This entry is part 12 of 21 in the series Lost Heart

Tumunog ang phone sa tabi ng kama. Bahagyang nagmulat ng mata si Ar, nang maramdaman niya ang mainit na katawan sa kanyang tabi, kumalma ang pangamba sa kanyang dibdib. Lumabas si Ar ng kwarto bago ito sinagot upang hindi magising ang mahimbing na natutulog na dalaga.

“Sir, regarding your schedule—”

“Move everything.” Huminto si Ar sa gitna ng maliit na living room, pinisil ang tulay ng ilong niya bago marahang bumuntong-hininga. “I’m staying here until I bring Hale back myself.”

“Noted, sir. However, the board meeting—”

“Reschedule. Prioritize urgent matters, but I won’t leave the island yet.”

“Understood. I’ll handle it.”

Matapos ang ilang bilin pa tungkol sa mga mahahalagang papeles at transaksyon, naputol ang atensyon ni Ar nang may marinig siyang katok sa pinto. Kumunot ang noo niya, saglit na lumingon sa kwarto ni Hale, tiniyak na hindi ito nagising bago mabilis na tinapos ang tawag.

Hindi naitago ni Kris ang pagkagulat at pagkamangha nang hindi si Hale ang nagbukas ng pinto. Inasahan niyang si Hale ang sasalubong sa kanya, pero ang lalaking kaharap niya ngayon ay isang estranghero. Nawala ang hangover niya sa isang iglap. Kahit kailan, hindi niya inakalang makakakita siya ng lalaki sa loob ng bahay ng pinsan niya—lalo na ang isang kagaya nito. Matangkad, may presensya ng isang taong may kapangyarihan, at ang mukha… para bang isang larawang makikita mo lamang mula sa isang high-end na fashion magazine.

Nang makabawi sa pagkabigla, agad siyang ngumiti at iniabot ang kamay. “Kris. Pinsan ni Hale.”

Hindi ito tinanggap ni Ar. Nanatili lang itong nakatayo, mararamdamang wala itong interes na kilalanin siya.

“Nag-alala lang ako kay Hale. Dalawang araw na siyang hindi nagbukas ng coffee shop, at hinahanap na siya ng mga tao sa isla.”

“She’s fine. She just need a rest.”

Oh my God, Maging boses nito ay sapat na upang malasing siya. Bumuntong-hininga si Kris at bahagyang umiling. Kaya pala walang pumapasa kay Hale dahil ganitong klaseng lalakiang standard niya.

“Hindi ko na kayo aabalahin,” aniya, bahagyang tumingin sa loob ng bahay. May pag-aalinlangan sa kanyang mga mata, pero hindi na siya nagtanong pa.

Tinitigan lang siya ng binata, parang walang balak sumagot. Ngunit sapat na ang nakita ni Kris para maintindihan ang sitwasyon. Napailing ito at isang pilyang ngiti ang lumitaw sa labi niya bago lumingon pabalik sa daan.

“Sabihin mo na lang sa kanya na dumaan ako,” aniya bago tuluyang umalis.

Nang isara ni Ar ang pinto, agad siyang bumalik sa kwarto kung saan naroon si Hale, hindi nagambala ng kahit ano dahil sa lalim ng pagkakatulog nito. Tahimik siyang lumapit, at pinagmasdan ito.

Maamo ang mukha nito ng walang bahid ng matigas at malamig na anyo nito sa tuwing humaharap ito sa kanya.

Ano ba ang meron sa islang ito at hindi niya maiwan?

Muli niyang pinagmasdan ang dalaga. Maraming bagay ang hindi niya pa rin maintindihan, pero isang bagay ang sigurado siya—hindi siya aalis nang hindi ito kasama.

Nagising si Hale, dumaloy sa kanyang pakiramdam ang bakas ng kapusukang iniwan ni Ar sa kanyang katawan. Mabilis niyang naalala ang nangyari—hindi ito isang bangungot kundi isang katotohanang nahanap siya ng binata.

Dahan-dahan siyang bumangon at lumabas ng kwarto. Sa balkonahe, nakita niya si Ar, nakatayo at nakatingin sa malawak na dalampasigan sa di kalayuan, tila may malalim itong iniisip. Ang hangin ng umaga ay bahagyang nilipad ang buhok nito, ngunit hindi iyon nagpakawala sa malamig na ekspresyon ng binata.

“I’m not leaving with you. Nandito na ang buhay ko.”

Sumandig si Ar sa malamig na dingding at pinagmasdan si Hale. May kung anong dumaan sa mga mata nito, isang emosyon na hindi niya mabasa. “Hindi ka bumalik sa magulang mo ng sandaling makalaya ka sa akin. Hindi ka rin nagpakita sa ex-fiancé mo. Hinayaan mong maniwala silang tuluyan ka ng nawala. Bakit mo ‘yon ginawa Hale?”

Napangiti ng mapait si Hale sa tanong ni Ar. “At bakit ngayon ka lang nagkainteres na malaman kung ano ang nasa isip ko?”

Sa mahabang panahon na pagkakakulong niya kay Ar, ni minsan ay hindi ito nagtangkang kilalanin siya. Hindi niya rin maintindihan kung ano ang nagustuhan sa kanya ng binatang Fuentero, kung ang kanyang mukha at katawan lang ang kailangan nito, hindi ito mahihirapang maghanap ng higit pa sa kanya dahil sa estado nito.

“Ako dapat ang nagtatanong sa’yo. Bakit ako? Bakit ang buhay ko ang sinira mo? Pagkatapos mo akong ikulong ng dalawang taon at paniwalain ang lahat na patay na ako, wala na akong babalikan sa dating buhay ko. You made sure of that. And for that reason, I will hate you for the rest of my life. So just let me go. Huwag mo nang nakawin sa akin ang buhay na meron ako ngayon.”

“Since I ruined you, then let me take responsibility for the rest of our life.” May kasiguraduhan sa tinig ni Ar, at sa isang iglap, niyakap niya ang dalaga—mahigpit, parang takot na muli itong mawala. “Pinapangako kong hindi na kita itatago. Hahayaan kitang gawin ang gusto mo at hindi na kita pipigilang maging malaya sa mga desisyon mo, sa isang kondisyon… Marry me, Hale.”

Tinulak ni Hale ang binata palayo sa kanya. Nanginginig ang kanyang mga kamay, hindi sa takot kundi sa matinding galit na pilit niyang pinipigil. “Ar, paano mo ito matatawag na kalayaan kung ikaw ang nagdidikta ng magiging kapalaran ko? What I wanted is for you to leave my life! I want to live in a world without you!”

“Then you have to kill me, Hale. It’s the only way for you to get rid of me.”

Tahimik ang sumunod na mga segundo, ngunit tila isang matinding bagyo ang namuo sa pagitan nila.

Umangat ang kamay ni Ar sa gilid ng mukha ng dalaga. Haplos na tila isang babala, isang paalala na hindi siya kailanman bibitaw. “Ito na ang hangganan ng pasensiya ko, Hale. Huwag mong hayaan na bumalik tayo sa umpisa.”