This entry is part 3 of 23 in the series Fearless

“What the hell just happened?” tanong ni Zane sa sarili. Nawala ang natitirang antok niya.

He never encountered a ghost before kaya hindi niya alam kung ano ba talaga ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon.

Naririnig niya mula sa labas ng gate ang mga kasama niyang tinatawag siya.

Madilim, ngunit dahil malinaw ang kanyang paningin, naaaninag pa rin niya ang paligid. Nasa sasakyan ang phone niya at wala siyang dalang flashlight — dagdag pa ang ingay sa labas mula sa kanyang mga kasama.

“Great. Now what?” tanong niya sa kawalan kahit wala siyang makita.

Hindi siya nakapaghanda nang biglang humampas ang katawan niya sa saradong gate at umangat ang mga paa niya mula sa lupa.

Nakita niya ang itim na usok na pumasok sa katawan niya, parang pinasok ng napakalamig na yelo ang kanyang dibdib.

Hindi malaman ni Chiara kung anong susunod na gagawin sa taong ito.

Bakit niya pinakawalan ang tatlong nag-uumapaw sa takot, kapalit ng isang ito?

Marahil ay dahil naninibago siya. Bibihira siyang makatagpo ng ganitong klase ng tao.

Kahit gaano pa nila pagtakpan ang kanilang takot o ilibing sa pinakailalim ng kanilang pagkatao, nahahanap at naaamoy niya pa rin ang tinatagong kahinaan ng mga ito, kahit pa nakalimutan na nilang matakot.

Ngunit ang isang ito, wala ni kahit ano.

Sinubukan niyang hukayin ang pinakaibuturan ng mga alaala nito, damdamin, at emosyon, ngunit wala siyang makita kahit anong kahinaan.

Napagtanto niyang wala siyang mapapala dito, kaya binitiwan niya ang katawan nito at hinayaang bumagsak sa lupa.

Nanghihinang umatras si Chiara sa dilim. Marami na siyang nagamit sa enerhiya niya.

Sunod-sunod ang malalalim na paghinga ni Zane, parang naubusan ng hangin. Pakiramdam niya ay nabalutan ng yelo ang buong katawan niya.

Biglang bumukas ang gate sa likod niya at nagmamadaling nilapitan siya ng mga nag-aalala niyang kasama.

“Zane?! Anong nangyari sa’yo? Bakit ang lamig mo?” sunod-sunod na tanong ni Axel.

Tinulungan siyang itayo nina Blake at Ryker.

“Kasalanan mo ‘to. Kung hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa cam ni Greg, hindi na sana tayo pumunta sa lugar na ‘to,” sisi ni Ryker kay Axel.

“At kung hindi mo sinisisi si Zane tungkol sa budget ng Drama Club, hindi rin sana mangyayari ‘to! Bakit hindi ka na lang magdasal tulad ng ginawa mo kanina — baka sagutin pa ni Lord yang problema mo,” sagot naman ni Axel.

“Ah, gano’n? Sino kaya sa atin ang parang vibration na nanginginig sa takot?” ganting tanong ni Ryker.

“Tumigil nga kayong dalawa,” saway ni Blake sa kanila habang tinutulungan nitong isakay si Zane sa passenger seat.

Kung hindi sila ni Axel ang mag-aaway, si Ryker naman ang kapalit ni Blake.

Tahimik na nagpikit ng mata si Zane at pilit nililinaw sa isip ang nangyari kanina.

Wala siyang nakita at naramdaman kundi itim na usok at hanging kasing lamig ng yelo.

Sa isang iglap, parang binalik siya sa nakaraan at hinukay ang mga alaala niya.

What just happened to me? tanong niya sa sarili.

Hindi siya agad nakatulog ng gabing iyon, na bibihira lang mangyari. Nahihiwagaan pa rin siya sa misteryong nangyari sa kanila sa Havaianas.

Kinabukasan, mas late siyang nagising. Siya lang yata ang naupong SSC President na laging nalalate sa klase. Pero ito rin ang advantage ng posisyon niya dahil nagagamit niya itong excuse.

Tulad ng kanilang inaasahan, inambunan ng reklamo ang office nila. Hindi magkandaugaga ang mga miyembro ng Student Supreme Council sa pagpapaliwanag habang ang presidente nila ay parang haring natutulog sa rooftop.

Iba talaga kung principal ang uncle mo at kakilala mo ang mga nagtuturo. Hindi rin maitatangging matalino si Zane dahil sa mga achievements at awards na naiuwi nito sa school, kaya naman kung may umaangal man sa pamamalakad niya sa Supreme Council, sa sarili na lang nila iyon sinasabi. Walang naglalakas-loob na kumalaban sa kanya, maliban sa pinsan nitong si Slate na kakompetensiya ang tingin kay Zane mula pa noong bata pa sila.

Samantala, sa SSC office…

“Ayoko na! Suko na ako!” reklamo ni Axel nang sa wakas ay iwanan siya ng mga club leaders matapos niyang pangakuan ang mga ito ng kung anu-ano.

“Axel!” galit na pumasok si Blake sa loob ng SSC office. Hinila nito ang kuwelyo ni Axel kaya napilitang tumayo ang huli mula sa pagkakaupo.

Halatang hindi pa nagpalit si Blake dahil naka-PE uniform pa rin ito.

Inaasahan na ni Axel na mangyayari iyon kaya hindi na siya nabigla sa reaksiyon ni Blake.

“Bakit mo pinamigay ang number ko?” galit na tanong ni Blake.

Napuno ng kung anu-anong message ang inbox ni Blake mula sa mga babaeng nanliligaw sa kanya. Kinilabutan pa siya nang mabasa ang mga korning confession ng mga ito.

“Wala na akong ibang maisip nang sugurin nila ako! Iniwan niyo akong mag-isa dito sa office! Pati mga ibang kasama natin, tinakasan na rin ako!” depensa ni Axel.

“Axel! Tarantado ka!” mas madilim ang anyo ni Ryker pagpasok nito sa pinto.

“Bakit mo binigay ang underwear ko?!” namumula ang mukha ni Ryker sa galit.

“Kasalanan mo kung bakit nagtatago ka ng gamit mo sa office,” natatawang sagot ni Axel na tila hindi alintana ang galit sa mukha ni Ryker.

“Blake, hawakan mo siya.” Utos ni Ryker. Agad naman itong sinunod ni Blake.

Kinabahan si Axel nang mahulaan niya ang binabalak ng dalawa.

“Tingnan natin kung anong gagawin mo kung ibibigay ko rin ang underwear mo sa iba.”

“S-sorry na! Hindi lang naman kayo ang nagsakripisyo ah!”

Pinakita niya sa kanila ang leeg niyang puno ng kiss mark.

Parehong natigilan sina Blake at Ryker nang makita nila iyon, lalo na’t may malalim na kagat na halatang pinanggigilan.

“Mabuti nga hindi ko kayo pinakain sa mga baklang ‘yun, eh!”

Binitiwan siya ni Blake at ibinalik naman ni Ryker ang pagkakabit ng butones sa pantalon nito.

Nakahinga ng maluwag si Axel nang pakawalan siya ng mga ito.

“Isipin niyo na lang kung anong mangyayari sa atin kung wala tayong itsura,” dagdag pa ni Axel habang inaayos ang pagkakagusot ng damit niya.

“Si Zane? ‘Wag mong sabihing pinasubo mo kami ni Blake pero hinayaan mo lang yung isang ‘yon na gumawa ng problemang ito?” bumalik ang galit sa mga mata ni Ryker.

Naroon din si Blake sa likod nito na naghihintay ng sagot niya.

“W-well…” tinignan niya ang nakabukas na pinto.

“You see—”

Mabilis na tinulak niya ang dalawa at tumakbo palabas ng pinto.

Habang sa rooftop…

Tahimik na nakahiga si Zane, nakatingala sa langit na tila may malalim na iniisip. Hindi pa rin niya makalimutan ang nagyari kagabi.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang lamig ng hangin na tila bumalot sa kanya sa loob ng Havaianas.

Muli niyang naalala ang presensya ng itim na usok na pumasok sa katawan niya, at ang malamig na hangin na parang humugot ng hininga niya.

Hindi rin niya maintindihan kung bakit tila ba naramdaman niya ang matagal nang nakakubling alaala — mga alaala na pilit niyang kinakalimutan.

Pumikit siya at pinilit iwaksi sa isip ang mga tanong na bumabagabag sa kanya, ngunit hindi siya sigurado kung gano katagal pa siya makakaiwas.

“What the hell was that…” mahina niyang bulong sa sarili, habang pilit pinapakalma ang kaba sa dibdib.