Nakahinga ng maluwag si Fein nang makita niyang nakalahati na ni Hale ang sabaw at prutas na inihain niya, pero saglit lamang iyon dahil naputol ang ngiti niya nang muling nabaling sa kanya ang atensiyon ng dalaga. Hindi na nito kailangang magsalita dahil alam na niya ang nais nitong ipahiwatig. Sinenyasan ni Fein ang mga katulong na lisanin ang silid.
“Maraming nangyari sa pamilya mo simula nang mawala ka,” wika ni Fein nang maiwan silang dalawa sa loob ng kwarto. Umupo siya sa tabi ng dalaga, nilabas niya ang phone niya at ipinakita dito ang headline ng isang online news tungkol sa isang plane crash. “Marahil nagtataka ka kung bakit walang naghahanap sa’yo? Iyon ay dahil ang buong akala ng lahat ay kasama ka sa listahan ng mga nakasakay sa plane crash.”
Matagal na natigilan si Hale sa narinig. Binasa niya ang report at naroon nga ang pangalan niya. “They thought I’m dead?” hindi makapaniwalang tanong ni Hale. Noong araw na iyon, plano niyang pumunta sa Europe para dumalo sa kasal ng pinsan niya, subalit bago pa siya makasakay sa kanyang sasakyan papuntang airport, nakidnap na siya ng mga tauhan ni Ar. She underestimated him. It didn’t dawn on her that he could use any method just to get her.
“Sa umpisa pa lang, walang plano si Sir Ar na itago ka ng dalawang taon, dahil ang intensyon niya ay habang-buhay kang itali sa tabi niya. Kaya naman huwag mo nang pahirapan ang sarili mo, dahil kahit anong gawin mo, Hale, hindi siya papayag na maghiwalay kayo. Mas makabubuti kung pag-aralan mo siyang tanggapin sa puso mo upang hindi niyo masaktan ang isa’t isa.”
“No,” mariing napailing si Hale. Tumayo siya nang maramdaman niyang nagsisimulang sumikip ang kanyang dibdib. Hindi niya matanggap na binura siya ni Ar sa buhay ng mga magulang niya. Siya ang nag-iisang anak ng mga ito. Maraming plano ang Daddy niya para sa kanya at marami pang lugar ang nais nilang puntahan ng Mommy niya. She had her whole life ahead of her, then he came and ruined everything. She couldn’t understand it. Why did it have to be her?
“Hale?” nag-aalalang tumayo si Fein at sinundan niya ang dalaga nang lumapit ito sa bintana upang sumagap ng hangin. Ito ang isa sa mga rason kung bakit hindi niya masabi kay Hale ang lahat dahil alam niyang mahihirapan ang dalagang tanggapin ito.
“Ano pang ginawa niya?” Mabilis na dumaan ang galit sa mga mata ni Hale. Nais niya ring wasakin at sirain ang buhay ni Ar. Gusto niyang iparamdam dito ang sakit na binigay nito sa kanya. Kung kaya niyang kitilin ang sarili niyang buhay upang makawala sa hawla nito, matagal na niya iyong ginawa. Pero hindi, hindi niya gustong sumuko. Nais niyang mabuhay nang malaya sa mundo ng binata. At iyon ang magiging ganti niya dito—ang kalayaan niya.
“Hale, walang kinalaman si Sir Ar sa paghihiwalay ng magulang mo,” depensa ni Fein nang makita niyang nadagdagan ang pagkamuhi ng dalaga kay Sir Ar. “Naghiwalay ang magulang mo dahil natuklasan ng Mommy mo na nagkaroon ng anak ang Daddy mo sa ibang babae. Ginawa ng ama mo ang lahat upang itago iyon sa inyo, subalit nang sumabog ang balitang pumanaw na ang nag-iisang tagapagmana ng Montenor Corporation, lumitaw ang half-brother mo. Hindi gustong kilalanin ng ama mo ang kapatid mong sa labas, subalit kung mawawalan ng tagapagmana ang pamilya mo, pagkakaguluhan ito ng mga shareholder ng kumpanya niyo. Kaya naman napagdesisyunan ng ama mo na kilalanin ang half-brother mo. Hindi ito matanggap ng Mommy mo kaya hiniwalayan niya ang Daddy mo.”
“If he had not imprisoned me and faked my death, none of this would have happened!”
“Hindi mo puwedeng isisi kay Sir Ar ang lahat, Hale. Alam mo ba nang mawala ka, agad na nagpakasal sa ibang babae ang fiancé mo? Kung talagang mahal ka niya, hindi ka niya ipagpapalit nang gano’n kabilis.” Gustong bawiin ni Fein ang huling sinabi niya, subalit huli na. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagbabago ng ekspresyon ni Hale. “I’m sorry…” Sinubukan niyang lapitan ang dalaga ngunit pinigilan siya nito.
“I want to be alone. Leave.”
Walang nagawa si Fein kundi sumunod. Nagsisisi siyang lumabas ng kwarto. Ang totoo ay nahahati siya—nais niyang tulungan si Hale, subalit kay Sir Ar ang katapatan niya. Mas mapapadali sana ang lahat kung mahuhulog ang loob ni Hale kay Sir Ar. Kapag nangyari iyon, siguradong magiging masaya at tahimik ang buhay nila. Pero sa nangyayari ngayon, mas lalong lumalayo ang loob ni Hale kay Sir Ar. Nalilito si Fein kung sino ang dapat niyang kaawaan—ang dalaga ba, na nakulong nang dalawang taon, o si Sir Ar nila, na pilit hinahawakan ang babaeng walang pagtingin sa kanya.
Sumandal si Hale sa sofa, tila nakatingin sa kawalan. Blangko man ang emosyong makikita sa kanyang mga mata, naghahalo naman ang damdaming nararamdaman niya. Noong sandaling sinakop ni Ar ang katawan niya, tinanggap niyang hindi niya maibibigay kay Kiel ang sarili niya kahit pa pag-aari na nito ang malaking parte ng puso niya. Dahil kahit hindi niya kagustuhang sumama kay Ar, hindi niya maitatangging namarkahan na siya ng ibang lalaki. Hindi na niya kayang harapin si Kiel. Mas mabuting naputol nang maaga ang engagement nila upang hindi na siya makadagdag sa pagkakasala niya dito. Subalit ano itong sakit na humihiwa sa puso niya? Sa tuwing naaalala ni Hale ang malawak na farm na tinatakbo nila ni Kiel noong mga bata pa sila habang hawak-hawak nito ang kamay niya, hindi niya mapigilang mapangiti nang mapait. Mula pa noong maliit sila ni Kiel, hindi na siya binitawan nito. Naitanim na sa isipan ni Hale na ito ang lalaking pakakasalan at makakasama niya habang buhay, subalit ang lahat ng ito ay gumuho lamang sa isang iglap.