Ang nagbabantang pagdilim ng panahon ay napalitan ng maaliwalas na umaga sa pagsikat ng araw. Muling nanumbalik ang sigla sa kabisera ng imperyal.

Kabaliktaran ng liwanag ng umaga ang kulay ng mukha ni Kaori. Hindi niya lubos matanggap na ang mukha ng isang maruming mangangalakal ang umookupa ngayon sa mukha ng kanyang Xuren.

“Xuren, tunay na nakakalukot ng damdamin na hulmahin ko ang perpektong likha sa isang…” Napapailing na lamang na muling ikinumpara ng Ginang ang nasa larawan at ang bagong mukha ngayon ni Yura. “Nakuha ko man ang lahat ng detalye, hindi ibig sabihin nito ay nasalin narin ang kanyang estilo at hilig sa Xuren.” Inilabas ng ginang ang makukulay na kasuotan, bakas ang kagustuhan nitong tulungan na magpalit ng kasuotan ang Xuren.

“Halim.” Saway dito ng matangkad na bantay. Isa man ito sa iniingatang tao ng kanyang Xuren, hindi niya parin pahihintulatan ang pagiging mapangahas ng Ginang. Ang matinding pagkagiliw nito sa mukha ng Xuren ay nagbibigay kay Won ng kilabot. Nagsimula ito ng gayahin ni Halim ang mukha ng Xuren at binihisan nito ang sarili ng Binibining kasuotan. Itinuturin ito ni Won na isang malaking kalapastangan sa Xuren.

Ang angkin galing ni Halim ay ang paglika ng mga maskara na tila maituturin na buhay sa tuwing ilalapat ito sa balat ng sino mang magsusuot nito. Ang kakayahan nito ay nanatiling lihim upang hindi maalerto ang lahat sa kaalaman na mayroong tao ang may kakayahang gumaya ng mukha ng kahit na sino.

“Ni minsan ay hindi ka nabigong mapahanga ako sa tuwing binabago mo ang aking anyo sa mukha ng iba.” Puri ni Yura sa Ginang ng tanggapin niya mula dito ang makulay na kasuotan.

“Xuren, hindi lamang ito ang aking hinanda.” Natutuwang pinatawag ni Halim sa mga tauhan ang hinanda nito para kay Yura.

Isa-isang pumasok sa silid ang limang lalaki na may iba’t-ibang angking alindog. Bawat isa sa mga ito ay natatakpan ang paningin at pandinig. Mababakas ang kanilang takot sa paligid, batid nilang pinagbili sila ng kanilang pamilya sa isang mayamang mangangalakal kung kaya’t matinding takot at pangamba ang bumabalot sa kanila.

“Kung mahilig si Tolo sa magagandang lalaki na may angking katangian, natitiyak kong hindi sila nalalayo sa kanyang panlasa.” Walang iniiwan na detalye ang Ginang pagdating sa tungkuling inaatas sa kanya ng Xuren. “Madalas makita ang mayamang mangangalakal na may kasamang magandang lalaki sa tabi nito. Nararapat lamang na mapunan natin ang bakanteng pwesto.”

Nagdidilim ang mukhang inutusan ni Won ang mga tauhan na ibalik ang mga ito sa kanilang mga pamilya. Matalim ang mga tinging pinigilan ito ni Halim.

“Batid mo ba ang halaga ng pinakawalan mo? Higit pa dito ay ang paghihirap kong humanap ng mga katulad nila.”

“Nakalimutan mo na ba ang mga batang pinalaya natin mula sa mga rebelde? Anyo lamang nito ang gagayahin mo hindi maging ang kanyang mga hibang na gawain.”

“Kung mapapalaya nito ang ating lupain mula sa nagbabantang rebelyon bakit hindi ko ito kayang gawin? Ikaw ang tunay na nahihibang dahil pinapaniwala mo ang sarili mong mabuti ka paring mandirigma matapos mong paslangin ang mga tulisan. Nakalimutan mo na bang may pamilya rin ang mga itong naghihintay sa kanila?” Sinamantala ni Halim ang pananahimik ng matangkad na bantay. “Dahil kinamumuhian mo ang aking pamamaraan, bakit hindi na lamang ikaw ang tumayo sa kanilang lugar?”

Isang malakas na hagalpak ang maririnig mula kay Kaori. Isipin niya palang na magsusuot si Won ng makulay na kasuotan ay nakikiliti na siya sa labis na tuwa. Natigil lamang siya sa kanyang halakhak ng makatanggap ng malakas na batok mula kay Won.

Sa huli, hindi lamang ang kasuotan ni Won ang naging makulay kundi maging ang anyo nito ay nalapatan ng maamong mukha. Sa kagustuhan ni Halim na makaganti sa matangkad na bantay, ginawa niyang mapang-akit ang mukha nito na kahit magdikit ang kilay nito ay magmumukha itong nang-aakit sa paningin ng iba.

Abot-tenga ang ngiting inikutan ito ni Halim. “Mas magiging kapani-paniwala ang iyong anyo kung bibigyan mo ako ng isang matamis na ngiti.” Pinisil-pisil ng Ginang ang matigas na balikat ng matangkad na bantay. Ang totoo ay lubos na humahanga siya sa katapatan ni Won sa Xuren. Gagawin nito ang lahat upang protektahan ito.

Pigil ang mga ngiting tumango-tango si Kaori, huminto lamang siya ng lumabas ang Xuren suot din ang makulay na kasuotan. Mabibilang niya lamang ang mga pagkakataon na nakita niyang nagsuot ito ng ibang kulay maliban sa mga itim nitong kasuotan. Ang huli ay ng magsuot ito ng pulang roba ng ikasal ito sa Prinsesa ng imperyal. Nakaramdam siya ng panganib dahil alam niyang susuong ito sa pugad ng mga kalaban.

Suot ang mukha ni Tolo, dumalo si Yura sa itinakdang pagtitipon. Hindi ito idinaos sa tago o pribadong lugar kundi sa malawak na pabilyon na pag-aari ng isang opisyal ng kapitolyo. Ang kaalamang nagagamit ang opisyales ng imperyal at lantarang pagkilos sa pangunahing lupain ay tanda ng nagbabantang pag-usbong ng malaking rebelyon sa puso ng imperyo.

May halong pagkasuklam ang mga matang sumalubong kay Yura. Hindi itinago ng mga ito ang kanilang pagkamuhi sa kanyang presensiya. Sadyang nakakasinag ng paningin ang makulay niyang kasuotan na naiiba sa kasuotan ng mga ginoong naroroon. Hindi niya masisisi ang mga ito dahil maging siya ay natatapangan sa matamis na halimuyak na nakakapit sa kanya.

“Hindi ko lubos akalaing dadalo ka sa pagtitipon na ito matapos mong isuko ang iyong teritoryo sa Nyebes?” Nanunuyang puna ni Sarus, Isang dayuhang mangangalakal. “Huwag mong sabihing nahumaling ka sa Ikalawang Prinsipe kung kaya’t isinuko mo ito ng walang laban sa kanya?”

Tinawid ni Yura ang kanilang distansiya habang palapit ang mukhang sinalubong niya ang tingin ni Sarus. “Hah… Bakit mo ako tinatanong ng mga bagay na alam mo na?” Bahagyang lumayo si Yura na tila nanlulukot ang noo dito, “Bakit hindi mo itanong sa akin kung ano ang lunas sa nabubulok mong bibig?”

Bumuga ng malakas na halakhakan dahil sa naging tugon ni Yura. Hindi lamang anyo kundi maging ang tinig at pananalita ni Tolo ay tinimpla niya ayon sa kanyang alaala dito.

“Tolo, huwag mo ng ikaila, batid naming nagbababad ka sa paraiso ng kayang ng mga sandaling binaliktad ng Ikalawang Prinsipe ang lupain ng Nyebes.” Saad ng isang Ginoong kabilang sa isang malaking angkan.

“Masyado kang naging kampante. Ngunit sinong mag-aakala na may sungay ito na talikuran ang maharlika? Hindi ko rin ito inaasahan mula sa kanya.”

“Isa lamang ang nakikita ko, mahihirapan tayong gamitin ang Ikalawang Prinsipe na maging tulay sa pagsulong natin kung hindi ito sasabay sa takbo ng ating laro.”

Humupa ang mga argumento ng kanilang marinig ang pagdating ng pangalawa sa pinakamataas na namumuno sa kanila. Nagsimulang tumayo ang lahat upang batiin ito.

Hindi nasorpresa si Yura na makita ang matataas na  opisyales sa pagpupulong ngunit may isang tao na hindi niya inaasahang makikita sa pagtitipon na ito. Hindi naitago ng maskara ni Yura ang paglamlam ng kanyang paningin.

“Punong Ministro,” patuloy itong binati ng mga naroon subalit nanatili sa kanyang kinatatayuan si Yura. Bumalik lamang si Yura sa katauhan ni Tolo ng dumako sa kanya ang tingin ng Punong Ministro.

“Kinikilala ko ang kakayahan mo subalit hindi ko mapapalagpas ang pagkapilay natin sa Nyebes.” Dumiin sa pandinig ni Yura ang bigat sa tinig nito. “Mawawalan ng saysay ang mga hinahasa nating patalim kung hindi natin mabubutasan ang kalasag ng Emperador.”

Sinong mag-aakala na ang Punong Ministro na lubos na nirerespeto ng kanyang Ama ang siya ring magbabaon ng patalim sa dibdib nito. Namuo ang galit sa dibdib ni Yura. Tunay na wala silang kakampi sa palasyo ng imperyal matapos ibuwis ng kanyang angkan ang kanilang dugo’t pawis sa imperyo. Bawat mukha ng mga tulisang dumalo sa pagtitipon ay mariing lumapat sa isipan ni Yura. Hindi niya pahihintulatang sumibol ang bagong umaga na masisinagan pa sila ng liwanag sa kanilang lupain.

Nanatili ang tingin ni Yura sa Punong Ministro na siyang punong kumakatawan sa Pagtitipon. Hindi nawaglit sa isipan ni Yura na Ama ito ni Jing, subalit hindi nito mababali ang sinumpaan niya sa kanyang pamilya. Kung ang Punong Ministro ang Ikalawang namumuno sa kanila, hindi nito maikakaila ang malaking posibilidad na ang Ikaanim na Prinsipe ang punong namumuno sa rebelyon. Tunay na dalawa ang mukha ng mga taong tulad niya na may tinatagong lihim na katauhan. Marahil ito ang dahilan kung bakit ito pamilyar sa kanya, kahit minsan lang nagtagpo ang kanilang landas. Hindi nalalayong ang Ikaanim na Prinsipe ang taong tinutukoy ni Tolo.

“Isang tusong sakim na kayang kitilin ang buhay ng kanyang ama at mga kapatid…”

Sunod-sunod na paglagok ng inumin ang ginawa ni Yura ng hatulan ng mga ito si Tolo na bumaba sa kanyang pwesto at isuko ang kanyang awtoridad.

Nang lisanin ng Punong Ministro ang pagtitipon, nagsimulang umingay ang pabilyon.

Natutuwang sinalinan si Yura ng alak ng dayuhang mangangalakal. “Alam kong inaasahan mo ng babagsak sa kamay ko ang mga hawak mong  teritoryo sa sandaling dumating ang panahong ito. Ngunit upang hindi ka maghihinakit sa akin ay may hinanda akong sorpresa para sayo na tiyak kong hindi mo matatanggihan.”

Sumipol ang ilan ng makita ang pagpasok ng magagandang dilag na may maninipis na kasuotan. Ang ilan ay nagsimulang tumugtog at umawit, habang ang iba ay sumayaw ng nakakaakit sa harapan ng kanilang mga panauhin.

“Sa tingin ko ay panahon na upang umunat ka at gamitin mo ng tama ang iyong instrumento–Ah-ahh!” Bumaon sa pagitan ng hita ni Sarus ang maliit na patalim na nahulog sa kamay ni Yura.

“Marahil nawaglit sa isipan mo na inaalisan ko ng instrumento ang sino mang nagiging bihag ko.” Hinablot ni Yura ang patalim at pinadausdos paangat sa ilalim ng baba ng dayuhang mangangalakal. “Sa tingin ko ay hindi ka nalalayo sa aking panlasa. Bakit hindi mo ako subukan?”

“Nahihibang ka na!” Nanhihilakbot na lumayo ito kay Yura. Maging ang iba ay hindi itinago ang pagkasuklam kay Tolo. Subalit wala sa kanila ang naglakas ng loob na kastiguhin ito dahil batid nilang tuso ang mayamang mangangalakal. Nawalan man ito ng awtoridad ay hindi parin nawawala ang impluwensiya nito sa mga hawak nitong teritoryo. Maging ang mga nakatago nitong kayamanan sa iba’t-ibang sulok ng lupain ay hindi nila maaaring ipagwalang bahala.

“Ah? Marami na akong nainom, hindi na mahalaga sa akin kung sino sa inyo,” isa-isang sinuyod ni Yura ang mga ito ng tingin na mistulang ang mga ito ang naging bayarang babae sa kanyang paningin.

“Tolo, kumalma ka. Nagbibiro lamang si Sarus.” May pumagitna sa dalawa upang pigilan ang namumuong hidwaan. Batid nilang nagiging magaslaw ang kilos ng mayamang mangangalakal sa tuwing nalalasing ito. Idagdag pa ang pagkabigo nitong protektahan ang mga hawak nitong teritoryo.

“Bakit naduduwag kayong sumugal gayong hindi lamang ang aking awtoridad ang kaya kong ibigay sa inyo?”

Ang mga opisyales na nagsimulang tumayo upang lisanin ang pabilyon ay bumalik sa kanilang mga upuan ng marinig ang huling pahayag ni Tolo. Nais makita ni Yura kung hanggang saan sila dadalhin ng kanilang kasakiman.

Sarus, “Malinaw ang kasunduan na sa’kin mo isasalin ang lahat ng hawak mo.”

“Isinuko ko ang aking dangal at reputasyon kapalit ng lahat ng mayroon ako ngayon. Sa tingin mo ay pakakawalan ko ito ng walang kapalit?”

“Sadyang nahihibang ka na!”

Inangat ni Yura ang kanyang inumin habang naglalaro ang mapanuksong ngiti sa gilid ng kanyang labi. “Batid niyong hindi ako bumubuo ng kasunduan sa mga taong tumatanggi ng aking inumin, marahil isa sa inyo ang makapagbibigay sa akin ng bagay na magtutulak sa aking isuko ang lahat.”

Ang nararamdamang poot ng mga ginoo sa mayamang mangangalakal ay lalong sumidhi. Nasusuklam sila sa marumi nitong pagkatao subalit hindi nila maitatanggi na nasa kamay ni Tolo ang yamang hinahangad nila.

“At anong bagay ang magtutulak sa’yong isuko ang lahat?” Isang binatang ginoo ang lumapit kay Tolo at nagsalin dito ng inumin. Nag-iimbita ang ngiti nito sa mayamang mangangalakal. Mas malalim na ngiti ang naging tugon dito ni Yura.

Umagos ang alak sa mga panauhin ng pabilyon. Ang lahat ay nanatili at wala sa kanila ang nagtangkang lisanin ang lugar.

Nagpatuloy ang masiglang tugtugin sa paglalim ng gabi, malalanghap sa paligid ng pabilyon ang makapal na halimuyak ng alak.

Sa pagdating ng kalagitnaan ng gabi, umangat ang kopa ni Yura, hudyat na pagtatapos ng kasiyahan. Sumunod dito ang paglakas ng tugtugin. Nagsimulang kumalat ang mga mananayaw habang bumibilis ang kanilang galaw sa pagsabay sa tempo ng musika.

Sa pagbagsak ng tambol ay pagpapakawala ng mga patalim ng mga mananayaw sa direksiyon ng mga panauhin. Ang malakas na mga ungol ay nasapawan ng maingay na tugtugin. Sa sunod na bagsak ay tilamsik ng kulay rosas na puminta sa paligid. Sa patuloy na pagbagsak ng tambol ay paglitaw ng mga nakaitim na kasuotan na lihim na nakapalibot sa paligid ng pabilyon. Tahimik na nilapag ni Yura ang hawak na alak ng bumagsak ang huling tulisan na nagtangkang tumakas. Mananatili sa alaala niya ang mga mukha ng mga taong dumaan sa kanyang patalim.

“Xuren,” Humigpit ang hawak ni Yura sa kopa ng ipaalam sa kanya ni Kaori ang pagkahulog ng karwahe ng Punong Ministro sa malalim na bangin.

Ang lahat ng ito ay naisagawa ayon sa kanyang plano. Aakuin niya ang mga buhay na nawala sa gabing ito, ngunit hindi ito magwawakas hangga’t buhay pa ang taong namumuno sa rebelyon.

Ang Ikaanim na Prinsipe ang sumulat sa pulang libro, ngunit ni minsan ay hindi pumasok sa isipan ni Yura na ito ang nasa likod ng rebelyon. Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi niya ito matanggap. Mistulang tumatalab ang epekto ng alak dahil  nararamdamang niyang sumisikip ang kanyang dibdib. Iwinaksi ni Yura ang kabang lumulusob sa kanya. Hindi maaaring dumating ang umaga ng hindi niya nabubunot ang punong ugat na pinagsimulan ng lahat.

Kasabay ng pagdaan ng malakas na hangin ang pagtawid ng itim na anino sa pader ng palasyo ng Ikaanim na Prinsipe. Nalagpasan ng tingin ni Yura ang hardin kung saan siya niligaw ng puting ibon. Tuwid at walang pagdadalawang isip ang pagtahak niya sa mga tagong bahagi ng palasyo. Ang minsang pagtigil niya sa lugar ay sapat na upang rumehistro sa isipan ni Yura ang silid ng Ikaanim na Prinsipe.

Walang mababakas na ingay sa paligid, maging ang mga lingkod ay nakakubli sa isang silid habang naghihintay ng utos ng kanilang kamahalan, lumalabas lamang sila sa sandaling marinig ang kalansing ng timbre mula sa silid ng Ikaanim na Prinsipe. Kinamumuhian nito ang maingay na paligid, kung kaya’t maingat ang mga katiwala sa kanilang mga kilos upang manatiling kalmado at payapa ang palasyo.

Ito ang katahimikang sumalubong kay Yura matapos niyang lisanin ang maingay na pabilyon. Sa kabila ng mga bakanteng pasilyo, ramdam ni Yura ang higpit ng seguridad sa palasyo. Sa bawat sulok nito ay may nakatagong bantay ang Ikaanim na Prinsipe.

Nalaman ito ni Yura ng unang dumating siya sa lugar. Wala man siyang nakikita o naririnig subalit nararamdaman niya ang mga matang lihim na nakasunod sa kanya. Sapat na ang kaalamang ito upang mapasok niya ang palasyo ng walang ingay.

Lumabas lamang si Yura sa isang sulok ng iligaw ni Won ang atensiyon ng mga aninong bantay.

Mistulang plumahe ang mga paa na pumasok si Yura sa silid. Ang manipis na sutlang tumatakip sa Prinsipeng nasa likod nito ay naaaninag ng paningin ni Yura sa tulong ng malamlam na lampara sa silid.

Ang Prinsipeng walang proteksiyon at ang Prinsipeng nahulog sa balikat niya ng araw na iyon ay siya ring Prinsipe na mawawala sa kamay niya ngayong gabi.

“Bakit ikaw pa?” Ang lihim na angil ni Yura bago niya pinakawalan ang patalim papunta sa direksiyon nito.

Nagdilim ang paningin ni Yura ng isang mabilis na anino ang umatake sa kanya. Kumalat ang usok na nagbuga ng matapang na amoy.

Bumagsak sa kanyang tuhod ang aninong bantay ng malanghap ang lason na kumalat sa silid. Mariing ibinaon ni Sev ang patalim sa kanyang hita upang labanan ito. Nawasak ang pinto ng silid ng sumugod ang iba pang mga aninong bantay upang protektahan ang Ikaanim na Prinsipe.

Ngunit kahit anino ng entrimetido ay hindi nila nakita, mistula itong hangin na naglaho at sumama sa dilim.

“K-Kamahalan…” Nanginginig ang tinig na lumapit si Sev sa sutlang pinaglagusan ng patalim. Hindi niya lubos akalaing may maglalakas ng loob na atakihin ang Ikaanim na Prinsipe sa loob ng palasyo nito, higit na hindi niya matanggap na napasukan sila sa kabila ng mahigpit niyang pagbabantay dito.

Tumuwid ang likod ng aninong bantay ng makita niyang bumangon mula sa higaan ang Ikaanim na Prinsipe. Binawi niya ang kamay, sunod na bumagsak ang kanyang tuhod ng bumaon ang patalim sa kabila niyang hita. Sa halip na matakot ay lumuwag ang dibdib ni Sev na malamang walang nangyari sa kanilang Kamahalan.

“Alamin niyo kung sino ang nagmamay-ari ng patalim na ‘yan.” Mararamdaman ang nagyeyelong tinig ng Prinsipe.

“Masusunod.”

Hindi na naghintay ng segundo ang bantay upang ipakalat ang kanyang mga tauhan. Mas humigpit ang seguridad na pinatupad niya sa palasyo matapos ang pangyayari.

Mabilis na itinaboy ng mga lingkod ang naiwang halimuyak ng lason sa silid. Tahimik na naibalik sa ayos ang nasirang pinto na tila walang dumaan na panganib.

Inangat ng Ikaanim na Prinsipe ang suot na kwintas, makikita ang pagkakahati nito sa gitna. Kung hindi niya ito itinago sa kanyang dibdib, marahil ay hindi na niya madaratnan ang umaga. Sadyang matalim ang intensiyon ng taong nagtangka sa kanya.

Dapat ba siyang magpasalamat sa nagmamay-ari ng kwintas dahil sinagip nito ang buhay niya?