“Guys, sigurado ba kayo?” kinakabahang tanong ng binatilyo sa dalawa nitong kasama.

Narito sila ngayon sa tapat ng gate ng most haunted na lugar ng Alannis City o mas kilala sa tawag na Havaianas. Inilawan ni Gino ang paligid gamit ang flash ng phone niya. Mataas ang gate ngunit nangangalawang na ito sa kalumaan at may malalaking bitak narin and sementong bakod nito. Napalunok ang matabang binatilyo ng makita nito ang mga karatula na nakasabit sa gate. 

Private Property.

Danger Zone.

Lumaki ang mga mata niya ng makita ang sirang karatula na gawa sa kahoy ngunit mababasa mo parin ang mga letrang… 

DEAD PEOPLE. 

Kasunod noon ang mga vandalism na gawa sa kulay pula na nagkukulay itim na sa sobrang tagal ng nakadikit doon. Maraming nakasulat sa pader sa salitang. 

KILL.

Stay Away!

Lalong nadagdagan ang kaba sa dibdib niya ng bahagyang bumukas ang gate kahit walang hangin. Gumawa ng kakaibang ingay ang bakal na gate na lalong nagpatindig sa balahibo niya. “Guys, s-sigurado ba kayo?” ulit na tanong niya.

“Ano ka ba Gino? Hindi pa tayo nakakapasok sa loob naiihi ka na?” ang sabi ni Greg sa kanya. Tinawanan naman siya ni Max na nagvivideo ngayon sa kanila.

Mayabang si Greg, lalo na sa school kaya ng hamunin ito ng mga kaklase nila kung kaya nitong pumasok sa loob ng Havaianas ay aroganteng tinanggap nito ang hamon. Kaya kinukuhanan nila ito ng video ngayon ni Max bilang patunay na pumasok sila sa loob ng haunted na lugar. Maraming mga kwento ng multo tungkol sa lugar nila kaya sikat ang Alannis City sa mga kwentong kababalaghan ngunit ang Havaianas ang pinaka haunted na lugar sa lahat. Dahil maraming pinatay sa lugar na ito na dating cemetery. Dinemolish daw ang cemetery at pinatayuan ng mga buildings, clubs at casinos. Nabulabog ang mga natutulog na kaluluwa kaya sinapian nila ang mga tao at ginamit ang katawan ng mga ito upang pumatay. Marami ang nasapian ng mga panahong iyon kaya isa-isa silang lumisan sa lugar hanggang sa wala ng natira at naging tapunan na ito ng mga taong pinapatay kaya pinapaniwalaang lalong dumami ang mga kaluluwang nakakalat sa lugar. Dahil sa sobrang takot ng mga tao ay pinaligiran nila ng matataas na pader ang lugar upang makulong daw sa loob ang mga ligaw na kaluluwa. Naging isolated area na ito at umaalis na ang mga taong nakatira sa tabi nito. Mga hibang nalang ang maglalakas ng loob na pumasok sa loob ng Havaianas. “G-greg si-sigurado ka?” ulit ni Gino.

“Ano ba?! Tayo na!” matigas ang ulong pumunta si Greg sa tapat ng gate at tinulak iyon ng malakas kaya bumukas ito ng maluwag sa kanila. Sinalubong sila ng mga sirang sasakyan at mga abandonadong buildings na ngayon ay parang dinaanan ng malakas na bagyo dahil sa sirang mga pinto at mga bintana. May matataas din na building na parang mabubuwag ano mang oras. Marami na ring mga ligaw na mga damo ang tumutubo sa paligid, mga basag na bote ng mga alak at kung ano ano pang mga sirang gamit ang nakakalat. Ito ang Havaianas.. mas nakakatakot pa ito ngayong nakita niya ito base sa mga narinig niya. Hindi niya napansing nanigas sa kinatatayuan si Greg kahit hindi pa sila tumatapak sa loob ng gate. Nabuhayan siya ng loob na baka nagbago na ang isip nito.

“Sabihin na lang natin na hindi tayo natuloy?” Ayo ni Gino dito.

“Hindi pwede! Sasabihin nilang naduwag tayo at magiging katatawanan tayo sa school!” naglakas loob na tumapak sa loob si Greg. Lalo nitong nilakasan ang liwanag ng flashlight bago nagpatuloy sa loob ng gate. Nagtinginan sila ni Max at nagdadalawang isip na pumasok sa loob. Kung hindi lang boss ng mga tatay nila ang Ama nito ay hinding-hindi nila ito susundin. Ngunit sa oras na nasa loob na sila ay biglang nagsara ang gate sa kanilang likuran. Sabay sabay silang napatalon at napayakap sa isat-isa.

“A-ano n-ng g-ga-g-ga-w-win n-na-t-tin?” nanginginig na tanong ni Gino sa dalawa na pareho na ngayong namumutla. Nakita niyang hindi na halos mahawakan ni Max ng mabuti ang video cam dahil nanginginig narin ang kamay nito. Lalo siyang natakot dahil ito ang unang beses na nakita niyang natakot si Max na laging kalmado at kolektado.

Bumagsak ang flashlight na hawak ni Greg at napansin nilang may tinuturo ang nanginginig na daliri nito. “M-Multo…!” napabuka ang bibig nila at naipit ang kanilang boses sa lalamunan. Nanigas silang tatlo sa kanilang kinatatayuan ng makita nila ang lumulutang na mga paa at nababalutan ng kulay itim ang buo nitong katawan habang sinasayaw ng hangin ang makapal at mahaba nitong buhok. Nang tumapat ang flash ng camera ni Max sa ulo nito ay nakita nilang wala itong mukha.

Nabitawan ni Max ang video cam at sabay-sabay silang sumigaw sa takot at tumakbo pabalik sa malaking gate. Nahirapan silang buksan iyon na parang nakalock kahit wala naman silang nakikitang kandado o susi. Palapit ng palapit sa kanila ang black lady…

“Aaaaah!!!!”

“Aaaaah!!!!”

“Aaaaah!!!!”

Umalingawngaw sa abandonadong lugar ang hilakbot na hiyawan ng tatlong binatilyo.

Napapangiting tinawid ni Chiara ang mga hagdan mula sa unang palapag paakyat ng 7th floor ng hindi tumatapak ang mga paa niya sa hagdanan. Parang hangin ang kanyang katawan habang nililipad ang sarili. Huminto siya sa pinakamataas na palapag ng building. Ang building na tinitirhan niya ay ang pinakamataas na building sa loob ng Havaianas at tanging siya lang ang nakatira sa lugar na ito.

Binili niya ang buong property kaya nasa pagmamay-ari niya ang buong Havaianas. Nilapat niya ang kanyang kamay sa malamig na semento saka umilaw ang pader at bumukas ang malaking pinto. Pagpasok niya sa loob ay kusa iyong nagsara. Nakaprogram ang 7th floor na tinitirhan niya, matibay ang kanyang security protection upang hindi siya mapasok ng kahit na sinong intruder. Kinabitan niya rin ng mga surveilance camera ang loob at labas ng Havaianas kaya nakita niyang may pumasok na tatlong makukulit na binatilyo sa teritoryo niya.

Pagpasok niya sa loob ay agad na bumukas ang tokador malapit sa kanyang living room. Tinanggal niya ang kanyang bruhang wig at ang makapal na itim na gown na parang kumot sa kanyang katawan. Sunod na tinanggal niya ang maskara sa mukha saka niya sinabit sa loob ng tokador.

Agad na nagsara ang tokador paglayo niya ng isang metro dito. Parang presidential suite ang dating ng kanyang kwarto. Sa kanyang rooftop ay may maliit siyang green house, swimming pool at makulay na garden na napapalibutan ng magagandang halaman at bulaklak. Hindi mo aakalaing sa isang most haunted na Havaianas ay may makikita kang ganito.

Hinubad niya ang lahat ng kanyang saplot pagpasok niya ng bathroom saka siya dimiretso sa shower room. Paglabas niya ng shower ay binalutan niya lamang ang sarili ng manipis na roba bago siya dumiretso sa rooftop kung saan nakalagay ang kanyang minibar.

Kinuha niya ang paborito niyang alak at nagsalin sa kanyang kopita. Sa tuwing nakakaconsume siya ng kanyang pagkain ay sinasabayan niya iyon ng paborito niyang alak. Sinipsip niya ang mapait na likido at naramdaman niyang dumaloy ito sa kanyang lalamunan.

Mukha man siyang dalagita subalit ilang libong taon na ang dumaan sa kanya. Naramdaman ni Chiara na nadagdagan ang enerhiya niya. Dahil marami ang fear na nakuha niya ngayon, kahit hindi na siya kumain sa loob ng isang linggo ay hindi parin siya manghihina. She’s full because of those three idiots. Nilabas niya muna ng gate ang tatlo bago niya iniwan ang mga itong walang malay. Nahimatay sila dahil inubos niya ang fear sa katawan ng mga ito. Siguradong bukas ng umaga ay magigising din ang tatlo.

Alannis High School Campus.

“Narinig ko na may pumasok sa Havaianas kagabi.” Si Axel kay Blake habang naglalaro sila ng chess sa loob ng Student Supreme Council office.

“They’re just a bunch of idiots na gustong magpasikat. Especially that rich bastard Greg.” Sagot ni Blake na hindi tinatanggal ang atensyon sa chessboard.

“Ang sabi nila magbibigay daw siya ng malaking pera sa sino mang makarecover ng video camera niya na naiwan nila sa Havaianas.”

“Hm…”

“So I was thinking-” Sabay na napalingon ang dalawa sa pinto ng office ng bigla iyong bumukas. Pumasok ang Vice President ng Council nila.

“Guys nakita niyo ba si Zane?” halatang nagmamadali si Ryker at mararamdaman ang tensyon sa boses nito.

“Bakit? Ano nanamang ginawa ni Pres?” kunot noong tanong ni Axel. Hindi niya pa naibaba ang piece na hawak niya dahil sa biglang pagpasok ni Ryker.

“Inaprubahan niya ang malaking budget ng drama club.” Napahawak si Ryker sa noo at sunod na nasambunutan ang kanyang buhok. “Siguradong makakarating ito sa ibang club at makakareceive nanaman tayo ng maraming complain dahil dito.”

Parehong nawalan ng gana sa paglalaro ang dalawa at nagbuga ng maraming hangin. Tapos na ang maliligayang oras nila para magrelax dahil binagsakan nanaman sila ng trabaho ng magiting nilang Presidente na walang ginawa kundi matulog.

“Baka nasa rooftop nanaman siya.” Napapakamot sa ulong wika ni Blake. Hindi niya malaman kung bakit ito ang naelect na President kahit na napakabatugan nito. Halos sila na ang gumagawa ng trabaho ni Zane at si Zane naman ang gumagawa ng problema nila.

Hindi nga sila nagkamali. Pag-akyat nila ng rooftop ay nakita nga nila itong natutulog na parang patay dahil ilang beses na nila itong tinawag pero hindi parin magising. “Zane.. Zane…” yugyug ni Ryker sa balikat ng batugan nilang Presidente.

Parang batang ginusot ni Zane ang isang mata nito at binuka ang kabila na tila sumisilip dahil nasisinagan ito sa liwanag ng araw. “Siguraduhin niyo lang na may mabigat kayong dahilan para gisingin ako.” Humihikab na wika ni Zane sa tatlo.

“Kung hindi mo kami bibigyan ng sakit sa ulo wala na akong pakialam kahit di ka pa magising.” Nakapamaywang na wika ni Axel kay Zane. Napapailing naman si Blake sa likod nito.

“Bakit mo inaprubahan ang budget ng drama club?” si Ryker na halatang nanggigigil sa tabi.

“Sinusundan nila ako kahit saan ako magpunta. Ilang araw na akong hindi makatulog ng maayos dahil sa kakulitan nila.” Balewalang sagot ni Zane habang nag-uunat ng kamay. Nagtinginan naman ang tatlo sa sinabi nito. Gusto ng batukan ni Ryker ang Pres nila dahil sa kababawan nito.

“At anong gagawin mong solusyon ngayong wala na tayong budget para sa natitirang Club? Saan tayo kukuha ng pera sa ibang club na nagpapadagdag ng budget nila?” pilit na pinapakalma ni Ryker ang sarili kahit gusto na niyang sumabog.

“Pinirmahan ko na, gusto niyo bang bawiin ko pa?”

Nasambunutan ni Ryker ang sariling buhok. Siguradong pag-graduate nila ay ubos na ang buhok niya. Wala na silang magagawa. Magwawala ang drama club pag-ginawa iyon ni Zane lalo na at may inihahanda silang malaking event ngayong buwan. Hindi nakaligtas sa kanya ang nakatagong ngiti sa gilid ng labi nito. Ang sarap nitong sakalin!”

Bigla namang nagliwanag ang mukha ni Axel ng may maalala. “Guys, may naisip ako na pwedeng maging solusyon sa problema natin.” Kunot noong napako dito ang tingin ni Ryker at Blake habang walang reaksiyon na hinihintay ni Zane ang susunod na sasabihin nito.

Havaianas.

“Oh come on! Bilisan mo!” nanggigigil na tumatalon si Chiara sa kanyang malambot na sofa habang nanonood ng swimming competition sa living room. “Damn it! Ano ka? Pagong?” naiinis na wika niya ng makita niyang pumapangalawa lang ang swimmer na chinicheer niya samantalang ang mga nakaraang competition nito ay lagi itong nauuna. “Agh! Come on!” natigilan siya sa pagtalon ng tumunog ang kanyang alarm.

 

Ibig sabihin ay may pumasok sa loob ng kanyang teritoryo. Kinuha niya ang kanyang remote control at pinalitan ang pinapanood. Nakita niyang isang sasakyan ang pumasok sa loob ng kanyang gate. Snacks.” Iyon ang unang pumasok sa isip niya.

Nagtataka siya kung anong nangyari? Bakit sunod-sunod ang bumibisita sa kanya? Ngunit natutuwa siya dahil hindi na niya kailangan maghintay ng isa o dalawang buwan bago muling may mag lakas ng loob na pumasok sa kanyang teritoryo.

Bumaba siya sa kanyang sofa at lumapat ang walang sapin niyang mga paa sa carpet. Kinuha niya sa kanyang cabinet ang napiling costume ngunit parang tinatamad siyang magsuot ngayon o marahil nagsawa na siyang gamitin ang black lady gown niya. Siguro ay kailangan na niyang magpalit. How about a white lady? A zombie style? A clown? Napailing siya sa huli.

Binalik niya muli ang costume sa cabinet at hindi na nag-abala pang magpalit. Tinali niya ang kanyang mahabang buhok pag-akyat niya sa rooftop. Mula sa tuktok ng rooftop ay kitang kita niya ang pagpasok ng pulang sasakyan sa loob ng Havaianas.

Isa-isang lumabas roon ang sakay ng sasakyan. “One, two, three…” tumalon siya mula sa rooftop at bumagsak sa katabi nitong building na may apat na palapag. “Four…” bilang niya ng makita niyang lumabas sa kotse ang huling matangkad na lalaki. Parang may pakpak ang mapuputi at maliliit niyang mga paa na tumatakbo sa tuktok ng mga building. Walang hirap na nakalapit siya sa mga ito sa loob lang ng ilang segundo. Nagtago siya sa dilim na tila anino ng kadiliman.

“Did you hear something?” tanong ni Axel sa mga kasama.

“What? Are you trying to scare us?” si Blake na binuksan ang ilaw ng sasakyan upang magliwanag ang paligid. “So hahanapin lang natin ang video camera na ‘yun.” sabay-sabay na tumingin ang mga ito sa paligid.

“Video camera?” tanong ni Chiara sa sarili. Agad na nakuha niya ang ibig sabihin ng mga ito. Mabilis na dinaanan ng kamay niya ang basag na cam na naiwan ng tatlong binatilyo kahapon.

Napakurap si Blake, parang kanina lang ay may nakita siyang camera sa bandang kaliwa niya ngunit biglang nawala. Napailing na lang siya at tinuon ang tingin sa ibang parte ng paligid.

“Guys, ang daming lamok. Mukhang hindi naman mga multo ang nagpapakita dito kundi mga lamok.” Reklamo ni Axel.

“Gawa tayo ng bonfire.” Suhestiyon ni Ryker ng may nakita itong mga sirang kahoy na upuan at lamesa sa labas ng isang abandonadong restaurant. Sinundan ito ng dalawa para magbaklas ng kahoy habang si Zane ay nakasandal sa harap ng sasakyan at humihikab. Tulog na siya pagdating niya ng bahay galing sa school ng muli siyang bulabugin ng tatlo para pumunta sa lugar na ito para lamang kunin ang video cam ng Gregoryong iyon.

Seryoso si Ryker na makakuha ng pera para sa budget nila kaya agad na pinatulan nito ang suhestiyon ni Axel. Kumuha ng gas si Blake sa sasakyan at tinapon sa mga natambak na mga kahoy ng mga ito bago niya iyon sinindihan ng lighter. Naninigarilyo si Blake kaya hindi na sila nagtataka kung bakit laging may bitbit itong lighter. Agad na sumindi at nagliyab ang mga kahoy na lalong nagpaliwanag sa paligid nila. Nabulabog ang mga lamok kaya lumayo ang mga ito.

“Thank God, akala ko mauubos na ang dugo ko.” Komento ni Axel ngunit bigla itong natigilan ng may marinig muli ito. “Guys, wala ba talaga kayong naririnig?”

“Ax, sinasabi mo bang bingi kami? Kung may narinig ka dapat narinig din namin.” Si Blake na nagsisimula ng mainis sa kasama nito. Napakaweird na nga ng lugar na dadagdagan pa ng kaweirduhan ni Axel. “Sa tingin niyo pumunta talaga dito ang tatlong ‘yon? Mukhang sa gate palang ay aatras na sila.” binalik ni Blake ang lighter sa bulsa nito.

Napapakamot sa braso si Axel habang tumitingin sa paligid. Ngunit muli itong natigilan ng maramdaman nitong may bumulong sa tenga niya. “Hindi ako nagbibiro may narinig talaga ako!” napahawak ito sa kaliwang tenga nito na parang nadapuan ng malamig na hangin.

Kunot noong nilapitan ito ni Blake. “Dude, okay ka lang?” natatawang pinisil nito ang kaliwang tenga ni Axel. Naiinis na hinampas ni Axel ang kamay ni Blake. Doon naman biglang dumaan ang malamig na hangin na parang pinaikutan sila. “What was that?” nawala ang ngiti ni Blake at napalitan ng pagtataka. Si Ryker na busy sa paghahanap ng camera ay natigilan din. Habang si Zane ay inaantok pa rin.

Biglang lumakas at nagliyab ang apoy ng bonfire na ginawa nila. Lahat sila ay natigilan sa kinatatayuan at pinakiramdaman ang paligid. “May mali talaga. This shitty place is really haunted!” si Axel na nagsimula ng kabahan. Sa kanilang apat ay si Axel ang laging nauunang magreact sa lahat ng bagay.

Parang hangin na sumasanib si Chiara sa dilim. Nararamdaman na niyang kumakalat ang takot sa dibdib ng tatlo ngunit wala siyang makapang takot sa lalaking nakasandal sa sasakyan na mistulang manhid ang mukha. Nagpabalot siya sa itim na usok at pinalibutan niya ito. Sa kanyang pagtataka ay hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha nito at wala siyang maamoy na takot sa katawan nito. “Hm..” siguro ay hindi pa sapat ang ginagawa niya para matakot ito. Nagbuga siya ng hangin na kasing lamig ng yelo na pumatay sa nagliliyab na bonfire. Napaatras ang tatlo palayo sa bonfire habang nakita niyang umalis sa pagkakasandal ang lalaking may poker face at tinignan ang namatay na bonfire. Ngunit wala parin siyang maramdamang takot mula rito.

“This is creepy.” Agad na pumasok ng sasakyan si Axel. “Guys ano pang hinihintay niyo? Umalis na tayo dito!” sigaw niya sa mga ito mula sa loob ng backseat.

“N-no, pano ‘yung camera?” si Ryker na nagdadalawang isip.

“Kung gusto mo iwanan ka na namin dito at hanapin mong mag-isa!” sagot ni Axel dito. Hindi na nagdalawang isip pa si Ryker na pumasok narin ng sasakyan at tumabi kay Axel sa backseat. “Blake, Zane! Ano pang ginagawa niyo diyan? Tayo na!” tawag nito sa dalawa. Binuksan ni Blake ang driver seat at si Zane sa kabila.

Pakiramdam ni Zane ay may nagmamasid sa kanila. At hindi siya pwedeng magkamali na may narinig siyang bumulong sa kanya kanina tulad ng sinasabi ni Axel. Kung ganoon ay totoo ngang may multo sa lugar na ito. Hindi niya gustong maniwala noon dahil hindi pa siya nakakakita ngunit kahit hindi niya nakita ay naramdaman niya ang presensya nito.

Narinig nilang may tumalon sa taas ng sasakyan. Kahit pilit na itago ni Axel ang takot nito ay hindi ito nagtagumpay dahil halatang tumataas ang balahibo nito sa batok. “Shit! Pinaglalaruan tayo ng multo.” Si Blake na nagsisimula ng kabahan.

“Tama ka, isip bata ang multong ito at higit sa lahat kulang sa atensyon.” Dagdag ni Zane na bihira lang magsalita.

“Isip bata? Kulang sa atensyon?”  napamaang si Chiara sa narinig. Ngayon niya lang narinig ang boses ng isang ito at ang mga salitang iyon pa ang una niyang maririnig? “Hmp! Isip bata pala ha?” Sunod-sunod na beses niyang tinalunan ang bubong ng kotse at bawat pagtalon niya ay palakas ng palakas kaya umuga ng umuga ang sasakyan ng mga ito.

“Damn it Zane! Bakit mo ginalit yung multo?” sisi ni Axel dito habang tahimik na nagdadasal si Ryker sa tabi na ngayon lang nila nalamang marunong palang tumawag ng Diyos. Sana lang ay Diyos ang matawag nito at hindi demonyo.

Agad na binuksan ni Zane ang pinto at lumabas ng sasakyan ngunit wala siyang nakita. Kusang nagsara ang pinto ng sasakyan. Bumukas ang gate at umandar paatras ang kotse kahit walang nagmamaneho. Paglabas ng sasakyan ay biglang nagsara ang gate at naiwan si Zane sa loob. Napakabilis ng nangyari na parang dumaan lang ang limang segundo. Natauhan ang tatlo na nanatiling walang reaksiyon. Natagpuan nalang nilang nasa labas na sila ng Havaianas habang naiwan si Zane sa loob.

“Zane!” sabay-sabay na lumabas ang tatlo sa sasakyan at pilit na binuksan ang gate ngunit nanatili parin iyong nakasara sa kanila kahit na itulak at sipain nila ito.

“Zane?!”

Wala silang nagawa kundi tawagin ang kaibigan nila sa loob.