Mararamdaman ang malamig na temperaturang bumabalot sa dakilang bulwagan ng Emperador.
Ang tahimik na pagtanggap sa pagbabalik ng mga delegado ay nangangahulugang hindi naaayon sa kagustuhan ng Emperador ang naganap sa kaharian ng Nyebes.
Ang Pangalawang Prinsipe na siyang Punong Delegado ang humarap sa Emperador at mga ministro.
Sa kabila ng sari’t-saring opinyong kumakalat sa palasyo ng imperyal hinggil sa pag-abandona ng Ikalawang Prinsipe sa mga maharlika ay mas pinili nilang manahimik ng mga sandaling iyon, pagka’t ang saloobin ng Emperador ang hinihintay nilang marinig. Subalit hindi nila inaasahan ang naging pahayag ng Ikalawang Prinsipe.
“Mahal na Emperador, hindi naging madali ang tungkuling ipinagkatiwala niyo sa akin. Subalit lubos akong nagpapasalamat sa mga turo niyo na maging patas sa mga gagawin kong pagpapasya. At ang mga payo ng Prinsipeng tagapagmana na huwag kong titimbangin ang aking paghatol base sa kasuotan at titulo ng aking nasasakupan. Ang mga bagay na ito ang nagtulak sa akin upang bigyan ng mabigat na parusa ang mga tiwaling opisyales . Nakahanda akong tanggapin ano man ang inyong hatol sa aking naging desisyon.”
Naipit ang mga salitang nais ipunto ng mga ministrong nasa pangkat ng Prinsipeng tagapagmana. Ang kagustuhan nilang gamitin ang pagkakataong ito upang idiin ang Ikalawang Prinsipe ay naudlot. Kung gagawin nila iyon ay lalabas na sinasalungat nila ang Pangunahing Prinsipe. Maging ang Emperador na inaasahan nilang magpapakita ng pagtutol sa naging hakbang ng Ikalawang Prinsipe ay nanatiling tahimik. Subalit mararamdamang hindi ito nagagalak sa kanyang narinig.
Idinaos ang marangyang pagdiriwang sa Palasyo ng Ikalawang Prinsipe. Dumalo ang mga Xuren na may malalim na koneksiyon dito. Higit na nadagdagan ang suportang natanggap nito sa mayayamang mangangalakal ng tuluyan nitong yakapin ang kanilang pangkat.
Hindi lubos masukat ni Siyon na makakalabas siya ng dakilang bulwagan na walang natamong anumang galos mula sa kanyang ama. Bakit ngayon lamang niya napagtanto? Nabulag siya ng kagustuhan niyang yakapin ang amarilyo nitong roba gayong hawak na niya ang tunay na ginto.
“Nasaan na siya?” Tanong niya sa kanyang punong-lingkod hindi pa man ito tuluyang nakakalapit sa kanya.
“K-Kamahalan, hindi po makakadalo ang Lu Ryen. Kasalukuyan po siyang nasa palasyo ng Prinsesa.”
Hindi ito ang unang beses na tinanggihan ito ng Lu Ryen. Ang mga panauhin ay lihim na nakikinig sa magiging tugon ng Ikalawang Prinsipe.
“Nakakapanghinayang man na hindi natin siya makakasama sa selebrasyong ito ngunit hindi ito ang huling pagdiriwang na magaganap sa aking palasyo.” Magaan ang mga ngiting sinimsim ni Siyon ang hawak na inumin.
Sa halip na mainsulto ay maluwag na tinanggap ng Ikalawang Prinsipe ang muling pagtanggi dito ng Xuren ng Zhu. Hindi na nakatiis ang isang Xuren at lumapit sa Prinsipe. “Kamahalan, nakakapagtaka ang pagbabago ng direksiyon ng hangin sa pagitan ninyo ng Lu Ryen?” Nagkaroon na ng pilat ang relasyon ng dalawa bago pa man tumungo ang mga ito sa Nyebes. Ang pagpili ng Ikalawang Prinsipe sa Lu Ryen ay inakala nilang paraan ng Prinsipe upang ilagay ito sa panganib.
“Ang matalim na hangin na dumaan sa pagitan naming dalawa ang siyang nagsilbing tulay upang makilala namin ang isa’t-isa.”
Ang tugon na ito ng Ikalawang Prinsipe ay nagpapahiwatig ng malalim na ugnayan nito sa Lu Ryen. Nagpapatunay dito ang naganap na matrimonya sa pagitan ng Zhu at Yan.
Lihim na sumilay ang ngiti kay Siyon habang nilalaro ng daliri niya ang labi ng kopa. Ang paraang tinuro sa kanya ni Yura upang patahimikin ang anumang pagtutol mula sa Emperador at mga Ministro ang siyang ginamit niya rin dito upang maniwala ang lahat na kabilang na ito sa kanyang pangkat. Hindi niya papayagang makawala sa kanyang kamay ang brilyateng ito.
Nagising ang Lu Ryen ng makaramdam ng bigat sa kanyang kaliwang balikat. Sumalubong sa kanyang paningin ang pinong hibla sa mga mata ng prinsesa. Mahimbing itong natutulog sa kanyang tabi na tila hindi ito ang konsorteng naglabas ng matinding hinanakit sa kanya.
Batid niyang matapang ang medisinang ginamit niya dito kung kaya’t hanggang ngayon ay nakakulong ito sa malalim na pagkakatulog.
Bahagyang ipinikit ni Yura ang kanyang paningin. Ang mahabang paglalakbay ay nagdulot ng bigat sa kanyang katawan kung kaya’t pinili niyang manatili sa palasyo ng prinsesa.
Muli siyang nagmulat ng maramdaman ang mahihinang kaluskos sa labas ng silid. Maingat na binawi niya ang kanyang balikat at bumangon upang ayusin ang sarili.
“Yura…”
Huminto ang mga daliri niya sa kanyang manggas ng marinig ang halos bulong na sambit ng prinsesa sa kanyang pangalan. Dumako ang tingin ni Yura sa kamay nito na nangangapa sa bakanteng espasyo na iniwan niya.
Sa paglalim ng damdamin nito sa kanya ay mas nagiging mapanganib siya para sa prinsesa. Darating ang panahong matutuklasan nitong hindi sila para sa isa’t-isa.
Tahimik na nilisan ni Yura ang silid.
Maaliwalas na paligid ang bumungad kay Yura sa paglabas niya ng Palasyo ng Prinsesa.
Sa pagbalik niya sa Palasyong Xinn ay madilim na anyo ni Won ang sumalubong sa kanya.
“Anong nangyari?”
“Xuren-“
“Hindi parin ba ako imbitado sa iyong palasyo pagkatapos ng mga pinagsamahan natin sa kaharian ng Nyebes?” Putol ni Jing na sumulpot sa likod ni Won. “Tinanggihan mo ang lahat ng mga regalo ko at nais mo rin akong harangin na makita ang Lu Ryen.” Naghihinakit na sumbat ng Xuren ng Punong Ministro sa matangkad na bantay.
“Xuren Jing.” Tawag ni Yura ng makita niyang lalong nagdidilim ang anyo ni Won, bakas ang pagpipigil sa mga ugat ng kamao nito. “Ipagpaumanhin mo ang aking bantay, marahil hindi lamang siya…” Tumigil ang tingin ni Yura sa pag-akbay ni Jing kay Won. “…sanay sa paraan ng iyong pakikipagkaibigan.”
Lumambot ang tingin ni Yura at dumaan ang ngiti sa sulok ng kanyang mga mata. Marahil kahit na pansamantala ay makakabuti kay Won ang presensiya ni Jing upang matutunan nitong tumanggap ng ibang tao maliban sa kanila ni Kaori.
Ito marahil ang nagtulak sa kanya upang paunlakan ang imbitasyon ni Jing para sa isang pribadong kasiyahan.
Nais pagdudahan ni Yura ang kanyang naging desisyon ng dumating siya sa lugar.
Ang nadatnan niya ay isang malawak na espasyo na ang tanging panauhin ay ang prinsipeng nagmamay-ari ng puting roba.
“Kung ganon ay ikaw ang inimbitahan niya,” Bungad nito ng magtama ang kanilang paningin.
Dumako ang tingin ni Yura sa tatlong silyang naroon. Ang nakahaing inumin at pagkain ay sadyang para lamang sa tatlong panauhin.
Pribadong kasiyahan? Marahil ay maaga niyang hinusgahan ang Xuren ng Punong Ministro.
Dumaan ang mahabang katahimikan matapos okupahin ng dalawa ang bakanteng silya.
Nagpapaalam na ang araw ng sindihan ng mga lingkod ang mga lampara sa paligid na siyang hudyat na pagbangon ng gabi.
Naiinip na lumitaw si Jing mula sa isang sulok ng wala siyang marining na ano mang pag-uusap mula sa dalawa.
Tumigil siya sa paglapit ng mapansin niyang magaan ang hanging bumabalot sa mga ito. Hindi man sila nag-uusap subalit mistulang hindi sila estranghero sa isa’t-isa.
Ganon pa man ay hindi siya papayag na matapos ang gabing ito na walang nagaganap na kasiyahan. Kailangang mag-iwan siya ng alaala na hindi makakalimutan ng mga ito upang lumalim ang estado ng kanilang relasyon.
Inutusan niya ang lingkod na ilabas ang mga inihanda niyang inumin.
“Ipagpaumanhin niyo kung nahuli ako. Sadyang maraming tungkulin akong naiwan na kailangan bigyan ng atensiyon.”
“At sa’yong tingin ay ikaw ang pinakaabalang tao na narito?” Malamig na tanong ni Hanju sa pinsan nito.
Matagal na naging payapa ang mga nakalipas na araw ng Ikaanim na Prinsipe ng lisanin ni Jing ang kapitolyo. Dahilan upang paunlakan ni Hanju ang imbitasyon nito na makinig sa musika ng isang mang-aawit na inanyayahan nito mula pa sa Nyebes. Ngunit sadyang may iba itong ideyang tinitimpla.
“Lu Ryen, kinagagalak kong pinaanyayahan mo ang aking imbitasyon. Ibig bang sabihin nito ay mas mabigat ako sa puso mo kumpara sa Ikalawang Prinsipe?” Hindi mapigilan ni Jing ang paghagalpak sa labis na tuwa at hindi pinansin ang nagyeyelong tingin ni Hanju. “Kung ganon ay hindi ko na sasayangin ang iyong panahon.”
Sa pagsenyas ni Jing sa mga katiwala ay paglabas ng isang mayuming binibini. Napakapino ng mga kilos ng dalaga na tila dumadampi lamang ang bawat tapak nito.
Sumungaw ang matamis na ngiti sa labi ni Jing ng makita niyang tumigil dito ang tingin ni Yura. “Tiyak na naaalala mo ang mang-aawit na magdamag na tumugtog sayo sa unang mga gabi natin sa Nyebes. Nalaman kong nais niyang bumisita sa kapitolyo kung kaya’t inimbitahan ko siya na maging panauhin ko.” Batid niyang malambot ang Lu Ryen pagdating sa mga babae subalit ngayon lang pumasok sa isip ni Jing ang estratehiyang ito. Mataas ang tingin niya sa Pangalawang Xuren ng Punong Heneral, kung kaya’t naging komplikado ang mga naging pamamaraan niya na mapalapit dito gayong may mas malambot na paraan upang mapaamo ito.
Kung ang Ikatlong Prinsipe ay may kapatid na prinsesa na konsorte ng Lu Ryen, ang Ikalawang Prinsipe naman ay may pinsan na kasal sa nag-iisang pinsan ni Yura. Sa madaling salita, ito ang pinakamadulas na daan para makapasok sa puso ng Lu Ryen.
Lumipat ang tingin ni Yura kay Jing. Hindi na niya kailangang basahin ang naglalaro sa isipan nito dahil nakarehistro sa mukha ng Xuren ang anumang tumatakbo sa isip nito.
Nadagdagan ang yelo sa mga mata ni Hanju. Sa maraming pagkakataon, nais niya muling itanggi na pinsan niya ito. Nang unang marinig niya ang pangalan ni Yura Zhu sa bibig ni Jing ay inakala niyang isa lamang ito sa mga taong nais nitong ungkatin ang pagkatao. Sa pagdaan ng mga araw na pagtuklas ni Jing sa katauhan ng Pangalawang Xuren ng Zhu ay lumalim ang interes nito. Tulad ng obsesyon nito sa mga kinokolekta nitong libro, ganoon ang naging tingin ni Jing sa Lu Ryen.
“Isang pribilehiyo na muling mapakinggan ang kanyang tinig.”
Ang narinig ni Hanju na tugon ni Yura Zhu. Maluwag nito iyong tinanggap kahit na batid ng Lu Ryen ang tunay na intensiyon ng pinsan niya.
Hindi mahalaga sa Lu Ryen ang kanyang imahe, ngunit pagdating sa reputasyon ng pamilya nito ay hindi ito pumipikit.
Pumailanlang ang malamyos na tinig ng binibining mang-aawit. Sa pagsabay ng mga daliri nito sa pagtugtug ng yakap nitong instrumento ay mistulang isinilang ang isang kaakit-akit na nimpa ng batis.
Abot-tenga ang ngiting tinanggap ni Jing ang mga inumin mula sa mga katiwala at inilatag sa harapan ng dalawa.
“Habang nakikinig tayo sa napakagandang musika, bakit hindi natin ito sabayan ng konting kasiyahan?”
Ang mga inumin ay nahati sa dalawang klase. Ang isa ay tsaa at ang isa ay matapang na alak. Magkatulad ang amoy ng halimuyak upang hindi matukoy kung saan ang tunay na alak.
Matalas ang pang-amoy ni Hanju kung kaya’t ito ang naisipin niyang paraan upang sagipin ang mukha ng pinsan niya. Hindi maaring masira ang imahe nito ng isang kopa lamang ng inumin!
Kung kaya naisipan ni Jing ang larong ito upang sagipin ang reputasyon ni Hanju. Sinong mag-aakalang siya ang mahuhulog sa larong itinanim niya?
Nanlalabo ang paninging tinungga ni Jing ang huling patak ng kopa. Ilang inumin na ang lumapag sa harapan nila ngunit wala paring nagbabago sa ekspresyon ng dalawa. Natutuwa siyang makitang nakaupo parin ng tuwid ang pinsan niya subalit ang Lu Ryen? Bakit tila kahit alak ang mga napili nitong inumin ay nanatili parin ang kulay ng mukha nito?
Ilang beses na niyang nakaharap ang Lu Ryen at ni minsan ay hindi niya nakitang tumalab dito ang alak. Nakakapanghinayang isipin na kahit kalahati ng kakayahan nito ay wala si Hanju.
“Yura Zhu, ikaw ang pinakainteresanteng taong nakilala ko.” Muling tumungga si Jing ng inumin. Nang malasahan niya ang alak ay napailing siya sa sarili. “Marami akong nais matutunan mula sayo subalit sadyang napakahirap mong basahin. Sa puntong ito ay malaki ang pagkakatulad niyo ng ikaanim na prinsipe kung kaya’t sa aking tingin ay magkakasundo kayo…” naputol ang mga nais sabihin ni Jing ng tuluyang dumilim ang kanyang paningin.
Umangat ang kamay ni Yura na may hawak na kopa upang iwasan ang tilamsik ng mga inumin mula sa pagbagsak ng bigat ni Jing sa lamesa.
Dumaan sa paningin ni Hanju ang makinis na mga daliri pababa sa manggas na may karit na disenyo ng buwan. Madilim ang kulay ng roba ngunit ang nagmamay-ari ng kasuotan ay tila bagong hulog ng mga nyebe ang balat.
Binawi ng ikaanim na prinsipe ang tingin ng maramdaman niyang tumigil ang kanyang paningin dito. Dumampi ang mapait na lasa ng alak sa kanyang bibig ng wala sa loob siyang humugot ng inumin.
Huli na para pigilan niya ang pagdaloy ng alak ng tuluyan nitong daanan ang natutuyo niyang lalamunan. Di matukoy ni Hanju kung saan nanggaling ang nararamdaman niyang uhaw.
“Para sa akin ay ang Xuren ng Punong Ministro ang pinakainteresanteng taong nakilala ko.” Tukoy ni Yura sa Xuren na nilapitan ng mga katiwala upang alalayan at akayin. “Hindi niya kailangang magpanggap o itago ang intensiyon niya. Nais niya kayong protektahan ngunit sa tingin ko ay mas kailangan niya ng proteksiyon niyo.” Binawi ni Yura ang tingin kay Jing ng tuluyan itong ipasok ng mga lingkod sa isang silid.
Sumalubong kay Yura ang pares ng mga mata na tuwid na nakatingin sa kanya.
“Lu Ryen, sa’yong tingin ay hindi mo kailangan ng proteksiyon?” Muling bumalik kay Hanju ang walang malay na anyo ng Lu Ryen ng minsang maligaw ito sa kanyang hardin. Ang Zhu na nasa harapan niya na walang pag-aalinlangan na salubungin ang Emperador at manipulahin ang ikalawang prinsipe ay malayo sa imaheng naiwan sa isipan niya. Tanging ang nahihimlay nitong anyo na walang proteksiyon ang nanatili sa kanyang alaala.
Bahagyang lumuwag ang pagkakahawak ni Yura sa kopa ng makita niyang nakapako sa kanya ang tingin ng ikaanim na prinsipe.
Ang katanungang binitawan nito ay nag-iwan ng pangamba kay Yura. Hindi niya gusto ang pakiramdam na binibigay nito sa kanya.
Mabibilang lamang ang salitang lumabas mula dito simula ng dumating siya. Inakala niyang hindi ito interesadong kilalanin siya, kaibahan sa pinsan nito na kung maaari ay nais siyang himayhimayin.
Sa kabila ng kanyang pangamba ay hindi ito lumitaw sa mukha ni Yura. Sinalubong niya ang tingin ng Ikaanim na prinsipe ng walang bahid na emosyon. “Dahil ba sa nangyaring iyon kaya naisip niyong kailangan ko ng proteksiyon? Inaamin kong resulta iyon ng aking maling kalkulasyon.”
Lumipat ang tingin ng Lu Ryen sa binibining mang-aawit na patuloy na tumutugtug ng malamyos na musika. Sa mababang tinig ay nagwika siya, “Katulad ng maling kalkulasyon ko sa pulang aklat. Kung maibabalik ko ang panahon, hindi ko papayagang madungisan ang kamay ng aking ama bunga ng inyong manipulasyon.” Binalik ni Yura ang tingin sa Ikaanim na Prinsipe. “Ngunit sinisigurado kong hindi ako magiging balakid sa inyo. Inaasahan kong ganoon din kayo sa akin-” May halong banta ang mensahe ni Yura subalit hindi niya inaasahang babagsak ang prinsipe na maagap niyang sinalo sa kanyang balikat.
Bumaba ang tingin niya sa hawak nitong walang laman na kopa. Mabilis ang naging tugon ni Yura bago niya napagtanto ang ginawa.
Naramdaman niyang lalong dumagan sa kanya ang bigat ng walang malay na prinsipe. Tumama sa gilid ng kanyang leeg ang mainit nitong hininga na nagpabangon ng kanyang balahibo.
Umangat ang isang kamay ni Yura upang itulak ito ngunit tumigil ng marinig niya ang payapa nitong paghinga. Sinenyasan niya ang mga katiwala na alalayan ito. Hinintay niyang kunin ito ng mga lingkod bago siya tuluyang nakahinga ng maluwag.
Sa huli ay naiwan siyang mag-isa sa bilugang lamesa. Sadyang mahina ang mga Prinsipe at Xuren ng imperyal pagdating sa ganitong inumin. Nasanay siyang damayan ang mga kapatid niyang mandirigma sa magdamag na pagkalunod ng mga ito sa alak. Walang limitasyon ang hangganan ng mga ito na inaabot ng bukang liwayway.
Tumigil ang mga daliri ng binibining mang-aawit sa pagtugtug. Tumabi ito sa Lu Ryen upang salinan ito ng panibagong inumin.
“Hayaan niyong samahan ko kayo ngayong gabi.”
Mariing tinakpan ng kamay ni Yura ang gilid ng kanyang leeg ng tila pakiramdam niya ay may naiwang paso sa kanyang balat. Lihim na pinakalma niya ang sarili bago tinanggap ang inuming isinalin sa kanya ng binibining mang-aawit.
Leave a Reply