Hinatid ni Yura ang Prinsesa sa palasyo nito matapos nilang lisanin ang kasiyahan. Hinintay niyang tuluyan itong kumalma bago niya tinawag ang mga lingkod na tulungan itong magpalit ng kasuotan.
“Huwag mo akong iiwan, hindi ko alam ang maaari kong gawin sa sandaling mawala ka sa paningin ko.” Nagbabantang wika ni Keya.
Maingat ang mga hakbang na umatras ang mga katiwala. Kung maaari ay nais nilang itago ang kanilang presensiya.
Wala ng halaga kay Keya ang reputasyon niya bilang prinsesa ng imperyal kung maaagaw mula sa kanya ang Lu Ryen. “Nakapagdesisyon na ako,” tuwid na sinalubong ni Keya ang tingin ni Yura. “Gagawin ko ang lahat upang manatili ka sa tabi ko. Kahit pa dumating tayo sa puntong kamuhian mo ako-“
“Keya,”
Natigilan ang prinsesa ng marinig nito ang pagtawag ng Lu Ryen sa kanyang pangalan. Bagay na matagal na niyang nais marinig mula dito, subalit ang mga sumunod na kataga nito ay nagpahina ng kanyang loob.
“Hindi ako isang teritoryo na maaari mong kamkamin. Higit na hindi mo ako pag-aari na dapat mong angkinin. Ipinagkasundo tayo ng kautusan ngunit huwag mong kakalimutan na ang titulo mo bilang prinsesa ng imperyal ay walang kapangyarihan sa loob ng ating matrimonya.” Hindi siya papayag na masundan ang nangyari sa okasyon. Ang reputasyon ng prinsesa ay hindi maaaring gumuho ng dahil sa kanya.
“Nais mo akong hubaran ng karapatan bilang iyong konsorte? Sabihin mo sa’kin, dahil parin ba ito sa aking ama? Kaya hindi mo ako magawang tanggapin?” Sunod-sunod ang ginawang pag-iling ni Keya. “Ngunit hindi iyon ang kagustuhan ko, hindi ko hinangad na mapahamak ka.”
“Ang naging desisyon ng Emperador ay hindi ko kagustuhan. Kung ako ang masusunod, hindi ako papayag na malagay ka sa kapahamakan.”
Mistulang naririnig ni Yura ang Ikatlong Prinsipe sa Prinsesa. Ang sinsiridad ng magkapatid ay tila malalim na tubig na lumulunod sa kanya.
“Hindi lamang iyon ang dahilan,” Ano man ang tugon ang gamitin ni Yura ay hindi nito mauunawaan, ngunit hindi niya kayang insultuhin ang damdamin ng prinsesa. “Hindi ako ang lalaking nakalaan para sayo. Ano man ang gawin mo ay hindi ito magbabago. May karapatan kang magalit o kamuhian ako subalit hindi mo kailangan saktan ang sarili mo. Ako ang hindi naging mabuting Lu Ryen para sayo, pagka’t hindi ko matutupad ang tungkulin ko bilang iyong kabiyak.”
Hindi nagtagal si Yura sa silid ng prinsesa. Bago pa lumambot ang tingin niya ay pinili niyang iwan ito. Ang sugat na gumuhit sa mga mata nito ay sapat na upang paghinaan siya ng loob. Subalit kailangan niyang maging matigas upang hindi na maulit ang nakaraang pagkakamali.
Pakiramdam ni Keya ay tumatakbo siya sa nagbabagang bato papunta sa Lu Ryen, ngunit kahit anong gawin niya upang tawirin ang kanilang distansiya ay mas lalo lamang itong lumalayo sa kanya.
Nahahabag na lumapit ang Punong Katiwala sa prinsesa. “Kamahalan, dumating ang mga lingkod ng Emperatris upang sunduin kayo…”
Mariing napapikit si Keya at nagpakawala ng malalim na hininga.
Tinulungan ni Chuyo ang prinsesa niyang magpalit. Walang buhay ang mga mata nitong sumunod sa mga lingkod ng Emperatris. Nababalisa ang Punong-katiwala para sa prinsesa, dahil malamig itong tinanggihan ng Lu Ryen at wala ngayon ang Ikatlong Prinsipe sa tabi nito. Batid ni Chuyo na naghihintay ang mabigat na parusa sa prinsesa dahil sa nangyari sa okasyon. Ngayon pa lamang ay dumadaloy na ang kilabot sa balat ng Punong-lingkod habang hinahanda nito ang sarili.
Nang dumating sila sa matayog na palasyo, ang sumalubong sa kanila ay maaliwalas na ngiti ng Emperatris. Nais gusutin ni Chuyo ang kanyang paningin upang kumpirmahin kung tama ba ang tanawing bumungad sa kanila.
Tinanggap ng Emperatris ang prinsesa sa mga bisig nito at inalalayan itong umupo sa kanyang tabi. Hindi namalayan ni Chuyo na bahagyang bumuka ang kanyang bigbig. Ngunit hindi parin nawawala ang pangamba sa kanyang dibdib. Ang ginawa ng Prinsesa sa kasiyahan ay natitiyak niyang hindi palalagpasin ng Emperatris.
Nadagdagan ang pangamba ni Chuyo na may kalakip na pagtataka ng lumabas ang matandang manggagamot ng imperyal.
“Keya, nais kong masiguro kung tama ang aking hinala.”
“Ina, hindi ko maintindihan.”
Natutuwang Ikinawit ng Emperatris ang ilang hibla ng buhok ng prinsesa sa likod ng taynga nito. “Ilang gabi na kayong nagsama ng Lu Ryen, napapansin mo bang madalas na wala kang kontrol sa iyong emosyon? Ako ang nagpalaki sayo, kaya alam kong hindi mo kagustuhan ang mga nangyari. Maaaring senyales ito na nagdadalang-tao ka.”
Kagyat na iniwasan ni Keya ang kamay ng Emperatris. “Ina, masyado pang maaga para malaman kung-“
“Kung kaya narito ka upang masuri,” Hindi na hinintay ng Emperatris na tumutol ang prinsesa. Sinenyasan nito ang Matandang manggagamot ng imperyal na suriin ito. Walang tanong na sumunod ang manggagamot.
Kagat ang ilalim ng labing hinintay ni Keya ang magiging hatol sa kanya. Mali ang kanyang Ina, marahil hindi nito matanggap ang kanyang pagbabago kung kaya’t nahulog ito sa isang ilusyon.
Ang bawat galos na natatanggap niya ay namumulaklak ng mapait na bunga. Mas nanaiisin niyang mabuhusan ng nagyeyelong tubig sa halip na harapin ang katotohanang ibinalik sa kanya ng Lu Ryen.
“I-Ito… Ito ay…” Namumutlang hindi makatingin sa Emperatris ang manggagamot matapos suriin ang prinsesa. Namumuo ang pawis sa noong ipinahayag nito ang kinalabasan ng kanyang pagsusuri. “Ang prinsesa ay hindi nagdadalang-tao. Bagkus, walang kakayahan ang prinsesang magbuntis.”
Rumagasa ang takot at matinding pagkabalisa sa mukha ng Emperatris. “Hindi maaari. Hindi maaaring mangyari ito sa kanya!”
Muling pinag-utos ng Emperatris na suriin ang Prinsesa ngunit iyon parin ang tugon na bumalik sa kanya. Nanginginig ang kamay na napahawak siya ng mahigpit sa silyon. Ito ba ang kapalit ng pag-abandona niya sa isa niyang supling? Dahil pinili niya ang kapangyarihan sa halip na akuin ang kanyang kasalanan? Subalit bakit si Keya ang kailangang magbayad nito? Sumidhi ang hinagpis ng Emperatris ng marinig niya ang mapait na ungol mula sa Prinsesa. Mahigpit na niyakap niya ito upang patahanin ngunit marahas itong kumalas sa kanya.
“Wala tayong magagawa kundi tanggapin ito. Wala ka mang kakayahang magdalang-tao ngunit posible itong gawin ng iba para sayo. Maaari mong angkinin ang bata at ilagay sa ilalim ng iyong pangalan-“
“Tumigil na kayo! Hanggang kaylan niyo hahawakan ang buhay ko?!” Isa-isang pinunit ng prinsesa ang mga ornamento sa kanyang kasuotan. “Hanggang kaylan niyo didiktahan ang mga desisyon ko?!”
“K-Keya..?”
“Bakit hindi niyo matanggap na magkaiba tayong tao? Na hindi ko kailangan ng marangyang kasuotan at ginintuang titulo na sinasamba niyo?” Bumagsak ang balikat ng prinsesa at sunod-sunod na pagnginig nito ng hindi niya napigilan ang hagulhol na nais kumawala sa kanyang dibdib. “A-Ano pa… Ano pang panghahawakan ko upang ako ang piliin niya?” Ang buong akala niya’y manhid na siya ngunit may mas malalim pang sugat ang naghihintay sa kanya.
Ang pagkadurog ng kanyang supling sa kanyang harapan ay tila kumikitil sa puso ng Emperatris. Saan siya nagkamali? Ang tanging hangad niya lamang ay protektahan ang mga ito, sapagkat hindi niya naprotektahn ang isang supling na nawalay sa kanya. “Sabihin mo sa akin, ano ang nais mong gawin ko?” Muli niyang tinangkang yakapin ang prinsesa upang balutin ang napilas nitong kasuotan.
Nanghihinang nagsumiksik si Keya sa bisig ng Emperatris. “Ilihim niyo ito sa Lu Ryen. Hindi ako papayag na matuklasan niya ang tungkol dito.”
Walang nagawa ang Emperatris kundi sumang-ayon. Hihintayin niya na lamang ang sandaling matanggap ito ng prinsesa. Subalit hindi niya gustong pagdaanan nito ang naranasan niya, na ang tanging hawak ay ang kanyang titulo bilang Pangunahing konsorte at malamig na pader ng palasyo ng imperyal.
“Nasaan na ang Ikatlong Prinsipe?” Ang tanong ng Emperatris sa Punong-kawal ng kanyang palasyo matapos niyang makumbinsi ang prinsesa na magpahinga sa kanyang silid.
“Kasama ang Prinsipeng tagapagmana, patuloy silang naglalakbay sa lupain ng Velbes. Ayon sa bagong mensaheng dumating, balak ng Pangunahing Prinsipe na tumigil sila roon ng tatlong araw.”
Nakahinga ng maluwag ang Emperatris, mabuti at wala ang Ikatlong Prinsipe ng nangyari ito kay Keya, dahil hindi niya alam kung ano ang maaari nitong gawin sa sandaling makita nitong nasasaktan ang kapatid nito…
Velbes.
Isa sa pinakamahirap na lupain na nasasakupan ng Imperyong Salum. Hindi nakakaabot ang tulong sa lugar pagka’t hinaharang ito ng mga bandido. Pinangunahan ng Prinsipeng tagapagmana ang pagsugpo sa mga rebelde ng sandaling atakihin ng mga ito ang kanilang pulutong.
Nagtago ang mga tao sa lugar ng makita nila ang pagdating ng mga dayuhan. Inokupa ng pulutong ang naulilang tahanan na may malawak na bulwagan. Ang lugar ay dating tirahan ng isang yumaong opisyal.
“Bakit hindi mo ipahayag na ikaw ang Prinsipeng tagapagmana? Pinili mo ang dulo ng lupain na ito upang bisitahin sila ngunit ito ang kanilang isasalubong sayo?” Tanong ni Yiju sa kapatid.
Isang matipid na ngiti ang unang naging tugon ni Silas. “Hindi nila kilala kung sino ang Emperador, kaya walang halaga na malaman nila kung sino ako. Ang dating opisyal na itinalaga sa bayan na ito ay sinunog ng mga tao. Nang makarating ito kay Ama, itinurin niyang rebelde ang lahat ng mga nasasakupan niya sa lupaing ito. Nagpadala siya ng hukbo upang bigyan sila ng leksiyon. Ganon pa man, walang opisyal ang nais umokupa ng tungkulin, hanggang sa naging disyerto ang lugar at ang tanging bumalik ay mga taong wala ng ibang mapupuntahan.”
“Nang imbitahin mo akong sumama sayo, ito ba ang sinasabi mong tanawin na nais mong makita ko?” Nabulag si Yiju ng marangya at makukulay na kasuotan kung kaya’t ang walang buhay na lupain ay banyaga sa kanyang paningin.
“Nagsisisi ka ba na sumama sa akin?” Lumalim ang ngiti ng Prinsipeng tagapagmana sa Ikatlong Prinsipe.
“Isang biyaya na ikaw ang tagapagmana ng ating imperyo. Ni minsan ay hindi sumagi sa isipan ko ang kalagayan ng mga tao sa lupaing hindi nasisinagan ng araw.”
“Nakalimutan mo na bang ikaw ang humila sa akin na tumakas upang bisitahin ang kapitolyo? Kung hindi ko nasaksihan ang linya ng mga batang alipin na hinihila ng kabayo, mananatili ang karanasan ko sa likod ng mga pahina ng libro.” Natutuwang inalala ni Silas kung paano tanggapin ng kapatid niya ang parusa ng Emperatris, subalit ng sumunod na araw ay muli siya nitong niyayang tumakas.
“Iyon ang mga panahong hindi ko alintana ang kahihinatnan ng aking mga desisyon.”
Nahimigan ni Silas ang bigat sa huling mga katagang binitiwan ni Yiju. Umangat ang kamay niya upang pisilin ang balikat nito. “Alam mong handa akong makinig. Noon, ngayon at sa hinaharap ay walang magbabago sa relasyon nating magkapatid.”
“Ganoon din sa akin, subalit mabigat na ang responsibilidad na nakaatang sa iyong balikat. Ang tanging magagawa ko ay maging sandalan mo sa panahong ito.”
“Ngunit mas lalong bibigat ang nakaatang sa akin kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko bilang kapatid mo.” Giit ni Silas. Nababahala siya pagkat lumamlam na ang agresibong parte ni Yiju na lubos niyang hinahangaan.
Walang nagawa si Yiju kundi ilabas ang bagay na matagal ng gumugulo sa kanya. “Nagkaroon ka na ba ng taong nais mong mapalapit sayo, ngunit hindi mo alam kung tama bang manatili siya sa tabi mo?”
“Nagkaroon ako noon,” naghihinayang na napailing si Silas sa kanyang sarili. “Ngunit wala akong sapat na kakayahan na protektahan ang pagkakaibigan namin. Kung mananatili siya sa tabi ko, ilalagay ko lamang siya sa panganib. Subalit ang taong iyon ay isang dakilang mandirigma, mapanganib ang kanilang hukbo. Ang tanging kahinaan na mayroon sila ay ang kasunduang tumatali sa kanilang maging tapat sa trono ng imperyal.”
“Ang Pangunahing Xuren ba ng Punong Heneral ang kaibigang tinutukoy mo?” Naalala ni Yiju na madalas niyang makita noon ang batang heneral na bumibisita sa kapatid niya upang samahan ito sa pagsasanay.
“Siya nga, ang kaibigan na ni minsan ay hindi ko pa nagagapi sa tunggalian. Kailangan kong maging tapat sa imperyo upang ang katapatan nila sa trono ng imperyal ay hindi maging kahinaan. Ito lamang ang magagawa ko bilang kaibigan niya.” Hinarap ni Silas ang kapatid. “Ang taong nais mong mapalapit sayo, siya ba ay isang kaibigan?”
Ang tanong ni Silas ay nagdulot ng bigat sa dibdib ni Yiju. “Kung isa lamang siyang kaibigan, hindi ko kailangang iligaw ang sarili ko upang takasan ang nararamdaman ko.”
