This entry is part 67 of 68 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo


Nilubog ni Yura ang sarili sa ilalim ng maligamgam na tubig. Nais niyang ipahinga ang kanyang katawan at isipan matapos ang sunod-sunod na pangyayaring bumalatay sa mga nakaraang araw. Subalit kahit anong pilit niyang maging manhid, nanatiling gising ang kanyang isipan, paulit-ulit na binabalikan ang bawat hakbang na nagdala sa kanya sa puntong ito.

Pag-ahon niya, umagos sa balikat ang bigat na kanina pa niya pilit isinasantabi. Sumakit ang bawat kalamnan niya, parang lahat ng sugat at pilat na matagal na niyang hindi iniinda ay muling nagising. Ang bugso ng pagod ay hindi lamang pisikal. Ramdam niya ang pagsikip ng kanyang kalamnan na dulot ng hindi humuhupang tensiyon, at ang init ng tubig ay hindi sapat upang banlawan ang lamig na nakabaon sa kanyang mga buto.

Sinusubukan ng Ikalawang Prinsipe ang kanyang hangganan, isang hayok na walang moralidad, handang gawin ang anumang nais kahit sa pinakamadilim na paraan.

Si Siyon, isang panganib na hindi napapagod, handang kaladkarin ang imperyo sa kapahamakan para sa pansariling ambisyon.

Samantala, nadiskubre na ng Ikaanim na Prinsipe ang kanyang lihim. Ngunit hindi niya inasahan na ang nagmamay-ari ng pulang aklat ay ang yumaong konsorte ng Emperador, at sa halip na makahanap siya ng depensa laban kay Hanju mas mapanganib na lihim ang kanyang nabungkal.

Si Hanju, isang prinsipeng halos walang bahid ng emosyon sa mata, ngunit sa ilalim nito ay may pait, galit, at sugat na hindi niya kayang ipakita. Isang kaaway na maaaring maging kakampi at isang kakamping maaaring dumurog sa kanya kung magkamali siya ng hakbang.

At ang prinsesa.

Si Keya, ang tanging taong sinusubukan niyang iwasan ngunit hindi niya kayang talikuran.

Ang bawat luha nito ay dumidikit sa konsensya niya, at ang bawat panginginig ng tinig nito ay pumupunit sa paninindigang nagsisilbi niyang kalasag.

Ayaw na niyang dagdagan pa ang sugat na pasan nito dahil sa kanya. Batid niyang ilang ulit siyang nagkulang, kaya napagpasyahan niyang huwag nang labanan ang agos ng damdamin nito hangga’t narito pa siya at may kakayahang protektahan ito.

Habang nakasandal siya sa gilid ng banlígan, pinakikiramdaman ang singaw ng mainit na tubig na dahan-dahang pumupuno sa loob ng silid, pinikit niya ang mga mata, umaasa na kahit sa maikling sandali ay matahimik ang kaguluhang bumubulong sa kanya.

Ngunit hindi pa man tuluyang lumulubog ang mundo sa katahimikan, may panauhin siyang dumating upang dadagan ang ingay na gumugulo sa isipan niya.

Si Duran.

Halatang minadali nito ang pagpunta, bahagya pang humahabol ang kanyang paghinga.

“Lumitaw ang Punong Ministro sa ikatlong araw ng pagpupugay sa kanyang pagpanaw. Ang lahat ng opisyales ay halos mawalan ng kulay, maging ang Emperador na dumalo sa huling araw ay muntik nang mahulog sa kanyang kinauupuan.”

Hindi mapirmi sa kinatatayuan ang Xuren ng Yan, hindi mawari kung ano ang dapat maramdaman.

“Ngunit ang mas nakahihilakbot,” nagpatuloy si Duran, “ay ang paratang niya na ang Ikalawang Prinsipe ang nasa likod ng lahat—”

Napahinto siya nang mapansing walang bakas ng pagkabigla o pag-aalinlangan sa mukha ng Lu Ryen.

“Huwag mong sabihing… ikaw ang nagpa­in kay Siyon?”

Lumaki ang mga hakbang niya palapit.

“Hindi ba’t napagkasunduan nating bibigyan mo ako ng sapat na panahon upang makuha sa panig ko ang lahat ng miyembro ng aking angkan?”

“Nakinig ako sa’yo nang pigilan mo akong maghiganti,” malamig na tugon ni Yura habang ibinubuhos ang lumamig na tsaa sa paso sa tabi. “Kaya huwag kang humingi ng dahilan kung bakit hindi nasunod ang ating napagkasunduan.” 

Si Yura ay nanatiling nakatingin sa kanya, wari’y tinitimbang nito ang bawat pag-alon ng damdamin niya.

“Duran, ito na ang pinakatamang panahon upang sumanib sa’yo ang iyong angkan. Hanggang kailan ka maduduwag at magtatago sa anino ng pinsan mo? Kung patuloy kang mananatili sa ilalim ng Ikalawang Prinsipe,” wika ni Yura sa malamig ngunit hindi mabagsik na tinig, “hindi mo kailanman makakamit ang buhay na hinihiling mo para sa sa iyong angkan.”

Tumigas ang panga ni Duran. Alam niyang tama ito.

At ngayong nakikita niya ang Lu Ryen na walang bakas ng pagsisisi… 

Napahawak ang Xuren ng Yan sa gilid ng lamesa. Inangat niya ang kopa at nilagok ang malamig na tsaa, wari’y kailangan ang kaunting pait upang magising ang loob niya. Batid niyang darating ang sandaling ito, ngunit ngayong nasa harapan na niya ang pagkakataong baguhin ang kanyang kapalaran, hindi pa rin siya makapaniwalang haharapin na niya si Siyon nang wala ang kadena sa leeg niya.

Ang tuluyang pagkalas… ang matagal na niyang inaasam… sumingit ang pangamba, ngunit mas malakas ang pagnanais na mabawi ang pangalan niyang matagal nang tinabunan

Tumuwid ang tindig ni Duran, na para bang ang bigat na bumalot sa kanya kanina ay unti-unting nabawasan.

Humugot siya ng mabigat na hininga.

“Hindi na,” marahan ngunit mariing sabi niya, “Hindi na ako magpapasakop sa kanya.”

Muling magsalin ng mainit na tsaa si Yura sa kanyang kopa ng lisanin ng Xuren ng Yan ang kanyang silid. 

Habang umiinit ang tensiyon sa pasilyo ng imperyal, pinili ni Yura na manatili sa kanyang palasyo. Ito ang mga panahong hindi niya kailangang gumalaw at hayaang umusbong ang mga tinanim niyang binhi. 

Paano dedepensahan ng Ikalawang Prinsipe ang sarili nito nang wala ang proteksiyon ng Yan.

Kung paano siya lilitisin ng mga nasa panig na oposisyon.

At ano ang magiging hatol sa kanya ng Emperador.