This entry is part 16 of 21 in the series Lost Heart

Nang lumabas si Hale ng shower room, bahagya siyang napatigil. Sa madilim na sulok ng kwarto, nakaupo si Ar, tahimik ngunit may dalang bigat ang kanyang presensya na bumabalot sa buong silid.

“Ar?” Mahinang tawag ni Hale, nagtataka sa kakaibang kilos nito.

Mabagal na tumayo si Ar mula sa kanyang kinauupuan. Ang titig niya ay matalim, puno ng hinanakit.

“Is it because it’s my child that you let it go?” malamig ngunit puno ng sakit niyang tanong. Ramdam ang bigat sa bawat salita.

Napatitig si Hale kay Ar. Malinaw ang ibig sabihin ng kanyang mga salita. Kung ganon ay alam na nito ang tungkol sa anak nila. Mahigpit na hinawakan ni Hale ang robang bumabalot sa kanya, ngunit sa halip na umatras, mas lalong tumigas ang kanyang puso.

“Kinamumuhian man kita, ngunit walang kasalanan ang anak natin.” mahina ngunit malamig ang tinig ni Hale. “Kaya huwag mo akong akusahan ng bagay na wala kang alam. Kung nakinig ka sa akin at hinayaan mo akong lumayo, hindi ‘yon mangyayari. Pero dahil mas pinili mong sundin ang sarili mong kagustuhan, wala akong magawa kundi tumakas.”

Naningkit ang mga mata ni Ar, pero hindi siya sumagot. Alam niyang may katotohanan ang mga salita ni Hale, ngunit hindi iyon sapat na dahilan para sa kanya. Hindi niya matanggap na hindi niya nalaman ang tungkol sa anak nila.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” tanong niya, mas mahina ngunit puno ng hinanakit.

“Para saan pa? Hindi mo na maibabalik ang nawala sa akin.” matigas na sagot ni Hale. “Tulad ng hindi mo na maibabalik ang buhay na meron ako noon. Hindi mo ba nauunawaan? Wala kang iniwan sa’kin kundi takot at pangamba.”

“Dahil halimaw ang tingin mo sa’kin,” malamig na tugon ni Ar.

“Masisisi mo ba ako? Pagkatapos ng lahat ng ginawa mo sa’kin? Hindi mo alam kung ilang beses na sumagi sa isipan ko na sumunod sa anak natin, sa halip na muling magtagpo ang landas natin.”

Napakuyom ng kamao si Ar. Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang mga salitang iyon. Alam niyang may galit si Hale sa kanya, pero hindi niya inakalang ganito kalalim.

Napuno ng katahimikan ang kwarto. Pareho nilang ramdam ang bigat ng nakaraan.

Hindi na kinaya ni Ar ang tila bakal na kamay na pumipiga sa kanyang dibdib. Tumalikod siya at naglakad palabas ng kwarto, iniwan si Hale na nananatiling nakatayo roon, nanginginig parin ang kamay nitong nakakapit sa roba.

Nang marinig niyang tuluyang sumara ang pinto, hindi napigilan ni Hale ang paghina ng kanyang tuhod. Para siyang nauupos na kandila. Hindi niya inakala na ganito kasakit ang muling pag-uungkat ng alaalang naiwan sa kanya.

Napaupo siya sa gilid ng kama, mariing piniga ang roba sa kanyang katawan. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago siya napapikit. Ang sakit ay bumalik sa kanyang dibdib, mas naging sariwa ito sa kanyang alaala.

Bumalik kay Hale ang sandali kung kailan tuluyang gumuho ang mundo niya…

Tatlong araw na ang lumipas mula nang dumating siya sa isla ng pinsan niyang si Kris, umaasang ang pagbabago ng paligid ay makakatulong upang makalimot siya sa mga multo ng nakaraan. Pinilit niyang magpatuloy, hinayaang huminga sa kabila ng bigat na dinadala niya. Ngunit unti-unti, may kakaibang panghihina siyang naramdaman, isang pakiramdam na hindi pa niya naranasan noon.

Noong una, inakala niyang pagod lang siya, bunga ng stress at matagal nang naipong pagkapagod. Pero habang lumilipas ang mga araw, nanghina ang kanyang mga binti, lumabo ang kanyang paningin, at isang matinding kirot ang gumapang sa kanyang ibabang tiyan. Napansin ni Kris ang pamumutla niya at ang mahigpit niyang pagkakahawak sa kanyang tiyan. Kita sa mga mata nito ang pag-aalala.

“Kailangan na kitang ilabas ng isla Hale,” madiing sabi ni Kris. Pero umiling lang si Hale, ayaw niyang amining may mali sa kanya.

Ngunit habang lumilipas ang oras, lalong tumindi ang sakit, hindi na niya kayang balewalain. Nang tuluyan na siyang mawalan ng lakas, napilitan silang umalis ng isla at nagmadaling pumunta sa pinakamalapit na ospital. Ngunit huli na ang lahat.

Nang muling idilat ni Hale ang kanyang mga mata, maputing kisame ang bumungad sa kanya. May tila malamig na hangin na dumadampi sa kanyang balat, at amoy gamot ang paligid. Pumikit siyang muli, umaasang panaginip lang ang lahat, pero nang marinig niya ang mahinang paglangitngit ng pinto, alam niyang wala siyang matatakasan.

“Mabuti naman at gising ka na,” malumanay ngunit may bahid ng pag-aalalang sabi ng doktor habang lumalapit sa kanyang kama. “Hale, kailangan nating pag-usapan ang kalagayan mo.”

Hindi siya sumagot. Pakiramdam niya, napakabigat ng kanyang katawan, tila ba hindi sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit may takot siyang nararamdaman, isang pangambang bumabalot sa kanya na hindi niya matukoy.

“May gusto ka bang malaman bago ko ipaliwanag?” tanong ng doktor, tila hinahanda siya sa isang masakit na katotohanan.

Nanginginig ang kanyang mga daliri habang mahigpit na hinawakan ang manipis na kumot na bumabalot sa kanya. Naramdaman niya ang panunuyo ng kanyang lalamunan, ngunit pinilit niyang magsalita. “Ano pong nangyari sa akin?”

Matiim siyang tinitigan ng doktor bago ito maingat na sumagot. “Hale… nalaglag ang dinadala mo. Isang missed miscarriage ang nangyari sa’yo. Ang tinatawag na silent miscarriage. Hindi natin kaagad nalaman dahil wala kang masyadong sintomas, pero ayon sa pagsusuri, sixteen weeks na ang bata sa’yong sinapupunan.”

Nabingi si Hale sa sinabi ng doktor. Alam niya ang ibig sabihin nito, pero hindi niya magawang unawain.

Labing-anim na linggo?

Hindi niya man lang namalayan na may batang nabubuhay sa kanyang sinapupunan.

Hindi niya alam kung paano niya tatanggapin ito.

Nawala ang lahat ng ingay sa paligid, at ang natira lang ay ang matinis na tunog ng sakit na dahan-dahang bumalot sa kanyang pagkatao.

“Hindi… hindi ko alam…” Mahina at halos hindi marinig ang tinig niya. “Buntis ako?”

Nanginig ang kanyang mga kamay habang mahigpit na kumapit sa malamig na bedsheet ng ospital. Hindi agad sumabay ang kanyang isipan sa sinabi ng doktor.

Marahang tumango ang doktor.

“Oo, at base sa pagsusuri, marahil ang matinding stress at physical strain ang naging dahilan. Ang katawan mo ay nagpakita ng mga senyales ng panghihina, pero hindi mo ito napansin. Hanggang sa tuluyang bumigay ang katawan mo.”

Buntis siya.

At ngayon… wala na.

May munting buhay na nabuo sa loob niya. Isang maliit at marupok na buhay na hindi niya man lang nalaman na naroon. At sa isang iglap, nawala ito.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng doktor bago ito muling nagsalita. “Hale, naiintindihan kong napakahirap nito para sa’yo. Pero gusto kong malaman mo na hindi mo kasalanan ang nangyari.”

Kasalanan ko…

Parang matalim na kutsilyong bumaon sa puso niya ang katotohanang iyon. Hindi niya man lang ito nagawang protektahan.

Dahan-dahang idinantay niya ang kanyang kamay sa kanyang tiyan, habang unti-unting nilalamon ng matinding kalungkutan ang kanyang buong pagkatao. Paano niya ito hindi nalaman? Paano siya naging ganoon ka-walang alam? tatlong buwan, ganun na katagal itong nabubuhay sa kanya, lumalaban sa kabila ng lahat ng sakit na pinagdaanan niya. Noong akala niyang mag-isa siyang lumalaban, may isang maliit na buhay na tahimik ding nakikipaglaban sa loob niya.

At ngayon, wala na ito…

Siya mismo ang naglibing sa kanyang anak. Walang seremonya, walang kabaong, tanging nanginginig niyang mga kamay ang humukay sa lupa, habang ang kanyang mga luha ay nahuhulog kasabay ng maliliit na butil ng lupang bumabalot sa malamig, marupok na katawan ng kanyang anak.  Hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataong mangarap para rito.

Gusto niyang sisihin si Ar. Gusto niyang magalit sa kanya sa lahat ng sakit na idinulot nito, sa pagkawasak ng buhay niya, sa katotohanang hindi niya man lang namalayang may dinadala siyang buhay sa kanyang sinapupunan. Pero sa huli, hindi si Ar ang sinisi niya.

Kundi ang sarili niya.

Kung naging mas maingat lang siya. Kung mas pinakinggan lang niya ang kanyang katawan. Kung nalaman niya lang ng mas maaga.

Ang bigat ng pagkakasalang ito ay isang pasan na dadalhin niya habambuhay.

Humahagulhol na ibinuhos ni Hale ang pait sa kanyang dibdib. Malalim ang sugat na iniwan nito sa kanya, ngunit wala siyang planong kalimutan ang alaala ng kanyang munting anghel. Ito lang ang tanging paraan upang kahit sa kanyang alaala ay manatili itong buhay.

Lost Heart

CHAPTER 14: Buried Truths CHAPTER 16: Where Freedom Begins