Malagim na balita ang nagpayanig sa kabisera ng imperyal. Naghatid ito ng takot at pangamba sa puso ng mga tao.
“Ilang matataas na opisyales ang naimbitahan sa idinaos na kasiyahan, maging ang Punong Ministro na maagang lumisan ay hindi nakauwi ng ligtas.”
“Ang sunugin ang mga ito ng buhay… Hindi ba’t tila pamilyar ang parusang ito sa trahedyang nangyari noon? Hindi ko makakalimutan ang kautusang binaba ng Emperador na lumingas sa lahat ng taong nakabasa sa pulang aklat.”
“Sinong maglalakas loob na gawin ito sa loob ng kapitolyo? Kung hindi ito isang rebelyon, ito ay mapanganib na banta sa Mahal na Emperador.”
“Ang pilayan ito ng kanang kamay ay nagpapahayag ng malaking digmaan!”
Nabalot ng kilabot ang bulwagan ng Dakilang Palasyo, Nanlilisik ang mga mata ng Emperador sa kanyang mga Ministro.
“Kamahalan, hindi na sapat ang proteksiyon ng mga kawal ng imperyal sa kapitolyo.” Pagdiriin ni Ministro Han. “Kung pahihintulatan niyong kumilos ng malaya ang Punong Heneral sa loob ng kapitolyo, ano mang banta na kanilang pinaplano ay matutuldukan.”
Maingay na sumang-ayon ang iba pang mga Ministro. Hindi maikakaila ang takot na lumalamon sa kanila. Kung nagawa ng mga itong paslangin ang Punong Ministro, sino pa sila sa paningin ng mga tulisang ito? Maaaring sila na ang susunod na matutupok ng nagbabagang apoy.
“Tama ang Kanang Ministro, tulad ng ginawa ng Ikalawang Prinsipe, nakalaya ang Nyebes sa banta ng rebelyon dahil pinangunahan ng Zhu ang pagdakip sa mga ito.”
“At sino ang kanilang dinakip? Ang Punong Opisyal at mga opisyales nito!” Nagpupuyos sa galit na bulyaw ng Emperador. Muling ipinapamukha sa kanya ng Zhu na kailangan niya ang mga ito upang protektahan ang kanyang trono.
Tumahimik ang bulwagan ng bumaba ang Emperador mula sa trono upang isa-isang kastiguhin ang kanyang mga Ministro.
“Sa sandaling payagan kong kumalampag ang hukbo ng Punong Heneral sa kabisera ng imperyal, hindi lang mga rebelde ang kanyang lilinisin kundi maging ang mga tiwaling opisyales na pumipiga ng salapi sa kanilang mga nasasakupan. Kilala ang Zhu na hindi nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa sino mang nagkakasala sa lupain. Maipapangako niyo ba na sa simula ng unang araw niyong naglingkod sa imperyong ito ay hindi kayo nagkasala? Mapaninindigan niyo bang malinis ang inyong konsensiya?” Huminto ang Emperador sa harapan ng Kanang Ministro na siya ngayong may hawak ng suporta ng mga Ministro. “Hindi ko kailangan ng hukbong bubuwag sa mga taong tapat na nagsisilbi sa akin. Magagawa kong magbigay ng pangalawang pagkakataon ngunit hindi ang Punong Heneral. Ngayon, sabihin niyo sa akin kung dapat ko bang papasukin ang hukbo nito upang kalampagin ang kapitolyo?!”
Sa halip na mamighati sa pagpanaw ng Punong Ministro at mga opisyales ng imperyo, nangibabaw ang kanilang takot na malagay sa panganib ang kanilang buhay at estado.
Dinama ni Yura ang kanyang pulso, kinalma niya ang sarili. Sadyang naging magaan ang korona para sa Emperador, hindi nito naranasang umupo sa gitna ng digmaan. Ang itinuturin nitong tulisan ay ang kanyang Ama na siyang bumubuhat sa trono nito.
“At sa panig ng Ikaanim na Prinsipe?” Sunod na tanong ni Yura kay Won. Ang galit na tinatago niya ay nabahiran ng pait.
“Walang ingay ang lumabas mula sa palasyo nito.”
Nanatili itong tahimik pagkatapos ang pagtatangka sa buhay nito. Isa lang ang nakikitang dahilan ni Yura sa pananahimik ng Ikaanim na Prinsipe, nais nito iyong itago upang hindi maukol dito ang atensiyon ng Emperador. Ang tangkang pagpapatahimik sa isang mataas na maharlika ay hindi maaaring ipagwalang-bahala subalit mas pinili nitong manahimik dahilan upang makasiguro si Yura na ito ang namumuno sa rebelyon.
Ang sinulat nitong pulang libro ang nagsindi ng liberasyon sa kaisipan ng mga nakabasa nito, isa si Yura sa mga naghangad na dumating ang panahon na maging malaya ang lahat na gamitin ang kanilang karapatan upang umangat sa kanilang estado ayon sa kanilang kakayahan. Ngunit ang paglitaw ng kaalamang ito ay naghatid ng banta sa palasyo ng imperyal, kinukwestiyon nito ang awtoridad ng Emperador. Kung kaya’t nauwi ito sa masalimuot na alaala.
Nang matuklasan ni Yura na ang Ikaanim na Prinsipe ang sumulat ng pulang libro, hindi siya naniniwalang nanaisin nitong mabuwag ang estado ng pamilya ng imperyal kundi naglalayon itong patatagin ang karapatan ng kanilang pinamumunuan, at bigyan ng kalayaan ang mga taong tuklasin ang kanilang kakayahan ng hindi natatali sa kanilang mababang pinanggalingan. Naniwala siyang hindi nito kagustuhan ang naging resulta ng nilikha nito, tulad ng hindi kagustuhan ni Yura na mapaslang ang iskolar ng Guin na nagbigay sa kanya ng libro.
Ngunit isang mapait na pagkakamali ang kanyang nagawa, kung hindi siya nagdalawang isip ng sandaling iyon, hindi niya mararamdaman ang bigat na bumabagabag sa kanya ngayon.
“Sinusundan niya ang bakas natin, siguraduhin mong maililigaw mo sila.” bilin ni Yura kay Won.
Umakyat ang kamay ni Yura sa kanyang sentido ng mapag-isa siya sa kanyang silid. Ang inaasahang niyang kirot ay hindi dumating. Sa halip, ang yelong nagsisimulang bumalot sa kanya ay matalim na bumabaon sa kanyang dibdib.
Gagamitin ni Yura ang pagkakataong ito upang tunawin ang kayamuan na lumalamon sa korona ng imperyo.
Nagdeklara ang Emperador ng isang malaking pangangaso sa loob ng tatlong araw bilang pagpupugay sa alaala ng yumaong Punong Ministro.
Ang okasyon ay napuno ng kalungkutan sa pagkawala ng isang dakilang lingkod. Nagtipon-tipon ang mga Opisyales upang magbigay-pugay sa kanyang natatanging kontribusyon sa Imperyong Salum.
“Ang ilan sa mga myembro ng pamilya ng imperyal ay pinadala ng Mahal na Emperador sa pangangaso, kung kaya’t maging ang mga malalaking angkan ay nakilahok sa pangangasong ito.”
“Isang pagpapahayag na lubos na nagdadalamhati ang Emperador sa pagkawala ng Punong Ministro.”
“Nakakalungkot isipin na ang Punong Ministro na siyang laging bukas ang tarangkahan para sa mga dukha ay nilapastangan lamang ng mga tulisan.”
Nahinto ang mga pag-uusap sa pagdating ng pulutong ng Ikalawang Prinsipe. Mukhang ito ang mamumuno sa pangangaso dahil hawak nito ang pana ng Emperador. Kung narito ang Prinsipeng-tagapagmana, tiyak na dito ipagkakatiwala ng Emperador ang tungkuling ito, subalit ang pagkakataong ito ay muling nahulog sa kamay ng Ikalawang Tagapagmana. Hindi maipagkakaila na lumalaki ang impluwensiya nito matapos ang nangyari sa Nyebes.
Natuon ang atensiyon ng iba sa Lu Ryen na nasa tabi ng Ikalawang Prinsipe. Marahil totoo ang naririnig nilang nagkakasundo ang dalawa.
Naglalaro ang mga daliri ni Siyon sa linya ng pana ng kanyang Ama, kumpara sa nalulumbay na mukha ng mga naroon ay maaliwalas ang kanyang anyo habang hinihintay niyang maitayo ng mga kawal ang kanyang kampamento.
“Naipagpaliban ang nakatakda kong matrimonya sa Xirin ng Kanang Ministro dahil sa pangyayaring ito.” Naukol ang tingin ng Ikalawang Prinsipe sa Lu Ryen. “Yura, dapat ko bang ituloy ang kasunduang ito?”
Tuwid ang tinging ibinaling ni Yura kay Siyon. “Kung tatalikuran mo ang pangakong iyon, ang sunod mong mga kautusan ay mawawalan na ng bisa.”
“Batid mong ang damdamin ng aking magiging konsorte ay nahihimlay sayo, subalit nais mong panindigan ko ang aking pangako?”
“Ang pasya ay nasa inyo Kamahalan.”
Ang tugon ni Yura na nilagpasan ang Ikalawang Prinsipe at tumuloy sa dumating na karwahe upang alalayan ang pagbaba ng Xienli nito.
Ang lahat na kabilang sa pangangaso ay may kasamang kapareha bilang pagsunod sa nakagawiang tradisyon. Ang kaparehang dinala ng Lu Ryen ay ang Fenglin at hindi ang Prinsesa ng Imperyal.
Tunay na ang Xirin ng Kanang Ministro at ang Prinsesa ay hindi maikukumpara sa Fenglin na kinuha ng Lu Ryen sa kanyang Palasyo. Lumalim ang kagustuhan ni Siyon na tuklasin ang bagay na nakita dito ng Lu Ryen.
“Kamahalan, nakahanda na po ang lahat.” Pagbibigay alam ng kanyang Punong-kawal.
Sa pagsisimula ng pangangaso, pinangunahan ng Ikalawang Prinsipe ang seremonya.
Ang malamlam na paligid ay hiniwa ng matalim na palaso ni Siyon. Sunod-sunod ang kanyang mga naging huli sa sandaling pumasok sila sa masukal na kagubatan.
Nilingon niya ang Lu Ryen na siyang nagpakawala ng palaso sa direksiyon ng mga nagliliparang mga ibon na nabulabog mula sa kanilang mga pugad.
Buhay na bumagsak ang mga ito na mabilis na ikinulong sa malaking hawla ng mga lingkod.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Punong Ministro ay mahilig sa mga ibon. May iba’t iba itong koleksiyon ng mga ibon na nanggaling sa mga dayuhang lupain.
“Paano nila madadamayan ang Punong Ministro sa kabilang buhay kung humihinga pa sila?” Umangat ang pana ni Siyon at sinalubong ang liwanag ng araw bago nagpakawala ng palaso sa ibon na dumaan sa kanila.
Tumilamsik sa kapa ng Ikalawang Prinsipe ang dugo ng ibong bumagsak sa paanan nito.
“Ah?”
Namumutlang lumapit ang bantay na Kawal ng Ikalawang Prinsipe ng mabigo siyang saluhin ang pagkahulog ng ibon. Nais niyang punasan ang kapa nito subalit huminto ang paghinga ng kawal ng tumigil sa tapat ng kanyang mata ang dulo ng palaso ng Ikalawang Prinsipe. Ano mang sandali ay nagbabanta itong bumaon sa kanyang paningin.
“Dapat ko bang dukutin ang matang ito na walang pakinabang sa akin?”
“K-Kamahalan nagkamali ako, humihingi ako ng tawad!” Sa panahong nagsisilbi siya bilang Kawal ng Ikalawang Prinsipe, batid niyang hindi nito palalagpasin ang kanyang pagkakamali. Tanging hinahangad niya na hindi ang kanyang buhay ang maging kapalit.
Kinalas ni Yura ang sariling kapa bago lumapit sa Ikalawang Prinsipe. “May dahilan kung bakit nais ko silang mahuli ng buhay.” Inabot ni Yura ang kapa sa kamay ni Siyon na may hawak na palaso.
Ang nagdidilim na emosyon ni Siyon ay sumama sa pagdaan ng hangin ng sandaling dumantay sa kanyang balat ang mapuputing daliri ng Lu Ryen…
Namamanghang lihim na napalunok ang mga nagmamasid na tauhan ng tanggapin ng Ikalawang Prinsipe ang kapa. Mapili at sensitibo ito sa kanyang mga kasuotan kung kaya’t hindi ito magsusuot ng pag-aari ng iba. Ngunit walang pag-aalinlangan kinalas nito ang sariling kapa upang isuot ang kapa ng Lu Ryen.
Hinablot ng Punong Kawal ang nakaluhod na kawal at tahimik na dinala sa tagong sulok ng kakahuyan. Walang ingay na pumanaw ang impit ng ungol nito matapos itong busalan sa bibig.
“Yura, hindi ko pinapalagpas ang sino mang nagkasala sa akin.” Tinapakan ni Siyon ang ibong naligo sa sarili nitong dugo. Maririnig ang pagkadurog ng mga buto nito. “Mapapanatag lamang ako kung hindi na sila humihinga.”
Ibinaling ni Yura ang tingin sa ibang direksiyon subalit umabot parin sa kanya ang amoy ng sariwang dugo.
“Lumaking duwag ang nag-iisang Xuren ng Punong Ministro dahil naging malambot ang pagpapalaki dito, maging ang ikaanim kong kapatid ay nanatiling tahimik kahit buhay na ng kanyang tiyuhin ang nawala. Hindi ko kayang manahimik ng tulad nila. Mas pipiliin kong maging serpyente sa paningin ng lahat sa halip na mag-ingat sa bawat desisyong tatahakin ko.”
“Nais mong mabuhay sa takot ang mga taong nasa panig mo?”
“Takot? Hindi ko ito nakikita sa mga mata mo.” Sumidhi ang kagustuhan ng Ikalawang Prinsipe na makita ang iba’t-ibang emosyon sa mga mata ng Lu Ryen. Nais niyang siya lamang ang pag-uukulan nito ng ganoong tingin.
