpaangkin sa kanyang kapatid.
Tunay na nabuhay si Syven sa isang malaking kasinungalingan, at ang kasinungalingang iyon ang kumitil sa pagkatao niya.
“Gusto kong itanim sa’yo na kahit anong gawin mo ay magiging pangalawa ka lang sa mata ng lahat. Nabulag ka ng mga plano mo kung paano ako burahin kaya hindi mo nagawang protektahan ang mga bagay na gusto mong makuha sa akin. At kahit mapunta ang mga ito sa’yo, nadungisan na ito ng mga kamay ko. Silas, gusto kong isaksak sa isipan mo na mananatili ka sa likod ng anino ko kahit na mawala ako.”
Ang makita ang labis na poot ni Silas sa kanyang huling sandali ay ang pinakamasayang baon niya sa kabilang buhay. Kahit gaano pa kasidhi ang pagnanais nitong maghiganti sa kanya, mawawalan ito ng saysay kung wala na siya upang masaksihan ito. Ito ang pinakamatamis na regalong iiwan niya sa kapatid.
Hinayaan niyang magtagumpay ang mga plano nito. Kahit alam niya ang mangyayari sa kanya sa sandaling sumakay siya sa sasakyang sumundo sa kanya sa airport, ay tumuloy pa rin siya. Kahit alam ni Syven na may lason ang mga tabletang binibigay sa kanya, hindi niya ito tinanggihan. Sa halip, sinigurado niyang maiinom niya ang bawat tableta ng gamot. Ito ang naisip niyang paraan upang pagbayaran ang kasalanan niya sa taong iyon.
Sa huli, ang kaibigan na sinukuan at tinalikuran niya ay siyang tanging tunay na nagmamalasakit sa kanya. Binigo niya ito at huli na upang magsisi siya.
Payapang ipinikit ni Syven ang kanyang mga mata. Nakahanda na siyang harapin ito kahit na singilin siya nito sa kabilang buhay…
Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.