This entry is part 4 of 16 in the series Dangerous Thirst

“I’m grounded for a week?” Madilim ang anyong kastigo ni Syven sa mga tauhan ng Ama niya na nakaharang sa labas ng kanyang pintuan.

“Hindi daw po kayo pwedeng lumabas ng kwarto niyo. Iyon po ang mahigpit na bilin ni Sir Callius.”

Napaatras si Syven nang biglang magsara ang pinto sa mukha niya. Bumalik sa alaala niya na ito ang araw na nilakad ang papel niya para ilipat siya sa ibang school. Napamura si Syven sa perpektong oras na binigay sa kanya. Kailangan mapigilan niya ang paglipat niya ng school. Mas marami siyang pagkakataong makita ito kung sa iisang paaralan sila pumapasok. Kinalas niya ang anong ugnayan nila kaya mahihirapan siyang bantayan ito kung lalayo siya.

Sabay na napalingon ang dalawang bantay nang marinig nila ang malakas na sipa sa pinto. Saglit na nagkatinginan ang mga ito at ibinalik ang tingin sa harapan na tila wala silang narinig.

“Akala niyo ba habang buhay niyo akong mababantayan? Tandaan niyo ‘to — paglabas ko, isasama ko kayong lahat sa impyerno!” Hinihingal na hiyaw ni Syven.

Mas tamang tawagin niyang Prison Guard ang mga ito. Kapag mauulit ang nangyari noon, dalawang buwan na lang ang natitirang araw nito. Imposibleng wala siyang magawang paraan para mailigtas ito. Hawak niya ang sampung taon na karanasan mula sa hinaharap.

Pinakalma ni Syven ang sarili at inalala ang mga nangyari. Habang binabalikan ni Syven ang mga alaala niya, ay nagsisimula muling dumilim ang kanyang anyo. Walumpung porsyento ng panahon niya ay ginugol niya sa babae at alak. Pinasok niya ang mga mapanganib na bisyo at tukso na lumalapit sa kanya. Ang huling dalawampung porsyento ay nilaan niya sa pakikipaglaro kay Sylas. Masasabi niyang nabuhay siya ng walang takot.

Nanatili siyang bingi kahit sabihin ng mga tao sa paligid niya na sinisira niya ang buhay niya, na wala nang lunas ang makapagpapatino sa kanya. Hindi niya pinakinggan ang mga ito dahil ipinagmamalaki niya na hawak niya ang kanyang kalayaan at walang sinuman ang makakaagaw nito sa kanya.

Isang buhay ang nawala upang isalba ang buhay niya. Kung magpapatali siya sa kagustuhan ng iba at hahayaan niyang diktahan nila ang buhay niya, magiging walang saysay ang buhay na binigay nito sa kanya.

Naging maikli man ang panahon niya, ngunit wala siyang pinagsisisihan. Subalit nakakalungkot isipin na wala siyang makapang impormasyon na makakatulong sa kanyang makalabas sa sitwasyon niya ngayon. Kung tatakas siya, lalo lamang siyang hihigpitan at baka mas mabigat pa ang magiging parusa niya. Ang galitin si Callius ay wala na sa plano ni Syven dahil alam niyang hindi ito makakatulong sa kanya, kahit na iyon ang bagay na eksperto siya. Pero paano niya gagawing makalabas nang hindi ito sinusuway?

Nagsimulang matuyo ang lalamunan ni Syven. Nauuhaw siya, ngunit ang hinahanap niya ay amoy ng alak. Hindi lang ang oras ang bumalik kundi maging ang pagkagumon niya sa alak. Sa tuwing nawawala sa sistema niya ang bisa ng inumin, parang may sariling orasan ang katawan niya na hinahanap ito. Hindi pa niya nasosolusyunan ang problemang kinahaharap niya, ay may sumalakay na naman na panibagong dilema na kailangan niyang maresolba, kundi ay hindi siya makakapag-isip nang tama. Pinapakalma siya ng alak. Mapapatid lamang ang uhaw niya kung makakainom siya nito.

Nakakatuwang isipin na muli niyang matitikman ang pamilyar na pakiramdam na nakasama niya sa buong buhay niya. Ito lamang ang sensasyon na hindi nawala sa kanya pagkatapos maging manhid ang puso niya sa mga sugat na binigay sa kanya ng mga taong inaakala niyang kakampi niya.

Nagsimulang maghanap si Syven sa loob ng silid. Imposible na ang labing-walo na taong gulang na tulad niya ngayon ay hindi makapagtago ng alak, nagbabakasakali pa rin siyang may makikita siya.

Nag-uumpisa na namang umatake ang desperasyon niya sa pagkauhaw. Alam niyang hindi pa ganoon kalalim ang pagkamuhumaling niya sa alak ng mga panahong ito, dahil nagsisimula pa lamang siyang madiskubre ang mahika ng inumin. Tinutulungan siya nitong makalimot, maging manhid, at maging matapang. Lumalabas ang tunay na Syven sa tuwing natitikman niya ang mahiwagang inumin.

Natigil siya sa paghahanap nang may tumunog. Natagpuan ni Syven ang phone na nakatago sa likod ng frame sa side table ng kama. Bumalik ang kulay sa mukha niya nang makita niya kung sino ang tumatawag.

“Sylas.” Ito ang tumulong sa kanyang makatakas noon na nauwi sa pagbawi ng lahat ng credit cards niya.

“Kuya, gagawa ako ng paraan na maligaw ang atensiyon ng mga nagbabantay sa’yo. Kunin mo ang pagkakataong ito para makatakas.”

Sa tuwing tutulungan siya ni Sylas, tinutulungan din siya nitong sirain ang relasyon nilang mag-ama hanggang sa lumalim ang lamat at wala nang paraan upang bumalik ang loob nila sa isa’t isa. Kung hindi niya pa nakitang ginagago ni Sylas ang girlfriend niya, ay hindi pa rin mararamdaman ni Syven na sinasaksak siya sa likod ng sarili niyang kapatid.

“Gusto mong tumakas ako? Alam mo namang mahigpit ang bilin ni Dad na grounded ako ng isang linggo.” Napangiti si Syven nang matagal na nanahimik ang nasa kabilang linya. Naalala niyang nagpanggap itong may sakit upang maligtas ang sarili nito ng gabing tumakas siya. Hindi akalain ni Syven na may makukuha siyang ideya sa mga purol na taktika ni Sylas.

“Alam kong may event kang gustong daluhan kasama ng mga kaibigan mo. Sinabi mo sa’kin na malaking halaga ang ipinusta mo dito.”

“Ulol! Mas malaking pera ang mawawala sa akin kapag kumagat ako sa pain mo.” 

Bakit ngayon niya lang narealize na pang third class ang acting ni Sylas?

“Kung gusto mo talaga akong tulungan na makalabas, bakit hindi mo na lang palitan ng white wine ang tubig na ipapadala nila sa kwarto ko, baka lumakas pa ang loob kong tumakas.”

“Kung gano’n, ipapahanda ko na agad sa mga maid ang lunch mo.” Agad na naputol ang kabilang linya ni Sylas.

“Halatang hindi ka na makapaghintay na mabankrupt ako.”

Napalunok si Syven nang muli niyang maramdaman ang pagkauhaw, dahil sa matinding pagkahumaling niya sa alak. Nang tumuntong siya sa edad na labing-siyam na taon, ay nagpatayo na siya ng sarili niyang winery. Ibinuhos niya ang obsession niya sa pagpapatakbo ng business na ito. Binenta ni Syven ang lahat ng shares niya sa kumpanya ng kanyang Ama at shares na minana niya sa kumpanya ng pamilya ng Mommy niya.

Ang akala ng lahat ay tuluyan na siyang nabaliw dahil isinugal niya ang lahat ng pera niya sa sobrang addiction niya sa alak. Ang kahibangan ni Syven sa inumin ang naging dahilan kung bakit nanguna ang winery niya sa bansa at nag-expand ito abroad. Kahit gaano pa kahibang ang dahilan niya kung bakit niya ito pinatayo, walang duda na dumadaloy sa dugo niya ang dalawang pinakamaimpluwensiyang angkan sa mundo ng negosyo.

Bumukas ang pinto ng kwarto ni Syven at pumasok ang katulong. Magalang na nagpaalam ito matapos ihanda ang pagkain niya. Sa labas ng pintuan ay nagpalitan ang apat na tauhan sa pagbabantay.

Mahigit isang taon pa ang hihintayin ni Syven bago tuluyang malipat sa kanyang pangalan ang lahat ng parte niya sa kumpanya. Sa pagkakataong ito, kailangan niya munang maghinay-hinay. Hindi na niya maaaring daanin sa init ng dugo ang mga magiging desisyon niya. Magtitiis siya hanggang sa dumating ang sandali na malaya na niya muling magagawa ang lahat ng naisin niya.

Ang mahalaga sa kanya ngayon ay kung paano niya maliligtas ang taong iyon. Wala nang mas importante kay Syven kundi sagipin ang buhay nito. Sanay na siyang makipaglaro sa apoy. Mas mapanganib, mas malaki ang pag-asa niyang magtagumpay.

Pinuno niya ng puting alak ang baso, lumalim ang pagkauhaw ni Syven nang malanghap niya ang halimuyak nito. Nilabas niya ang medicine bottle na nakuha niya sa isa sa mga drawer. Binuhos niya ang laman nito sa palad niya. Nakakatuwang isipin na namatay siya sa mga tableta at ito rin ang magliligtas sa kanyang makalabas sa problema niya ngayon. Direktang dinala ni Syven ang mga tableta sa bibig niya, sunod na inubos niya ang laman ng baso.

Muli niyang pinuno ang baso at umupo sa mahabang sofa. Ramdam ni Syven ang pagkasunog ng kanyang lalamunan. Baguhan pa lang ang katawang ito sa init ng likido. Ngunit ang kaluluwa niya ay matagal nang gumon sa alak. Kailangan niya na talagang makaalis sa lugar na ito dahil napakatamlay ng inumin sa kanyang panlasa.

Sumandal si Syven sa sofa nang magsimulang magdilim ang kanyang paningin.

Nabulabog ang katahimikan sa mahabang hallway ng mansion nang marinig ng dalawang tauhan ang malakas na pagkabasag ng bagay sa loob ng silid na binabantayan nila.

Series Navigation<< Chapter 1: Eighteen AgainChapter 3: Bargain for Freedom >>