Isang papel ang lumulutang sa ere, nakuha nito ang atensyon ng mga batang naglalaro sa parke. Natutuwang hinabol ito ng limang maliliit na bata ngunit agad na sumimangot ang maliliit nilang mukha nang tumaas ang lipad ng manipis na papel.
Dumaan ito sa mga naglalaro ng basketball dahilan kung bakit hindi natamaan ng naglalaro ang basket.
Malapit nang mahulog sa bisikleta ang dalaga nang humarang sa paningin niya ang isang puting papel.
Sa wakas, unti-unting napagod at bumaba ang nasabing papel sa tapat ng isang binatilyo na nasa ilalim ng isang malaking puno. Parang sumasayaw sa ere ang papel at humalik sa mukha ng natutulog na binatilyo.
Nagising sa pagkakaidlip ang binatilyo nang maramdaman niyang may tumakip sa kanyang mukha. Napabangon siya at napaupo mula sa pagkakahiga saka tinignan ang bagay na bumulabog sa kanya.
Kunot-noong tinignan niya ang papel at ininspeksyon ang paligid niya ngunit wala siyang makitang ano mang bakas ng tao na nag-iwan ng papel.
Mula sa malayo…
Natanaw niya ang kanyang kasama na tumatakbo papunta sa kanya. Nakasuot ito ng masikip na uniporme kaya hirap ang mga paa nito sa pagtakbo.
Tumutulo ang pawis sa mukha nito nang makalapit sa kanya.
“Nandito ka nanaman? Kanina ka pa pinapahanap ni coach dahil wala ka nanaman sa training!”
Ibinagsak ng kasama niya ang malapad nitong dibdib sa manipis na damo at humihingal na muling nagwika sa kanya.
“Nasayo na ang lahat pero napakabatugan mo!”
Nalipat ang atensyon nito sa papel na hawak niya.
“Ano ‘yan?”
Tinignan niya ang papel at tinakip sa mukha nito.
“Ah—”
Nahawakan nito ang kwintas niya at di sinasadyang naputol iyon. Kumalas ang singsing sa kwintas at gumulong saka natumba sa paanan niya. Agad na pinulot iyon ng kanyang kasama.
“Woah! May tinatago ka palang ganito?”
Nahihiwagaan ito dahil mukhang mamahalin ang singsing. Hindi man ito marunong tumingin ng alahas, ngunit malakas ang kutob nitong tunay ang mga batong nakabaon sa gilid nito.
Napansin din nito ang mga letra na nakaukit sa ilalim ng singsing.
‘Z&C’
Gulat na napatingin ito sa kanya.
“M-may girlfriend ka na?”
Binawi niya ang singsing sa kasama at isinuot ito sa daliri niya.
Dumating na ang araw na maaari na niya iyong isuot dahil ikalabing-anim na niyang kaarawan ngayon.
Naniniwala man siya o hindi sa kwento ng Mama niya, sinunod niya pa rin ang bilin nito.
Labing-anim na taon na nagtatago ang singsing sa dibdib niya at maaari niya lamang iyong isuot sa pang-labing-anim niyang kaarawan.
At sa araw daw na iyon, magpapakita ang anak ng babaeng nagligtas sa kanya noong nasa sinapupunan pa siya ng Mama niya, dahil sa pagsagip nito sa buhay nilang mag-ina.
Nakiusap ang Mama niya sa misteryosong babae na ito ang magbigay ng pangalan niya. Kahit hindi pa nito alam ang kasarian niya, binigyan siya nito ng pangalang lalaki. At sinabi nitong kapag lumaki siya, ibibigay nito ang anak nitong babae sa kanya bilang kapalit ng pagsagip nito sa kanila.
Nang unang beses niya iyong marinig sa Mama niya noong maliit pa siya, ay tuwang-tuwa siya.
Dahil napakaganda daw ng babae at tiyak na mukhang prinsesa ang magiging anak nito na ibibigay sa kanya.
Nang magkaisip siya, tinawanan niya ang kwento ng Mama niya at binalewala ang bilin nitong maghintay siya.
Ngayong dumating na ang panahong iyon, gusto niyang magalit dahil naniwala siya sa sinabi nito.
Ngunit bakit saktong-sakto sa kanyang daliri ang nasabing singsing, na parang sinukat iyon para lamang sa kanya?
Tumayo siya at pinagpag ang sarili. Kailangan na niyang magising at kalimutan ang kwento sa likod nito.
Hindi siya pwedeng maghintay sa taong hindi naman niya alam kung darating sa kanya…
Zane…”
Tawag sa kanya ng kasama niya, na halatang nagulat habang nakatingin sa kaliwang direksyon nila.
Sinundan ni Zane ang tinuturo nito.
Sa hindi kalayuan…
Natigilan siya sa kinatatayuan. Mabilis ang pintig ng dibdib niya, at hindi niya maipaliwanag kung bakit.
Isang babae ang nakatayo hindi kalayuan, tahimik lang na nakamasid sa kanya. May kakaibang pakiramdam si Zane—parang may dapat siyang maalala, pero hindi niya mahagilap sa isip niya kung ano.
Sandaling nagtagpo ang kanilang mga mata.
Ang mga ngiti ng babae ay hindi pamilyar, pero may kung anong bagay doon na nagpapatigil sa mundo niya.
Nagkatinginan sila, kapwa walang alam kung ano ang susunod na mangyayari.
At bago pa man siya makalapit, tumalikod ang babae at naglakad palayo.
Natagpuan niya ang sariling sumunod dito, hindi sigurado kung bakit, pero isang bagay ang malinaw: hindi ito maaaring muling mawala sa paningin niya.
Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.