- Dangerous Thirst
- DT | Prologue
- DT | Chapter 1: Eighteen Again
- DT | Chapter 2: Desperate Measures
- DT | Chapter 3: Bargain for Freedom
- DT | Chapter 4: Syven’s Warning Visit
- DT | Chapter 5: Changing Fate
- DT | Chapter 6: Second Chance
- DT | Chapter 7: Losers but Loyal
- DT | Chapter 8: Claiming his Heart
- DT | Chapter 9: The Clash
- DT | Chapter 10: Unspoken Tensions
- DT | Chapter 11: A Life for Another
- DT | Chapter 12: A Promise Remembered
- DT | Chapter 13: Finding Light In The Darkness
- DT | Chapter 14: A Night With Him
- DT | Chapter 15: Unspoken Yearning
- DT | Chapter 16: Silent Confession
- DT | Chapter 17: Tension and Temptation
- DT | Chapter 18: Drown in Pleasure
- DT | Chapter 19: The Guilt Between Us
- DT | Chapter 20: When Distance Fails
Pagkatapos ihatid ni Syven si Ellis sa swimming club, nasalubong niya ang grupo ni Bryant. Huminto siya nang makita niyang kumaway sa kanya ang Captain ng Basketball Team.
“Okay ka na ba? Hindi mo ba kailangang magpahinga pa ng isang araw?”
Bumakas ang pagtataka sa mukha ng mga kasama ni Rex nang makita nila itong magaang nakikipag-usap sa tinaguriang Rouge Prince ng school. Idagdag pa na ang kaibigan nito ang nagpa-suspend kay Troy kaya hindi nila maintindihan kung bakit parang kaibigan kung ituring ito ni Rex.
Mas lalong namangha ang mga miyembro ng team nang makita nilang nakangiting lumapit dito si Troy.
“Bakit umalis ka ng maaga? Tinawagan ni Bryant si Dr. Gibs pero wala ka na,” tukoy ni Troy sa Sports Physician nila.
Hindi inaasahan ni Syven ang pagpapakita ng pag-aalala sa kanya ng mga kaibigan ni Bryant na kaylan lang ay gusto siyang sikmurahin. Hinagilap ng mga mata niya sa mga ito si Bryant ngunit hindi niya ito nakita. Kahit alam na niyang malaki ang posibilidad na mabuhay ito, hindi pa rin mawala ang kaba sa dibdib ni Syven. May parte niya ang masidhing nagnanais na lagi itong makita.
“Nauna na siyang nag-practice dahil maagang natapos ang class project nila,” mabilis na nakuha ni Rex kung sinong hinahanap niya.
“Mabuti na ang pakiramdam ko, umalis ako ng maaga dahil may kinailangan akong asikasuhin,” paliwanag ni Syven na mas lalong ikinamangha ng mga kasamahan ni Rex at Troy. Maging ang dalawa ay hindi inaasahang sasagutin sila nito ng maayos. Marahil ay nagkamali sila ng pagkakakilala dito? Ito ba ang Syven Claw na nagpa-suspend ng buong class ng mga senior noong freshman year nito?
Minura lamang ito ng isang senior ngunit buong class nito ay nadamay. Nahuli ang senior class sa isang illegal party, na-suspend ang graduation ng mga ito at ang ilan ay hindi nakagraduate dahil sa malaking violation na nagawa.
Tinanggi ng senior na bumangga kay Syven na ito ang nag-imbita sa buong class at gumastos sa party. Ngunit wala itong magawa nang ito ang itinuturo ng lahat ng ebidensiya. Hindi ito nakagraduate at pinatapon ito sa malayong probinsiya ng magulang nito. Magkagayon pa man, alam ng school kung sino ang tunay na nasa likod ng nangyari.
Simula noon ay umiiwas na ang lahat na harangin ang daraanan nito, tanging ang mga hangin ang laman ng ulo ang may lakas na loob na banggain ito.
“Pwede mo kaming samahan sa practice kung gusto mong magpapawis,” imbita ni Troy kay Syven.
Nagbago ang ekspresyon ng mga kasama ni Troy nang makita nilang dumating ang kaibigan ni Syven.
“Hindi ko alam na may mga bago ka nang mga kaibigan kaya hindi mo na kami nasasamahan sa mga lakad natin,” akbay ni Chase kay Syven pero ang tingin nito ay nakatuon kay Troy. “Bakit hindi mo rin ako imbitahin sa practice niyo? Para hindi na madagdagan ang pasa ko sa susunod na atakihin mo ako.”
Nawala ang liwanag sa mukha ni Troy nang makita niya ang ngiti ng gagong nagpapakulo ng dugo niya. “Mauna na kami, baka hindi ko matantiya ‘yang kaibigan mo.”
Napapailing na siniko ni Chase si Syven nang makaalis ang grupo ng Basketball Team. “Anong nangyari? Ang buong akala ko ay kinukuha mo lang ang loob ng pinsan ni Ellis, hindi ko akalaing pati ang buong Basketball Team ay sinusuyo mo rin. Ikaw pa ba ang Syven na kilala ko?”
“Hindi ba’t sa mga Cheer Leader ka lang interesado? Bakit pati Basketball Player nila ay pinagiinteresan mo?” balik tanong ni Syven na ikinagat-dila ng isa. “Hindi ako mawawala sa lakad natin mamaya kaya hindi mo na kailangang ipaalala sa akin,” bawi ni Syven sa kaibigan.
“Dapat lang dahil hinahanap ka na nila sa akin. Pagkatapos ng nangyari sa huling event na pinuntahan natin, marami na ang naghihintay na magpakita ka. Marahil ay gusto nilang bumawi sa natalo nila sa’yo—” natigilan si Chase nang mapansin niyang nawala sa kanya ang atensiyon ni Syven.
“San ka pupunta?” puna niya nang bigla siyang iwanan ni Syven na tila may hinahanap ito. “May klase pa tayo mamaya,” habol ni Chase nang hindi siya nito lingunin. Napapailing na lang na hinayaan ito ni Chase. Pakiramdam niya ay nagbago si Syven nang magkaroon ito ng girlfriend, marahil ay hindi namamalayan ng kaibigan niya na totoong nahuhulog na ang loob nito kay Ellis.
Mabilis ang mga hakbang ni Syven, nangangamba na mawala sa kanyang paningin ang pamilyar na likod.
Tinawag ni Syven si Bryant pero hindi ito lumilingon sa kanya.
Tumunog ang alarm ng school, hudyat na ng pagsisimula muli ng klase. Nagmamadali ang kilos ng mga estudyanteng bumalik sa kanilang classroom. Hindi ito pinansin ni Syven at sinundan ang anino ni Bryant nang pumasok ito sa bakanteng hallway.
Huminto siya at tinawagan ito gamit ang phone niya. Napangisi siya nang makita niyang huminto ito para sagutin ang tawag. “Bakit hindi ka lumingon sa’kin kahit narinig mo nang tinatawag kita?” nagtatanong ang tinging lumingon sa kanya si Bryant. Malalaki ang hakbang na lumapit si Syven dito. “Kinuha ko kay Ellis ang number mo. Nakalimutan kong magpaalam sa’yo ng isang araw kaya balak sana kitang tawagan.” Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang ipaliwanag ang sarili niya dito, pero may malaking parte niya ang nagdidikta na kailangan niya iyong gawin.
Binaba ni Bryant ang phone nang humarap sa kanya si Syven. Humigpit ang pagkakahawak niya sa phone na tila naipon roon ang tinatago nitong emosyon. “Walang problema, hindi naman ‘yon ang unang beses na iniwan mo ako.” Magaang tugon nito subalit mabigat ito sa pandinig ni Syven.
Sa pagkakataong ito ay nais niyang maging mabuting kaibigan kay Bryant, subalit hindi niya pa rin magawang itago ang naiwang hinanakit sa puso niya. “Ako lang ba? Ako lang ba ang nang-iwan sa ating dalawa?” Tumalim ang tinig niya na animo’y nanunumbat. “Tinanong mo ba ako minsan kung bakit ko ‘yon ginawa? Hindi ba’t mas pinili mo ring mawala?”
Sa kanilang nakaraan at sa darating na hinaharap ay mas pinili ni Bryant na maglaho. Naiwan siya ng mga katanungan na hindi nito nabigyan ng kasagutan. Bakit mas pinili nitong ibuwis ang buhay nito sa lugar niya? Kung tunay na mahalaga siya kay Bryant, bakit hinayaan nitong lumayo siya at kalimutan ang pagkakaibigan nila?
Gaano man siya nasugatan sa pag-iwan nito sa kanya noon, hindi maglalaho ang lugar nito sa puso niya. Ano mang pagtatakip ang gawin ni Syven ay hindi iyon magbabago. Napagtanto niya iyon nang tuluyang nawala sa kanya si Bryant, kaya ngayong binigyan siya ng pangalawang pagkakataon, nais niyang marinig mula dito ang kasagutan na hinahanap niya.
Binawi ni Bryant ang tingin mula kay Syven. Naduduwag siyang salubungin ang tanong nito, subalit paano kung ito na ang huling beses na bibigyan siya nito ng pagkakataong ipaliwanag ang sarili niya? Muling hinarap ni Bryant si Syven, diretso ang kanyang tingin sa mga mata nito. Mas malalim ang sugat na nakaukit sa mga tingin niya kay Syven.
“Minsan mong sinabi sa akin na ako lang ang kailangan mo, hindi mo kailangan ng mga kaibigan, o ang pamilya mo.” Sa murang edad ni Bryant ay tinanggap niya ito bilang responsibilidad. Pinangako niya sa sarili na siya ang tatayong kaibigan at pamilya ni Syven, dahil nasa kanya ang mga bagay na wala ito—mapagmahal na magulang at mabuting kapatid.
Noong una ay nais niya lamang itong papasukin sa mundo niya, subalit habang nakikilala niya si Syven, at tanging sa kanya lamang ito nagbubukas ng sugat nito, umusbong ang kanyang kagustuhan na sa kanya lamang umikot mundo nito.
Mula sa kanyang kuryusidad sa batang lalaki na tahimik sa sulok ng classroom habang ang lahat ay may kanya-kanyang mundo, nagbunga ito ng pag-aalala at kagustuhang mapalapit dito.
Nang unang beses itong ngumiti sa kanya, lumalim ang pagnanais niyang makitang muli ang mga ngiting iyon. Ngunit nang makita niyang ngumingiti ito sa iba, tila gumuho ang mundo ni Bryant. Nasasakal siya na malamang hindi lang siya ang may kakayahang pangitiin ito.
Dito napagtanto ni Bryant ang madilim na damdamin niya para kay Syven. Itinago niya iyon at tahimik na minanipula niya ang mundo nito na umikot lamang sa kanya.
Mapanglaw ang mga matang sumunod ang tingin ni Bryant kay Syven. “Subalit nagbago ka, sa isang iglap binura mo ako sa buhay mo.” Hinayaan niyang lumayo ito, dahil mas pipiliin niyang manlamig ito sa kanya sa halip na kamuhian siya ni Syven sa sandaling matuklasan nito ang madilim na damdamin niya para dito.
Naduduwag siyang harapin ang nararamdaman niya. Ang buong akala ni Bryant ay lilipas din ito, subalit nanatiling nakasunod ang mga tingin niya kay Syven, hanggang sa lamunin na siya ng kanyang damdamin para dito. Huli na upang magsisi siya sa kanyang naging desisyon. Malayo na ang naging distansiya nila ni Syven sa isa’t isa. Ano mang sabihin niya ay wala nang halaga.
Nagpakawala ng hangin sa dibdib si Syven ng muli niyang salubungin ang tingin ni Bryant. “Marahil kasalanan ko nga. Ako ang sumira ng pagkakaibigan natin. Ngunit hindi ako nagsisisi na nangyari ‘yon, dahil alam kong mas magiging magaan at tahimik ang buhay mo kapag nawala ako—” Nabigla si Syven nang itulak siya ni Bryant sa dingding ng hallway.
Subalit hindi lamang iyon ang nagpatigil sa kanya, kundi ang labi nito na mariing lumamon ng mga salitang nais niyang sabihin dito.
Mapanghimasok ang halik nitong dumudurog sa kanya. Nagdala ng kilabot sa kanyang balat ang kamay ni Bryant na umangat sa batok niya na mariing dumulas paakyat sa kanyang leeg.
Nabahiran ng takot ang mga mata ni Syven nang sumalubong sa kanya ang nauuhaw nitong tingin na tila nagbabanta ng panganib. Ngayon niya lang nakita ang ganoong tingin sa mga mata ni Bryant. Nagpipintig ang kanyang dibdib sa pagsalakay ng matinding kaba. Subalit hindi lamang ang sarili niyang pulso ang nararamdaman niya.
Masikip.
Wala itong iniwang espasyo sa pagitan ng kanilang katawan at mga labi. Nakalimutan ni Syven na huminga nang nilulunod siya ng mapangahas na dila nitong sumisisid sa loob ng kanyang bibig.
Sa tahimik na hallway, tanging ang malakas na pintig sa dibdib ni Bryant ang kanyang naririnig. Nais niyang isumbat kay Syven ang ilang taon na pag-abandona nito sa kanya. Subalit naligaw siya sa kanyang pagnanasang parusahan ito. Hindi niya alintana kung may makakita sa kanila, sa halip ay nais niyang may maging saksi sa nangyayari sa kanilang dalawa upang wala itong dahilan na itanggi ito.
Naninikip ang dibdib na umangat ang kamay ni Syven nang matauhan upang itulak ito palayo sa kanya. Hindi makapaniwala ang mga matang tinitigan niyang mabuti si Bryant. Ang iniwan nitong kagat sa ilalim ng labi niya ay patunay na hinalikan siya nito.
“Bakit naguguluhan ka? Huwag mong sabihin na ni minsan ay hindi mo naramdaman na higit pa sa kaibigan ang tingin ko sa’yo?”

Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.