Kumapit sa ilong ni Yura ang matamis na halimuyak ng insenso ng sandaling pumasok siya sa maliwanag na silid.
Makikita ang inihandang matatamis na prutas at pagkain sa loob nito. Ininda ni Yura ang matapang na halimuyak at dumiretso sa parteng tanggapan kung saan naghihintay sa kanya ang panauhing umuokupa ng kwarto.
“Sa wakas, nakita ko narin ang taong bumihag sa akin.” bungad na bati kay Yura ng lalaking may makulay na kasuotan. Mapanuri ang mga tinging pinag-aralan nito ang bagong dating na Xuren. Hinintay nitong maupo si Yura sa harap nito bago ito nagsalin ng inumin.
Hindi tinanggap ni Yura ang matamis na tsaa kundi ibinuhos ito sa nakasinding insenso.
“Ikaw ba ang klase ng tao na hindi mahilig sa matatamis na inumin at mga bagay?” Umangat ang kanang kilay na tanong ng bihag kay Yura.
“Tolo, nasisiguro kong napagtanto mo na ang dahilan kung bakit ka nandito.”
Banayad ang mga kilos na muling nagsalin ng tsaa sa sariling kopa ang tanyag na mangangalakal ng Nyebes. “Hindi ako bumubuo ng ugnayan sa taong tumatanggi ng aking inumin.” Muling inilahad nito ang tsaa kay Yura. “Ikinulong mo ako sa kahon na naglakbay ng ilang mga araw. Matinding gutom at kadiliman ang naging kaibigan ko. Ang tanging nagpapagising sa aking kamalayan ay ang ingay ng padyak ng mga kabayo. Pagmulat ko ng paningin ay nagising ako sa kwartong ito, puno ng mga paborito kong pagkain, matamis na halimuyak at komportableng kasuotan. Subalit kahit isang bulong o anino ay wala akong nakita at narinig. Sapat na ito upang mawala ako sa katinuan. Mahirap mang aminin ngunit hinahangaan ko ang iyong pamamaraan.”
Tinanggap ni Yura ang tsaa nitong nanatiling nakalahad sa kanya. Walang pag-aalinlangang dumiretso ang inumin sa kanyang labi. Pinigilan niya ang pagkunot ng kanyang noo sa matapang nitong amoy at lasa.
“Hindi na masama kapalit ng pait na aking naranasan.” Natutuwa na muli itong nagsalin ng tsaa. Abot-mata ang ngiting tinikman ni Tolo ang matamis na inumin. “Nais mong malaman kung sino sa palasyo ng imperyal ang siyang naging kalasag ng tulisang tulad ko?”
“Hindi sapat na malaman ko kung sino sila. Ibigay mo sa akin kung ano ang kanilang tunay na layunin, anong bahagi ng imperyo ang kanilang napasok at kung paano nila ito pinapagalaw.”
“Isa lamang akong hamak na mangangalakal, sa’yong tingin ay ilalatag nila sa aking harapan ang lahat ng kanilang balangkas?”
“Nasakop mo ang kalahati ng kalakal sa kaharian ng Nyebes. Nais mong maniwala ako na wala kang muwang sa lahat?”
“Tunay na may malaking tao ang humarap sa akin at binigyan ako ng nakakaakit na kasunduan na hindi ko kayang tanggihan, ngunit totoo rin na ipinagpalit ko ang mga armas sa anak ng pinuno ng mga rebelde. Minsan, simple lamang ang mga bagay na pumupukaw ng aking interes. Marahil para sayo ang ganitong ideya ay mahirap tanggapin subalit sa mga taong tulad ko, ito ang hinahanap ng aking laman.” Matagal na tumigil ang paningin ni Tolo sa Xuren. “Nakakamanghang isipin na nanatili kang malinis, sapagka’t ang tulad mo ay mahirap tanggihan. Natitiyak kong maraming babae at maging lalaki ang nagnanais na dungisan ang iyong-“
Bumagsak ang kamay ni Yura sa mesa na nagpatilamsik sa laman ng kopa. “Marahil kulang pa ang mga araw na inilagi mo sa loob ng kahon.”
“Hindi mo ako mapapakinabangan kung tatakasan ako ng aking katinuan. Ngunit bago mo ako gawing kasangkapan, ano ang kapalit na matatanggap ko? Isa man akong bihag sa’yong kamay ngunit huwag mong kakalimutang isang mangangalakal ang nananalantay sa aking dugo. Kailangan ko ng isang kasunduan na parehong tayo ang makikinabang.” Naglalagos ang tinging bumaba ang paningin ni Tolo sa malinis na mga daliring nakayakap sa kopa. Nakakamanghang isipin na ang nagmamay-ari nito ay isang Xuren na kabilang sa angkan ng mandirigma. Alam niyang mapanganib na tao ang dumukot sa kanya subalit hindi niya inakalang ang anyo nito’y nakatutukso ng damdamin. “Wala kang dapat ikabahala, hindi ako maghahangad ng labis. Batid kong wala ako sa lugar upang humingi ng kapalit, ngunit kailangan ko ng bagay na magtutulak sa akin na isuko ang lahat.”
“Makikinig ako,” maikling tugon ni Yura.
Nagsimulang pumitik ang mga daliri ni Tolo sa lamesa ng tumuon sa kanya ang nagyeyelong mga mata ng Xuren. Sa isang iglap, ang kaaya-ayang tanawin ay binalot ng madilim na ulap. “Bigyan mo man ako ng kalayaan, mananatili akong nasa panganib dahil tinalikuran ko ang taong iyon. Kailangan ko ng matibay na kalasag na kukupkup sa akin, at sino sa imperyo ang hihigit sa proteksiyon ng Zhu?”
“Napakahusay, gaano kapanganib ang taong ito upang piliin mo ang aming proteksiyon?”
“Isang tusong sakim na kayang kitilin ang buhay ng kanyang ama at mga kapatid. Gagawin niya ito sa kasuklam-suklam na paraan. Hindi siya mananatili sa sulok kung patuloy na may humahadlang sa pag-agos ng kanyang mga plano. Ibibigay niya ang yaman at prestihiyong hinahangad mo, ngunit nagbabagang hukay ang naghihintay sayo sa sandaling talikuran mo siya.”
Tanging matipid na ngiti na hindi umabot sa mga mata ang naging tugon ni Yura.
“Maniwala ka sa akin, mas mapapakinabangan mo ako kung patuloy akong kumikilos sa labas. Sa itinakdang araw ng pagtitipon ng kanyang mga balangkas ay siyang araw din na makikilala mo silang lahat.” Gamit ang kopa ng Lu Ryen ay muling nagsalin ng tsaa ang mangangalakal, sunod na tinikman niya ang matamis na inumin. Subalit tila mas matamis sa kanyang paningin ang unang dumampi sa labi nito. Banayad na ninamnam niya ang tamis ng tsaa. “Dinukot mo ako ng panahong nagpapahinga ako sa paraiso ng Kayang. Nasisiguro kong wala pang nakakaalam sa aking pagkawala, iisipin lamang nilang may natagpuan akong bagong libangan–” Nabitiwan ni Tolo ang hawak na kopa ng makaramdam siya ng talim sa kanyang sentido. Nagtatanong ang tinging ipinukol niya sa Lu Ryen.
“Hindi na kailangan. Nakumpirma mo na ang detalyeng hinahanap ko.” Naglabas si Yura ng panyo upang punasan ang natirang medisina sa kanyang mga daliri.
Sinubukang abutin ni Tolo ang Xuren ngunit pinangunahan siya ng kumakalat na init sa kanyang katawan. Mistulang tinutupok ng apoy ang kanyang dibdib. Hindi siya nasusunog sa labas kundi sa loob. Lumalamlam ang paninging pinilit niyang aninagin ang papalayong likod ng Xuren. Labis siyang nagtiwalang magagawa niyang baliktarin ang kanyang sitwasyon. Sa pagsara ng pinto ng silid ay tuluyang pagdilim ng kanyang paningin. Huli na upang matuklasan niya na ang katauhang nagtatago sa nakakabighani nitong anyo ay isang halimaw.
Sa paglabas ni Yura sa maliwanag na silid, sumalubong sa kanya ang nagdidilim na kalangitan. Wala siyang interes na bumuo ng kasunduan mula sa isang oportunistang mangangalakal. Ang tanging kailangan niya lamang ay kumpirmasyon sa mga nakalap niyang impormasyon. Hindi siya gagamit ng saksi o katibayan na ihaharap sa hukuman ng imperyal, iyon ay ginagawa lamang ng marangal na tao tulad ng kanyang ama. Kundi, walang ingay niyang bubunutin ang mga nakakalasong damo na pumapatay sa kanilang imperyo. Titiyakin niyang hindi na muling makakasibol ang mga ito sa kanilang lupain. Hinawi ni Yura ang mga hiblang tumatakip sa kanyang paningin dahil sa malakas na pag-ihip ng hangin.
Mula sa himpapawid ay makikita ang paglatag ng gabi. Ang kabayanan sa mga tahanan ay nagsimulang magsindi ng ilaw sa kanilang mga lampara, ngunit karamihan sa mga ito ay nakitil ng paglakas ng hangin. Ang malakas na hampas sa himpapawid ay ‘di nakaligtaang bisitahin ang matatayog na palasyo ng imperyal.
Nagsimulang magsara ang mga lingkod sa palasyo ng Ikaanim na Prinsipe, hindi na nila hinintay na maramdaman ng kanilang kamahalan ang ingay na nalilikha ng hangin sa labas.
“Kamahalan,” kagyat na yumukod si Sev ng maabutan niyang hindi nagpipinta ang Prinsipe at hindi rin ito okupado sa alaga nitong ibon kundi tila siya ang hinihintay nitong dumating. Simula ng bumalik ito sa pusod ng kakahuyan ng kagubatan ay maraming bagay itong pinapahanap sa kanya. Mga bagay na hindi niya maiugnay sa tunay na intensiyon ng Ikaanim na Prinsipe.
“Halos lahat ng sastre sa kapitolyo ay hindi kilala ang simbolong iginuhit ninyo. Pinakalat ko ito sa lahat ng pagawaan ngunit hanggang ngayon ay wala parin akong nahahanap. Subalit ang pangalang binigay niyo sa akin ay natagpuan ko sa tatlong tahanan. Ang mga nagmamay-ari ng pangalan ay isang yumaong manunulat, isang minero at ang huli ay ang bagong silang na supling ng Pangunahing Xuren ng Zhu. Ito ang kauna-unahang apong babae ng Punong Heneral.”
Bumaba ang tingin ni Hanju sa hawak niyang kwintas. Nadagdagan ang hinala niya sa imposibleng posibilidad…
“Gusto ko siya… Siya ang gusto ko… Iyan ang sinabi mo sa kanya ng pinapili kita kung sinong Fenglin ang gusto mo. Hanju Hanju… ni minsan ay hindi ka nagkakamali sa mga pasya at desisyon mo kaya imposibleng magkamali ka sa taong gusto mo. Kung sabagay, kapag naging isang Xirin ang Pangalawang Xuren ng Zhu, natitiyak kong walang lalaki ang hindi malalasing sa kanya.”
Nabulabog ang ibon sa balikat ng Ikaanim na Prinsipe ng bigla itong tumayo at lumapit sa bintana na mistulang may tinatakasan. Pakiramdam ni Hanju ay bumubulong sa kanya ang mga salita ng pinsan niya na lalong dumadagdag sa kanyang pangamba.
Lumitaw sa alaala niya ang Lu Ryen na naligaw sa kanyang palasyo. Nang sandaling dalhin niya ito sa kanyang bisig, napakahina at yumi nito sa kanyang mga kamay na naghihikayat sa kanyang ingatan at protektahan ito.
“Imposible…”
Mahirap paniwalaan na ang binibining natagpuan niya sa madilim na batis at ang Ikalawang Xuren ng Zhu ay iisang katauhan. Kung ito man ang katotohanan, isang malupit na kapangahasan ito sa pamilya ng imperyal. Ang linlangin ang trono ng imperyo ang huling bagay na naisip niyang tatahakin ng Zhu.
Pinatawag ng Ikaanim na Prinsipe ang kanyang Punong-lingkod. “Nais kong ipadala mo ito sa Palasyong Xinn, siguraduhin mong ang Lu Ryen ang makakatanggap nito.” Nilabas ni Hanju ang nakakubling kwintas sa kanyang kamay.
“Kamahalan..?” Naghihintay na nakalahad ang kamay ng punong-lingkod ng nanatili ang Ikaanim na Prinsipe at hindi lumatag sa palad niya ang kwintas na hawak nito.
“Marahil mas makakabuti kung ako ang maghahatid nito sa kanya.”
Naguguluhang naiwan ang Punong-katiwala na nakalimutang ibaba ang nakalahad niyang kamay, maging ang aninong bantay ay nagtatanong ang tinging sumunod sa Ikaanim na Prinsipe.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu
Hanju: Ika-anim na Prinsipe
Sev: Aninong bantay ni Hanju
Tolo: Mayamang mangangalakal ng Nyebes
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.
Leave a Reply