This entry is part 9 of 21 in the series Lost Heart

Sa isang prestihiyosong gusali sa sentro ng lungsod, nagkumpulan ang mga executive at media personnel para sa isang espesyal na feature. Ang Fuentero Group ay magsisilbing cover story ng isa sa pinakamalalaking business magazines sa bansa, at ang highlight ng article ay ang pinakabatang CEO ng Fuentero Group.

Sa labas ng opisina ng CEO, nakatayo si Theo, isang kilalang photographer na inimbitahan upang kumuha ng opisyal na larawan ni Ar para sa magazine. Habang naghihintay ng tawag mula sa sekretarya, napansin niya ang mga canvas na nakasabit sa hallway patungo sa opisina.

Iba’t ibang obra ang naroon—lahat ay may iisang tema. Mga mata, mga labi, isang bahagi ng pisngi, ang pilantik ng ilong—mga pira-pirasong bahagi ng isang mukha. Walang buong imahe, ngunit sa bawat guhit, may kakaibang pamilyaridad na bumalot kay Theo. Bilang isang photographer na sanay sa pagkuha ng detalye, hindi niya maiwasang pagtuunan ng pansin ang pamilyar na katangiang iyon.

Hindi pa niya matukoy kung sino sa mga modelo o subject niya ang eksaktong kamukha ng nasa mga portrait, pero sigurado siyang nakita na niya ito noon.

Lumalim ang tingin niya sa isang painting kung saan isang pares ng malalamlam na mata ang nakaguhit. May kakaibang lungkot sa mga ito, isang emosyon na tila sumisigaw mula sa canvas.

Naputol ang kanyang pag-iisip nang marinig ang pagtawag ng sekretarya. “Mr. Theo, the CEO is ready for the shoot.”

Saglit siyang lumingon muli sa mga painting bago tumango at sumunod sa loob ng opisina.

Sa loob ng opisina, tumayo si Ar sa harap ng malaking bintana, nakatingin sa malawak na skyline ng siyudad. Nang bumukas ang pinto, bumaling ito at tumango kay Theo bilang pagbati.

“Let’s get this over with,” malamig na wika ni Ar habang isinusuot ang coat.

Tahimik na inihanda ni Theo ang kanyang camera, ngunit habang ina-adjust ang lens, hindi niya maiwasang masulyapan muli ang mga painting na naroon sa loob ng opisina. Mas marami pa pala itong koleksyon ng hindi buo ngunit pamilyar na mga mukha.

Sa unang tingin, mukhang simpleng artwork lamang ang mga ito, ngunit habang tumatagal, mas lalong lumilinaw sa kanya kung bakit tila pamilyar ito. Isa sa mga painting, na nagpapakita ng isang malalim na mga tingin ay kapareho ng mga matang matagal na niyang nakunan ng isang larawan.

Napahinto siya saglit at nagbalik-tanaw sa kanyang trabaho bilang photographer. Sa dami ng kanyang mga nakunan—mga modelo, turista, at lokal na nakakasalamuha niya sa kanyang mga biyahe—may isang imahe na biglang tumatak sa isip niya.

Isang barista sa isang isla.

Isang taong may parehong malalamlam na mata.

Humigpit ang kanyang kamay sa hawak na camera. Naging malinaw sa kanya ang mga larawang nakita niya at ang mukhang pumukaw ng kanyang interes.

Itinago niya ang pagtatakang nararamdaman at tinuloy ang photoshoot.

Matapos ang photoshoot, hindi mapakali si Theo. Hindi lang dahil sa kanyang personal na kuryusidad—may mas malalim pang dahilan. Ang kanyang kapatid na si Mia ay isang investigative journalist na nakatuon sa pagsulat tungkol sa personal na buhay ng mga kilalang negosyante. Matagal na nitong sinusubukang makakuha ng scoop tungkol sa binatang CEO, ngunit kahit isang mantsa ay hindi nito mahagilap.

Interesado ang mga tao sa tagumpay ng pinakabatang businessman, ngunit mas interesado sila sa kanyang personal na buhay. Sigurado si Theo na kung may nalalaman itong babae sa buhay ng CEO ng Fuentero Group, isang malaking sorpresa ito sa kapatid niya—at isang bombang maaaring sumabog sa media.

Naglakas-loob siyang lumapit sa sekretarya nang matapos ang shoot.

“Sir, kung hindi nakakabastos, may itatanong sana ako.”

Tumingin sa kanya ang sekretarya, propesyunal ang ekspresyon. “Ano po iyon, Mr. Theo?”

Muling lumingon ang photographer sa mga painting sa opisina. “Sino po ang nasa mga canvas na ‘yan?”

Walang ipinakitang emosyon ang sekretarya. “I’m sorry, sir, but that information is confidential.”

Mas lalong lumalim ang curiosity ni Theo. Alam niyang walang kilalang kasintahan o kahit anong romantic involvement ang CEO ng Fuentero Group. Sa katunayan, pinagkakaguluhan ito sa social circles dahil sa pagiging misteryoso at unattainable. Ngunit base sa mga nakita niya sa opisina nito, malinaw na may isang babae itong kinahuhumalingan.

Hindi siya sumuko. “Don’t get me wrong, I’m not trying to pry for information. I’m just a photographer. It’s just that… I’ve seen this woman before. I can’t be wrong—she looks exactly the same.”

Nanatili pa ring walang tugon ang sekretarya, ngunit hindi niya napansin ang saglit na pagbabago ng tingin nito. Para bang may tinatago ito.

Nagtagal ang katahimikan bago ito muling nagsalita. “Is that so? This person doesn’t exist. Paano mo masasabing nakita mo siya?”

“You have to believe me. May kuha ako ng mukha niya. Kung gusto mo, ipapakita ko sa’yo.”

“Mr. Theo, kailan niyo po siya nakuhanan ng larawan?”

“Wala pang isang buwan nang makita ko siya sa isang isla,” sagot ni Theo, may bahagyang pag-aalinlangan sa kanyang tinig.

Saglit na nag-isip ang sekretarya, bago bumunot ng calling card mula sa kanyang coat at iniabot ito kay Theo. Isang manipis na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi, ngunit may bahid ng pagsisiyasat sa kanyang mga mata.

“Oh? Well, I don’t mind. You can send it to me. But let me be clear—if this turns out to be a game, Mr. Theo, I’ll make sure the CEO knows he can’t trust your service.”

Malamig at puno ng babala ang tono nito, animo’y isang paalala na hindi basta-basta nakikialam sa buhay ng pinakamakapangyarihang tao sa Fuentero Group.

Ngunit sa halip na umatras, mas lalo lamang lumakas ang loob ni Theo.

“Fair enough,” aniya habang tinanggap ang card.

Sa isip niya, alam niyang hindi siya maaaring magkamali.

At alam niyang malapit na niyang matuklasan kung sino ang babaeng nasa likod ng mga canvas ng CEO ng Fuentero Group.

Pagkaalis ni Theo, tahimik na pumasok ang sekretaryaa sa loob ng opisina ni Ar. Walang imik niyang isinara ang pinto at tumayo sa harapan ng kanyang boss. Sa loob ng tatlong taon, nakita niya kung paano naging malamig at walang pakiramdam ang CEO ng Fuentero Group. Wala itong kahit anong koneksyon sa ibang tao maliban sa trabaho. Hindi ito nagpapakita ng emosyon, hindi nagpapakita ng interes sa sinuman.

No news or information had ever surfaced about his missing lover. No traces. No answers.

Ngunit ngayon lang, may isang taong muling umungkat nito.

Huminga nang malalim ang sekretarya at tumingin kay Ar, na tahimik na nakaupo sa kanyang desk, nakatitig sa isa sa kanyang mga painting.

“Sir…”

Lost Heart

CHAPTER 7: The Life She Chose CHAPTER 9: He Found Me