This entry is part 68 of 68 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

Sa buong kabisera ng Salum, tila huminto ang hangin nang kumalat ang balitang ang Ikalawang Prinsipe ang may sala sa pagpaslang sa mga opisyales noong gabing pagtitipon. Sa sentro ng kalakalan, hindi lamang kalakal ang naging palitan kundi mga kaganapang kumakalat mula palasyo ng imperyal, nagtipon ang mga mamamayan, mga magsasaka, tindera, matandang manlalakbay, at ilang kawal na lihim na nakikinig. Ang ingay ng pamilihan ay napalitan ng ingay ng agam-agam.

“Narinig na ba ninyo? Ipinako ng mga Ministro ang sisi sa Ikalawang Prinsipe hinggil sa pagpaslang sa mga opisyales na dumalo sa nasabing pagtitipon.” Pagpapahayag ng isang mangangalakal na nakahawak sa balikat ng kasama.

“Hindi ko matanto. Siya pa naman ang itinuring na bayani nang gapiin niya ang mga mapang-abusong opisyales sa Nyebes. Sino’ng mag-aakalang siya rin pala ang susunog sa mga tapat na lingkod ng imperyo?” Puna ng isang manlalakbay na di makapaniwala.

Sa tabi nila, ang Matandang Magsasaka ay umiling habang tinititigan ang nagkalat na alikabok na inililipad ng hangin mula sa mga dumaraang nagbubuhat ng mga kalakal.

“Maging ang Punong Ministro ay tinangkang patayin. Ang Punong Ministro! ‘Yong taong hindi nag-aatubiling itaguyod ang kapakanan ng karaniwang mamamayan. Ito’y tunay na kasindak-sindak.”

Naglapit pa ang ilang tagapakinig. Ang kanilang mga mukha ay puno ng pangamba, hindi lang sa ginawa ng prinsipe, kundi sa maaaring mangyaring gulo kapag nagpasya na ang emperador.

“Marahil totoo ang bulong-bulungan… na tulad ng kanyang ina, may pagkakaiba ang pag-iisip ng Ikalawang Prinsipe. Di ba’t ipiniit sa templo ang kanyang ina dahil sa pagkalito ng isip?”

“Kung hindi dahil sa impluwensya ng angkan ng Yan, baka noon pa man ay nahubaran na siya ng dangal, gaya ng sinapit ng Ikaapat na Prinsipe, ikinadena, ibinagsak sa lupa, at pinalayas palabas ng imperyo.”

“Kung gayon… ano ang kahihinatnan niya? Hahatulan ba siya? Ipapaliban sa hukuman? O itatapon sa malayong lupain?”

Para sa kanila, higit pa sa kamatayan ang pagbagsak ng isang maharlika, lalo na ng isang prinsipe, na nasanay sa kapangyarihan, karangyaan, at pagyuko ng buong imperyo sa kanyang pangalan. Sa isipan ng mga tao, hindi lamang ito usapin ng kasalanan o kaparusahan, ito’y pagguho ng katauhan. Sapagkat sa Salum, ang isang prinsipe na hinubaran ng titulo ay hindi na prinsipe. Hindi rin siya magiging karaniwang mamamayan. Siya’y magiging isang nilalang na mas mababa pa sa alipin, dahil ang alipin ay may pangalan at tungkulin, ngunit ang isang “nahulog” na maharlika ay tinatalikuran ng kasaysayan.

Naalala nila ang tungkol sa dating prinsipe na kinaladkad palabas ng tarangkahan, walang saplot ng dangal, tinatakan, at pinagbawalang tumingin nang diretso sa sinuman. Para silang mga anino na humihinga, ngunit hindi kinikilala ng lipunan.

Sa harapan ng mga mamamayan, tila nakikita nila ang posibleng kapalaran ng Ikalawang Prinsipe. Ang dating nakatira sa gintong silid ay maaaring magising sa isang malamig na silungan. Ang dating sinusundan ng sampung tagapaglingkod ay maglalakad mag-isa, walang sariling katauhan, walang pinanggalingan, walang karapatang magsalita. Isang buhay na bura sa talaan ng imperyo.

At habang iniisip nila ang imaheng iyon, ang dating nagmamay-ari ng kapangyarihan ngunit ngayo’y ibinaba sa puntong mas mababa pa sa isang alipin, nanginig ang ilan. Sapagkat sa Salum, walang mas malupit na parusa kaysa ang mabuhay bilang isang taong pinutulan ng pagkakakilanlan… isang dating prinsipe na hindi na itinuturing na tao ng imperyo.

Sa ganitong parusa, maraming dating maharlika ang piniling tapusin ang sariling buhay kaysa mabuhay bilang isang nilalang na walang pangalan. Sapagkat sa Salum, walang mas mabigat na kapahamakan kaysa manatiling buhay na wala ng pagkatao.

Habang pinag-uusapan nila ang kapalarang ito, ang mga mata ng mga tao ay napatingala sa mga tore ng palasyo. Sa isang silid na binabantayan ng labing-dalawang kawal, sa likod ng makapal na pinto, ay nakakulong ang Ikalawang Prinsipe. Tahimik, hiwalay sa lahat, at walang ideya kung anong hatol ang naghihintay sa kanya.

Maririnig ang pagkabasag ng mga gamit sa loob, subalit nanatili ang mga kawal sa kanilang puwesto na para bang naging manhid ang kanilang pandinig. Naikuyom ni Siyon ang kamay bago inihagis ang huling bagay na nahawakan niya sa nakakandadong pinto.

Ang akusasyon at paratang ng Punong Ministro ang kumaladkad sa kanya sa silid na ito. Hindi niya lubos maisip kung anong hangin ang dumating at bigla siyang nahulog sa kasalanang hindi niya pag-aari. Kung sino man ang nasa likod nito, sisiguraduhin niyang susunugin niya ito nang buhay.

Napaatras siya nang biglang bumukas ang pinto at hindi ang mga kawal ang pumasok kundi ang mismong Emperador. Bahagya siyang yumuko, ngunit agad niyang naramdaman ang bigat ng palad na dumapo sa kaliwang pisngi niya. Nanlaki ang kanyang paningin at tumingala sa Emperador, ngunit bago pa man siya makaangal ay isa pang sampal ang dumapo sa kanan. Nahulog ang ilang hibla ng buhok paharap sa mukha niya, ngunit hindi natabunan ang hapding iniwan ng kamay ng Emperador.

“Kamahalan, maaari niyo bang ipaliwanag ang pinanggagalingan ng parusang ito?” Hindi natinag ang tinig ni Siyon, bagkus ay umangat ang kanyang tingin sa Emperador.

“Hindi mo pa rin nakikita ang iyong kahangalan!” Nagpupuyos sa galit ang Emperador. “Ito ang dahilan kung bakit hindi kita pinapayagang manatili sa loob ng Palasyong Imperyal. Sinuway mo ako, hinamon mo ang aking awtoridad, at ngayon ito ang bunga ng iyong kamangmangan!”

Alam ng Emperador kung gaano kasakim ang anak niyang ito, subalit hindi niya kayang gamitin ang sarili niyang kamay para itulak ito pababa sa putikan. Hindi niya matatanggap na ang sariling supling ay duduraan at tatapakan ng mga taong mas mababa ang antas.

“Xian!” tawag ng Emperador sa Punong Kawal na lubos niyang pinagkakatiwalaan.

Walang pagdadalawang-isip na lumapit si Xian sa Ikalawang Prinsipe at sinimulang hubarin ang panlabas nitong kasuotan. Dalawa pang kawal ang humawak sa kanya nang magpumiglas ito.

“Ama! Ano ang ibig sabihin nito? Hahayaan ninyong akusahan ako nang walang batayan? Hindi n’yo ba lilinisin ang pangalan ko? Hindi ba kayo nangangamba sa gagawin ng angkan ng Yan kapag may nangyari sa akin?”

“Ang angkan ng Yan na tumalikod sayo!”

Natigilan si Siyon.

“Kung hindi mo kayang panatilihin ang katapatan ng pinsan mong si Duran, huwag mong asahang kaya mong humawak ng kapangyarihan.”

Matapos mahubad ang kanyang kasuotan, ang kawal na naghubad ng sarili niyang suot ay sinuot ang kasuotan ng prinsipe. Nang alisin nito ang pangkalasag sa ulo, mapapansing halos kamukha nito ang Ikalawang Prinsipe. Matapos isuot ang mga ornamentong pangbuhok ng prinsipe, dumiretso ito sa durungawan. Tumingin ito sa ibaba, huminga nang malalim ngunit mapait, bago nagpahulog.

Kumalat ang dugo sa lupang pinagbagsakan nito.

Mabilis na isinuot kay Siyon ang kasuotan at pangkalasag sa ulo na suot ng kawal. Hinila siya ng Punong Kawal palabas ng silid papunta sa naghihintay na karwaheng magtatakas sa kanya.

Mula sa ibaba ng tore, makikita ang Emperador na nakasilip sa durungawan. Malamig ang tingin niyang ibinaba sa bangkay ng kawal na naliligo sa sarili nitong dugo.

Mabilis na nakalabas ang karwahe sa lihim na lagusan ng Palasyong Imperyal. Sa pagpasok nito sa kabundukan, napansin ni Xian na hindi karaniwang hangin ang bumabalot sa paligid. Batid niyang may ibang presensiyang nag-aabang.

Bagaman alam niyang may panganib, hindi niya pinahinto ang karwahe. Bigla na lamang sumadsad ang gulong. Nang dumapo ang unang patalim, mabilis siyang nakailag bago ito tumama sa kanya. Tumalon siya palayo nang sunod-sunod na umatake ang isang taong nakaitim. Isa pang nakaitim ang sumakay sa karwahe at pinatakbo ito, habang ang isa ay inatake siya nang walang tigil.

Hindi niya magawang hugutin ang kanyang espada dahil sa kanyang pag-iwas. Hindi siya nito binigyan ng pagkakataong makabawi. Bago pa man siya makaahon sa depensa, mabilis itong umatras at naglaho sa kakahuyan. Hindi siya nagtangkang habulin ito. 

Batid niyang nasa panganib ang Ikalawang Prinsipe. Kung hindi siya naghinay-hinay, baka tumagilid ang karwahe at nahulog sa bangin. Hindi mahalaga sa mga dumukot kung buhay pa ang prinsipe o wala nang hininga.

Tulad ng hangarin niya.

Isang pagkakamali na ipinagkatiwala ito sa kanya ng Emperador. Ang loob ng kasuotan ng prinsipe ay pinahiran niya ng lasong nakakamanhid, makarating man ito o hindi sa destinasyon ay sinisigurado niyang hindi ito aabot ng buhay. Hindi makakalimutan ni Xian ang ginawa ng Ikalawang Prinsipe sa kanyang kapatid. Inakit nito ang kapatid niya at inanyayahan sa isang kasiyahan, subalit luhaan itong umuwi at nagkulong sa sarili nitong silid, kinabukasan ay wala na itong buhay. Nagpakamatay ito. Natuklasan niyang ginalaw ito ng ibang Xuren at hindi ang Ikalawang Prinsipe ang tumabi dito.

Mula noon, itinago niya ang kanyang poot, naghihintay ng tamang sandali na hindi niya inakalang darating nang maaga.

Nakarating ang karwahe sa isang disyertong lugar. Hinubad ni Won ang itim na telang nakatakip sa kanyang mukha. Hinila niya ang walang malay na Ikalawang Prinsipe sa mabuhanging lupa.

Binuhusan niya ang katawan nito ng matapang na likido.

Bago tuluyang dumilim ang paligid, nagmulat ng mata si Siyon. Naaninag niya ang matangkad na aninong nakatunghay sa kanya. Hindi niya mawari kung bakit nanlamig ang kanyang katawan kahit nasa gitna siya ng init ng disyerto. Natagpuan niya ang sariling nakakulong sa sariling katawan, manhid ang mga kamay at paa, at hindi niya magawang igalaw.

“Ikaw?” bulong ni Siyon sa matangkad na lalaking lumapit.

“Kung nakikilala mo ako, ibig sabihin ay gising ka upang tanggapin ang hatol ni Xuren.”

Sa halip na matakot, isang nakakapunit na halakhak ang kumawala mula kay Siyon. Naunawaan na niya, sa umpisa palang ay nakagat na siya ng nakakalasong kamandag ng Lu Ryen. Mistula siyang isang gamu-gamo na nakikipagsapalaran sa apoy, batid ang panganib, ngunit mas lalong sumidhi ang kagustuhang makipaglaro kahit na sariling buhay ang kapalit.

Ngayon, habang siya mismo ay nilalamon ng init na gumagapang sa kanyang balat, doon niya naramdaman kung gaano kalalim ang kanyang pagkakabitag.

Isang bagay ang lingid sa kaalaman ng lahat. Hindi lamang siya naaaliw sa hinagpis ng iba kundi maging sa sarili niyang kasawian…

Inangat ni Won ang nasinding apoy at tinapon sa katawan ng Ikalawang Prinsipe. Kasabay ng matinis nitong halakhak ay pagsilab ng apoy. Ang tawa nito’y naging sigaw ng pighati, hanggang sa tuluyang matupok ang laman at ang tinig.

Malamig ang tingin ni Won nang sunugin din niya ang karwahe. Hahayaan niyang ibaon ng disyerto ang natitirang bakas ng Ikalawang Prinsipe ng Salum.

Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

ANBNI | 66: Pagsisimula ng Panibagong Panig