Batid ni Siyon na sa sulok ng mga tingin ng Lu Ryen nakakubli ang patalim, hindi niya masukat ang hangganan nito pagka’t napakahusay nitong magtago. Subalit wala pang matigas na brilyante ang hindi natutunaw sa kamay niya.
Dinama ng Ikalawang Prinsipe ang itim na kapa habang sinusundan ng tingin ang papalayong Lu Ryen.
Nahati ang kanilang pulutong ng itinalaga sila sa magkaibang lokasyon para sa tatlong araw na pangangaso.
“Sisiguraduhin naming hindi siya makakalabas ng gubat ngayong gabi Kamahalan,” lumitaw ang tinig ng Punong bantay ng Ikalawang Prinsipe sa tabi nito.
Isang mapusyaw na ngiti ang naging tugon ni Siyon. Sisiguraduhin niya ring huhubarin ng Lu Ryen ang maskarang nakatali dito. Nais niya muling masaksihan ang kislap ng galit at pagkamuhing inukol nito sa kanya.
Lihim na pinag-aralan ng Punong-bantay ang Ikalawang Prinsipe, sa kabila ng mahinahon nitong anyo ay nakaabang ang paghampas ng malakas na alon. Kahit maliliit na detalye ay kailangan niyang bantayan upang mabawasan ang pinsalang nililikha nito.
Isinuko niya ang buhay niya sa Ikalawang Prinsipe subalit hindi niya hinangad na maging patalim na kikitil sa buhay ng mga inosenteng tao.
Dinurog ni Yura ang tuyong dahon na napitas niya mula sa nalalantang sanga. Ang teritoryong binigay sa kanya ay namamatay na mga puno at tuyong sapa, subalit nakamamanghang makita na napupuno ito ng mga mababangis na hayop na nauuhaw sa dugo ng tao.
Gumala ang tingin ni Yura sa mga sugatang mangangaso na kabilang sa kanyang pangkat. Halos kalahati ng mga ito ay hindi na makabangon dahil sa lalim ng kanilang natamong sugat.
Ang mga napatay niyang lobo ay agresibo subalit mababakas ang mga buto sa katawan na mistulang ikinulong ng ilang araw upang gutumin bago pinakawalan. Ang mga lumang sugat sa kanilang katawan ay palatandaang nahuli ang mga ito ng mga tao.
“Mahal na Lu Ryen, may malaki tayong problema!” Pawisang lumapit ang batang mangangaso kay Yura. Humihingal na ipinaalam nito ang nangyari ng subukan nilang bumalik upang humingi ng tulong. “Gumuho ang tulay bago pa man kami makatawid dito!”
Nang tignan ni Yura ang tulay, naabutan niya ang malinis na pagkawasak nito, hindi matanaw ng kanyang paningin ang lalim ng bangin dahil sa namumuong hamog sa ilalim.
“Ano pong gagawin natin? Magtatakip-silim na, hindi natin alam kung ilan pang mababangis na hayop ang nagtatago sa dilim. Idagdag pang sugatan ang aking mga kasamahan, maaaring hindi na tayo madatnan ng umaga!”
Bahagyang kumumot ang noo ni Yura at tinignan ang kanang bantay niya na abala sa pagnguya ng natuyong ugat.
Tumuwid ang likod ni Kaori ng makatanggap ng mabigat na tingin mula sa Xuren. Napapakamot sa ulong inakbayan nito ang batang mangangaso at inakay sa mga kasamahan nitong sugatan upang lapatan ng lunas gamit ang mga ugat at halamang gamot.
Muling bumalik ang tingin ni Yura sa gumuhong tulay, kung sila lamang ni Kaori ang naiwan sa lugar na ito, magagawa nilang makatawid sa kabilang dulo, subalit sadyang iniwan sa pangkat niya ang mga baguhan. Nakakamangha ang pagkakataon na wala ni isa sa kanila ang nagdala ng silap.
Niligaw siya sa maling lokasyon, pasan ang buhay ng mga batang mangangaso. Anong kahibangan ang naglalaro sa isip nito?
Sa pagdating ng takip-silim, bumalik ang pulutong ng Ikalawang Prinsipe kasama ang ibang pangkat. Maagang natapos ang seremonya para sa unang araw ng pagbibigay-pugay sa yumaong Punong Ministro.
Ang ibang mga pangkat na hindi nakabalik ay piniling manatili sa kanilang teritoryo upang magtayo ng sarili nilang kampamento.
“Maaaring hindi makabalik ang Lu Ryen ngayong gabi, lumalamig na ang simoy ng hangin, mas makakabuting bumalik na kayo sa loob.” Payo ni Dao kay Sena.
Walang pag-aalinlangang sumunod sa kanya ang Xienli upang samahan ang Lu Ryen nang malaman nitong hindi makakasama ang Prinsesa dahil mahina ang kalagayan nito. Nakita ni Dao na mabilis nitong naunawaan ang tungkulin nito bilang Xienli ng Lu Ryen.
“Kung ganon, hihintayin ko na lamang siya sa loob.” Pakiramdam ni Sena ay ilang beses na niyang narinig ang payo ng Punong-Katiwala sa tuwing hinihintay niya ang pagbabalik ng Xuren.
Pagkahabag ang nararamdaman ni Dao para sa kanya, subalit para kay Sena, ang kaalamang may karapatan siyang maghintay sa Xuren ay sapat na. Natutunan niyang tanggapin ang kanyang lugar sa tabi nito. Ang paghahangad niya ng labis ay magdudulot lamang ng pasa sa kanyang dibdib.
Sa loob ng madilim na kampamento, naalala ni Sena ang gabing tumakas ang Xuren upang bisitahin siya sa munting kampamento na inilaan sa kanya matapos siyang gamutin ng mga manggagamot ng hukbong goro.
Hindi ito nakuntento ng makita ang kanyang sitwasyon. Nagpanggap siyang tulog habang pinapahiran ng Xuren ng gamot ang kanyang mga sugat.
Ilang gabi itong lihim na pumapasok ng kanyang kampamento upang siya’y gamutin, ilang gabi din siyang nagpapanggap na tulog. Natatakot siyang sa sandaling magbukas siya ng mga mata ay maglalaho ito sa kanyang paningin.
Dumausdos ang kamay ni Sena sa mga dating sugat sa kanyang katawan. Walang makikitang marka dahil sa bisa ng mga gamot na nilapat ng Xuren, subalit naiwan parin ang malamig na dantay ng mga daliri nito sa kanyang balat.
Nagmulat siya ng paningin ng maramdaman niya ang pagpasok ng malakas na ihip ng hangin sa pagbukas at pagsara ng pinto ng kampamento.
“Xuren?” Hindi niya maaninag ang paligid dahil sa pagkamatay ng lampara. Sinubukan niyang bumangon upang salubungin ito ngunit huli na ng maramdaman niyang nasa tabi na niya ito.
“Xure–” Sumalubong sa kanya ang pamilyar na halimuyak ng Xuren at ang daliri nito sa labi niya ang nagpatigil kay Sena.
Ang madilim at matigas na higaan ay tuluyang nawaglit sa kanyang isipan ng sakupin siya ng mainit nitong labi.
Nanginginig na umakyat ang kamay ni Sena sa likod ng Xuren ng tanggapin niya ang halik nito. Nalasahan niya ang alak na tila may halong medisina ng pilit nito iyong ipasok sa kanyang bibig.
Tumigil lamang ito ng ilang beses siyang napalunok, kasunod na dumaloy sa kanya ang pag-init ng kanyang pakiramdam.
Mariing napapikit si Sena ng muli niyang nasamyo ang halimuyak ng Xuren, nahaluan man ito ng ibang pabango, hindi parin makakaligtas sa kanya ang pamilyar nitong amoy na tanging ito lamang ang nagmamay-ari.
Hindi na mabilang ni Sena kung ilang beses na naglalaro sa isipan niya ang pagdating ng gabing ito. Ang maingat na kamay ng Xuren sa tuwing hahawakan at hahaplusin nito ang mga luha niya ay mapusok na ngayong gumagapang sa kanyang katawan…
Sa labas ng kampamento naabutan ni Dao ang bagong mga kawal na nagbabantay sa tuluyan ng Lu Ryen. Hindi niya inasahang mapapaaga ang pagpapalit ng mga ito.
Nagtatakang huminto ang Punong-lingkod ng harangin siya ng mga itong makalapit sa kampamento. Naunawaan niya lamang ang kanilang intensiyon ng sumagi sa kanyang pandinig ang mga ungol na di niya dapat marinig.
Tahimik na bumalik si Dao sa sariling kampamento na dala parin sa kamay ang bandeha na may mainit na tsaa. Kung ganon, nakabalik ang Lu Ryen mula sa pangangaso.
Muling nagpainit ng tsaa ang matandang lingkod para sa sarili nito. Kahit batid na niyang malalim ang interes ng Lu Ryen sa Xinlie nito. Nanatili parin sa imahe ni Dao ang malinis at maringal nitong anyo. Hindi niya lubos akalaing nag-iibang katauhan ang Lu Ryen pagsapit ng gabi. Napintag si Dao sa naisip at napasong inilayo niya ang mainit na tsaa sa kanyang bibig.
Hindi pa sumasapit ang bukang liwayway ng bumangon ang Punong-Katiwala upang maghanda. Ilang beses siyang nagpunas ng paningin ng makita niya ang tila bagong dating na Lu Ryen na bumaba sa kabayo nito. Bilang tapat na lingkod, wala siya sa lugar upang mag-usisa kung saan dumayo ang Lu Ryen matapos nitong magpalipas ng gabi kasama ang Xienli nito.
“Mahal na Lu Ryen, nakahanda na po ang maligamgam na tubig. Nais niyo po bang gisingin ko ang Xienli upang saluhan kayo?” Maingat na tanong ni Dao. Hindi lingid sa mga lingkod ng Lu Ryen na walang maaaring lumapit dito sa tuwing nagbibihis at naglilinis ito ng sarili. Iyon ay dahil laging may banta sa buhay ng mga anak ng Punong Heneral kung kaya’t mahirap sa kanilang magtiwala, ngunit marahil sa mga taong espesyal sa Lu Ryen ay bukas ang pinto nito.
“Hindi na kailangan.” Marahang pinagpag ni Yura ang alikabok na kumapit sa kanya matapos nilang tawirin ang ilalim ng bangin. Tumigil si Yura sa harap ng mga lingkod ng mapansin niyang may mali sa ekspresyon ng mga ito. Namumula ang gilid ng kanilang taynga at hindi sila makatingin ng tuwid sa kanyang direksiyon. Maging ang Punong-Katiwala ay umiiwas sa kanya ng tingin. Isinantabi ni Yura ang inihandang tubig at dumiretso sa loob ng kampamento.
Madilim na tanawin ang sumalubong sa kanya sa loob, binuksan niya ang bintana upang makapasok ang munting liwanag sa labas.
Naaninag ng kanyang paningin ang hubad na likod ni Sena na nakadapa sa higaan nito. Sa paglapit niya ay mas nagiging malinaw ang anyo nito kanya.
Nagdilim ang paningin ni Yura ng makita niya ang bakas ng kapusukan na naiwan sa katawan ni Sena. Nanginginig ang kamay na binalik niya ang telang tumatakip sa hubad nitong balat.
Nang maramdaman ni Sena ang pagdausdos ng seda sa kanyang katawan, marahan siyang nagmulat.
Nasalubong niya ang mga mata ng Xuren na malalim na nakatingin sa kanya. Sumilay ang matamis na ngiti sa labi niya ng tuluyan niyang maaninag ang mukha nito.
Bumagsak ang tela sa kanyang katawan ng bumangon siya upang isiksik ang sarili sa Xuren. Tuluyan ng lumabo sa alaala niya ang mukha ng mga lalaking humalay sa kanya. Kundi ang mainit na mga halik at mapusok na yakap ni Yura ang tanging alaala na gusto niyang omukupa sa isipan niya. Ito lamang ang nais niyang magmay-ari sa kanya.
“Xuren…” Naramdaman ni Sena na matagal itong walang naging tugon sa kanya. Nag-aalalang nag-angat siya ng tingin dito. “Nagsisisi ba kayo sa nangyari sa atin?” Nanghihina ang tinig ni Sena sa dulo ng kanyang mga kataga.
Gumapang ang matinding kaba sa kanyang dibdib ng makita niya ang blangkong ekspresyon ng Xuren. Napawi ang lahat ng iyon ng ikulong siya nito mahigpit na yakap na tila natatakot itong pakawalan siya.
Kagat ang ilalim kanyang labi, natikman ni Yura ang lasa ng sarili niyang dugo ng maaninag ng kanyang paningin ang itim na kapa na tahimik na nahihimlay sa madilim na sulok.
