This entry is part 63 of 68 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

Sa gitna ng tahimik na luntiang tanawin, nakatayo ang  pulang gazebo, ang mga paa nito ay matibay na nakabaon sa tubig ng maliit na lawa. Ang paligid ay pinapalibutan ng luntiang mga puno, halaman, mga punong yumuyuko sa hangin, at mga dahon na marahang kumakaway sa langit. Ang kalikasan ay buhay, ngunit ang katahimikan ng lugar ay tila yumayakap sa isang Xuren na nakatunghay sa ilalim ng gazebo.

Nakatitig ito sa mga munting alon ng lawa, animo’y binabasa ng walang buhay nitong mga mata ang masiglang paggalaw ng tubig. Sa kabila ng luntiang kagandahan ng tanawin, ang kanyang tingin ay nakatanaw sa kawalan.

Ito ang tanawing sumalubong kay Yura ng makita niya ang nag-iisang Xuren ng Punong Ministro. Dito siya dinala ng mensaheng nakasulat sa piraso ng papel.

Huminto si Yura ng makita niya ang Xuren na minsang puno ng buhay at kulay ngunit ngayo’y naging isang malamlam na larawan na lamang.

“Yura Zhu, naaalala mo pa ba ako?”

“Maaari ba kitang tawagin sa pangalan mo? Pakiramdam ko kasi ay matagal na tayong magkaibigan.”

“Bilang ganti sa sakripisyo ng aking Ama sa paglilingkod sa Emperador, ako na anak niya ang aani sa lahat ng bigat na ginugol niya upang mabuhay ng magaan at malaya para sa kanyang lugar.”

“Yura Zhu, hindi mo maaaring bawiin ang sinabi mo, may paninindigan ang angkan ng Zhu!”

Tumatagos ang mga iniwan nitong kataga sa kanyang pandinig. Malalim na bumungkal sa puso ni Yura ang alaalang hindi niya namalayang naging espesyal sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nagtatagal sa iisang lugar. Hindi niya gustong magtanim ng alaala sa mga taong nagnanais na makuha ang kanyang loob.

Naduduwag ang mga hakbang na tumigil siya, hindi niya ito kayang harapin.

Sandaling tumalim ang pandama ni Yura. Ang paghugot niya ng patalim sa loob ng kanyang manggas ay napigilan ng mabilis na kamay na humugot nito mula sa kanyang likuran. Hinarap ni Yura ang presensiyang hindi niya naramdamang nakalapit sa kanya.

Binitawan ng Ikaanim na Prinsipe ang malamig na patalim sa munting lawa. Ang pagtilamsik nito sa tubig ay lumikha ng mga alon sa dibdib ni Yura.

Ang tubig ng lawa ay banayad na gumagalaw, animo’y sumasalamin sa mga lihim na hindi mabigkas ng kalikasan. Sa gitna ng payapang tanawin, isang mabigat na tensiyon ang namumuo.

Itinuon ni Hanju ang tingin sa pinsan niyang tinakasan ng buhay. Ang matinis na tinig ni Jing ay hindi na niya naririnig, subalit mas nagagambala siya ng katahimikan nito. “Ilang beses ko siyang binalaan,” dumako ang tingin ng Ikaanim na Prinsipe sa Lu Ryen. “Subalit mas pinili niyang magtiwala sayo.”

Umusbong ang hibla ng karayum sa pagitan ng daliri ni Yura. “Huwag mong iukol sa’kin ang inyong pagkakamali. Mas pinili niyang magtiwala na ang kanyang ama ay tapat na naglilingkod sa imperyo habang kayo ay nangangailangan ng proteksiyon.” Pinatay ni Yura ang anumang alinlangang pumipigil sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit siya nahulog sa mapanganib na sitwasyon.

Nagsimulang dumilim ang paningin ni Yura ng subukan niyang pakawalan ang karayum sa direksiyon ng Ikaanim na Prinsipe.

Maagap na sinalo ni Hanju ang Lu Ryen sa kanyang bisig. Sadyang mas nagiging maamo ito kapag wala itong malay.

“Kamahalan,” lumitaw ang aninong bantay sa tabi ng Ikaanim na Prinsipe. “Natunton na namin ang lokasyon ng Punong Ministro, subalit hindi namin ito mapasok dahil sa higpit ng bantay nito.”

“Manatili kayo hangga’t wala akong pahintulot.”

“Masusunod Kamahalan,” nakita ng aninong bantay kung paano maingat na inangat ng Ikaanim na Prinsipe ang Lu Ryen sa mga bisig nito. Ibinaling ng bantay ang tingin sa direksiyon ni Xuren Jing na nanatiling walang malay sa kanilang presensiya. “Paano po ang Xuren ng Punong Ministro?”

“Ipaalam mo sa kanyang tahanan na nagpapahinga siya sa aking palasyo, at hindi ako tatanggap ng mga panauhin.”

Nilayo ni Hanju ang pinsan niya upang itago ito sa dumadagsang panauhin sa tahanan ng Punong Ministro. Marami ang nakikisimpatya ngunit iilan lamang ang tunay na kaibigan.

Hindi ipaparamdam ng Ikaanim na Prinsipe sa pinsan niya ang naranasan niya sa kamay ng mga ito ng mawala ang kanyang Ina.

Mariing yumukod ang aninong bantay bilang pagsunod.

Hinintay ni Sev na makalayo ang Ikaanim na Prinsipe bago siya naglakas ng loob na mag-angat ng tingin. Hanggang ngayon ay hindi maunawaan ng aninong bantay ang naglalaro sa isipan ng kanilang Kamahalan.

Dinala ng Ikaanim na Prinsipe ang Lu Ryen sa Palasyong nalimutan na ng panahon. Ang Palasyong natupok ng apoy na dating pagmamay-ari ng yumaong konsorte ng Emperador ay isa na ngayong paraiso. Napapalibutan ito ng gazebo at ligaw na makukulay na halaman. Ibinalik ng Prinsipe sa orihinal na anyo ang Palasyo matapos ang masalimuot na trahedyang nangyari sa kanyang Ina.

Bumaba ang tingin ni Hanju sa Lu Ryen na nasa kanyang mga bisig. Hindi ang pinsan niya ang nahila sa mundo nito kundi siya ang nahulog sa malalim na pain ng mapanlinlang nitong katauhan. Isang pagkakamaling kailanman ay hindi niya inaasahan.

Hindi maipaliwanag ng Ikaanim na Prinsipe kung paano siya nahumaling sa isang taong nagtangka sa kanyang buhay. Isang taong malupit maglaro ng damdamin ng iba ng  hindi nito namamalayan ang hatid nitong kalamidad sa buhay nila. Isang Zhu na lubhang mapanganib at puno ng lihim. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi siya makalaya sa damdaming nagsimulang umusbong ng sandaling makulong ito sa mga bisig niya. Ito ay tanda ng kanyang kahinaan, isang bagay na kailangan niyang harapin.

Sa labas ng Palasyo ay dahan-dahang bumababa ang araw. Ang malamlam na liwanag nito ay pumapasok sa mga durungawan ng palasyo, na tila saksi sa mga lihim na nagtatago sa bawat sulok nito.

Nagpakita ang mga aninong bantay ng Ikaanim na Prinsipe nang marahang isara nito ang pinto ng silid.

“Walang sinuman ang maaaring makapasok o makalabas sa silid na ito ng wala ang aking pahintulot,” mahigpit na bilin ng Ikaanim na Prinsipe sa mga aninong bantay. Itinuon niya ang huling tingin sa nakasarang pinto bago tahimik na nilisan ang palasyong minsan niyang tinawag na tahanan.

Ang palasyong ito ay naging hawla ng Ina ng Ikaanim na Prinsipe noong ito’y nabubuhay pa. Labis na kinamuhian ng Prinsipe ang Emperador dahil sa pagkakakulong ng kanyang Ina sa  palasyo ng imperyal. Gayunpaman, kinamuhian din niya ang sarili, sapagkat nanatili ang kanyang Ina sa tabi ng Emperador alang-alang sa kanya.

Subalit ngayon, ano ang ipinagkaiba niya sa Emperador? tulad ng kinamumuhian niyang ginawa nito sa kanyang Ina, pinili niyang ikulong ang Lu Ryen. Sa huli, ito lamang ang naisip niyang paraan habang hindi niya pa lubos nauunawaan kung ano ang nais niya mula rito. Nalilito siya kung sino sa kanila ni Yura Zhu ang tunay na bihag.

Ang malamig na simoy ng hangin ay sumisingaw mula sa maliliit na siwang na haligi ng palasyo, at sa kabila ng tila payapang paligid, ramdam ang bigat ng mga nakatagong presensiyang nagtatago sa dilim, nagmamasid, nagbabantay.

Sa loob ng silid, nananatiling walang malay ang Lu Ryen. Ang kanyang hininga ay bahagyang naririnig sa gitna ng nakabibinging katahimikan.  Ito ay naiwan sa parehong silid kung saan huling nasilayan ang yumaong konsorte ng Emperador.






Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

ANBNI | 61: Ang Lihim ng Palasyo ANBNI | 63: Ang Paninindigan ng Isang Zhu