Hinatid ni Syven si Ellis sa mansyon nito. Tulad ng inaasahan niya, mag-isa lamang itong nakatira sa malawak na estate. Maayos ang pagkakaputol ng mga damo sa hardin at nakahilera ang mga ilaw sa magkabilang panig ng driveway, ngunit sa kabila ng karangyaan ay kapansin-pansin ang katahimikan ng lugar. Bihira lamang umuwi ang mga magulang ni Ellis dahil sa kanilang negosyo. Sa katunayan, isang beses lamang niya nakita ang mga ito—noong engagement nila. Iyon na rin ang huli.
Ang ama niya ang nag-ayos ng kasunduang iyon matapos lumabas ang iskandalo. Wala siyang naging pagkakataong makilala nang maayos ang pamilya ni Ellis, ngunit wala rin siyang pakialam noon. Sa panahong iyon, hindi mahalaga sa kanya kung sino ang mapapangasawa niya o kung sino ang makakasama niya sa buhay. Ang mahalaga lamang ay matapos ang iskandalo at maibalik sa dati ang pangalan ng kanilang pamilya.
Ngunit ngayon, iba na ang lahat. Bawat desisyong ginagawa niya ay may bigat na hindi niya maramdaman noon, na para bang bawat hakbang niya ay unti-unting ibinabalik siya sa mga pangyayaring pilit niyang tinatakasan.
Huminto ang sasakyan sa harap ng estate. Agad na lumapit ang mga tauhan upang buksan ang pinto para sa kanya. Bagaman ngayon lamang nila siya muling nakita, walang sinuman ang nagtanong nang buhatin niya ang walang malay na si Ellis mula sa sasakyan. Para bang sapat na ang apelyido niya upang tanggapin siya sa loob.
Tahimik siyang naglakad patungo sa silid ni Ellis, kasunod ang isang katulong na handang umalalay. Nang makarating sila sa kwarto, bahagya siyang natigilan.
Doon niya naunawaan kung bakit ganoon ang naging pagtanggap sa kanya ng mga tauhan.
Sa gitna ng malawak na dingding ay nakasabit ang isang malaking portrait niya.
Hindi iyon simpleng larawan. Napakalaki nito upang hindi mapansin, at napakapersonal upang hindi mag-iwan ng tanong sa isip niya. Para bang sa bawat paggising ni Ellis, siya ang unang taong nais nitong makita.
Saglit na nanatiling nakatingin si Syven sa larawan bago niya inilipat ang tingin sa dalagang walang malay sa kanyang mga bisig.
“Ako na ang bahala sa kanya,” turan niya sa katulong na akmang aalalayan si Ellis sa pagpapalit ng damit.
Bahagyang nag-alangan ang katulong ngunit tumango rin bago tahimik na lumabas ng silid.
Maingat niyang inilapag si Ellis sa kama. Saglit siyang nanatili roon, pinagmasdan ang payapang mukha nito. Wala sa ekspresyon nito ang bakas ng tensiyong dala nito bago siya mawalan ng malay, ngunit alam ni Syven na hindi iyon nangangahulugang wala na ang problema.
Dahan-dahan siyang lumayo at nilibot ang silid.
Maayos ang bawat bagay. Walang kalat, walang anumang tila hindi dapat naroon. Ngunit sa kabila ng perpektong pagkakaayos, may kakaibang pakiramdam ang silid—parang ang buong mundo ni Ellis ay matagal nang umiikot sa iisang tao.
Sa kanya.
Napatigil ang tingin niya sa laptop na nasa mesa.
Lumapit siya at sinubukang buksan iyon. Gaya ng inaasahan niya, may password.
Napalingon siya kay Ellis.
Mahimbing pa rin itong natutulog.
Hindi na nag-atubili si Syven. Kinuha niya ang laptop at phone nito bago tahimik na lumabas ng silid.
Dumiretso siya sa isang kakilala niyang IT expert at inilapag sa harap nito ang dalawang device.
“Did you find all of the copies?” tanong niya.
“I’m checking everything, sir. Phone storage, laptop, cloud backup, even iCloud. Kung may na-upload siya, lalabas din.”
Tahimik na nakaupo si Syven habang abala ang lalaki sa screen. Tanging mabilis na pag-click ng mouse at tunog ng keyboard ang maririnig sa silid.
Lumipas ang ilang minuto bago ito biglang tumigil.
“There’s an encrypted folder here.”
Hindi kumibo si Syven.
Maya-maya, bumukas ang folder.
Lumabas ang video.
Hindi na niya iyon kailangang panoorin. Isang sulyap lamang ang sapat upang malaman niyang iyon ang bagay na maaari muling gumulo sa lahat.
“Checking cloud sync… upload history…”
Muling tumahimik ang lalaki habang isa-isang sinusuri ang mga account.
Pagkaraan ng ilang sandali ay humarap ito kay Syven.
“Positive, sir. She only has the copy on her phone. I checked all her accounts. Wala siyang backup.”
Dahan-dahang huminga si Syven.
“Are you sure?”
“Yes, sir.”
Sandali siyang natahimik bago muling nagsalita.
“Delete everything.”
Nag-angat ng tingin ang lalaki. “Are you sure you want me to do that?”
Hindi agad sumagot si Syven.
Sa isang banda, alam niyang mali ang ginagawa niya. Alam niyang wala siyang karapatang pakialaman ang mga gamit ni Ellis, lalo na ang isang bagay na maaaring magsilbing ebidensiya laban sa kanya. Ngunit alam din niya kung ano ang maaaring mangyari kapag nanatili ang video sa kamay nito.
“Yes.”
Tahimik na pinindot ng lalaki ang delete.
Isang kumpirmasyon.
Isa pang click.
At tuluyan nang nawala ang video.
Ngunit hindi iyon sapat para kay Syven.
Makalipas ang ilang oras, nag-hire siya ng taong makakapasok sa estate nang hindi napapansin. Ibabalik nito ang laptop at phone sa dating pwesto at sisiguraduhing magmumukhang na-corrupt ang mga device matapos ang isang posibleng hacking incident. Wala siyang iniwang bakas na maaaring magturo sa kanya.
Nang matapos ang lahat, tahimik siyang nakaupo sa loob ng sasakyan at nakatingin sa labas ng bintana.
He betrayed Ellis.
He betrayed himself.
Sa huli, muli niyang pinili ang sarili niya. Mas nanaig ang kagustuhan niyang manatili kay Bryant kaysa sa konsensiyang nagsasabing mali ang bawat hakbang na ginagawa niya.
Maaari niyang sabihin sa sarili na ginawa niya iyon upang maiwasan ang isang mas malaking trahedya.
Ngunit alam niya ang totoo.
Ginawa niya iyon dahil ayaw niyang mawala si Bryant.
At kahit binigyan siya ng pangalawang pagkakataon, dala-dala pa rin niya ang taong naging dahilan ng pagkawasak ng unang buhay niya.
—
Makalipas ang ilang araw, muli niyang binalikan ang bilangguan.
Huminto siya sa harap ng selda ng lalaking matagal na niyang gustong kausapin. Nakaupo ito sa loob, nakasandal sa malamig na dingding. Nang marinig nito ang kanyang mga yabag, dahan-dahan itong nag-angat ng tingin.
Hindi ito nagulat.
“Akala ko hindi ka na babalik,” malamig nitong saad.
Hindi agad sumagot si Syven. Tinitigan lamang niya ang lalaking minsan niyang itinuturing na isang problema na kailangang alisin.
“I can get you out of here.”
Bahagyang napangisi ang lalaki, ngunit walang saya sa mga mata nito.
“Talaga?”
“Bibigyan kita ng pera. Bahay. Proteksyon. A new identity if you want.” Diretso ang tingin ni Syven dito. “You can start over.”
Tahimik ang lalaki.
“I can also help your family,” dagdag niya. “Your mother… your sister…”
“Huli na.”
Naputol ang sasabihin ni Syven.
Mababa ang boses ng lalaki, ngunit sapat iyon upang tuluyang mabura ang anumang paghahandang ginawa niya para sa pag-uusap na iyon.
“Namatay ang nanay ko,” patuloy nito. “Kakaisip kung makakalabas pa ako.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Syven.
“Yung kapatid ko…” Napailing ang lalaki at napatawa nang mapait. “Inampon siya ng mga kamag-anak namin. Akala ko ligtas siya roon.”
Saglit itong natahimik.
“Ginahasa siya.”
Nawala ang anumang nais sanang sabihin ni Syven.
Hindi niya inaasahan iyon.
O marahil ay ayaw lamang niyang isipin na may mga bagay na hindi kayang ayusin ng pera.
“Wala ka nang maibabalik,” patuloy ng lalaki. “Ano’ng gagawin ko sa pera mo? Ibabalik ko ba sa buhay ang nanay ko? Aalisin ko ba yung nangyari sa kapatid ko?”
Hindi nakasagot si Syven.
Walang lumabas na salita mula kay Syven.
Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin.
Sa unang pagkakataon, wala siyang maibigay.
Tumayo siya at tumalikod.
“Mr. Syven.”
Huminto siya.
Kung ano man ang sasabihin ng lalaki, hindi na siya sigurado kung handa siyang marinig iyon.
“Sisiguraduhin kong…” patuloy ng lalaki, “mas magiging miserable ang buhay mo kaysa sa’kin.”
Walang tugon si Syven.
Tahimik siyang naglakad palayo.
Ang tunog ng saradong pinto ng selda ay sumabay sa unti-unting pagguho ng natitirang pag-asa niya.
Habang nagmamaneho pauwi, wala siyang malinaw na direksyon.
Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang mga salita ng lalaki.
Akala niya nagbago na ang lahat.
Binura niya ang video na hawak ni Ellis. Ang video na naging dahilan kung bakit nagalit ang Ama niya, kung bakit muli siyang itinulak sa engagement na ayaw niya, at kung bakit nauwi ang lahat sa trahedyang kumitil sa buhay ni Bryant.
Sa unang pagkakataon simula nang bumalik siya sa nakaraan, naniwala si Syven na kaya niyang baguhin ang kapalaran.
Ngunit ngayon, para siyang muling ibinalik sa umpisa.
Napahigpit ang hawak niya sa manibela.
Maaaring mawala na ang video. Maaaring hindi na mangyari ang engagement. Ngunit naroon pa rin ang lalaking ito. Naroon pa rin ang galit nito. Naroon pa rin ang paghihiganting nakatanim sa puso nito.
At paano kung mapawalang-sala niya ito?
Paano kung ilabas niya ito sa kulungan at linisin ang pangalan nito?
Mapait na napangiti si Syven.
Mabubuhay ba muli ang ina nito?
Mabubura ba ang sinapit ng kapatid nito?
Hindi.
At kapag nakalaya ito, ano ang susunod? Hahanapin pa rin siya nito. Hahanapin pa rin nito ang taong sinisisi nito sa pagkawasak ng pamilya nila.
Maaari niyang pigilan ang isang trahedya, ngunit hindi niya kayang burahin ang dahilan kung bakit ito nagsimula.
Unti-unting bumigat ang paghinga niya.
Sumagi rin sa isip niya ang pinakamadaling paraan.
Patayin ang lalaki.
Tapusin ang lahat bago pa ito magsimula.
Mariing humigpit ang hawak niya sa manibela.
Naranasan niyang pagtaksilan ng sarili niyang kapatid. Naranasan niyang mamatay sa kamay ng taong dapat ay pamilya niya.
Kung papatayin niya ang lalaking iyon para iligtas si Bryant, ano ang mababago niya?
Isa na naman ba iyong taong mawawalan ng pagkakataong humingi ng hustisya?
Isa na naman ba iyong buhay na sisirain niya para iligtas ang taong mahal niya?
Wala.
Magsisimula siyang muli, ngunit dala-dala pa rin niya ang bigat ng konsensiyang nakatanim sa kanyang dibdib. Kahit binigyan siya ng pangalawang pagkakataon, hindi niya nais na muling mabuhay sa pagsisising minsan nang sumira sa kanya.
“What if… I just disappeared?”
Ilang beses niyang naisip na kitilin ang sarili kung iyon ang makakapagligtas kay Bryant.
Ngunit agad din niyang tinanggihan ang ideyang iyon.
Paano kung mawala siya… at pagbalik niya, wala na ito?
Paano kung wala pa ring magbago?
Humigpit ang panga niya.
“No…”
Hindi niya kayang ipagsapalaran iyon.
Mas gugustuhin niyang dalhin ang lahat ng sakit kaysa muling maranasan ang pagkawala nito.
Gabi na nang makatulog si Syven, ngunit hindi siya pinatahimik ng gabi.
Isang putok ang umalingawngaw sa kanyang panaginip.
Kasunod nito ang pagbagsak ng katawan ni Bryant sa harapan niya.
Napabalikwas siya ng bangon, habol ang hininga at nanlalamig ang buong katawan. Dumadaloy ang malamig na pawis sa kanyang batok habang hindi mapigilan ang panginginig ng kanyang mga kamay.
Sa unang pagkakataon, tuluyang bumigay si Syven.
“Bryant…”
Mahina niyang tawag sa pangalan nito habang nakayuko sa gilid ng kama.
Sinubukan niyang baguhin ang nakaraan, pero nagbago ito sa mas mapanganib na paraan.
Napagtanto niyang hindi ang mga taong nasa paligid niya ang dapat niyang baguhin kundi ang kanyang sarili. Nagsimula ang lahat ng ito dahil sa mga maling desisyong ginawa niya.
Ilang beses niyang sinubukang bumalik sa pagtulog.
Ngunit sa bawat pagpikit niya ay nakikita niya ang pagbagsak ng katawan ni Bryant.
Nang gabing iyon, pumunta siya sa Condo ni Bryant. Gusto niyang masigurong walang nangyari dito kahit pa alam niyang ligtas ito, gusto niya parin itong makita, pakiramdam niya ay hindi siya makakahinga ng maluwag ng hindi nararamdaman ang init ng katawan nito. Nais niyang iwaksi sa isipan niya ang imahe ng pagbagsak ng malamig nitong kamay ng bawian ito ng buhay.
Rumehistro ang pag-aalala sa mukha ni Bryant ng pagbuksan siya nito ng pinto. Lagpas na ng hating gabi, bakante ang mahabang pasilyo at tanging paghinga lamang nila ang maririnig.
Sinugod ng mariing halik ni Syven ang labi nito. Gusto niyang maramdaman ang init ng katawan ni Bryant bilang patunay na hindi ito nawala sa kanya. Hindi nito nagawang tumugon ng bumitaw ang labi niya.
Sinalubong ni Syven ang tingin ni Bryant.
“I miss you.”
“Then stop running.”
Binalot ng yakap ni Bryant ang tila nanginginig na katawan ni Syven. Ramdam niya ang takot sa mga mata nito. Mariin niyang hinagkan ang nakalantad nitong leeg sa kanya.
“If you don’t want to lose me, then stop holding on to Ellis.” Marahan niyang pinaharap sa kanya ang tingin ni Syven. “You can’t have both of us. If you want me in your life, choose me—and only me.”
“I…” Dahan-dahang kumawala si Syven sa yakap nito. Hindi niya magawang salubungin ang titig ni Bryant. “I can’t do that.”
May kung anong nagbago sa mga mata ni Bryant. Mabilis niyang hinila si Syven papasok, saka pabalibag na isinara ang pinto. Bago pa ito makapagsalita, naitulak na niya ito sa dingding.
“Bakit hindi?” Pinilit ni Bryant na salubungin ni Syven ang kanyang tingin. “You fear nothing, yet you’re terrified of this.”
Naninikip ang dibdib ni Syven sa paraan ng pagtitig ni Bryant sa kanya. Wala sa mga mata nito ang dating lambing na madalas niyang nakikita, ngunit wala rin doon ang galit na inaasahan niya. Sa halip, may kung anong pagod at hinanakit na mas mahirap harapin kaysa anumang sigaw. Para bang sa sobrang tagal nitong naghihintay, nauubos na rin ang lakas nitong umasa.
“Do you know what I hate the most?” mababang tanong ni Bryant.
Hindi sumagot si Syven. Hindi rin niya magawang salubungin ang mga mata nito. Alam niyang anumang sagot ang ibigay niya ay hindi magiging sapat para sa mga bagay na matagal nang kinikimkim ni Bryant.
Mapait na napatawa si Bryant at bahagyang humigpit ang pagkakahawak sa magkabilang balikat niya. “Every time you look at me like that, I start believing you.”
Napalunok si Syven. “Believing what?”
“That you actually want me.”
Nanatili ang titig ni Bryant sa kanya, para bang hinihintay nitong marinig mula sa kanya ang isang pagtanggi. Ngunit wala siyang masabi. Hindi dahil wala siyang sagot, kundi dahil alam niyang pareho nilang alam ang totoo.
“Then morning comes,” mapakla nitong dugtong, “and you go back to her.”
Bahagyang napapikit si Syven. Mas masakit marinig ang hinanakit sa boses ni Bryant kaysa sa anumang galit na maaari nitong ipakita. Wala siyang maipagtanggol sa sarili niya dahil sa paningin ni Bryant, wala namang pinagkaiba ang mga dahilan niya. Paulit-ulit niya itong nilalapitan kapag hindi niya kayang lumayo, at paulit-ulit din niya itong iniiwan kapag kailangan na niyang harapin ang buhay na pinili niya.
“Bakit hindi mo ako mapili?” tanong ni Bryant.
Napahinto ang paghinga ni Syven.
“Bryant—”
“Why can’t you choose me?”
Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata.
Dahil kapag pinili kita, maaaring mamatay ka.
Sa bawat pagtatangkang baguhin niya ang nakaraan, sa bawat desisyong ginawa niya upang ilayo si Bryant sa kapahamakan, tila mas lalo lamang siyang ibinabalik sa parehong dulo. Kahit anong landas ang tahakin niya, iisa pa rin ang kinatatakutan niyang kahihinatnan—ang muling mawala si Bryant sa kanyang mga kamay.
Mas gugustuhin niyang kamuhian siya nito kaysa muli niyang masaksihan ang pagkamatay nito sa harapan niya.
Ngunit wala ni isa sa mga salitang iyon ang lumabas sa kanyang bibig. Hindi niya kayang sabihin ang katotohanan, hindi niya kayang ipaliwanag ang isang buhay na siya lamang ang nakakaalala, at higit sa lahat, hindi niya kayang ipagsapalaran na malaman ni Bryant ang dahilan kung bakit siya desperadong kumakapit sa distansya.
“I don’t know,” mahina niyang bulong.
Matagal siyang tinitigan ni Bryant. Sa katahimikang iyon, tila hinahanap nito sa mukha ni Syven ang sagot na matagal na nitong hinihintay, umaasang kahit minsan ay pipiliin nitong sabihin ang katotohanan kaysa muling magtago sa likod ng katahimikan.
Sa huli, marahan itong tumango.
“That’s the problem, Syven.”
Bahagyang nanginig ang dibdib ni Syven.
“I think you do.”
At sa pagkakataong iyon, mas masakit pa ang mga salitang iyon kaysa anumang sigaw o galit na maaaring ibato sa kanya ni Bryant. Dahil sa kaibuturan niya, alam niyang tama ito. Alam niya kung ano ang gusto niya. Alam niyang kung sino ang gusto niya.
Ang hindi niya alam ay kung paano ito mamahalin nang hindi niya muling isinusuko sa kamatayan.