Maluwag ang paghinga na humugot si Yura ng hangin sa labas ng palasyong pinagdalhan sa kanya ng Ikaanim na Prinsipe. Sa unang sulyap, maaliwalas ang paligid, mga halamang namumulaklak sa iba’t ibang kulay, kumikislap sa sikat ng araw na dumadampi sa kanilang mga dahon.
Hindi mo aakalaing may madilim na nakaraan ang nakatago sa mahinahong tanawing ito.
Walang lingon-likod niyang nilisan ang lugar, hindi niya namamalayang may mga matang tahimik na nakasunod sa bawat hakbang niya palayo.
Pagbalik ng Lu Ryen sa Palasyong Xinn, agad siyang sinalubong ni Kaori na may hawak na kumpol ng mga bulaklak. Bahagyang nanginginig ang mga daliri nito na tila takot na madurog ang mumunting talulot sa pagitan ng kanyang mga kamay.
“Para sa akin?” tanong ni Yura, bahagyang napaatras.
Umiling si Kaori, iniabot ang bulaklak sa kanya.
“Xuren, para ito sa Pangunahing Konsorte.”
Napahinto si Yura. “Para…sa Prinsesa?”
Agad na tumango si Kaori. “Bilang paghingi ninyo ng tawad. Siya pa rin ang inyong kabiyak, kabilang na siya sa pamilya ng Zhu. Kayo mismo ang nagbilin na protektahan ko siya. Kaya… bakit madalas siyang umiiyak ng dahil sa inyo? Hindi ba’t siya ang inyong Pangunahing Konsorte? Bakit ang dali ninyong aliwin ang ibang babae, ngunit pagdating sa kanya… kayo ay nagiging malupit?”
Halos mabitawan ni Yura ang hawak na bulaklak.
Ang inosenteng tanong ni Kaori ay tumama sa kanya, para bang sa paningin nito, siya ang pinakamasamang lalaki sa angkan ng Zhu.
Mabagal ang mga hakbang ng Lu Ryen patungo sa direksiyon ng silid ng prinsesa. Hindi niya magawang umatras dahil nakasunod sa likod niya si Kaori. Nagbabantay, sinisigurado nitong ang silid nh Pangunahing Konsorte ang tutuluyan niya.
Natagpuan niya ang prinsesa na nakatunghay sa matayog na puno na nasa labas ng durungawan, habang maingat na hawak ng mga kamay nito ang isang itim na kapa.
Natunaw ang anumang pag-aalinlangan ni Yura nang masilayan niya ang mapupulang mata ng kanyang konsorte, isang tahimik na patunay ng bigat ng kanyang saloobin.
Naramdaman ni Yura ang kirot ng konsensya.
“Kamahalan…” mahinang tawag niya.
Nagtama ang kanilang paningin.
Hindi nito inaasahan ang kanyang pagdating. Hindi malaman ng prinsesa kung paano nito ikukubli ang itim na tela, nang mapagtanto nitong huli na upang itago iyon sa Lu Ryen, bahagyang bumigay ang balikat nito, animo’y sumuko.
Nabasa ni Yura ang pait at desperasyon sa anyo ng prinsesa. Bakit ba lahat ng babaeng nahuhulog sa kanya ay nauuwi sa ganitong kalagayan, na para bang may sumpang nakakapit sa kanilang kapalaran?
Pinigilan ni Yura ang pagtayo ni Keya. Siya ang bumaba sa kanyang tuhod upang magpantay ang tingin nila. Nakita niyang sariwa pa ang pamumula ng mga mata nito.
“L-Lu Ryen…” nanginginig ang tinig na tawag nito sa kanya.
Hindi niya kailanman sinukat kung gaano kalalim ang sugat na naidulot niya. Dahil ba sa titulo nito, o dahil anak ito ng Emperador? Hindi niya maitatangging naging matigas siya sa prinsesa, sapagkat batid niyang lumaki ito sa pamilya ng imperyal.
Kinuha niya ang isang kamay ni Keya at dinampian iyon ng halik bago nilagay sa palad nito ang kumpol ng bulaklak. Habang ang isang kamay nito ay dinala niya sa gilid ng kanyang mukha kung saan siya nito napagbitawan ng kamay. Ramdam niya ang pagnginig ng palad nito.
Napaatras ng bahagya ang hininga ng prinsesa, ang mga mata’y mabagal na lumalalim. Para bang isang munting halik lamang ang kailangan upang tuluyang maibsan ang hapding kumakalat sa kanyang kalamnan.
“Nararapat lamang iyon sa’kin,” mahinang sambit ni Yura, “dahil nasaktan kita. Hindi ko iningatan ang damdamin mo.”
Pinunasan niya ang luhang sumisilip sa gilid ng mga mata ng prinsesa, ang galaw ay banayad, ayaw niyang makitang may lumuhang muli ng dahil sa kanya.
“Nais ko lang malaman mo,” nagpatuloy siya, “na ang Xuren na nagligtas sa’yo sa kabundukan ay siya pa ring Lu Ryen na nasa harapan mo ngayon. Hindi ko kailanman hahangarin na mapahamak ka… iyon lang ang nais kong tandaan mo.”
“Lu Ryen…” mahina niyang tawag, halos pabulong. Hindi mawari ni Keya kung ang pagsuyo nito ay pagtingin ng isang kabiyak… o pagkahabag lamang na tila sa isang kapatid.
Ang kamay niyang nasa pisngi nito ay dahan-dahang kumapit, para bang takot na muli itong mawala kapag hindi niya hinawakan.
“Nais ko ding malaman mo na hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman ko,” bahagya niyang isinandal ang ulo sa balikat ng Lu Ryen, humugot ng mahaba at nanginginig na hininga, bago muling nagsalita. “inaamin kong makasarili ako. Hindi ko kayang magparaya. Ayokong may kaagaw sayo, kaya kung makakagawa man ako ng pagkakamali, huwag mo akong kamuhian. Hindi ko kakayanin kung tatalikuran mo ako.”
Tila may humaplos na malamlam na init sa kay Yura ng marinig niya ang pangamba at takot nito, isang pakiramdam na hindi niya inaasahang tatagos sa kanya. Unti-unti niyang iniangat ang mukha nito na nagtatago sa balikat niya, hinawi ng kanyang daliri ang ilang hibla ng buhok na nakadikit sa pisngi ng prinsesa.
“Hindi kita kamumuhian,” sagot niya sa mababang tinig, “Ni minsan ay hindi iyon sumagi sa sa isip ko.”
Humigpit ang hawak ni Keya sa kumpol ng bulaklak. Muling gumapang ang hapdi sa kanyang dibdib kasabay ng pagsikip ng kanyang paghinga dahil sa mga tingin ng Lu Ryen na nakatuon lamang sa kanya. Ngayon lang muli silang nagkalapit ng ganito. Nararamdaman niya ang init ng kanyang hininga, hanggang sa hindi niya napigilan ang pagbuhos ng kanyang damdamin…
Bago pa makapag-isip si Yura, ramdam na niya ang malambot na pagdikit ng mga labi ni Keya sa kanya.
Hindi ito isang halik na mapusok.
Hindi rin ito halik ng babaeng may malalim na karanasan.
Natahimik si Yura, at saglit niyang naisip na umatras, ngunit nang maramdaman niya ang panginig ng labi nito… tumigil siya.
Nadidinig niya ang mabilis na pintig ng pulso, ang magkahalong kaba at init sa labi nito na naghihintay ng kanyang tugon.
Mula nang italaga ang prinsesa bilang kanyang konsorte, ipinagkait niya rito ang pagmamahal na dapat nitong maranasan mula sa isang kabiyak. Kung tatanggihan niya ito ngayon, muli lamang niyang bubuksan ang sugat sa puso nito.
Ang kamay niyang nasa gilid ng mukha nito ay unti-unting gumalaw, hinaplos ang balat ng prinsesa, banayad, maingat, tila pinapakalma ito.
Nang tuluyan niyang isara ang mga mata, siya ang nagbalik ng halik.
Isang mabagal na pagdampi.
Isang tahimik na pangako.
Tanging magagandang alaala ang nais niyang iwan sa prinsesa bago siya tuluyang maglaho sa buhay nito.
Humigpit ang kapit ng mga daliri ni Keya sa balikat ng Lu Ryen, magaan ang naging tugon nito subalit mariing kumakalat ang init na nagdadala ng matinding kaba. Nakaligtaan niyang huminga. Naninikip ang kanyang dibdib, ang baga niya’y kinakapos na ng hangin, subalit nanatili siya. Hindi niya gustong matapos ang sandaling iyon.
Bahagyang umatras si Yura na pumutol sa halik, naramdaman niya ang hirap na paghinga ng prinsesa. Para bang nabasag ang mahika nang sa wakas ay nakawala si Keya sa pagkakabihag na sandali. Napasinghap siya, humugot ng hangin na kanina pa niya pinipigilan, habang ang magkabilang pisngi niya ay namumula.
Tumingin sa kanya ang Lu Ryen, nagtatanong ang mga mata, at unti-unting gumuhit sa mga labi nito ang isang mabagal na ngiti.
“P-Paumanhin… nakalimutan kong huminga,” namumulang wika ni Keya habang hawak ang sariling labi, hindi makatingin nang tuwid. Nakakamanghang isipin na kahit may nangyari na sa kanila, pakiramdam niya’y ito pa rin ang unang beses na tunay siyang nahalikan nito.
Hinagkan ng Lu Ryen ang kanyang noo bago ito tumayo, ngunit mahigpit na hinawakan ni Keya ang kamay nito upang pigilan, “Maaari bang… manatili ka sa tabi ko ngayong gabi?” Huminga siya nang mabagal bago dahan-dahang iniangat ang tingin.
“Naninibago ako sa bago kong silid, ito ang unang beses na iniwan ko ang aking palasyo… hindi ko gustong mag-isa ngayong gabi.” Nang wala siyang marinig na tugon mula sa Lu Ryen, marahang lumuwag ang pagkakahawak niya dito.
Kagyat na hinabol ni Yura ang kamay ni Keya, hinawakan iyon na para bang nangangamba siyang muli itong masaktan.
Sa labas ng silid ay bahagya niyang naramdaman ang presensiya ni Kaori at ng mga katiwala, tahimik, nag-aabang, wari’y nag-aalala kung muling magkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng Prinsesa at ng Lu Ryen.
Bumaba ang tingin ni Yura sa kamay nilang magkahawak, at sa pagkakataong ito, hindi niya magawang kumalas.
