This entry is part 3 of 16 in the series Dangerous Thirst

“Kuya? Kuya?”

Nagising si Syven sa mahihinang tapik sa braso niya. Pagmulat niya ay bumungad sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Sylas. Napapikit siya ng mariin at nasambunot ang sariling buhok nang umatake ang matinding kirot sa kanyang sentido. Muling naaninag ng paningin niya ang mukhang huli niyang nasilayan bago siya nawala sa mundo. Hindi niya alam kung saan siya nakaipon ng lakas upang tamaan ang mukha nito palayo sa kanya.

“K-Kuya..?” Natitigilang napahawak si Sylas sa kaliwang pisngi na nakatanggap ng mabigat na suntok mula sa kapatid. Hindi siya nagulat sa sakit; sa halip, nagulat siya dahil ito ang unang pagkakataon na pinagbuhatan siya ng kamay ni Syven. Kahit gaano ito malasing o magwala, ni minsan ay hindi siya nito sinaktan. Hindi lamang si Sylas ang nagulat kundi maging ang driver na kasama nila sa loob ng sasakyan ay nabigla rin sa kanyang nasaksihan.

Pinahinto ni Sylas ang sasakyan sa labas ng mansion upang gisingin si Syven bago sila pumasok sa loob. Alam niyang naghihintay ngayon sa kanila ang kanilang Ama, kaya naman gusto niyang ayusin muna ni Syven ang sarili nito bago nila ito harapin. Pareho silang nakasuot ng school uniform ngunit nangangamoy alak si Syven, ebidensiya na hindi ito nanggaling sa school.

Kung ikinagulat ng dalawa ang nangyari, pagkamangha naman ang naramdaman ni Syven nang maramdaman niya ang pagtama ng mukha nito sa kamay niya na tila bumalik ang buong lakas niya sa katawan.

Napatitig si Syven sa kanyang kamay na walang ano mang marka ng sugat ng pagkaaksidente niya. Lumipat ang tingin ni Syven kay Sylas at unti-unting nagiging malinaw sa kanya ang anyo nito. Ito ang kapatid niya, ngunit bakit bumata ito ng husto? Naguguluhang bumaba ang tingin ni Syven sa damit ni Sylas. Lalong lumalim ang kanyang pagkamangha. Kulang ba ang tabletang nainom niya kaya hanggang ngayon ay buhay pa siya at nababangungot? Nais niyang humagalpak ng tawa.

“Sylas? Kung papatayin mo ako, bakit hindi mo gawin ng tama?!”

Noon pa man ay palpak na ito, lagi itong may naiiwang butas na kahit hindi niya ito galawin ay wala pa rin itong magagawa sa kanya. Kung hindi niya sinakyan ang mga inihain nitong pain, hindi ito magkakaroon ng pagkakataong lamunin siya ng buhay. Ngunit bakit nandito pa rin siya? Sadya bang napakasama niyang damo at napakahirap niyang patayin?

“Sir Sylas, malapit na pong pumatak ang curfew niyo.” paalala ng driver na nagsisimula nang kabahan. Hindi lang ang dalawang batang amo niya ang malilintikan, kundi maging siya na driver ng mga ito dahil hindi niya naihatid ng maaga ang magkapatid.

“Kuya…”

“Ugh! Isa pang beses na tawagin mo ako ng ganyan, dudukutin ko na ang dila mo!” si Syven na muling napapikit ng mariin nang umatake ang matinding kirot sa sentido niya.

“….….”

“Sir, hindi kaya gumamit si Sir Syven—”

“Imposible. Pinatest na siya ni Dad at negative ang lahat ng result niya.”

“Pero last week pa po ‘yun, sir,” nababahalang giit ni Gabs. Dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa pamilyang ito kaya sapat na ang panahong iyon upang malaman niya ang nangyayari sa loob. Sunod sa layaw ang unang anak kahit gaano pa kahigpit ang Ama nito. Habang ang pangalawang anak ay lumaking masunurin at responsable. Maihahambing sa itim at puti ang personalidad ng dalawa. Iisa lang ang kanilang ama subalit napakalayo ng pagkakaiba nila sa isa’t isa.

Hindi maintindihan ni Sylas ang nangyayari sa Kuya niya. Nakakabahala man ang inaasal nito, ngunit may mas mabigat pa siyang problema—ang Ama nila. Labag sa loob na tumuloy sila sa mansion bago pumatak ang curfew na binigay sa kanilang dalawa. Mas mainam nang bumaba ang kanilang sentensiya sa halip na madagdagan ito.

Mula pa noong bata sila, kahit si Syven ang nagkasala, pareho pa rin silang binibigyan ng parusa. Bagaman sabay silang dinidisiplina, mas mabigat ang parusang natatanggap niya. Pinaparamdam sa kanya na mas matimbang ang una nitong anak. Kasalanan ba niya kung nailuwal siya sa pangalawa nitong asawa? Wala siyang karapatang magalit, magrebelde, at magkamali dahil hindi makapangyarihang babae ang kanyang Ina. Hanggang kailan siya magtatago at panoorin kung paanong malayang nagagawa ni Syven ang mga bagay nang walang takot habang siya ay puno ng kaba na harapin ang kanilang Ama.

Halos bumaon ang kuko sa palad ni Sylas habang tinatanggap niya ang mabibigat na hampas sa kanyang katawan. Natapos na ito kay Syven na nakalugmok na ngayon sa sahig. Hindi matukoy kung dahil sa sobrang kalasingan o sa bigat ng palong natanggap nito kaya nawalan ito ng malay.

“Gusto mong pagtakpan ang ginagawa niya o gusto mong iligtas ang sarili mo?” Tinupi paakyat ni Callius ang manggas niya upang bigyan ng mas mabigat na parusa ang duwag na supling na nasa harapan niya. Sa pag-angat ng kanyang kamay ay pagbukas naman ng pinto ng study room.

Pumasok ang magandang ginang upang pigilan ang asawa nito.

“Tama na.”

“Sandra! Huwag mo akong tuturuan kung paano disiplinahin ang mga anak ko.”

“Nakikiusap ako sa’yo, utang na loob, patawarin mo na ang mga bata. Hanggang kailan mo hahayaang nakalatag si Syven sa malamig na sahig?” Bumaba ang tingin ni Callius sa kanyang panganay na wala nang malay. Kinuha ni Sandra ang pagkakataong nag-aalinlangan ito. “Huminahon ka muna. Hindi kita pipigilan bukas kung nais mo silang disiplinahin pero sa ngayon, wala sa kondisyon si Syven na tanggapin ang parusa mo.”

Napahugot ng hangin at binaba ni Callius ang golf club nito. “Alisin mo sila sa paningin ko bago pa magbago ang isip ko.”

Agad na tinawag ni Sandra ang mga katulong na tulungan siyang buhatin si Syven mula sa sahig. Nanghihina naman ang tuhod ni Sylas nang tumayo ito mula sa pagkakaluhod. Nakita niya kung paano alalayan ng Mommy niya si Syven habang kahit isang sulyap ay hindi siya nito tinapunan ng tingin. Siya ang tunay na anak nito pero anak ng ibang babae ang nais nitong alagaan.

Ibinagsak ni Sylas ang katawan sa kama nang sandaling makapasok siya sa loob ng kanyang silid. Ibinuga niya sa malambot na unan ang mapait na ungol na gustong kumawala sa lalamunan niya. Walang maririnig na ano mang ingay nang mabasa ang tela ng unan sa sunod-sunod na pagpatak ng luhang kanina niya pa kinikimkim.

Sa labas ng pinto nito ay nag-aalalang kumakatok si Sandra habang mahinang tinatawag ang pangalan ng kanyang anak.

“Sylas, buksan mo ang pinto. Sylas?” Wala siyang marinig na ano mang tugon mula sa loob. Nanghihinang bumaba ang kamay ni Sandra nang hindi siya pagbuksan ni Sylas. Kailangan niyang mahalin ang unang anak ng kanyang asawa upang protektahan ang sarili niyang anak. Ito ang tanging paraan para mabuhay sila sa pamilyang ito.

“Pangako, hindi habang buhay kitang itatago.” Mahinang usal ni Sandra bago nito nilisan ang nakasarang pinto.

Samantala sa kabilang kwarto…

Bumukas ang mga mata ni Syven nang lisanin ng mga katulong ang kanyang silid matapos nilang alalayan siya sa kama. Kung hindi pa siya magising pagkatapos niyang makatanggap ng mabibigat na hampas, ay tiyak na hindi na siya magigising sa panaginip na ito.

Hindi siya napunta sa kabilang buhay kundi ibinalik siya sa nakaraan na sampung taon na ang nakalipas. Hindi makakalimutan ni Syven ang nangyaring ito sa kanya dahil dito na nagsimula ang bangungot ng buhay niya. Napakaimposibleng mangyari, ngunit ito ang kasalukuyan.

Nang malunod siya sa droga at alak, hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang nagising sa condo ng mga babaeng hindi niya maalala ang mukha. Nahasa ang isip niyang sumabay sa agos, ngunit sa pagkakataong ito, hindi agos kundi isang malaking alon ang tumangay sa kanya.

Napabalikwas ng bangon si Syven nang may importanteng bagay siyang napagtanto. Kung bumalik siya sampung taon ang nakaraan… ibig sabihin ay buhay pa ang taong iyon?!

Series Navigation<< PrologueChapter 2: Desperate Measures >>