This entry is part 23 of 23 in the series Dangerous Thirst


Hinatid ni Syven si Ellis sa mansyon nito. Tulad ng inaasahan niya, mag-isa lamang itong nakatira sa malawak na estate. Ang mga ilaw sa hardin ay nakaayos na tila laging may hinihintay na bisita, ngunit alam niyang bihira lamang umuwi ang mga magulang nito. Sa katunayan, isang beses lamang niya nakita ang mga ito — noong engagement nila. At iyon na rin ang huli.

Ang ama niya ang nag-ayos ng kasunduang iyon matapos lumabas ang iskandalo. Hindi niya man lamang nakilala nang maayos ang pamilya ni Ellis, ngunit wala rin siyang balak gawin iyon. Sa panahong iyon, wala siyang pakialam kung sino ang mapapangasawa niya. Wala siyang pakialam kung sino ang makakasama niya sa buhay.

Ngunit ngayon, bawat hakbang na ginagawa niya ay tila may tali na humihila sa kanya pabalik sa katotohanang pilit niyang iniiwasan.

Huminto ang sasakyan sa harap ng estate. Agad na lumapit ang mga tauhan at binuksan ang pinto para sa kanya. Pinaunlakan siya ng mga ito kahit ngayon lamang siya nakita, na para bang pamilyar na ang presensya niya sa lugar.

Walang nagtangkang pigilan siya nang buhatin niya ang walang malay na si Ellis.

Tahimik siyang naglakad patungo sa loob, ramdam ang malambot na carpet sa ilalim ng kanyang sapatos. Sumunod ang isang katulong sa likuran niya, handang umalalay.

Pagpasok niya sa kwarto ni Ellis ay bahagya siyang natigilan.

Naintindihan niya kung bakit ganoon ang pagtanggap sa kanya ng mga tauhan.

Nasa gitna ng dingding ang isang malaking portrait niya.

Malaki iyon, masyadong malaki upang hindi mapansin. Para bang bawat paggising ni Ellis ay siya ang unang makikita nito.

Nanahimik si Syven.

Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman.

“Ako na ang bahala sa kanya,” turan niya sa katulong na akmang aalalayan si Ellis sa pagpapalit ng damit.

Bahagyang nag-alangan ang katulong ngunit tumango rin ito bago tahimik na lumabas ng silid.

Nang maramdaman niyang sila na lamang dalawa, maingat niyang inilapag si Ellis sa kama. Saglit siyang tumingin sa mukha nito. Payapa ang ekspresyon ni Ellis, tila ba wala itong dinadalang mabigat na emosyon.

Ngunit alam niyang hindi iyon totoo.

Dahan-dahan siyang lumayo at sinimulang libutin ang silid. Maayos ang pagkakaayos ng mga gamit. Walang kalat, walang bakas ng ibang tao, para bang ang buong mundo ni Ellis ay umiikot lamang sa iisang tao.

Sa kanya.

Tumigil siya nang makita ang laptop sa mesa.

Tahimik siyang lumapit at sinubukang buksan ito. Tulad ng inaasahan niya, may password.

Napatingin siya kay Ellis.

Mahimbing pa rin ang tulog nito.

Tahimik niyang kinuha ang laptop at phone, saka walang paalam na lumabas ng silid.

Dumiretso si Syven sa kakilala niyang IT expert.

Abala ang lalaki sa pag-check ng mga files habang tahimik siyang nakaupo sa tapat nito. Tanging tunog ng keyboard ang maririnig sa silid.

“Did you find all of the copies?” tanong ni Syven.

Hindi agad sumagot ang lalaki.

“I’m checking everything, sir. Phone storage, laptop, cloud backup, even iCloud. Kung nag-upload man siya, makikita natin.”

Lumipas ang ilang minuto.

“There’s an encrypted folder here,” sabi ng lalaki.

Nanatiling tahimik si Syven.

Tinanggal ng IT expert ang encryption.

Lumabas ang video.

Hindi niya na kailangang tingnan. Alam niya kung ano iyon.

“Checking cloud sync… upload history…”

Muli itong natahimik.

Pagkatapos ay humarap ito kay Syven.

“Positive, sir. She only has the copy on her phone. I checked all her accounts. Wala siyang backup.”

Huminga nang mabagal si Syven.

“Are you sure you want me to delete everything? Para sigurado.”

Hindi agad siya sumagot.

Mabigat ang katahimikan sa pagitan nila.

“Yes.”

Tahimik na pinindot ng lalaki ang delete.

At tuluyan nang nawala ang video.

Pagkatapos niyang masigurong wala nang maaaring gamitin si Ellis laban sa kanya, nag-hire si Syven ng taong papasok sa estate nang hindi napapansin. Ibabalik nito ang laptop at phone sa dating pwesto, gagawing mukhang na-hack at na-corrupt ang mga ito.

Tahimik siyang nakatingin sa labas ng sasakyan habang iniisip ang ginawa niya.

He betrayed Ellis.

He betrayed himself.

Sa huli, muli niyang pinili ang maging makasarili. Mas nanaig ang kasakiman niyang manatili sa tabi nito

Makalipas ang ilang araw, muli niyang binalikan ang bilangguan.

Huminto siya sa harap ng selda.

Naroon ang lalaking hinahanap niya, nakasandal sa dingding. Hindi ito nagulat nang makita siya. Sa halip ay dahan-dahan lamang itong nag-angat ng tingin, tila inaasahan na ang pagdating niya.

“Akala ko hindi ka na babalik,” malamig nitong saad.

Hindi agad sumagot si Syven. Sandali siyang nanatiling tahimik bago siya tuluyang nagsalita.

“I can get you out of here.”

Bahagyang napangisi ang lalaki, ngunit walang saya sa mga mata nito.

“Talaga?”

“Bibigyan kita ng pera. Bahay. Proteksyon. A new identity if you want.” Diretso ang tingin ni Syven sa kanya. “You can start over.”

Tahimik ang lalaki. Hindi ito gumalaw, hindi rin ito agad sumagot.

“I can also help your family,” dagdag ni Syven. “Your mother… your sister…”

“Too late.”

Naputol ang sasabihin niya.

Mababa ang boses ng lalaki, ngunit tila dumagundong ang dalawang salitang iyon sa loob ng dibdib ni Syven.

“Namatay ang nanay ko,” patuloy nito, hindi man lang tumitingin sa kanya. “Kakaisip kung makakalabas pa ako.”

Bahagyang kumunot ang noo ni Syven.

“Yung kapatid ko…” Huminto ang lalaki, saka marahang tumawa. Walang saya, walang emosyon. “Inampon siya ng kamag-anak namin. Akala ko ligtas siya.”

Humigpit ang hawak nito sa tuhod.

“Ginahasa siya.”

Naging mabigat ang katahimikan sa pagitan nila.

Unti-unting bumigat ang dibdib ni Syven, tila may kung anong sumasakal sa kanya.

“Wala ka nang maibabalik,” mahina ngunit matalim na saad ng lalaki. “Ano’ng gagawin ko sa pera mo? Ibabalik ko ba sa buhay ang nanay ko? Aalisin ko ba yung nangyari sa kapatid ko?”

Walang lumabas na salita mula kay Syven.

Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin.

Sa unang pagkakataon, wala siyang maibigay.

Tumayo siya at tumalikod.

“Mr. Syven.”

Huminto siya.

Kung ano man ang sasabihin ng lalaki, hindi na siya sigurado kung handa siyang marinig iyon.

“Sisiguraduhin kong…” patuloy ng lalaki, “mas magiging miserable ang buhay mo kaysa sa’kin.”

Walang tugon si Syven.

Tahimik siyang naglakad palayo.

Ang tunog ng saradong pinto ng selda ay sumabay sa unti-unting pagguho ng natitirang pag-asa niya.

Habang nagmamaneho pauwi, wala siyang malinaw na direksyon.

Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang mga salita ng lalaki.

Akala niya nagbago na ang lahat.

Binura niya ang video na hawak ni Ellis. Ang video na naging dahilan kung bakit nagalit ang Ama niya, kung bakit muli siyang itinulak sa engagement na ayaw niya, at kung bakit nauwi ang lahat sa trahedyang kumitil sa buhay ni Bryant.

Sa unang pagkakataon simula nang bumalik siya sa nakaraan, naniwala si Syven na kaya niyang baguhin ang kapalaran.

Ngunit ngayon, para siyang muling ibinalik sa umpisa.

Napahigpit ang hawak niya sa manibela.

Maaaring mawala na ang video. Maaaring hindi na mangyari ang engagement. Ngunit naroon pa rin ang lalaking ito. Naroon pa rin ang galit nito. Naroon pa rin ang paghihiganting nakatanim sa puso nito.

At paano kung mapawalang-sala niya ito?

Paano kung ilabas niya ito sa kulungan at linisin ang pangalan nito?

Mapait na napangiti si Syven.

Mabubuhay ba muli ang ina nito?

Mabubura ba ang sinapit ng kapatid nito?

Hindi.

At kapag nakalaya ito, ano ang susunod? Hahanapin pa rin siya nito. Hahanapin pa rin nito ang taong sinisisi nito sa pagkawasak ng pamilya nila.

Maaari niyang pigilan ang isang trahedya, ngunit hindi niya kayang burahin ang dahilan kung bakit ito nagsimula.

Unti-unting bumigat ang paghinga niya.

Sumagi rin sa isip niya ang pinakamadaling paraan.

Patayin ang lalaki.

Tapusin ang lahat bago pa ito magsimula.

Mariing humigpit ang hawak niya sa manibela.

Naranasan niyang pagtaksilan ng sarili niyang kapatid. Naranasan niyang mamatay sa kamay ng taong dapat ay pamilya niya.

Kung papatayin niya ang lalaking iyon para iligtas si Bryant, ano ang mababago niya?

Isa na naman ba iyong taong mawawalan ng pagkakataong humingi ng hustisya?

Isa na naman ba iyong buhay na sisirain niya para iligtas ang taong mahal niya?

Wala.

Magsisimula siyang muli, ngunit dala-dala pa rin niya ang bigat ng konsensiyang nakatanim sa kanyang dibdib. Kahit binigyan siya ng pangalawang pagkakataon, hindi niya nais na muling mabuhay sa pagsisising minsan nang sumira sa kanya.

“What if… I just disappear?”

Ilang beses niyang naisip na kitilin ang sarili kung iyon ang makakapagligtas kay Bryant.

Ngunit agad din niyang tinanggihan ang ideyang iyon.

Paano kung mawala siya… at pagbalik niya, wala na ito?

Paano kung wala pa ring magbago?

Humigpit ang panga niya.

“No…”

Hindi niya kayang ipagsapalaran iyon.

Mas gugustuhin niyang dalhin ang lahat ng sakit kaysa muling maranasan ang pagkawala nito.

Gabi na nang makatulog si Syven, ngunit hindi siya pinatahimik ng gabi.

Isang putok ang umalingawngaw sa kanyang panaginip.

Kasunod nito ang pagbagsak ng katawan ni Bryant sa harapan niya.

Napabalikwas siya ng bangon, habol ang hininga at nanlalamig ang buong katawan. Dumadaloy ang malamig na pawis sa kanyang batok habang hindi mapigilan ang panginginig ng kanyang mga kamay.

Sa unang pagkakataon, tuluyang bumigay si Syven.

“Bryant…”

Mahina niyang tawag sa pangalan nito habang nakayuko sa gilid ng kama.

Sinubukan niyang baguhin ang nakaraan, pero nagbago ito sa mas mapanganib na paraan.

Napagtanto niyang hindi ang mga taong nasa paligid niya ang dapat niyang baguhin kundi ang kanyang sarili. Nagsimula ang lahat ng ito dahil sa mga maling desisyong ginawa niya.

Ilang beses niyang sinubukang bumalik sa pagtulog. 

Ngunit sa bawat pagpikit niya ay nakikita niya ang pagbagsak ng katawan ni Bryant.

Nang gabing iyon, pumunta siya sa Condo ni Bryant. Gusto niyang masigurong walang nangyari dito kahit pa alam niyang ligtas ito, gusto niya parin itong makita, pakiramdam niya ay hindi siya makakahinga ng maluwag ng hindi nararamdaman ang init ng katawan niyo. Nais niyang iwaksi sa isipan niya ang imahe ng pagbagsak ng malamig nitong kamay ng bawian ito ng buhay.

Rumehistro ang pag-aalala sa mukha ni Bryant ng pagbuksan siya nito ng pinto. Lagpas na ng hating gabi, bakante ang mahabang pasilyo at tanging paghinga lamang nila ang maririnig.

Sinugod ng mariing halik ni Syven ang labi nito. Gusto niyang maramdaman ang init ng katawan ni Bryant bilang patunay na hindi ito nawala sa kanya. Hindi nito nagawang tumugon ng bumitaw ang labi niya. 

Sinalubong ni Syven ang tingin ni Bryant.

“I miss you.”

“Then stop running.” 

Binalot ng yakap ni Bryant ang tila nanginginig na katawan ni Syven. Ramdam niya ang takot sa mga mata nito. Mariin niyang hinagkan ang nakalantad nitong leeg sa kanya.

“If you don’t want to lose me, then stop holding on to Ellis.” Marahan niya pinaharap sa kanya ang tingin ni Syven. “You can’t have both of us. If you want me in your life, choose me—and only me.” 

“I…” Dahan-dahang kumawala si Syven sa yakap nito. Hindi niya magawang salubungin ang titig ni Bryant. “I can’t do that.”

May kung anong nagbago sa mga mata ni Bryant. Mabilis niyang hinila si Syven papasok, saka pabalibag na isinara ang pinto. Bago pa ito makapagsalita, naitulak na niya ito sa dingding.

“Bakit hindi?” Pinilit ni Bryant na salubungin ni Syven ang kanyang tingin. “You fear nothing, yet you’re terrified of this.”

Naninikip ang dibdib ni Syven sa paraan ng pagtitig ni Bryant sa kanya. Hindi ito sumisigaw o nagtataas ng boses, ngunit mas nakakatakot ang katahimikang iyon kaysa sa anumang galit na maaari nitong ipakita. Para bang matagal nang pinipigilan ni Bryant ang lahat ng gusto nitong sabihin at ngayon lamang ito napagod maghintay.

“Do you know what I hate the most?” mababang tanong nito.

Nanatiling tahimik si Syven. Hindi niya magawang salubungin ang tingin ni Bryant. Sa halip ay napako ang mga mata niya sa gilid ng balikat nito, umaasang mawawala ang bigat ng usapan kung iiwasan niyang tingnan ang mga mata nito.

Mapait na napatawa si Bryant.

“Every time you look at me like that, I start believing you.”

Unti-unting humigpit ang pagkakahawak nito sa magkabilang balikat niya. Hindi sapat upang saktan siya, ngunit sapat upang pigilan siyang umiwas.

“Believing what?” pilit na tanong ni Syven.

Nagtagal ang titig ni Bryant sa kanya bago ito muling nagsalita. “That you actually want me.”

Para bang may kung anong bumara sa lalamunan ni Syven. Alam niyang dapat niya iyong tanggihan. Dapat ay magsinungaling siya tulad ng ginagawa niya nitong mga nakaraang araw. Ngunit walang salitang lumabas sa kanyang bibig. Pareho nilang alam ang totoo. Pareho nilang alam na kung wala si Ellis at kung wala ang lahat ng bagay na pumipigil sa kanya, hindi siya magdadalawang isip na piliin ito.

“Then morning comes,” mapaklang dugtong nito, “and you go back to her.”

Bahagyang napapikit si Syven. Wala siyang maipagtanggol sa sarili niya. Masakit marinig ang hinanakit sa boses ni Bryant dahil alam niyang tama ito. Paulit-ulit niya itong nilalapitan, paulit-ulit niya itong hinahanap, ngunit sa huli ay bumabalik pa rin siya kay Ellis. Para siyang taong hindi kayang pumili ng direksyong tatahakin at patuloy lamang na nananakit ng mga taong nasa paligid niya.

“Bakit hindi ako?” tanong ni Bryant. Hindi na galit ang boses nito. Mas masakit pa roon. Pagod na pagod na ito. “Why can’t you choose me?”

Napahinto ang paghinga ni Syven.

Dahan-dahan niyang ipinikit ang mga mata.

Dahil kapag pinili kita, maaaring mamatay ka.

Dahil sa bawat pagtatangka kong baguhin ang nakaraan, sa bawat landas na tinatahak ko, doon pa rin humahantong ang lahat.

Sa pagkawala mo.

Mas gugustuhin kong kamuhian mo ako habang buhay kaysa makita kitang mamatay sa harapan ko muli.

Ngunit wala ni isa sa mga salitang iyon ang nagawang tumawid sa kanyang labi. Paano niya ipapaliwanag ang isang alaala na siya lamang ang nakakaalala? Paano niya sasabihin kay Bryant na bawat gabing ipinikit niya ang kanyang mga mata ay nakikita niya ang katawan nitong nalulunod sa sariling dugo?

“I don’t know,” mahina niyang bulong.

Matagal siyang tinitigan ni Bryant. Napakatagal. Para bang sinusubukan nitong hanapin sa mukha niya ang sagot na matagal na nitong hinihintay ngunit hindi kailanman natanggap.

Sa huli ay marahan itong tumango.

“That’s the problem, Syven.”

Bahagyang nanginig ang dibdib ni Syven.

“I think you do.”

At sa pagkakataong iyon, mas masakit pa ang mga salitang iyon kaysa anumang sigaw o galit na maibabato sa kanya ni Bryant. Dahil alam niyang tama ito. Alam na alam niya ang sagot. Ngunit sa kabila noon, patuloy pa rin siyang duwag na harapin ang katotohanan.