This entry is part 10 of 15 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

Huminto sa pagsasanay ang mga batang Goro upang salubungin ang pagdating ng kanilang Punong Heneral. Nasa siyam na taong gulang ang pinakabatang mandirigma na sinasanay ng hukbo. Ang mga bihasang mandirigma ay kumukuha ng pinili nilang batang Goro upang personal nilang hasain at ipasa ang talento sa pakikipaglaban. Ang ibang mga batang mandirigma naman ay mga anak ng Goro na pinalaki sa kampo ng hukbo. Papayagan lamang silang sumama sa digmaan kung pumasa sila sa mga mapanganib na pagsubok. Masigasig na nagsasanay ang mga ito upang paghandaan ang araw na iyon. Hinubog sila ng mga gerero, kaya hindi lamang ang kanilang pisikal na kakayahan ang pinatibay kundi maging ang kanilang kaisipan.

Kababakasan ng pagkasabik ang mga batang mandirigma nang malaman nilang dumating ang Punong Heneral na lubos nilang nirerespeto. Ngayon lang nila muling makikitang makumpleto ang pamilya ng Punong Heneral dahil nakabalik na rin ang Pangalawang Xuren na matagal na nawala.

Nang huminto ang malaking karwahe, sinalubong ng Punong Katiwala ng tahanan ang pagbaba ni Heneral Yugo at ng kanilang Ximo. Ang Punong Tagapaglingkod ng tahanan ng Punong Heneral ay dating isa sa pinakamahusay na mga heneral ng hukbong Goro, subalit nang magtamo ito ng malubhang sugat mula sa madugong laban, hindi na muli itong nakahawak ng sandata. Wala na itong pag-asang mabuhay kung hindi dahil sa Xirin ng tahanan, na henyo sa medisina. Kahit nawala na ang husay nito sa pakikipaglaban, ito pa rin ang tauhang pinagkakatiwalaan ng Punong Heneral.

Sa loob ng dalawang araw na inilagi ng mag-asawang Zhu sa Templo ng Siam, hinarang ni Yeho na maiparating sa magulang niya na nakabalik na si Yura upang bigyan ang mga ito ng payapang mga araw…

“Sino ang nagpabalik sa kanya?!” sumabog ang tinig ng Punong Heneral ng makita nito si Yura sa loob ng pasilyo.

“Ako ang nagdesisyong bumalik.”

“Kapag pinapabalik kita, mas lalo kang lumalayo, at ngayong pinapalayo kita, kusa kang bumabalik! Yura Zhu, wala na bang halaga sayo ang mga salita ko?!” Nangangalit na alon ang anyo ng Punong Heneral na ano mang oras ay may nais itong lamunin. “Malinaw ang mensahe na pinadala kong liham sa’yo. Pumunta ka sa Hilagang Imperyo, at ang Tiyuhin mo ang haharang sa sino mang magtatangkang maghanap sa’yo. Bakit hindi mo iyon sinunod?! Kung ginawa mo, iyon makakagawa pa ako ng paraan—”

“Sino ba ang tinatakasan ko? Ang Emperador ng Salum? O ang lihim na kinatatakutan ninyong malantad?”

“Yura, kaligtasan mo ang iniisip namin. Bakit kailangan mo kaming suwayin?” si Sula, nang maramdaman niyang buo ang loob ng anak niya sa desisyon nito.

“Ina, hindi ko kayo sinisisi ni Ama. Naiintindihan ko ang desisyon niyo noon, at hanggang ngayon ay hindi ito mali sa paningin ko.” Alam ni Yura na sinisisi ng mga magulang niya ang sarili nila, marahil iniisip nilang ito ang naging kabayaran ng pagtatakip nila sa tunay niyang pagkatao. “Tanggap ko ang desisyon ninyo para sa akin, kaya tanggapin niyo rin ang desisyon ko.”

Malalaki ang mga hakbang ng Punong Heneral papunta kay Yura. Kinabahan ang lahat at nagpaikli ng kanilang paghinga. Ngayon lang nila nakita ang matinding galit na nakaukol sa bunso nitong anak. Nanatili si Yura sa kinatatayuan niya at hinintay ang hatol ng kanyang Ama.

Nakulong ang mukha ni Yura sa mga kamay ng Punong Heneral. Ramdam niya ang bakas ng mga galos at malalim na sugat na naging marka ng mga laban nito. Marami nang taon ang nadagdag sa kanyang Ama ngunit ang mga digmaan ay nagpapatuloy pa rin. Hindi man mabilang ang mga taong nasawi sa mga kamay nito, nararamdaman niya pa rin ang init sa mga palad ng Punong Heneral. Kung maaari niya lang akuin ang lahat upang hindi na muling madagdagan ang galos sa palad ng kanyang Ama ay tatanggapin ni Yura.

“Protektahan mo ang lihim mo. Gumamit ka ng patalim kung kinakailangan.” Mahinang wika ngunit mahigpit na paalala ng Punong Heneral.

Sapat na ang mga salitang iyon upang gumaan ang mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ni Yura.

“Nandito lang kami ni Yanru, hindi namin siya pababayaan.” Si Yeho na nasa tabi ng kanyang Ina.

“Isusugal ko ang buhay ko sa sandaling malagay siya sa kapahamakan.” Dagdag ni Yanru.

Hindi malaman ng Punong Heneral kung matutuwa o mangangamba dahil nagkaroon siya ng mga anak na mas matalas, mas tuso, at mas mapangahas sa kanya. Pinili niyang maging Punong Heneral upang maprotektahan niya ang mga ito ngunit nadiskubre niyang ang mga anak niya ang magsisilbing sandata niya. Kumalma ang tila hampas ng mga alon sa kanyang dibdib at tinignan ang kanyang asawa. Ang katigasan ng mga anak nilang sumuong sa panganib ang namana ng mga ito sa kabiak niya.

“Sula.” Tawag niya sa asawa. Nabasa nito ang nasa isip niya nang magtama ang kanilang paningin. Sumusukong napatango ang Ximo dahil alam niyang wala na siyang magagawa. Nababalot sila ng tensiyon sa halip na magdiwang dahil nakumpleto na ang kanilang pamilya.

Nagkaroon ng simpleng kasayahan sa loob ng tahanan ng Punong Heneral. Inimbitahan ang mga Goro at ang mga batang mandirigma na dumalo sa salo-salo. Hindi nakakalimutan ng Punong Heneral na maglaan ng espesyal na okasyon para lamang sa kanyang pamilya at hukbo. Nasanay siyang magkaroon ng pagdiriwang para sa kanyang mga mandirigma bago niya isugo ang mga ito sa madilim na digmaan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang bunso niyang anak ang isusugo niya sa Palasyo ng Imperyo. Ang bigat sa dibdib ng Punong Heneral ay napalitan ng tuwa ng makita niya ang kasiyahan sa malawak na bakuran.

Malayang sumilay ang ngiti sa mga mata ni Yura nang masilayan niyang sumasayaw ang mga batang Goro gamit ang kanilang mahahabang espada na mistulang mas malaki pa sa kanila. Maagap na sinalo ni Kaori ang espada na nabitawan ng batang mandirigma at siya ang nagtuloy ng sayaw na lalong ikinatuwa ng lahat. Hinagis ni Kaori kay Won ang espada at ito naman ang nagtuloy ng sayaw. Marami ang sumali at nagtuloy ng sayaw na inabot ng buong magdamag.

Ito ang mga panahong mararamdaman ni Yura na siya ay tunay na nabubuhay, para masaksihan ang ganitong tanawin at marinig ang musika ng halakhakan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Ang tuwa sa mga mata ng mga ito ang pinakamabisang medisina sa mga mapait na alaalang bumabalik sa kanya. 

Tinikman ni Yura ang alak na ibinigay ng batang Goro. Naging matamis ang halimuyak nang inumin ng humalik ito sa labi niya. Napagtanto niyang ilusyon lamang ang lahat ng bagay na nakikita ng kanyang mga mata at natitikman ng kanyang panlasa, ang mahalaga ay kung sino ang nagbibigay nito sa’yo.

Sinalo ni Yura ang espada nang mapunta ito sa direksiyon niya. Tumigil ang lahat sa pagsasayaw at naukol ang mga mata nila sa Pangalawang Xuren.

Hinagis ni Yura sa hangin ang hawak niyang kopa na may lamang alak bago niya sinunod ang kanyang katawan. Itinaas niya ang espada upang saluin ang kopang nahuhulog mula sa taas. Nanatiling puno ang laman ng kopa at walang patak ang nasayang nang masalo ito ng dulo ng espada.

Pigil ang hininga ng mga batang Goro, makikita sa kanilang mga mata ang matinding paghanga. Hindi nila gustong kumurap sa takot na mayroon silang hindi masaksihan. Ilang ulit na pinaglaruan ni Yura ang kopa bago niya ito pinasa sa mga batang mandirigma na nag-uunahang makuha ito.

Nahagis ang kopa sa hangin hanggang sa maubos ang huli nitong patak…

Series Navigation<< ANBNI | 8: Ang Pang-anim Na PrinsipeANBNI | 10: Pulang Parada >>