Lumabas si Hale sa coffee shop at nakita niyang nasa phone pa rin si Ar. Narinig niyang nagbibigay ito ng mga utos sa secretary nito, sa malamig tinig, at walang bahid ng emosyon.
Saglit itong natahimik, nakikinig, bago muling nagsalita. “Gusto nilang ako mismo ang humawak?” Bahagyang sumingkit ang mga mata ng binata. “Hindi na kailangan. They can be briefed by the board.”
Narinig ni Hale ang bahagyang pagtalim ng tinig ni Ar. “Delay it,” madiin nitong utos. “Use the usual methods—alternative schedules, priority adjustments. Wala akong pakialam kung paano mo gagawin, siguruhin mo lang na hindi ko sila kailangang harapin ngayon.”
Tumingin ito sa relo, tila tinatantya ang oras. “If they insist, let them wait. Nothing moves without my approval anyway.”
Base sa pinag-uusapan ng mga ito, marami itong naiwang trabaho na kailangang tapusin at aprubahan. Tahimik siyang naghintay sa tabi hanggang sa matapos ito.
Nang mapansin ni Ar na naroon siya, agad nitong tinapos ang tawag, walang alinlangan sa ekspresyon nito. Isang iglap lang, ibinaba nito ang tawag at ibinaling sa kanya ang tingin, na parang siya lang ang mahalaga sa mundo nito.
Nadagdagan ang pangambang nararamdamn ni Hale. Hindi niya ito maaaring hayaan na manatili pa sa isla. Hindi niya ito maaaring hayaan na manatili pa sa buhay niya.
“How long have you been there?” may bahid ng interes na tanong ni Ar.
“Enough to know that you don’t have much time to stay on this island,” malamig niyang sagot.
Bahagyang lumalim ang titig ni Ar, ngunit kalmado. “Kung gano’n, kailangan mo nang magdesisyon, Hale.”
Lumalim ang paghinga ni Hale bago nagsalita, “Kailangan ko bang mamatay para matutunan mong pakawalan ako?”
Nagdilim ang ekspresyon ni Ar. “Tinatakot mo ba ako?”
“Hindi kita tinatakot, pero iyon lang ang alam kong paraan para palayain mo ako.”
Humugot ng malalim na hininga si Ar bago kinulong ang kanyang mukha sa mga palad nito. Ang titig nito ay nagdudulot ng kilabot sa kanyang balat.
“Listen,” madiin at mababa ang boses nito, puno ng matinding emosyon, “even in death, I will be with you. Hinding-hindi mo ako matatakasan.”
Parang yelo ang gumapang sa dugo ni Hale. Bumilis ang tibok ng puso niya, parang gusto nitong kumawala. Isang iglap lang at…
Nagising siya.
Napabalikwas siya ng bangon, hinihingal, habang ang noo ay pinagpapawisan. Mabilis niyang inilibot ang paningin sa paligid. Isang panaginip. Ngunit bakit pakiramdam niya’y totoong-totoo ito?
Nang idinako niya ang tingin sa kanyang tabi, nakita niya si Ar—mahimbing na natutulog, tila wala ito sa madilim na panaginip na kanina lamang ay nagparalisa sa kanya.
Marahan siyang bumaba ng kama, nag-iingat na huwag itong magising. Tahimik siyang lumabas ng kwarto at naglakad papunta sa tabing-dagat. Umaasang ang malakas na hampas ng alon ay may kakayahang pakalmahin ang takot sa kanyang dibdib.
Ngunit kahit ang hangin sa isla, ang dagat, at ang katahimikan ng gabi ay hindi kayang pawiin ang lagim na naramdaman niya mula sa kanyang panaginip. Hindi ito isang simpleng bangungot—para itong babala, isang paalala na hindi ito malayong mangyari.
“What are you doing?”
Napakurap si Hale nang marinig ang pamilyar na tinig. Nang lingunin niya si Ar, nakatayo ito sa likuran niya, nakatitig sa kanya na parang kahit sa dilim ay hindi niya matatakasan ang mga mata nito.
Kahit walang buwan sa langit, tila sa dilim ng gabi ay nagliliyab ang tingin nito, puno ng pag-angkin, puno ng paniniyak na kahit saan siya magtago, mahahanap siya nito.
“Hindi ako makatulog,” mahinang tugon ni Hale, iniiwas ang tingin.
“Or you’re trying to run away again,” malamig na sagot ni Ar, hindi nagbabago ang ekspresyon.
Napakagat-labi si Hale. Ramdam niyang kahit sa panaginip, kahit sa reyalidad—hindi nalalayo ang lagim na dala nito.
Napahinga siya ng malalim bago bumaling dito. “Kung papayag akong magpakasal sa’yo, tutuparin mo ba ang lahat ng pinangako mo?”
Matagal na natigilan si Ar, tila hindi nito narinig ang sinabi niya dahil sa lakas ng alon.
Lumapit ito sa kanya at muling kinulong ang kanyang mukha sa mga palad nito.
“When did I break my word?” tanong nito, malalim at mababa ang boses, kasabay ng pagdampi ng mainit nitong labi sa kanya.
Mariin nitong sinakop ang kanyang mga labi—hindi ito halik na humihingi ng pahintulot, kundi halik na umaangkin.
Napasinghap si Hale, umangat ang kanyang mga palad sa dibdib ni Ar upang pigilan ito, ngunit mas lalo lamang humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Ang isang kamay nito ay lumipat sa batok niya ng subukan niyang lumayo.
Pinalalim ni Ar ang halik, pinadaan ang dila sa kanyang mga labi bago sapilitang ibinuka ang mga iyon. Tila nagbabanta na hindi siya makakatakas.
Nanghihina si Hale. Hindi niya alam kung takot ba ito o ang matinding emosyon na hindi niya kayang pigilan. Ramdam niya ang paninikip ng kanyang dibdib, ang bumibilis na pintig ng puso niya habang ang halik nito ay nagiging mas madiin, mas mapang-angkin.
Nang bumitaw si Ar, hinawakan nito ang kanyang baba, pinigilan siyang umiwas. “Kahit anong gawin mo, hindi kita pakakawalan.”
Nanginig ang buong katawan ni Hale, pero hindi siya kumilos. Hindi niya alam kung ito ang tamang desisyon para sa kanilang dalawa.
Pero sa mahigpit na yakap ni Ar, sa paraan ng pag-angkin nito sa kanya, alam niyang wala na siyang kawala. Ito ang reyalidad na kailangan niyang tanggapin—ang kulungang hindi niya kayang takasan, at ang ilusyon ng kalayaang hindi niya kailanman mahahawakan.
