This entry is part 16 of 16 in the series Dangerous Thirst

Nang pumasok si Syven sa bedroom ni Bryant, ang una niyang napansin ay ang basketball na nakalagay sa sentro ng shelf nito. May mga nakasulat na pagbati mula sa iba’t ibang tao ang nakabalot sa bola. Katatapos lang ng ikalabing-walong na kaarawan ni Bryant. Ito rin ang araw na hinila siya sa panahong ito. Nagkataon lang ba o sadyang ito ang dahilan ng pagbabalik niya? Ano man sa dalawa, ay hindi na magbabago ang desisyon niyang ilayo ito sa panganib.

Lumipat ang tingin ni Syven sa dulo ng kama kung saan nakalagay ang damit na kanyang pampalit. Nang buksan niya ang shower room, ay nakahanda na sa loob ang toothbrush at towel niya. Sanay na siyang pinagsisilbihan mula noong bata siya, kaya bakit iba ang dating sa kanya kapag si Bryant ang gumagawa nito?

Ilang araw lang ang tanda ni Bryant sa kanya, pero kung ituring siya nito ay mas bata siya ng ilang taon. Kung naging kapatid niya ito, maaaring maging tahimik ang buhay niya, subalit magiging mahina siya. Dahil alam niyang nandiyan ito upang lunasan ang anumang sugat na matanggap niya. Binigyan siya nito ng lugar kung saan malaya niyang nailalabas ang takot sa dibdib niya, aakuin nito ang lahat ng iyon hanggang sa gumaan ang kinikimkim niyang bigat.

Ang proteksiyong binigay nito sa kanya noon ay hindi naramdaman ni Syven sa mga dumating na bago niyang kaibigan. Hindi niya mahanap sa kanila ang nakita niya kay Bryant.

Nang lumabas si Syven sa shower room, ay naabutan niya si Bryant na kumukuha ng unan sa kama. Nababagot na pinupunasan ni Syven ng towel ang buhok niya.

“Dito ka na matulog.” Malaki ang kama nito para sa kanilang dalawa. Hindi niya kailangang palayasin ito sa sarili nitong kwarto.

“Saan ka pupunta?” Napakunot-noo si Syven nang makita niyang lalabas pa rin ito ng silid.

“Nakabukas ang ilaw sa living room,” tugon nito nang hindi tumitingin sa kanya.

Natatawang tinapon ni Syven ang towel niya dito.

“Kung nagtitipid ka, bakit hindi ka na lang lumipat sa lugar ko? Marami akong bakanteng kwarto.”

Sinalo ng braso ni Bryant ang towel at hinawakan iyon bago mahulog sa sahig.

“Huwag kang matutulog nang basa ang buhok mo,” saway ni Bryant kay Syven nang makita nitong humiga na ito nang hindi pa nito lubusang napapatuyo ang buhok niya.

Hindi ito pinansin ni Syven. Hindi niya maintindihan kung bakit madali siyang higupin ngayon ng antok. Sinubsub niya ang kalahati ng mukha niya sa malambot na unan. Lalo siyang lumubog sa kawalan nang maamoy niya ang pamilyar na halimuyak na nagpapakalma sa kanya. Nahulog si Syven sa malalim na pagkakatulog na hindi niya naramdaman ang mga daliring dumaan sa buhok niya.

Maaliwalas ang sikat ng araw nang dumating ang umaga.

Ang aroma ng umuusok na kape ay kumakalat sa dining table. Napapangiti ang mga katulong sa masiglang pag-uusap ng pamilyang kanilang pinagsisilbihan.

Nakangiting tinanggap ng panganay na anak ang inihaing agahan ng magandang ginang sa kanya, habang ang ama ng pamilya ay nagpapayo sa mga anak nito tungkol sa mga bagay na makakatulong sa mga magiging desisyon nila sa hinaharap.

Napuno ng matunog na tawanan ang dining room nang tuksuhin ng ina ang kanilang bunso tungkol sa classmate na nililigawan nito. Hanggang sa mapunta ang atensiyon nila sa panganay nang ipaalam dito ng katulong na may dumating itong bisita. Mabilis itong tumayo upang salubungin ito. Hindi maitatago ang tuwa sa mga mata nito para sa bagong panauhin.

Mariing nagsalikop ang palad ng dalawa nang makita nila ang isa’t isa…

Nagising si Syven mula sa malalim na pagkakatulog. Hindi na niya maalala ang huling beses na nakatulog siya nang mahimbing nang walang tulong ng alak.

Naramdaman niyang wala siyang katabi. Bakante ang nasa kaliwa niya na tila walang gumamit nito. Napilitang bumangon si Syven kahit gusto niya pang magbabad sa higaan. Kumpara sa lawak ng inookupa niya sa hotel, ay napakaliit ng lugar ni Bryant. Napagtanto ni Syven na hindi niya kailangan ng malawak na tuluyan o malaking villa para maramdaman niya na may lugar siyang uuwian.

Awtomatikong umangat ang kamay niya sa kanyang sentido, pero wala siyang makapang anumang bigat na madalas niyang nararamdaman sa tuwing gumigising siya.

Nang lumabas siya ng kwarto, ay naabutan niya si Bryant na naghahanda ng agahan sa bilog na dining table.

“Mabuti naman at hindi na instant noodles ang ihahanda mo sa akin,” si Syven na umupo at isa-isang tiningnan ang niluto ni Bryant.

Bacon and scrambled eggs? Kumpara sa mga pagkain na hinahanda sa kanya sa hotel, ay napakatamlay nito. Hindi na hinintay ni Syven na saluhan siya ni Bryant. Sinimulan na niyang tikman ang pagkain nang makaramdam siya ng gutom.

“Uminom ka muna, baka mabulunan ka.” Si Bryant na naglagay ng tubig sa tabi ni Syven.

“It’s too bland,” komento ni Syven pagkatapos niyang uminom. Nakakapagtakang hindi naghahanap ng alak ang sikmura niya.

Kumuha ng tissue si Bryant at mariing pinahid sa gilid ng labi ni Syven na may bahid ng ketchup.

“Ah?!” angil ni Syven dito, at agad na umiwas. Nakita niya ang ngiti na hindi ngiti sa labi ni Bryant.

“May practice ako mamaya, kaya ihahatid na lang kita.”

“Walang pasok pero nagpa-practice pa rin kayo?”

“May nilabas akong damit na pwede mong gamitin.” Pag-iiba nito.

Natigil ang pag-uusap nila nang tumawag ang kasama ni Bryant sa kabilang unit at lumabas ito. Hinanap ni Syven ang phone niya nang maalala niyang may usapan sila ni Ellis na magkikita sila.

Nakita niya ang phone sa center table ng living room, kasama ang susi ng sasakyan niya. Nagtaka siya nang mapansin niyang naka-off ito. Agad na tinawagan ni Syven si Ellis at hindi na niya hinintay na ito ang tumawag sa kanya. Sinabi niyang naiwan ang phone niya sa hotel kaya hindi siya nito matawagan.

“I’m at your place now. Where are you, Syven?”

Gustong iumpog ni Syven ang kanyang noo sa pader. Nakalimutan niyang binigyan niya ng access si Ellis sa lugar niya upang makuha ang buong tiwala nito, pero sumablay na naman siya. Ano bang tinatago niya at kailangan niyang magsinungaling dito?

“Huwag kang mag-iisip ng kahit na ano, hintayin mo ako diyan at magpapaliwanag ako.”

Nagmamadaling nagpalit si Syven at kinuha ang susi ng kanyang sasakyan. Binigyan niya ng huling sulyap ang lugar bago siya lumabas. Pakiramdam niya ay may naiwan siyang importanteng bagay.

Sinalubong si Bryant ng nakakabinging katahimikan pagbalik niya sa loob ng kanyang kwarto.

Series Navigation<< Chapter 13:  Finding Light In The Darkness