This entry is part 4 of 5 in the series Halimaw Sa Ilalim ng Buwan

“Inay, nauubusan na po tayo ng gamot,” tukoy ni Sera sa iba’t ibang klase ng mga ugat na nagiging lunas sa maraming karamdaman. Nagtaka ang dalagita nang walang sumagot sa kabilang silid ng kanilang pagamutan. Nakita niyang abala ang kanyang ina sa mga bagong dating na panauhin na may malubhang karamdaman.

Dalawa lamang sila ng kanyang ina ang nagtutulungan sa kanilang pagamutan. Kung mananatili siya rito, saan kukuha ang kanyang ina ng panlunas sa mga taong may karamdaman na ginagamot nito? Naisip ng dalagitang siya na lamang ang kukuha ng ugat sa gubat. Dati na siyang sumasama sa pangongolekta ng mga ugat, kaya alam na niya kung saan makakakita ng mga kailangan nila. Mabilis na nagligpit at nag-ayos si Sera sa pag-alis.

Pumasok siya sa kagubatan at nalagpasan niya ang mahabang batis kung saan naglalaba ang mga kababaihan. Ang iba naman ay abala sa paliligo. Kinawayan siya ng kanyang mga kaibigan nang makita siya.

“Sera, saan ang punta mo?” tanong ni Ana, kanilang kapitbahay.

“Kukuha lang ako ng mga ugat. Naubusan na kasi kami ni Inay.”

“Ganoon ba? Mag-ingat ka lang, huwag kang malalayo.”

“Oo, sanay na ako sa parteng ito ng gubat. Dito na tayo halos lumaki,” nakangiting nagpaalam siya sa mga ito.

Narating niya ang lugar na hinahanap at sinimulan niyang tumingin ng mga ugat na kakailanganin niya. Abala siya sa paglalagay sa kanyang kahon na halos kalahati na ang laman. Napakunot ang noo niya nang masilip niya ang pulang ugat na natatakpan pa ng iba pang mga ugat na naroon. Bago ito sa kanyang paningin. Pinutol at kinuha ni Sera ang ugat bago niya ito sinamyo.

Malakas ang aroma nito… Nabitiwan ng dalagita ang kahon na hawak nang magsimulang mamanhid ang buo niyang katawan. “Hindi kaya lason ang ugat na ito?” Unti-unti siyang nawalan ng malay. Bumagsak ang dalagita sa makapal na damo kasama ng mga ugat na natapon sa paligid niya. Wala siyang nagawa kundi ipikit ang kanyang mga mata at tuluyang mawalan ng malay…

Makalipas ang matagal na sandali, nagising si Sera at madilim na ang paligid niya. Para siyang nahulog sa isang napakalalim na pagkakatulog. Kung ganoon, iyon ang epekto ng ugat na nakita niya kanina. Pilit na inaaninag ng dalagita ang kanyang paligid hanggang sa mawala ang makapal na ulap na tumatakip sa liwanag ng bilog na buwan. Lumiwanag ang kinaroroonan niya at nakita niya ang kanyang kahon na nakataob.

Binaliktad niya ito at muling ibinalik sa loob nito ang mga ugat na nahulog. “Maraming sakit ang maaaring malunasan ng mga ugat na ito, kaya hindi ko ito maaaring iwanan,” naisip niya habang nagpatuloy sa pagpulot ng mga ugat.

Nahinto ang dalagita sa ginagawa nang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa. Napatayo siya nang tuwid at tiningnan ang paligid. Nakita niyang gumagalaw ang mga halaman, tila may gustong lumabas mula roon.

Inihanda ni Sera ang sarili at hinawakan nang mahigpit ang maliit na kahon, na inihanda niyang sandata sakaling ligaw na hayop ang aatake sa kanya. Akmang iaangat na ni Sera ang kahon nang mahagip ng paningin niya ang lumabas sa makapal na halaman. Hindi isang halimaw ang nagpakita sa kanya kundi isang… magandang lalaki.

Hindi mapigilan ng dalagita ang mamangha nang tumapat ang liwanag ng buwan sa mukha nito. Tumambad kay Sera ang makisig nitong pangangatawan at perpekto nitong anyo, tila anak ng isang bathala.

Nagsimulang mamula ang mukha ni Sera nang mahagip ng kanyang paningin ang walang saplot nitong katawan. Ngunit hindi niya kayang alisin ang pagkakatitig dito. Tila may kung anong hiwaga ang bumabalot dito, hinihigop siya patungo sa mundo nito.

Hindi nagawang umatras ng dalagita nang humakbang ito palapit sa kanya. Pakiramdam ni Sera ay hindi ito ordinaryong nilalang. Marami na siyang nakitang mga lalaki mula sa kanyang mga manliligaw, ngunit wala siyang nakitang katulad nito.

“Marahil isa itong engkanto…” Hindi niya iyon maitatanggi dahil napakaperpekto nito sa kanyang paningin.

Napakalalim ng mga titig nito sa kanya, tila tumatagos sa kanyang laman. Bumilis ang pintig ng kanyang dibdib nang isang dipa na lang ang layo nito sa kanya. Hinahawi ng hangin ang mahabang, itim na buhok ng lalaki na lagpas-bewang. Napakalambot ng bawat hibla na sinasayaw ng hangin. Ngunit maging ang pulso niya ay iniindayo ng misteryosong lalaki sa kanyang harapan.

Wala itong salitang binitawan nang lumapat ang kamay nito sa batok niya, at ang isa naman ay dumapo sa likod ng kanyang baywang. Yumuko ito upang abutin ang kanyang labi.

Marahang lumapat ang labi nito sa kanya, mistulang pagdampi ng malambot na dahon ng bagong bukadkad na bulaklak. Nanginig ang buong katawan ni Sera—hindi dahil sa takot kundi dahil sa matinding epekto ng simpleng pagdidikit ng kanilang mga labi.

“Ano’ng nangyayari? Bakit hinahayaan kong mangyari ito?” Parang hindi na niya hawak ang sariling isip at katawan. Hindi niya magawang lumayo o tumanggi sa estrangherong sumasakop sa kanyang labi.

Napakatigas ng dibdib nito, ramdam niya ang init ng katawan nito laban sa kanya. Napakahigpit din ng pagkakahawak nito sa batok at baywang niya.

Ito ang kanyang unang halik. Hindi niya akalaing ganito pala ang pakiramdam. Parang dinadala siya sa ibang mundo.

Nalasahan niya ang tamis ng halik nito—mas matamis pa kaysa sa tubig ng sapa. Napaawang ang labi ng dalagita nang bahagyang kagatin ng lalaki ang ibabang bahagi nito. Sa sandaling iyon, nagkaroon ito ng pagkakataong ipasok ang dila nito sa loob ng kanyang bibig.

Lalo siyang nalunod sa halik nito, tila isang gayumang lumalason sa kanya. Alam niyang may maling nangyayari, ngunit iba ang tugon ng kanyang katawan.

“Kasing halimuyak niya ang bagong pitas na prutas sa hardin…”

Tuluyan nang nalason ng matinding atraksiyon ang kaisipan ni Sera. Hinayaan niyang tangayin siya ng estranghero sa isang maalab at mapusok na halik…

Habang nagkakakilala ang mga labi ng dalawang magkaibang nilalang, nagkakagulo naman ang mga tao sa paghahanap sa nawawalang dalagita.

“Sera!”

“Sera!!”

Nagkalat sa gubat ang mga kalalakihang may hawak na malalaking lampara. Lahat sila ay tinatawag ang pangalan ng dalagita.

Abot-abot ang pag-aalala ng amang mangangaso. Natatakot itong isipin na baka nilamon na ng Itim na Lobo ang kanyang kaisa-isang anak…

Ngunit lingid sa kaalaman nito, may katotohanan ang kanyang kinatatakutan—dahil sinisimulan na ngayong tikman ng halimaw ang labi ng pinakamamahal nitong dalagita…

Inilatag ng itim na lobo ang katawan ni Sera sa makapal at malambot na damo. Hindi siya tumutol nang dalhin siya nito sa pinakamadilim na bahagi ng kagubatan—ang teritoryong walang sinuman ang naglalakas-loob na pasukin.

Dahan-dahang hinaplos ng halimaw ang makinis niyang balat, ramdam ang init na nagmumula sa kanyang katawan. Isang siglo na ang lumipas mula nang huli niyang maranasan ang ganitong lapit sa isang tao, at ngayon, isang matinding pananabik ang bumalot sa kanyang buong pagkatao. Kinontrol niya ang sariling silakbo ng damdamin, pinigilang maging mabagsik, upang hindi masaktan ang marupok na katawang nasa ilalim niya.

Muling nagtagpo ang kanilang mga labi, at sa sandaling iyon, natikman niya ang tamis na tila mas makapangyarihan kaysa sa anumang mahika. Gumapang ang kanyang kamay sa kanyang braso, balikat, at likod, bawat galaw ay puno ng ingat at pagnanasa. Ramdam ni Sera ang nag-aapoy na init sa bawat haplos, na tila nag-iiwan ng bakas sa kanyang balat.

“Ah…” Isang mahinang paghinga ang lumabas sa kanyang bibig nang maramdaman ang lumulutang niyang ulirat. Dumausdos ang dulo ng daliri ng halimaw sa kanyang bisig, pababa sa kanyang palad, habang masuyo nitong sinasamba ang kanyang presensya. Napakapit si Sera sa kanyang mahahabang itim na buhok, hindi alam kung paano tatanggapin ang bumabangong damdamin sa kanyang dibdib.

Sa ilalim ng liwanag ng buwan, tila pinagmasdan sila ng kalangitan. Ang katahimikan ng kagubatan ay napuno ng malamlam na tunog ng kanilang paghinga, isang sinfoniyang nilikha ng kapusukan at pagkakaugnay ng dalawang magkaibang nilalang.

Habang lumalalim ang gabi, lalong nag-alab ang diwa ng halimaw. Hinawakan niya ang baywang ng dalagita, iginuhit sa kanyang katawan ang sariling init. Napapikit si Sera, nanginginig sa hindi maipaliwanag na kaba at pananabik. Alam niyang may bahagi sa kanya ang nagnanais na iwasan ito, ngunit mas malakas ang hatak ng kakaibang pwersang bumabalot sa kanilang dalawa.

Ramdam niya ang paglapit nito sa kanya, ang mainit nitong presensya na tila isang apoy na handang lamunin siya ng buo. Hindi na siya umatras. Sa halip, hinayaang tangayin ang sarili sa agos ng nadarama. Sa gabing iyon, isang mahiwagang koneksyon ang nabuo sa pagitan nila—isang sumpang maaaring magdala ng kapahamakan, o isang tadhanang hindi na niya matatakasan.

Habang patuloy ang kanilang pagsasanib sa ilalim ng liwanag ng buwan, hindi nila alam na sa di-kalayuan, patuloy ang paghanap ng kanyang ama. Sa katahimikan ng kagubatan, isang kuwago ang nakamasid mula sa mataas na sanga, tila saksi sa isang kwentong hindi pa tiyak ang katapusan.

Halimaw Sa Ilalim ng Buwan

Kabanata I: Pagnanasa sa Lilim ng Dilim Kabanata III: Puting Paraiso