“Just leave me alone!” galit na wika ni Zane sa tatlong unggoy na nagbabantay sa kanya ngayon. Hindi niya kailangan ang presensya ng mga ito. Lalo lamang siyang nanghihina.

“Mr. Pres, pinuntahan ka namin dahil nag-aalala kami sayo.” Exaggerated na wika ni Axel habang pinupunasan ng panyo ang kanyang noo. “Sanay na kaming makita kang laging tulog pero ang magkasakit bibihira lang dumaan.” Hindi maitago ni Axel ang mga ngiti sa labi nito na halatang natutuwa na makita siyang nahihirapan. Hindi lang ito kundi maging ang dalawang kumag na nasa dulo ng kanyang kama na hindi itinago ang kanilang pagkakangisi.

“Pwede bang umalis na kayo? At baka isang linggo akong hindi makapasok.” naiiritang tinulak ni Zane si Axel palayo sa kanya.

“Wag kang mag-alala, ako ng bahala sa mga naiwan mo.” Ako naman talaga ang gumagawa ng lahat ng trabaho mo. Dagdag ni Ryker sa sarili.

“Paano ka ba nagkasakit? Ni halos hindi ka nga gumagalaw?” May halong pasaring na tanong ni Blake dito.

Nilagnat siya kagabi at nanghihina parin siya hanggang ngayon kaya hindi siya nakapasok. Paggising niya ay ang tatlong ito ang namulatan niya. “Napuyat ako.” Balewalang sagot niya saka hinawakan ang kanyang sentido. Gaano ba katapang ang pinainom sa kanya ng Mommy niya at dinadalaw nanaman siya ng antok.

“Paano nangyari ‘yon? Eh wala ka namang ginawa kundi matulog.” Kunot noong tanong ni Axel.

Hindi na iyon nasagot ni Zane dahil tuluyan na itong nilamon ng antok. Naisip ni Ryker, simula ng may nangyari sa kanila sa havaianas lalong nadagdagan ang pagiging batugan ni Zane. Maging sa recess at break ay natutulog ito. At mas lalong humaba ang oras ng tulog nito na parang laging puyat. Napansin niya rin ang namumulang mga braso nito na parang kagat ng mga lamok. Anong ginagawa nito sa gabi?

Havaianas.

“Hindi rin siya dumating ngayon.” humiga si Chiara sa bubong ng sirang sasakyan kung saan dito niya madalas nakikitang nakaupo ang poker face iyon. Pero ano bang ginagawa niya? Marahil ay nababagot na siya. Bakit wala ng dumarating?

Sumagap siya ng hangin at pinuno ang dibdib bago iyon binuga sa kawalan. She didn’t want to hunt outside. It’s so troublesome. Tahimik na pinagmasdan niya ang nagliliwanag na mga bituin sa kalangitan. Inangat niya ang isang kamay na parang nasa palad niya ang isang bituin na pinakamaliwanag sa lahat. Natigilan siya at biglang napabangon ng maramdaman niyang may dumating sa teritoryo niya. Mabilis na nagpalit siya ng anyo at naging animoy itim na usok na humalo sa dilim ng gabi. Nakita niyang pumasok ang anim na malalaking tao na nakasakay ng motorsiklo. Bawat isa sa kanila ay may mga tattoo sa katawan. Tough guy ha? Gusto niyang malaman kung gaano katapang ang mga ito. Unti-unti siyang lumapit at nakita niyang nagpapalitan ng pera at drugs ang mga lalaki. Wala silang kamalay-malay na pinalilibutan na niya ang mga ito. Sa wakas ay hindi na niya kailangang lumabas…

Nagsalin ng alak si Chiara sa kanyang mini bar matapos niyang matikman ang isa sa pinakamasarap na fear na nakuha niya simula ng tumira siya dito. Hindi niya lubos masikmura ang itsura ng mga ito habang nagpapaputok ng mga bala ng baril sa ere. Ang isa ay nakaihi sa pants nito habang tumatakbo at nauntog sa gate. Mas masahol pa sila sa mga high schooler na naencounter niya. Speaking of high schooler, gusto niya talagang makita ang mukha ng poker face na iyon kung paano ito matakot.

Naalala niya ng unang kita niya dito ay nakasuot ito ng uniform kapareho ng uniform ng trio na nakuhanan niya noon ng fear. Tinawag niyang trio ang mga ito dahil sabay-sabay silang nahimatay pagkakita sa kanya. Kung ganoon ay sa iisang school lang sila nanggaling. Ni minsan ay hindi niya sinubukang mag-aral sa school. Masyadong delikado at matrabaho para sa kanya ang magpapalit-palit ng identity. Subalit marami na siyang nabasa at napanood tungkol dito. Minsan ay nahihiwagaan din siya kung paano mabuhay bilang isang ordinaryong tao? Mag-aaral, magtrabaho, bumuo ng pamilya, magkaroon ng mga anak, mga apo at tatanda kasama ng mga mahal nila sa buhay. Naiingit siya sa tuwing nasasaksihan niya ang pagdaan ng mga taon sa kanila. Kahit na maliit lang na panahon ang ginugugol nila sa mundo. Bawat sandali nito ay  puno ng buhay.

Samantalang siya, may kakayahang mabuhay ng walang hanggan ngunit walang kahulugan ang pagdaan ng mga taon sa kanya na parang tumigil sa pag-agos ang buhay niya.

Nagising si Zane pagsapit ng hating-gabi. Bumangon siya at ginusot ang mga mata. Halos buong araw siyang natulog. Nakita niyang may tubig at prutas sa side table niya. Kinuha niya ang piraso ng papel na nakadikit sa baso niya. 

Honey, uminom ka ng maraming tubig at kumain ka ng prutas.

Alam niyang ang Mommy niya ang nag-iwan ng mga ito. Kahit natutulog siya ay naramdamn niyang may nagbabantay sa kanya kanina. He was spoiled a lot by his parent. Lalo na ang Mommy niya, kaya naman nagagawa niya ang lahat ng gusto niya. Hindi siya natatakot na suwayin ang mga ito dahil lagi siyang sinusuportahan ng mga magulang niya. Nag-iisa siyang anak kaya siguro ganon nalang ang pagmamahal ng mga ito sa kanya. Ni minsan ay hindi siya nahirapang makuha ang mga bagay na gusto niya kaya naman kapag may bagay na nakakuha ng kanyang interes, hindi niya iyon tinatantanan.

Kumuha siya ng isang apple at kumagat ng isang beses bago iyon binalik sa maliit na basket. Tumayo siya at dumiretso sa bathroom para maghilamos.

Fully recovered na ang kanyang katawan. Mahabang tulog lang talaga ang  kailangan niya. Bigla siyang gininaw ng maramdaman ang malamig na tubig sa kanyang kamay. Naalala niya ang malamig na bagay na pumasok sa kanyang katawan. Nagtataka siya kung bakit wala ng nagpapakita sa kanya kahit ilang beses siyang bumalik sa lugar na iyon. Na parang nawalan ito ng interes sa kanya matapos nitong balutan ng yelo ang kanyang katawan. Kaya naman lalong nadagdagan ang kanyang kuryusidad.

Natagpuan niya nalang ang sariling pabalik-balik sa lugar na parang naghihintay ng kasagutan. He was never interested into something like this before. Wala pang nakakakuha ng sobrang atensyon niya. His high school boring life suddenly change. Simula ng mapadpad siya sa lugar na iyon. Pero bakit walang nangyayari? Tinignan niya ang kanyang repleksyon sa harap ng salamin. Gising na gising ang kanyang mga mata at alam niyang hindi na siya muling makakabalik sa pagtulog. May anim na oras pa bago dumating ang umaga. Hindi niya kayang maghintay ng walang ginagawa. Nagtama ang mata nila ng sarili niyang repleksyon. Nabasa niyang iisa lang ang nasa isip nila.

Havaianas.

1:00 AM ng madaling araw binulabog ng alarm ang tulog ni Chiara. Damn it. Bumuka agad ang kanyang mga mata na parang hindi nanggaling sa pagkakatulog. She’s full. It’s not that she’s complaining, but she have the right to be lazy when she already consume much! Geez.. napilitan siyang bumangon.

Suot ang white silk na robe habang wala siyang suot na saplot sa loob ay lumabas siya sa kanyang kwarto. Tinatamad na siyang magpalit dahil pwede naman siyang hindi magpakita sa target niya. Sinusuot niya lamang ang cosyume na iyon bilang katuwaan para naman hindi nakakasawa ang paraan ng paghunt niya. Tumayo siya sa pinakadulong bahagi ng rooftop. Hindi na niya tinignan sa CCTV kung sino ang kanyang bagong panauhin dahil malalaman niya iyon pagkinain na niya ang fear nito. Tumalon siya sa building habang nasa likod ang kanyang mga kamay.

Naramdaman ni Zane na may malamig na hangin ang dumaan sa kanya. Pinakiramdaman niya ang paligid ngunit wala ng bumalik na hangin. Subalit kahit wala ng hangin ang nagparamdam sa kanya pakiramdam niya ay may nagmamasid sa kanya sa tabi. Tulad ng mga nakaraang gabi. Kahit anino ay walang nagpakita ngunit nararamdaman niyang hindi siya nag-iisa. Naramdaman niyang may ibang presensiya maliban sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit siya bumabalik. Kailangan niyang malaman kung ano ito kahit ilang beses pa siyang bumalik sa lugar na ito.

Nakasandal si Chiara sa pader ng three story building. Kung titingin lang si poker face sa taas marahil ay makikita siya nito. Bumalik siya... Hindi niya namalayang sumilay ang ngiti sa mga labi niya.