Palasyong Xinn.
Ikinulong ni Yura ang sarili sa maligamgam na tubig. Tahimik na ininda niya ang pagdaloy ng epekto ng medisina sa kanyang katawan.
Mariing kumapit ang mga daliri niya sa kanyang braso na nag-iwan ng malalim na bakas. Mahigpit na niyakap ni Yura ang sarili ng mistulang nilulusob ang katawan niya ng libo-libong yelong karayum na matalim na bumabaon sa kanya.
Sa kabila ng kanyang nararamdaman ay walang impit na maririnig mula sa kanya. Nasa labas lamang ng kanyang silid ang dalawang bantay. Nasisiguro niyang walang paalam na papasok ang mga ito sa sandaling maramdaman nilang nasa panganib siya.
Hindi na bago sa kanya ang ganitong pakiramdam. Tatlong taong gulang siya ng matuklasan ng kanyang magulang na may kakaiba sa kanya. Hindi siya nakakatulog sa gabi dahil sa pagdaloy ng sakit sa kanyang ulo. Magdamag siyang binabantayan ng kanyang ina na lubos na nababahala dahil hindi matukoy ng mga ito kung anong karamdaman ang kumapit sa kanya.
Mistulang hinihiwa ang kanyang ulo sa tuwing nakokolekta niya ang mga pangyayari na malinaw na bumabalik sa kanyang alaala. Impit at hiyaw ang maririnig sa loob ng kanyang silid. Ang buong tahanan ng Punong Heneral ay nalagay sa matinding takot at pighati. Ito ang bagay na iniiwasan ni Yura at ayaw niya na muli itong iparamdam sa kanyang pamilya.
Matapos ang nangyari sa mainit na bukal, hindi na maaaring maging hadlang ang sakit niya upang ilagay ang kanyang sarili sa panganib.
Makapal ang hamog sa paligid ng bukal, nasisiguro niyang hindi siya nakita ng estrangherong pumasok sa teritoryong iyon.
Ang tanging bagay na bumabagabag kay Yura ay ang pagkawala ng kanyang kwintas. Nakagat niya ang ibabang labi ng muling umatake ang matinding panlalamig sa kanyang katawan. Marahil ay ito ang tugon sa kapalaran na dapat niyang tahakin. Tunay na hindi nakalaan para sa kanya ang pangalan na lihim na iningatan ng kanyang ina.
Hindi namalayan ni Yura ang pagdaan ng mga oras. Ilang beses siyang nawalan ng malay bago tuluyang tinakasan ng lamig ang kanyang katawan.
May naiwan pang kalahati ng medisina sa maliit na kahon. Kailangan niyang maubos ito bago sumapit ang ikaapat na araw.
Nanginginig ang kalamnan na umahon siya sa tubig. Sa kabila ng kanyang panghihina ay naramdaman ni Yura ang pagkalma ng pintig sa kanyang sentido. Mistulang ang madilim na ulap na tumatakip sa kalangitan ay naglalaho na tila hindi nagdaan ang nakabibinging kulog na may matalim na kidlat.
Sa labas ng silid ay dinamayan ng Punong-lingkod ang dalawang bantay. Mahigpit na pinabantayan ng Lu Ryen ang kanyang silid. Hindi man alam ni Dao ang dahilan ngunit nais niya rin itong protektahan.
Malamig man ang anyo ng Lu Ryen ngunit ang presensiya nito ay nagbibigay ng proteksiyon sa kanila. Sa kabila ng mataas nitong estado, hindi niya naramdamang isang hamak lamang siyang lingkod sa paningin nito. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami ang naghahangad na pasukin ang mundo ng Lu Ryen.
Sa paningin ng matandang lingkod, tanging ang mapangahas lamang ang may kakayahang makasilip sa tunay na diwa ng kanyang panginoon.
“Punong-lingkod,” tawag ng batang lingkod kay Dao. “Dumating po ang Ikalawang Prinsipe…”
Nababahalang dumako ang tingin ni Dao sa dalawang bantay. Naglabas siya ng malalim na buntong-hininga ng makita niyang hindi nagbago ang ekspresyon ng dalawa. Tanging ang Lu Ryen ang nakikita at naririnig ng mga ito.
Malalaki ang mga hakbang na sinundan ng Punong-lingkod ang batang katiwala upang tanggapin ang Ikalawang Prinsipe. Sa kanyang pagkamangha, nadatnan niya ang iniingatang Xienli ng Lu Ryen ang sumalubong sa Ikalawang Prinsipe.
Dinala nito sa silid tanggapan ang Prinsipe at mabilis na ipinaghanda ng tsaa. Napakalinis ng pagtanggap nito sa isang mataas na maharlika na maging siya na Punong-lingkod ay di mapigilang humanga. Matagal na siyang nagsisilbi sa pamilya ng imperyal ngunit nakakaramdam parin siya ng kaba sa tuwing humaharap siya sa mga ito. Ngunit ang binibining ito na may madilim na karanasan sa palasyo ng Ikalawang Prinsipe ay hindi nagtago kundi tuwid ang likod na humarap sa maharlikang panauhin.
“Nauunawaan ko na kung bakit ganoon na lamang ang pagmamahal sayo ng Lu Ryen.” Kumento ni Siyon matapos niyang matikman ang inihain nitong tsaa. Umayon sa kanyang timpla ang matapang nitong aroma. Ito ba ang nakita ng Lu Ryen sa fenglin na ito? Ang nakakuha ng pabor na higit pa sa prinsesa ng imperyal?
Naramdaman ni Sena na matagal na nanatili sa kanya ang tingin ng Ikalawang Prinsipe. Ikinubli niya ang pagkamuhing kumakalat sa kanyang sikmura. Ang tingin nito ay tulad ng mga halimaw na dumungis sa kanyang pagkatao.
“Bakit di mo ako saluhan habang hinihintay natin ang Lu Ryen?” Umangat ang sulok ng labi ni Siyon ng makita niya ang pagbabago ng mabini nitong ekspresyon. “Hindi ba dapat pasalamatan mo ako? Kung hindi kita inimbitahan sa aking palasyo, hindi darating ang Lu Ryen upang kunin ka mula sa akin at itali sa tabi niya.”
“Kamahalan, kaylan man ay hindi niyo ako naging pag-aari.” Pinigilan ni Sena ang sariling ibuhos ang pait na gumagapang sa kanyang lalamunan.
“Tunay na matapang ang aroma ng iyong inumin.” Kumento ni Siyon habang nilalaro ang lasa ng tsaa. Ito ba ang paborito nitong timpla? Muling binalik ng Ikalawang Prinsipe ang tingin sa Xienli subalit ang Lu Ryen ang sumalubong sa kanyang paningin.
Natunaw ang pait na nagbabantang kumawala mula sa sikmura ni Sena ng mahagip niya ang pamilyar na halimuyak ng Xuren. Lumuwag ang bigat sa kanyang dibdib at di niya napigilang isandig ang noo sa likod nito. Nais niya itong protektahan sa sarili niyang paraan ngunit siya muli ang nakatanggap ng proteksiyon ng Xuren.
Naramdaman ni Yura ang mainit na temperaturang nakakapit sa likod niya. Kinulong niya ang kamay ni Sena sa kanyang palad. Naging malamig ang tinging inukol niya sa Ikalawang Prinsipe.
“Kamahalan, hindi kayo nagsabing darating kayo.”
Lumalim ang ngiti sa labi ni Siyon. “Yura, ang relasyon natin ay wala ng pinagkaiba sa magkapatid. Dumating na tayo sa yugtong hindi na natin kailangang maging pormal sa isa’t-isa.” Binaba ng Ikalawang Prinsipe ang tsaa. “Kung nagdulot man ng abala ang aking pagdating, sa susunod ay ipapaalam ko ang pagbisita ko sayo. Sadyang hinahanap ko lamang ang presensiya ni Duran at ikaw ang unang pumasok sa isipan ko.”
“Kung ganon ay ipagpaumanhin niyo kung hindi ako ang tumanggap sa inyo.” Hinila ni Yura ang isang silya bago niya inalalayan si Sena na maupo sa tabi niya.
Ang Lu Ryen ang nagsalin ng tsaa ngunit hindi para sa kanya kundi para sa Xienli na nanatiling nakakulong sa palad nito ang kamay. Ang naging kilos nito ay nagpapahiwatig ng malinaw na mensahe sa Ikalawang Prinsipe.
Nalilibang ang tinging tinanggap ni Siyon ang pahiwatig ni Yura. Hindi niya inaasahang malalim ang pagkahumaling ng Lu Ryen sa fenglin na ito. Subalit alam niyang hindi magtatagal ang pagkahaling ni Yura Zhu sa iisang babae. Tulad ng Emperador, ang pagmamahal nito sa kanyang ina ay maihahalintulad sa tsaang nalipasan ng init.
Malamig.
Mapait.
Ipapaunawa niya sa Lu Ryen ang bagay na ito…
Hindi nagtagal ang Ikalawang Prinsipe sa Palasyong Xinn. Maagang dumating ang mga dayuhang panauhin ng Emperador at ito ang itinalaga na humarap sa mga ito.
“Xuren?” Nag-aalalang tawag ni Sena.
Lumuwag ang kamay ni Yura kay Sena ng hindi niya namalayang humigpit ang pagkakahawak niya dito, ngunit maagap na hinawakan nito ng mahigpit ang kamay niya ng tangkain niya itong pakawalan.
Umusbong ang takot sa puso ni Sena, hindi niya alam kung kaylan muli niya itong mahahawakan.
Binawi ni Yura ang nagdidilim niyang pakiramdam upang hindi ito mabahala. “Sa susunod, hindi mo kailangang humarap sa kanya.” Hindi nakaligtas kay Yura ang namumutlang ekspresyon ni Sena ng maabutan niya ito at ang Ikalawang Prinsipe. “Huwag mong paniniwalaan ni kahit isa sa katagang binitawan niya, sa akin ka lamang makikinig.”
Mahinang pagtango ang natanggap na tugon ni Yura mula kay Sena. Naging okupado siya simula ng kanyang pagdating at hindi niya ito napaglaanan ng panahon. Hindi sumagi sa isipan niyang isa itong dayuhan sa palasyo ng imperyal at tanging siya lamang ang dahilan ng pananatili nito.
Kahit isang sumbat ay wala siyang narinig mula kay Sena, hanggang ngayon ay tahimik itong naghihintay sa kanya.
Hindi mapapatawad ni Yura ang sarili niya kung hahayaan niya itong manatili sa kanyang tabi gayong batid niyang hindi niya maibabalik ang nararamdaman nito. Hindi nagbago ang kagustuhan niyang makapagsimula ito sa lupain ng Amu kung saan maaari nitong kalimutan ang lahat. Mabuhay para sa sarili nito at hindi para sa kanya. Ngunit hindi ito kailangang malaman ni Sena, lalo niya lamang masusugatan ang damdamin nito kung maaga nitong matutuklasan ang plano niya para dito.
“Xuren…” Muling tawag ni Sena kay Yura ng maramdaman niyang nakaukol sa kanya ang tingin nito na mistulang siya ang tanging nakikita nito. Pagkamuhi ang nararamdaman niya sa mga titig ng Ikalawang Prinsipe subalit pagdating sa Xuren, nais niyang nakalaan lamang sa kanya ang mga tingin nito. “Maaari ba akong humiling mula sa inyo?”
“Kahit anong bagay na kaya kong ibigay, maaari mong hilingin sa akin.”
“Kung ganon, nais kong magkaroon ng larawan nating dalawa.”
Natigilan si Yura ng makita niya ang matamis na ngiti na sumungaw sa labi ni Sena. Matagal na niyang hindi nakita ang masayang larawan nito simula ng lisanin nito ang tahanan ng Punong Heneral.
“Iyon lamang ba ang kahilingan mo? Mayroon ka pa bang ibang nais hilingin?”
“Xuren, iyon ang pinakaespesyal na regalong nais kong matanggap mula sa inyo.”
Pinatawag ng Lu Ryen ang ang isa sa tanyag na pintor ng imperyo na tumigil ngayon sa kapitolyo. Hindi lubos akalain ng pintor na ang kasama ng Lu Ryen sa ipipinta niyang larawan ay ang pinapaboran nitong Xienli at hindi ang prinsesa. Ganon pa man ay pinaghusayan niyang maipinta ang larawan ng mga ito pagka’t napakalaking halaga ang gantimpalang matatanggap niya mula sa Lu Ryen.
Matagal na pinagmasdan ni Sena ang larawan matapos itong ipinta ng pintor. Sariwa pa ang amoy ng pinta kaya maingat niya itong nilapit sa kanya. Sa larawan ay makikita ang magkahawak nilang kamay ng Xuren habang pareho silang nakatingin sa isa’t-isa. Kahit sa imahe lamang ay nais niyang makulong sa panaginip na ito.
“Sigurado ka bang wala ka ng ibang nais hilingin sa akin?”
Isang magaang dampi ng halik sa labi ang natanggap na tugon ni Yura mula kay Sena.
Leave a Reply