Dumiin ang pagkakabaon ng kwintas sa palad ni Hanju habang bumibilis ang takbo ng karwahe.
Naghahalo sa kanyang paningin ang imahe ng binibini sa mainit na batis at ang malamig na larawan ng Lu Ryen. Subalit ang labis na bumabagabag sa Ikaanim na Prinsipe ay ang hindi maipaliwanag na pintig sa kanyang pulso. Bakit nagmamadali siyang makita ito?
Lumuwag ang pagkakahawak ni Hanju sa kwintas.
Huminto ang karwahe ng biglang ipag-utos ng Ikaanim na Prinsipe na tumigil ito. Natauhan siya sa kanyang napagtanto. Mahigpit niyang pinayuhan si Jing na lumayo sa Ikalawang Xuren ng Zhu subalit sa ginagawa niya ngayon, siya ang mismong tumutulak sa sarili niyang pasukin ang mundo nito.
Hindi kasama sa plano niya ang manghimasok sa buhay ng Lu Ryen ano man ang maging katauhan nito at ano man ang magiging kahihinatnan ng kapangahasan nito sa pamilya ng imperyal. Ang tanging paraan upang makagalaw siya ng hindi naririnig at nakikita ay lumayo sa mga taong katulad ng Lu Ryen na siyang sentro ng atensiyon ng lahat.
Hinawi ng Ikaanim na Prinsipe ang seda sa bintana ng karwahe ng ipaalam ng kanyang tauhan ang pagdating ng Lu Ryen sa bungad ng Palasyong Xinn. Huminto ang karwahe ni Hanju sa kabilang direksiyon na nalililiman ng madilim na ulap kung kaya’t ang lampara na sumalubong sa Lu Ryen ay nagliliwanag sa madilim na paligid.
Sa pagbukas ng pinto ng karwahe ay nasinagan ng ilaw ang mukha ng Lu Ryen na siyang tila tanglaw ng mga naghihintay na lingkod nito sa malamlam na gabi. Mapapansin ang paglisan ng nahihimlay na diwa ng mga katiwala ng masilayan ang kanilang panginoon. Mistulang napawi ang kanilang pagod sa buong maghapon.
Sa pagbaba ng nakaitim na Xuren sa karwahe ay pagdaan ng malakas na hangin na pumatay sa ilaw ng mga lampara. Subalit bago tumakas ang liwanag ay naiwan sa paningin ng Ikaanim na Prinsipe ang pagbubukadkad ng panlabas nitong roba na tila plumahe na yumayakap sa katawan ng Lu Ryen.
Nabitawan ni Hanju ang Seda at di namalayan na muling humigpit ang pagkakahawak niya sa kwintas.
Nahinto si Yura ng makaramdam siya ng ginaw sa pagdaan ng malamig na hangin. Isa ba ito sa epekto ng medisina? Nagagawa niyang magbabad sa nagyeyelong batis subalit nanghihina siya ngayon dahil sa malamig na temperatura ng panahon.
Sa kabila ng madilim na paligid ay nagtuloy-tuloy si Yura sa loob ng Palasyong Xinn. Nilubog ni Yura ang sarili sa maligamgam na tubig. Nais niyang maibsan ang kumakalat na lamig sa kanyang katawan. Nilalabanan ni Yura ang pagbaba ng kanyang talukap, kung dati ay kailangan niya ng medisina upang makatulog, ngayon ay kusa siyang hinihila ng kanyang antok.
Nagsimulang umawit ang hangin sa labas na siyang nagpapasayaw sa sanga ng mga puno. Ang ingay sa paligid ng Palasyong Xinn ay hindi na nakarating sa matalas na pandinig ng Lu Ryen.
Bumaba ang ulo ni Yura sa kanyang kanang balikat ng tuluyang sakupin ng dilim ang kanyang paningin. Hanggang sa tinakasan ng init ang maligamgam na tubig ay nanatili paring nakalubog ang Lu Ryen sa mahimbing na pagkakatulog.
Ang badya-badyang pagpasok ng hangin sa sulok ng silid ay nagpapagalaw sa aninag ng lampara. Nagpaalam ang ilaw sa silid ng Lu Ryen dahil sa kagyat na pagdapo ng puting ibon upang itaboy ang liwanag. Kasunod na pumasok ang anino ng panginoon nito na walang ingay na umokupa sa silid. Mahinang maririnig ang pagpatak ng tubig sa sahig na siyang humalo sa malakas na ihip ng hangin sa paligid.
Napako ang tingin ni Won sa Pinto ng Xuren ng maramdaman niyang maaga itong nagpahinga. Nakahinga siya ng maluwag na malamang hindi ito inaatake ng karamdaman nito ngayong gabi.
Nagbilin ang bantay sa Punong-lingkod na lumayo ang mga katiwala sa silid ng Lu Ryen upang hindi magambala ang pagpapahinga nito.
Dinama ni Yura ang kanyang sentido ng wala siyang maramdamang bigat simula ng magising siya. Naninibago siya sa magaang pakiramdam dahil nasanay siyang iniinda ang panaka-nakang pagdaloy ng kirot sa kanyang sentido.
Namulatan niya ang sariling nakahimlay sa higaan suot ang kanyang panloob na pantulog. Wala siyang ala-ala na nagawa niyang magpalit pagkatapos niyang magbabad sa maligamgam na tubig. Dumako ang tingin ni Yura sa kanyang durungawan na mahigpit na nakasara, hindi niya pinagdududahan ang kakayahan ng kanyang mga bantay na bantayan siya. Isa rin ba ito sa epekto ng gamot? Nakahinga siya ng maluwag ng mawala ang iniinda niyang karamdaman subalit ang mga epekto nito ay nagbibigay din sa kanya ng mapanganib na pakiramdam. Ang hindi maalala kahit na maliit na detalye ay malaking pagbabago para sa kanya.
Nabaling ang atensiyon ni Yura sa dumating na balitang nahulog ang Prinsesa mula sa mataas na palapag ng mga hagdan.
Sumalubong sa kanya ang labas-masok na mga katiwala at manggagamot ng imperyal sa silid ng Prinsesa. Yumukod ang mga ito ng makita siya subalit napadako ang tingin ni Yura sa hawak na bandeha ng manggagamot. Ang amoy ng medisina na nanggagaling dito ay pamilyar sa kanya.
Lumalim ang pagkakayuko ng manggagamot ng lapitan ito ng Lu Ryen, nais niyang itago ang hawak na medisina subalit huli na. Batid niyang bihasa ang kapatid ng Lu Ryen sa mga gamot kung kaya’t nangangamba siyang makilala ng Lu Ryen ang hawak niyang medisina. Ang pangamba niya ay naglaho ng lagpasan siya ng Lu Ryen at nagtuloy ito sa silid ng Prinsesa.
Nanlambot ang mga daliri ni Yura na nakakubli sa mahaba nitong manggas ng makumpirma niya ang medisina na hawak ng manggagamot. Ito ay para lamang sa mga babaeng walang kakayahang magdalang-tao. Kung ganon ay huli na siyang pigilan ang lasong itinanim ng kapatid niya sa Prinsesa. Hindi matanggap ni Yura na nadungisan ang kamay ni Yeho upang pagtakpan ang kanyang lihim.
Humimpil ang ingay sa silid ng pumasok ang Lu Ryen, tumuwid ang likod ng Punong Manggagamot ng imperyal at maging ang mga lingkod ay tahimik na nilisan ang silid. Natatakpan man ng madilim na sutla ang kinaroroonan ng Prinsesa, hindi maitago ang namumutlang mukha ng mga katiwala na nagpapahiwatig ng hindi kanais-nais na kalagayan ng Prinsesa.
Punong Manggagamot, “Mahal na Lu Ryen, ikinalulungkot kong ipaalam sa inyo na malubha ang pagkahulog ng Prinsesa, maaaring matagalan bago siya muling makalakad.” Matapos ipaalam ang kalagayan ng Prinsesa ay magalang itong nagpaalam at sunod na nilisan ang silid.
Nahulog sa matagal na katahimikan ang pagitan ni Yura at ng Prinsesa. Kung noon ay sunod-sunod na mga hikbi ang maririnig ng masaktan niya ang damdamin nito, ngayon ay wala siyang narinig na ano mang ungol mula sa Prinsesa sa kabila ng malubha nitong sinapit.
Umangat ang daliri ng Prinsesa upang hawiin ang sedang tumatakip dito. “Hindi ba’t narito ka upang makita ako?” Walang buhay ang mga matang sumalubong kay Yura. “Ah, Marahil mas mapapanatag ka kung mawawala ang konsorteng ito?” May bahid ng pait ang huli nitong kataga na sumungaw maging sa mga mata nito.
Ang pananahimik ng Lu Ryen sa tanong niya ay tila patalim na bumaon sa puso ni Keya. “Kung hindi ikaw ang lalaking nakalaan para sa akin, ano pang papel mayroon ako bilang iyong konsorte? Nais mo ‘kong mabuhay bilang Prinsesa ng imperyal na inabandona mo? Kung ganoon, mas mabuti pang wakasan ko ng maaga ang malupit na hinaharap na nais mong ihandog sa akin.”
“Anong mararamdaman mo kung ang regalong hinandog mo sa’kin ang kikitil sa buhay ko?”
Muling bumabalik kay Yura ang mga katagang kinamumuhian niyang marinig. Sa huli, naulit sa Prinsesa ang nangyari sa pinsan niya. Malamig na tinalikuran niya ito subalit mas pipiliin parin nitong mawala sa halip na kamuhian siya.
Hindi niya maunawaan ang damdamin ng mga ito para sa kanya. Bakit pinahihintulutan nilang mahulog sa isang tulad niya na walang kakayahang suklian ang nararamdaman ng mga ito para sa kanya. Ang mapanlinlang niyang katauhan ang inibig ng Prinsesa, kung kaya’t ang nararamdaman nito ay isang ilusyon na lumalason dito.
Hindi na alam ni Yura kung paano haharapin ang Prinsesa. Kahit ilang beses niya itong itulak palayo sa kanya ay nakakagawa parin ito ng paraan upang hilain siya pabalik dito. Batid niya ang pagkukunwari ng Prinsesa sa sinapit nitong aksidente upang pagbantaan siya ng buhay nito, ngunit hindi iyon inilantad ni Yura, dahil lingid sa kaalaman ng Prinsesa ang masakit na katotohanang nalason ito ng kanyang kapatid na nag-iwan dito ng permanenteng pagkasira ng kakayahan nitong magdalang-tao. Nagkamali siya sa pag-aakalang maibabalik niya sa Prinsesa ang buhay nito sa sandaling dumating ang panahon na maaari na siyang kumalas sa palasyo ng imperyal.
Hinila ni Yura ang sutlang tumatakip dito upang makita ang kabuuang anyo ni Keya. Ito ang Prinsesang hinubog ng Emperatris. Tanging sa loob ng pader ng palasyo ng imperyal umikot ang mundo nito. Lumaki itong sinasamba at sinusunod ng mga taong nakapaligid dito, kung kaya’t ang pagdating niya sa buhay ng Prinsesa ay pagsisimula ng pagguho ng kastilyong naging mundo nito sa loob ng mahabang panahon.
Napasinghap ang mga katiwala ng lumabas ang Lu Ryen sa silid buhat ang Prinsesa.
“M-Mahal na Lu Ryen? Saan niyo po dadalhin ang Prinsesa?” Natatarantang humabol ang Punong Katiwala ng Prinsesa sa Lu Ryen ngunit hinarang ito ng bantay ng Lu Ryen.
Maging ang mga kawal ng Prinsesa ay naguguluhang sumunod subalit pinigilan din ang mga ito ng matangkad na bantay. “Wala kayong dapat ikabahala, ang Prinsesa ay nasa proteksiyon ng Xuren.”
Walang nagawa ang mga ito ng isakay ng Lu Ryen ang Prinsesa sa kabayo nito.
Namumutlang napakapit si Keya kay Yura. “Saan mo ako dadalhin?” Nag-aalala siya dahil walang suot ang kanyang mga paa, at maging ang kasuotan niya ay hindi naaayon sa labas ng kanyang palasyo. Nagdilim ang kanyang paningin ng balutin siya ng Lu Ryen ng itim na kapa bago nito pinatakbo ang kabayo. Nakulong sa takot ang dibdib ni Keya ng maramdaman niyang bumibilis ang kanilang takbo, sunod niyang narinig ang pagbukas ng matayog na tarangkahan ng palasyo ng imperyal.
Samu’t-saring ingay ang bumungad sa kanyang pandinig. Lalong humigpit ang pagkakakapit ni Keya sa Lu Ryen. Ang una at huling beses na lumabas si Keya sa palasyo ng imperyal ay ng tangkain niyang takasan ang kautusan. Dito niya nakilala ang Lu Ryen subalit ang karanasan niya sa mga bandido ay nag-iwan parin ng matinding takot sa kanya.
Hinila ni Yura ang ulo ng kapa na tumatakip sa paningin ng Prinsesa ng makarating sila sa sentro ng kapitolyo ng Salum.
Ang halakhakan ng mga batang naghahabulan sa daan at ang makulay na pamilihan ng kabisera ang tanawing bumungad kay Keya. Napapadako sa kanilang direksiyon ang mga tingin ng mga tao, hindi sila niyuyukuran o iniiwasan ng mga ito kundi sinasalubong nila ang kanyang tingin ng walang takot.
Hindi mapigilang hindi mapatingin ng mga tao sa Xuren at Xirin na nakasakay sa itim na kabayo. Tunay na nakakapukaw ng pansin ang dalawa. Nakakita na sila ng mga nakakabighaning kagandahan subalit ang larawan ng mga ito ay tila inukit ng bathala.
Ang mga nakatunghay na mga bata ay namamanghang sumunod sa naglalakad na itim na kabayo. Ang mga ngiti sa kanilang mukha ay napalitan ng pamumula ng bumaba sa kanila ang tingin ng nakaitim na Xuren. Maliliit na hagikhikan ang maririnig mula sa mga ito na nagsimulang magtago sa isang sulok. Napapangiting sinundan ito ng tingin ni Keya subalit nahulog ang tuwa sa mga labi niya ng dumako ang kanyang tingin sa mga binibining nakatunghay din sa kanyang Lu Ryen. Ilang Binibini pa ang nahumaling dito mula sa mga lupaing binisita nito? Nanunumbat ang tingin ng Prinsesa ng lingunin niya sa kanyang likod ang Lu Ryen.
Isang pitik sa noo ang natanggap ni Keya mula kay Yura ng subukan niyang takpan ang mukha nito. Napahawak siya sa kanyang noo, hindi naitago ni Keya ang kanyang pagkagulat. Maliban sa kanyang ina, ito ang unang beses na nakatanggap siya ng ganitong parusa. Namumula ang noong ibinalik niya ang tingin sa kanyang harapan, hindi niya napigilan ang pag-usbong ng pamumula sa buo niyang mukha. Ito din ang unang beses na nasaktan siya ngunit binalot ng bulak ang kanyang pakiramdam. Dahil dito, lahat ng nakikita ni Keya sa kabisera ay nagiging maaliwalas at magaan sa kanyang paningin. Maging ang mga pagkaing natikmam niya ay naging matamis sa kanyang panlasa. Hindi niya namalayang buong maghapon siyang nasa labas ng palasyo ng imperyal.
Bago magtakip-silim ay narating nila ng Lu Ryen ang mataas na talampas kung saan natatanaw nila ang kabuuan ng kapitolyo. Lumiit sa paningin ni Keya ang malawak na kabisera, maging ang matatayog na pader ng palasyo ng imperyal ay bumaba sa kanyang paningin.
Nang takasan ni Keya ang kautusan, nais niyang maglakbay sa mga lugar na nababasa niya sa mga libro. Hinangad niyang bisitahin ang mga templo sa kanilang lupain. Ang lahat ng ito’y naglaho ng makilala niya ang Ikalawang Xuren ng Zhu. Hindi lang dahil niligtas nito ang buhay niya kundi dahil ito ang tanging tumingin sa kanya bilang siya at hindi bilang isang prinsesa ng imperyal. Sa mga mata nito nakita ni Keya ang sarili niya, dahilan upang lumalim ang pagnanais niyang makuha ito. Sa halip na hangarin niyang puntahan ang mga magagandang tanawin sa labas ng palasyo ng imperyal, mas nahumaling siyang lakbayin ang mundo ng Lu Ryen. Subalit sadyang napakahirap nitong pasukin, nanatili itong sarado sa kanya. Maging sa mga sandaling ito ay ramdam niyang nililigaw siya ng Lu Ryen upang lumawak ang kanyang mundo, at makita niyang hindi lamang dito at sa palasyo ng imperyal umiikot ang mundo niya. Mistulang nagpapahiwatig ito na ano mang sandali ay maaari itong mawala sa kanya.
Mula sa ibabang tanawin ng kapitolyo ay binalik ng Prinsesa ang kanyang tingin kay Yura. “Ano man ang gawin mo, hindi magbabago ang nararamdaman ko.”
Sumusukong nilubog ni Yura ang buong katawan sa maligamgam na tubig pagkabalik niya ng Palasyong Xinn. Tuluyan ng nalason ang puso’t isipan ng Prinsesa. Wala na siyang maisip na paraan upang maibsan ang pagkakasala niya at ng kanyang pamilya dito. Kung gagamitin niya ito, ano pang pinagkaiba nila sa Emperador? Nakahanda si Yura na maging masama para sa kanyang pamilya, subalit hindi niya nanaising mangyari din ito sa kanila. Nagsimula na ito sa pinsan at kapatid niya, hindi niya pahihintulutang masundan pa itong muli.
Kailangan pa ni Yura ng kaunting panahon upang mapalaya niya ang Zhu sa manipulasyon ng Emperador, at sa nagbabantang pagsulong ng rebelyon. Ang unti-unting pagbunot niya sa mga pangil ng rebelde ay siyang magpapalitaw ng taong tunay na nasa likod nito. Ngayong wala na siyang iniindang karamdaman, kailangang mas maging maingat siya na protektahan ang kanyang lihim. Dahil sa sandaling lumabas ito, ang buhay ng mga taong mahalaga sa kanya ang magiging kabayaran. Pilit na ibinaon ni Yura sa sulok ng kanyang dibdib ang takot na nagsisimulang mamuo sa kanya dahil hindi ngayon ang panahon upang maging mahina siya.
Makaraan ang ilang sandali ay umahon na si Yura sa tubig bago pa ito lumamig. Sinuyod ng kanyang paningin ang durungawan ng kanyang silid ng maramdaman niyang may nakapasok na ihip ng hangin sa loob. Bahagyang sinasayaw ng hangin ang telon dahil sa maliit na pagkakaawang ng durungawan. Mistulang plumahe ng puting ibon ang nakita niyang dumaan sa labas nito.
Matapos magpalit ni Yura ng makapal na kasuotan ay maluwag niyang binuksan ang kanyang durungawan. Matagal na siyang hindi binibisita ng puting ibon simula ng ipatanggal niya ang mga halamang binabalikan nito. Tanging ang malawak na bakanteng patyo ang nakita ni Yura, maging ang munti nitong huni ay hindi na niya marinig. May parte niya ang nabakante ng hindi niya ito nakita. Hindi niya maalala ang kabuuan ng kanyang panaginip ng nakaraang gabi ngunit unti-unti na itong bumabalik sa kanya ngayon, naaalala niya ang mga panaka-nakang pagtuka sa kanyang kamay at ang tila pagkakakulong niya sa mainit na yakap… Kagyat na sinara ni Yura ang kanyang durungawan. Bumagsak na ba siya sa puntong naghahanap siya ng makakasama niya sa mga sandaling binabalot siya ng matinding kahungkagan? Marahil ay isa na rin ito sa epekto ng medisina, iyon lang ang naisip na tugon ni Yura sa mga lumilitaw na alaala at pakiramdam na hindi niya maipaliwanag.
Muli ay maagang namatay ang ilaw sa silid ng Lu Ryen. Magaang dumapo ang puting ibon sa balikat ng kanyang panginoon na tahimik na naglaho sa dilim.
Leave a Reply