This entry is part 3 of 16 in the series Lost Heart

Nananakit ang katawan nang bumangon si Hale mula sa kama. Nakahinga siya ng maluwag nang matagpuan niyang mag-isa siya sa loob ng kanyang silid. Binalot niya ng kumot ang hubad niyang katawan na puno ng mga pantal. She felt sore all over. Hirap siya sa bawat hakbang patungo sa bathroom. Maraming minuto ang lumipas bago siya nakapasok sa loob. Bakas ang maliliit na butil ng pawis sa kanyang noo.

Napahinto lamang si Hale nang makita niya ang sarili niyang larawan sa salamin.

She looked dull.

Frail.

And lost…

Hindi na niya makilala ang Hale Montenor na nasa harapan niya ngayon. Habang tinititigan niya ito nang matagal, tila nagiging estranghero ito sa kanyang paningin.

She used to be playful.

Uncontrolled.

Fearless.

Subalit ngayon, nawala na ang lahat sa kanya—ang magulang niya, si Kiel, at ang sarili niya.

Binawi ni Hale ang tingin sa salamin nang makaramdam siya ng paninikip sa kanyang dibdib. Binabad niya ang sarili sa maligamgam na tubig ng bathtub. Napapikit siya habang unti-unting iniibsan ng init ang panlalamig ng kanyang katawan. Niyakap ni Hale ang sarili at pinatong ang noo sa kanyang tuhod. Mistula siyang sanggol na nasa sinapupunan pa ng kanyang ina. Wala na siyang lakas upang labanan ito.

Marahil hindi na niya mahihintay ang panahong pakakawalan siya ni Ar. At kung dumating man ang sandaling palayain siya nito, magiging huli na ang lahat—wala na siyang babalikan. Nang malaman ni Hale na naghiwalay ang kanyang mga magulang at na-engage sa iba ang fiancé niya, pakiramdam niya ay nakalimutan na siya ng mundo. Sa loob ng dalawang taon, hindi ba siya hinanap ng mga ito?

Alam niyang hindi maikukumpara ang impluwensya ng angkan ng Fuentero sa pamilya niya. Dahil kung malawak na imperyo ang hawak ng binata, isang munting kastilyo lamang ang sa angkan niya. Subalit umaasa pa rin siyang mahahanap siya ng mga ito. Kung hindi man, gusto niya pa ring isiping hinihintay siya ng mga ito at hindi siya nabura sa isipan nila. Ang pinakamasakit na sugat ay ang makalimutan ka ng mga taong mahal mo.

Hindi namalayan ni Hale na lumamig na ang tubig sa tub. Ilang mahihinang katok sa labas ng bathroom ang gumising sa kanya.

“Hale?” nag-aalalang tanong ni Fein nang mapansin niyang matagal nang hindi lumalabas ang dalaga. Dala niya ang tray ng agahan ni Hale. Dalawang beses na nitong pinalitan ang soup dahil lumamig na ito sa paghihintay.

Pagkalipas ng ilang sandali, lumabas na si Hale mula sa bathroom suot lamang ang puting roba.

“OMG, huwag mong sabihin sa akin na nakatulog ka na naman sa bathtub?” kinakabang lumapit si Fein sa namumutlang dalaga.

“I’m fine,” maikling sagot ni Hale. Nilagpasan niya ang batang katulong at dumiretso sa walk-in closet para magpalit.

“Okay ka, pero ako hindi,” si Fein na tahimik na dumaing ng kanyang saloobin. “Gusto mo bang ma-demote ako sa paghuhugas ng plato? Naalala mo ba noong minsang magkasakit ka dahil naulanan ka sa garden? Nang araw din na iyon, pinalitan ang bantay mo at dinala sa old mansion para maging tagadilig ng halaman. At nang mapaso ka sa gatas dahil maaga mo itong ininom, alam mo bang pinainom ni Sir Ar ng bagong kulong tubig ang maid na nagbigay sa’yo ng mainit na gatas?”

Kung ililista ni Fein ang pangalan ng mga taong naparusahan dahil kay Hale, tiyak na mapupuno ang isang pahina. Maraming nangyari sa loob ng mansion dahil sa pagdating nito. Ang alam nila’y walang interes si Sir Ar sa mga babae dahil walang nakakalapit sa kanya, gaano man kaganda o kaelegante ang mga ito. Kaya isa siya sa mga lubos na nagulat nang unang dumating si Hale sa mansion. Ang amo nila na hindi nagpapakita ng anumang emosyon ay nawawalan ng kontrol pagdating dito.

Lumabas ang dalaga mula sa walk-in closet. Bumukas ang bibig ni Fein ngunit nawala ang mga salitang gusto niyang sabihin. Hale was only wearing a simple vintage swing dress, but she looked incredibly beautiful. Hindi nila masisisi si Sir Ar kung bakit nahulog ito nang husto sa dalaga. Kahit sinong lalaki ay magagayuma sa kagandahan nito.

Nagsimulang mamula ang mukha ni Fein nang mapansin niya ang mga pulang marka sa katawan ni Hale. Pinigilan niya ang sariling mag-isip nang malalim. Ibinaling na lamang niya ang pansin sa katulong na nasa sulok at muli itong inutusang palitan ang soup. Ang pinakaimportanteng bagay na kailangan niyang gawin ay bantayan ang kalusugan ni Hale. Iyon ang mahigpit na bilin sa kanya ni Sir Ar bago ito umalis papuntang US para sa isang business expansion. Kaya ganoon na lang ang kaba ni Fein nang makita niyang namumutla ang dalaga.

Mas lalong lumiwanag ang repleksyon ni Hale dahil sa kulay-niyebe nitong balat. Even though she was sick, she still looked stunning.

“Hale, hindi ka kumain simula kagabi kaya nagpahanda ako ng mainit na sabaw,” aniya ni Fein nang dumating ang katulong na inutusan niya.

“Gusto kong malaman kung anong nangyari sa magulang ko.”

Lihim na napangiwi si Fein sa narinig. “Bakit hindi ka muna humigop ng chicken soup na ginawa ni Chef Sun?” May pakiramdam siyang hindi maganda ang patutunguhan nito.

“Bakit sila naghiwalay? Dahil ba sa’kin?” si Hale na hindi pinansin ang pagkaing inihain sa kanya.

Oh no… Not again. Mas mahirap pa ang mga tanong nito kumpara sa mga exam niya.

Hunger strike. Ito ang istratehiyang ginamit nito upang pigain siya ng impormasyon. Kung hindi siya nadulas at nabanggit ang tungkol sa magulang nito, marahil hindi maglalakas-loob si Hale na tumakas noong araw na iyon. Nasabi niya rin ang tungkol sa fiancé nitong na-engage sa iba upang panghinaan ito ng loob, ngunit sino ang mag-aakalang kabaliktaran ang magiging epekto nito?

Hinaplos ang puso ni Fein nang piliin ni Hale na tumakas sa oras na wala siya. Dahil doon, hindi siya nadamay sa mga tauhang naparusahan kahapon. Pero bakit pinaparusahan siya nito ngayon?!

“Mas mabuting kumain ka muna bago natin pag-usapan ang mga ganyang bagay,” pag-iwas ni Fein sa mga tanong ng dalaga.

Simula pagkabata, tinuruan na siyang maglingkod sa pamilya ng Fuentero. Pinag-aaral at sinasanay siya upang maging mahusay na tauhan. Naisasagawa niya nang maayos ang lahat ng tungkuling inaatang sa kanya. Subalit lahat ng iyon ay nagbago nang makilala niya si Hale.

Ang simpleng agahan ay nagiging isang madugong digmaan pagdating dito.

“Remove it,” malamig na saad ni Hale tungkol sa pagkain.

“Wait!” pigil ni Fein nang akmang tatalikod na si Hale. “Bakit pinahihirapan mo ako? Gusto mo bang magaya ako kay Rod?” maktol niya.

Huminto si Hale at walang emosyong nilingon ito. “Kinulong na niya ako ng dalawang taon, hindi pa ba sapat ‘yon?”

Natigilan si Fein nang marinig niyang may bahid ng pait ang tinig nito.

“Hale…” Sa mahabang panahong pinagsilbihan niya ito, napalapit na rin ang loob niya sa dalaga. Hindi niya gustong makita itong nahihirapan.

Napagtanto niyang hindi niya maaaring ipagkait dito ang mga bagay na nais nitong malaman. Sumusukong napahugot ng malalim si Fein.

“Okay, sasabihin ko sa’yo ang lahat ng gusto mong malaman… pero kailangan mo munang kumain.”

Hindi na nagmatigas si Hale at kinuha ang spoon soup. Hindi mapigilang mapangiti ni Fein.

Minsan, pakiramdam niya ay nag-aalaga siya ng bata.