Dumadalas ang pag-imbita ng Ikalawang Prinsipe sa Lu Ryen na dumalo sa mga okasyong idinadaos ng mga prominentang tao sa imperyal.
Hindi pinapalagpas ni Siyon ang mga imbitasyong natatanggap niya, at sa lahat ng pagkakataong ito ay inaanyayahan niya ang Lu Ryen na sumama sa kanya.
Maluwag na pinaunlakan ni Yura ang Ikalawang Prinsipe. Sa ganitong paraan ay nakikilala niya ang mga taong nagnanais na maging tulay nito. Dahil ang mga taong ito ang unang yayakapin ng Ikalawang Prinsipe sa sandaling matuklasan nito ang pagkalas ni Duran sa kanyang panig.
Bubuwagin ni Yura ang paligsahang nilalaro ng Emperador kung sino ang lehitimo nitong tagapagmana. Ang banta sa posisyon ng Pangunahing Prinsipe ay nagbibigay daan sa paglusong ng rebelyon.
Ang okasyong dinaluhan nila ngayon ng Ikalawang Prinsipe ay naiiba sa mga nakaraang pagdiriwang. Pagka’t tanging ang mga Xirin at Xuren na kabilang sa matataas na angkan ng imperyong salum ang nagtitipon-tipon sa okasyong ito. Ang kasiyahan ay idinaos upang makahanap ang isa’t-isa ng kanilang kapareha.
Isang mainit na pagbati ang natanggap ng Lu Ryen at Ikalawang Prinsipe pagdating nila sa kasiyahan.
Muling ipinakilala ng Ikalawang Prinsipe ang Lu Ryen sa malalapit nitong kaibigan at sa mga binibining hindi pa nakakahanap ng kanilang katipan.
Ang Ikalawang Prinsipe ay hindi pa nakakapili ng kanyang Pangunahing Konsorte, ngunit hindi mabibilang sa dalawang kamay ang bilang ng kanyang mga Xienli. Marami ang naghahangad na makuha ang bakanteng titulo sa tabi ng Ikalawang Prinsipe kung kaya’t sa lahat ng okasyong dinadaluhan nito ay hindi nawawalan ng mga binibining ipinapakilala dito.
“Kamahalan, dumarating lamang ako sa mga ganitong pagtitipon kung alam kong dadalo kayo.” Kumento ng isang Xuren habang ginagala nito ang paningin sa mga panauhin. “Dahil dito ko lamang nasisilayan ang mga mutya ng ating imperyo.” Natutuwang dagdag nito na sinundan ng mga halakhakan ng iba pang Xuren na naroon.
“Kung patatagalin niyo ang paghahanap ng inyong konsorte, hahaba ang linya ng mga binibining maidadagdag sa makulay ninyong koleksiyon.”
“Ang pagkakaroon ng maraming konsorte ay nakabase sa iyong estado at titulo. Ang mga bagay na ito ay taglay ng ating kamahalan.”
Tahimik na sumisimsim ng alak si Siyon habang pinakikinggan ang mga papuring ito. Sa gilid ng kanyang paningin ay nahuli niyang sumusulyap ng nakaw na tingin ang Xirin ng Kanang Ministro sa Lu Ryen.
“Anong opinyon mo patungkol dito?”
Lahat ng tingin ay naukol sa Lu Ryen ng dito napako ang tanong ng Ikalawang Prinsipe.
Hindi lingid sa kaalaman ni Yura na ang hinahanap ng Ikalawang Prinsipe ay isang Xirin na nagmula sa mataas na kapanganakan at kinikilala hindi lamang ng mga maharlika kundi maging ng mga tao sa lupain. Sapagkat ang ina nito ay nagmula sa mababang angkan kung kaya kailangan nitong punan ang puwang na iyon ng isang respetadong binibini. Kung hindi niya nailihis kay Duran ang pinsan niya, marahil si Yen ang Konsorteng nais nitong umokupa sa bakanteng titulo.
“Ang pagtawag sa kanila ng koleksiyon ay isang kalapastanganan. Walang kahulugan ang pagkakaroon ng maraming konsorte kung wala kang kakayahang protektahan at ingatan ang mga ito.”
Pagkabigla ang gumuhit sa mukha ni Qiye na nagbitaw ng katagang binanggit ni Yura. Napalitan ng pagkapahiya at galit ang naramdaman nito. “Lu Ryen, ipagpaumanhin niyo kung naging mabigat ito sa inyong pandinig. Nakaligtaan ko kung gaano kaespesyal sa inyo ang isang dating fenglin na lubos niyong pinapaboran. Subalit, paano kayo nakakasigurong naprotektahan niyo ang reputasyon ng ating prinsesa?”
“Kuya,” Kinakabahang lumapit si Qin sa kapatid ng marinig niya ang akusasyon nito sa Lu Ryen.
Lumalim ang ngiti ni Siyon sa magkapatid. “Nasisiguro kong malaki ang puso ng prinsesa ng imperyal. Nakaligtaan mo bang siya ang naghandog ng apat na Xienli sa Lu Ryen?”
Qiye, “M-Marahil naparami ang nainum kong alak at nagiging madulas ang aking bibig. Ipagpaumanhin niyo ang aking kapangahasan kamahalan.”
Siyon, “Hindi kita masisisi kung nagtatampo ka sa Lu Ryen, nabigo ang Kanang Ministro na ipagkasundo ang iyong kapatid sa kanya. Marahil kung hindi dumating ang Kautusan ng Emperador, ang tahanan ng Han at Zhu ay iisang pamilya na ngayon.”
Nahimigan ni Yura ang nilalarong tugtugin ni Siyon. Wala siyang planong umawit sa musika nito ngunit sadyang pinaghandaan ito ng Ikalawang Prinsipe.
“Hindi pa huli ang lahat. Hangga’t hindi tumatanggap si Xirin Qin ng kanyang katipan-“
“Kamahalan,” putol ni Yura dito. “Ang kaisa-isang Xirin ng Kanang Ministro ay nararapat lamang na maging Pangunahing Konsorte ng kanyang mapipiling kabiyak. Hindi ko nanaising nakawin ito mula sa kanya.” Lumipat ang tingin ni Yura sa Xirin na umiiwas ng tingin sa kanya. “Ako dapat ang humingi ng paumanhin sa inyo.” Ang puri ng isang mataas na Xirin ay nanganganib na malamukos ng isang kataga mula sa Ikalawang Prinsipe. Batid ito ni Siyon ngunit walang ingat parin nito iyong iwinawasiwas. Hindi mawari ni Yura kung matatawag niya itong tuso o isang dakilang hangal.
Siyon, “Kung ganoon, bakit hindi natin papiliin ang binibini.” Sadyang lumalalim ang kagustuhan ng Ikalawang Prinsipe na hukayin ang hangganan ng Lu Ryen. Nais niyang masaksihan ang pagpatak ng ibat-ibang uri ng emosyon sa mga mata nito.
Tumayo si Siyon at sinuyod ng tingin ang lahat ng naroon. Humimpil ang ingay sa paligid at napako sa kanya ang atensiyon ng mga panauhin. “Sa lahat ng panauhing narito, kayo ang aking magiging saksi. Bilang Ikalawang Prinsipe ng silangang imperyo, binibigyan ko ng pagkakataon ang Xirin ng Kanang Ministro na mamili ng kanyang magiging katipan.” Nalilibang na ginala ni Siyon ang tingin sa samu’t-saring reaksyon na naani niya mula sa mga panauhin, ngunit ang nais niyang masilayan ay ang pares ng nagyeyelong tingin ng Lu Ryen na nakatuon sa kanya. Hindi niya mawari kung bakit nais niyang malunod sa pares na mga matang iyon.
Naaaliw na ibinalik ni Siyon ang tingin sa Xirin ng Kanang Ministro. “Malaya kang makakapili kung nanaisin mong maging ganap na Pangunahing Konsorte ng aking palasyo o Ikalawang Konsorte ng Lu Ryen. Xirin, sinong pipiliin mo?”
Napasinghap ang ilan sa mga panauhin, batid nilang mapangahas ang Ikalawang Prinsipe ngunit ang masaksihan ito ay malayo sa kanilang inaasahan.
“Kamahalan…” Lubos na pagkabigla at pangamba ang sumalakay sa Xirin ng Kanang Ministro. Natunaw ang lahat ng iyon ng magtama ang tingin nila ng Lu Ryen. Sa napakahabang panahon, ngayon lamang niya natanggap ang atensiyon nito.
Napalitan ng hinanakit ang nadarama ni Qin ng bumalik sa kanya ang alaala ng unang magtagpo ang kanilang landas. Dumalo siya sa pagdiriwang na ginanap sa tahanan ng Punong Heneral ng siya’y dalagita pa lamang, nadumihan ang kasuotan niya dahil sa pagkatapon ng inumin sa kanyang damit. Dinala siya ng mga lingkod sa isang bakanteng kwarto upang magpalit, ngunit sa kanyang pagkahilakbot ay hindi siya nag-iisa sa silid. Nalaglag ang natitira niyang saplot sa katawan dahil sa matinding pagkagulat.
Natagpuan ni Qin ang sariling binalot ng itim na roba bago niya narinig ang pagsara ng pinto. Nalaman niyang ito ang Ikalawang Xuren ng Punong Heneral ng tinawag ito ng mga lingkod. Hinintay niya ang paghingi nito ng tawad ngunit hindi iyon dumating, bagkus ng muli silang magtagpo ay tila hindi siya nito nakilala. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na may matalas itong memorya, kung ganon ay iisa lang ang sagot na naiwan sa kanya. Wala siyang halaga sa paningin nito.
Nagpumulit siyang sumama sa kanyang Ama sa pagdiriwang upang makilala ito ngunit hindi iyon ang naganap. Tanyag ang Zhu hindi lamang sa larangan ng kahusayan ng mga ito sa pakikidigma kundi dahil sa pagiging tapat nila sa kanilang kabiyak. Nang malaman niya ang patungkol sa kautusan ay lubos na hindi niya ito matanggap. Hinangad niya ang ganoong kabiyak, na siya lamang ang pagbubuhusan nito ng panahon. Hindi niya pinangarap na makipaghatian sa pagmamahal ng kanyang magiging katipan.
Subalit muling napilas ang damdamin ni Qin ng matuklasan niyang hindi ito ang Xuren na hinahangad niya. Pagkat maliban sa Prinsesa ay tumanggap ito ng mga Xienli. Lihim na ikinubli ng Xirin ang pagkabigong sumugat sa puso niya.
Nang muli silang nagtagpo, nasaksihan niya kung paano nito kinuha ang kamay ng isang hamak na Fenglin at iniwan ang Prinsesa. Marahil hindi sila nagkamali, tunay na iisa lamang ang pinagbibiyan nito ng ganoong pagmamahal. Nang mga sandaling iyon, hindi lamang ang prinsesa ang nakaramdam ng malamig nitong pag-abandona. Muli, pinaramdam nito sa kanyang wala siyang lugar sa paningin nito gayong ilang taon na siyang ginugulo ng damdamin niya para dito.
“Xirin Qin, sinong pipiliin mo?” Ulit ni Siyon ng matagal na natigilan ang Xirin. Simula sa umpisa ay nanatili ang mga tingin nito sa Lu Ryen. Maging ang mga panauhin ay hindi na kailangang hulaan kung sino ang nais nitong piliin.
“A-Ang mahal na prinsesa..?”
Hindi narinig ng lahat ang hinihintay nilang tugon pagkat pumailanlang ang pag-anunsiyo ng pagdating ng Prinsesa ng Imperyal. Yumukod ang mga panauhin sa pagtanggap dito ngunit mababasa ang kanilang pagtataka. Hindi dumadalo ang Prinsesa ng Emperatris sa mga ganitong pagtitipon, kaya naman nasisiguro nilang hindi ito naimbitahan.
“Mahal na prinsesa ng imperyal, ang bituin ng silangang imperyo…” Malugod na pagbati dito, ngunit hindi iyon narinig ng prinsesa. Dumiretso ito sa Lu Ryen ng sandaling matagpuan ito ng kanyang paningin.
Hanggang dito na lamang ang pagtitimpi ni Keya sa Ikalawang Prinsipe. Hindi niya pahihintulutang magpatuloy ang ginagawa nitong pagsilaw sa Lu Ryen na pumitas ng mga bulaklak sa lahat ng mga pagdiriwang na dinadaluhan ng mga ito. Kinamumuhian ng Prinsesa ang Ikalawang Prinsipe pagkat ito rin ang dahilan kung bakit dinala ng kanyang Lu Ryen ang Fenglin na iyon sa palasyo nito. Nangangamba siyang muling magkaroon ng interes si Yura sa ibang binibini. Hindi tatanggapin ni Keya ng may panibagong ookupa sa puso nito.
“Nakakamanghang makita ang Prinsesa ng Emperatris na dumalo sa ganitong pagtitipon.” Mariing wika ni Siyon sa titulo ng prinsesa.
Keya, “Narito ako bilang Konsorte ng Lu Ryen, walang dahilan upang hindi ko paunlakan ang okasyong ito.”
Dumaan ang talim sa paningin ni Siyon sa narinig niyang tugon ni Keya. Kahit gaano pa kataas ang titulo nito sa imperyal, isa parin itong babae na uhaw sa atensiyon ng kanyang katipan. “Nasisiguro kong sa presensiya mo ay maduduwag ang mga Xiring narito na lumapit sa Lu Ryen, nais mo bang ipahayag sa lahat na ikaw ang nagmamay-ari sa kanya?”
Lihim na nakikinig ang mga panauhin subalit hindi maitatago ang interes sa kanilang mga mata. Sadyang tunay na malamig ang relasyon ng mga maharlika sa pamilya ng imperyal.
“Kamahalan, ako ang nag-imbita sa Prinsesa na dumalo.” putol ni Yura sa namumuong tensiyon sa pagitan ng dalawa.
Ang matalim na tingin ni Keya sa Ikalawang Prinsipe ay naglaho ng lumipat ang tingin nito sa Lu Ryen. Hindi siya natatakot na mabahiran ang kanyang reputasyon ng mga sandaling iyon kundi nababahala siya sa magiging pagtanggap ni Yura sa pagdalo niya sa okasyong ito. Ang marinig na pagtakpan siya nito ay kumitil sa pangambang nararamdaman niya.
Lumamig ang pakiramdam ni Siyon ng makita niya kung paano tignan ng mapang-angkin na tingin ni Keya ang Lu Ryen. Nahimigan niya sa kilos ni Yura na hindi ito interesado sa prinsesa ngunit binibigyan nito ng kalayaan ang konsorte nitong gawin ang naisin nito. “Kung ganon, marahil mabuti narin na nandito ang Prinsesa upang maging saksi,” lumalim ang ngiti ni Siyon ng maramdaman niya ang pagkabalisa ng mga panauhin. “Ang Xirin ng Kanang Ministro ay magpapasya kung sino sa aming dalawa ng Lu Ryen ang tatanggapin niyang maging katipan.” Hindi pahihintulutan ng Ikalawang Prinsipe na maudlot ang intesiyon niya ng dahil lamang sa pagdating ng Prinsesa ng Emperatris. Isang magandang pagkakataon ito upang ipaunawa kay Keya ang tunay nitong papel. “At bilang mabuting konsorte ng Lu Ryen, ikinagagalak ko ang iyong basbas.”
“…………”
Isang mahabang katahimikan ang pumailanlang bago ito napunit ng matalim na kilos ng prinsesa.
Inagapan ni Yura ang pagbagsak ng kamay ni Keya sa direksiyon ng Xirin. Mabilis naman na humarang si Qiye upang pagtakpan ang kapatid. Nasisiguro niyang mapipintahan ng galos ang mukha ni Qin sa sandaling umabot dito ang kamay ng Prinsesa.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nasaksihan ng mga panauhin ang pagdidilim ng bituin ng kanilang imperyo.
“Impertinente!”
Pumabilog ang mga lingkod ng Prinsesa upang harangin ang mga tinging nakaukol dito habang pinapakalma ito ng Lu Ryen. Maririnig ang nagpupuyos na galit sa tinig ng prinsesa at ang mahinahong tinig ng Lu Ryen na pumipigil dito.
Gumuhit ang mahabang ispasiyo upang bigyan ng daan ang paglisan ng Lu Ryen hawak ang prinsesa na naglaho sa paningin ng mga panauhin.
Namamanghang nagtakip ng bibig ang mga Xirin sa di inaasahang pangyayaring naganap. Bumuhos ang maingay na bulung-bulungan sa paligid.
Naiwang namumula ang mukha ni Qin habang pigil ang hiningang bumagsak siya sa bisig ng kanyang kapatid. Maging siya ay hindi niya inakalang lalabas ang tunay na anyo ng Prinsesa sa gitna ng okasyong ito. Tumigil ang kanyang paningin sa Ikalawang Prinsipe na nanatiling tahimik na sumisimsim ng alak habang naglalaro ang ngiti sa gilid ng labi nito. Mistulang hindi ito ang nagsindi ng apoy na siyang bumulabog sa masayang kasiyahan.
Tumuwid ang pagkakatayo ni Qin at tinawid ang pagitan nila ng Ikalawang Prinsipe. Wala na siyang panahong maghintay sa Xuren na hinahangad niyang maging katipan. Wala na rin siyang kakayahang tanggapin ang insultong iniwan sa kanya ng Prinsesa. Kinalas niya ang aguhilya mula sa kanyang buhok bago siya yumukod at ihandog ito sa Ikalawang Prinsipe.
“Xirin Qin…” natunaw ang tuwang ninanamnam ni Siyon. Ni sa hinagap ay hindi pumasok sa kanya na ito ang magiging resulta ng kanyang deklarasyon.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Siyon: Ikalawang Prinsipe
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Qin: Xirin ng Kanang Ministro
Qiye: Xuren ng Kanang Ministro/ Kapatid ni Qin
Ministro Han: Kanang Ministro/ Ama ni Qin
Duran: Pangunahing Xuren ng Yan/ Pinsan ni Siyon
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Fenglin: Elite Courtesan
Leave a Reply