Mabilis ang mga kilos ni Chuyo ng makita niya ang pagbangon ng prinsesa. Buong maghapon itong nakatulog ngunit wala ni isa sa kanila ang naglakas ng loob na gambalain ito. Maging ang Emperatris na bumisita ay pinigilan silang gisingin ito nang malamang nagpapahinga parin ang prinsesa . Isang makahulugang ngiti lamang ang iniwan ng Emperatris bago ito tahimik na lumisan.
Hindi rin mapigilan ni Chuyo ang kanyang tuwa. Kung magkakaroon man ng supling sa pagitan ng Lu Ryen at ng prinsesa, natitiyak niyang isang nakakabighaning prinsipe o prinsesa ang gigimbal sa palasyo ng imperyal.
“Kamahalan?” Puna ni Chuyo ng mapansin niyang may hinahanap ang mga mata ng prinsesa.
“Ang Lu Ryen?”
“Malalim ang inyong pagkakatulog kung kaya’t tahimik na nilisan ng Lu Ryen ang inyong silid.
Nangingiting nilapag ng Punong-lingkod ang bulaklak na may sariwang halimuyak sa tabi ng Prinsesa. “Ang bulaklak na ito ay galing sa Palasyong Xinn.” Hindi na halaman kundi bulaklak ang binigay ngayon ng Lu Ryen. Nakakatuwang makita ang pagbabago ng relasyon ng mga ito.
Naging kulay rosas ang mukha ni Keya ng tanggapin niya ang bulaklak. Maging ang gilid ng kanyang taynga ay hindi nakaligtas sa pamumula. Hindi niya maunawaan ang sariling damdamin. Napupuno siya ng hinanakit sa Lu Ryen subalit pagkatapos siya nitong ikulong sa isang mahigpit na yakap ay natunaw ang lahat ng iyon.
“Nais ko siyang makita.”
Mariing pinigilan ni Chuyo ang Prinsesa. Nagpaalam na ang araw ay hindi pa nito nagagalaw ang mga nakahaing pagkain. Idagdag pang hindi pa naaayos ng prinsesa ang sarili nito.
Nakahinga ng maluwag ang punong-lingkod ng sa huli ay nakinig ito sa kanya.
Gumala ang tingin ni Chuyo sa katawan ng prinsesa ng tulungan niya itong magpalit. Wala siyang makitang ano mang bakas sa balat nito. Walang iniwang tanda ang Lu Ryen sa katawan ng prinsesa.
Nahulog sa malalim na pag-iisip ang punong-lingkod. Naalala niya na maging ng unang gabi ng prinsesa at ng Lu Ryen ay wala din siyang nakitang ano mang bakas.
Kapos man siya ng karanasan sa ganitong bagay subalit lumaki siya sa haligi ng palasyo ng imperyal. Maaga siyang namulat sa mga maselang usapin ng mga katiwala tungkol sa bagong Xienli na pinapaboran ng Emperador. Sa babaeng lingkod na minarkahan ng mataas na opisyales. At marami pang bagay na palihim na pinag-uusapan ng mga katiwala sa tuwing sila’y nagpapahinga.
“Chuyo?” Nagtatakang nilingon ni Keya ang punong katiwala ng maramdaman niyang tumigil ito sa pag-alalay sa kanya.
“K-Kamahalan, kamusta po ang inyong pakiramdam? May nararamdaman po ba kayong kakaiba sa inyong katawan?”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ipagpaumanhin niyo ang aking kapangahasan, nag-aalala lamang ako pagka’t ito ang pangalawang beses na may nangyari sa inyo ng Lu Ryen kaya sa parteng ito ay tiyak na naninibago pa po ang inyong katawan.”
Pinakiramdaman ni Keya ang sarili matapos marinig ang tugon ng kanyang punong-lingkod.
Nagsimulang gumapang ang pagdududa sa kanyang dibdib. Hindi niya maitatanggi sa sarili na minsan ng pumasok sa isipan niya ang posibilidad na walang nangyari sa kanila ng Lu Ryen sa kanilang unang gabing magkasama. Pagkat walang bakas na naiwan sa higaan na tanda ng pagpapaalam ng kanyang kadalisayan.
Sa pangalawang pagkakataon, hindi maaaring may nangyari sa kanila ng wala siyang alaala. Higit sa lahat, wala siyang maramdamang iniwan nitong bakas sa kanyang katawan.
“Nakalimutan mo na bang ikaw ang unang bumitaw?”
Itinago ni Keya ang takot na namumuo sa kanyang dibdib. Hindi niya gustong isipin na panaginip lamang ang nangyari sa kanila ng Lu Ryen.
“Hindi ako makakatulog ng buong araw kung naging magaan ang pakiramdam ko. Wala kang dapat ipag-alala.” Tinakpan ng ngiti ng prinsesa ang pait na bumabalot sa dibdib niya.
Sa magdamag na gabi ay nanatiling gising ang diwa ni Keya, hindi dahil sa mahabang oras na nakatulog siya kundi binabangungot siya ng mga pangungusap na binitawan ni Yura sa kanya.
“…Huwag niyong hayaang mabulag kayo dahil minsang niligtas ko ang buhay niyo.”
Itinatanggi ng puso’t isipan niya na likha lamang ng kanyang imahinasyon ang nakita niyang pag-aalala sa mga mata ng Lu Ryen. Ang dampi ng halik nito ay tunay na naramdaman niya.
Pagsapit ng bukang liwayway ay nagambala ang Palasyong Xinn sa maagang pagdating ng prinsesa. Ito ang naghanda ng umagahan ng Lu Ryen.
Maluwag na nagbigay daan si Dao sa konsorte. Nakahinga siya ng makitang ganoon din ang pagtanggap dito ng Lu Ryen. Kung hindi ipaglalaban ng prinsesa ang kanyang posisyon bilang konsorte ay tiyak na aagos ang bilang ng Xienli na kanyang pagsisilbihan.
Tahimik na iniwan ng matandang punong-lingkod ang prinsesa at ang Lu Ryen sa silid.
“Nais kong manatili sayong tabi at gawin ang tungkulin ko bilang iyong konsorte.” Hindi na nagdalawang isip si Keya na ipaalam kay Yura ang kagustuhan niyang lumipat sa Palasyong Xinn.
“Mas higit na mahalaga sa akin ang tungkulin mo bilang prinsesa ng imperyal. Hindi niyo kailangang bumaba sa inyong posisyon alang-alang sa akin.” Dumantay ang palad ni Yura sa kamay ng Prinsesa ng makita niya ang pagbabago ng ekspresyon nito. “Tutol ako na maging sunod-sunuran ka sa aking tabi at maging palamuti sa aking pangalan. Hindi ko nanakawin ang karapatan mong maging malaya. Bagaman natali tayo sa isang matrimonya, hindi ko hahangaring ikulong ka sa aking tabi.”
Marahil kung hindi pa ito nakikilala ni Keya ay magagalak siyang marinig ito mula sa Lu Ryen. Nanatili siya sa kanyang palasyo pagkatapos nilang makasal upang ipakita sa lahat na siya parin ang prinsesa ng imperyal. Nais niyang patunayan na kahit naselyuhan siya ng matrimonya ay mananatili ang bigat ng kanyang estado. Subalit ang mga sinabi ni Yura ay tila karayum na tumutusok ngayon sa puso niya.
“Kung ganon, nais kong panindigan mo ang responsibilidad mo sa akin.” Pinagsalikop ng prinsesa ang kamay nila ng Lu Ryen. “Hindi ako papayag na iba ang magdadala ng iyong unang supling.”
Matagal na nakatuon ang tingin ni Yura sa malayo ng maiwan siyang mag-isa sa silid.
Nabibilang na lamang ang mga araw niya sa palasyo ng imperyal. Hindi sapat na mapakalma niya ang prinsesa.
Hindi nahirapan si Yura na harapin ang matataas na opisyales, mga rebeldeng bandido at ang Ikalawang Prinsipe noong siya ay nasa Nyebes. Ngunit ngayon ay nahulog siya sa suliranin na batid niyang hindi abot ng kanyang kakayahan.
Nagsimulang dumaloy ang kirot sa kanyang sentido. Kung nanatili siyang malamig sa prinsesa, may hawak pa siyang dahilan upang tanggihan ito. Pinangunahan siya ng kanyang emosyon kung kaya’t nahulog siya sa kasalukuyang dilema.
Hindi matutuldukan sa Nyebes ang lahat. Pansamantala lamang na nakalas niya ang pangil ng mga rebelde subalit panahon lang ang makakapagsabi na muli silang makakabangon.
Nasunod ang plano niyang ihiwalay ang Ikalawang Prinsipe sa angkan ng Yan ngunit hindi ibig sabihin nito ay tuluyan ng malalagas ang impluwensya nito sapagkat hindi mawawala ang mga malalaking tao na nagnanais kontrolin ang susunod na tagapagmana ng imperyal. Hindi lamang ang angkan ng Yan ang may kakayahang suportahan ang Ikalawang Prinsipe.
Kailangang Buwagin ni Yura ang reputasyon nito upang hindi ito magamit sa isang rebelyon.
Kung susundin niya ang kanyang naunang plano, mahabang panahon ang gugugulin para tuluyang mabunot ang pinakaugat nito. Subalit dahil sa biglaang paghadlang ng prinsesa, kailangan niyang maisagawa ang lahat sa mas madaling panahon.
Kumalat ang kirot sa sentido ni Yura na nagpapalabo ng kanyang paningin. Ininda niya ito ng marinig ang mabibilis na mga hakbang palapit sa kanyang silid.
Bumungad sa harapan niya si Kaori na nanggaling sa tahanan ng Zhu dahil pinadala niya dito ang mga larawang bulaklak na ipininta niya para sa kanyang ina.
“Xuren!”
Walang tahas na ibinalita ni Kaori ang pagsilang ng kauna-unahang apo sa pamilya ng Punong Heneral.
Nawaglit sa isipan ni Yura ang iniindang sakit sa narinig. Naalala niya lamang huminga ng ilang beses siyang tawagin ni Kaori.
“Xuren? Nais niyo po bang makita…”
Agad na tumayo si Yura at hindi na hinintay na matapos ang tanong ng kanyang bantay. Ito ang natatanging impormasyon na natanggap niya simula ng bumalik siya sa Salum.
Natutuwang sumunod si Kaori sa Xuren na hindi itinago ang kagustuhan nitong makabalik ng mabilis sa tahanan ng Punong Heneral.
Nadatnan ni Yura na pinalilibutan ng kanyang pamilya ang kauna-unahang apo ng Punong Heneral sa panganay nitong anak.
Ang matalim na anyo ng kanyang kapatid na si Yanru at ang munting sanggol na nasa bisig nito ay isang larawan na batid niyang mauukit sa kanyang isipan.
Hindi namalayan ng mga ito ang pagdating niya pagka’t nakatuon ang lahat ng kanilang atensiyon sa kanyang bagong silang na pamangkin.
Sumandal si Yura sa gilid habang pinagmamasdan ang mga ito. Natunaw ang lahat ng bigat na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Bumalik sa kanya ang tunay niyang intensiyon kung bakit siya pumasok sa palasyo ng imperyal. Ito ay para sa kanyang pamilya, sa kanilang hukbo, sa lupaing pinagbuwisan ng buhay ng kanilang mga ninuno, at sa kinabukasan ng bagong silang niyang pamangkin.
Nang maligaw ang tingin ni Yanru sa kanyang direksiyon, sumilay ang ngiti hanggang sa mga mata nito. Napunta sa kanya ang atensiyon ng lahat na halatang nasurpresa ng makita siya.
“Yura.” Salubong sa kanya ng kanyang ina.
Tumayo din si Yanru at lumapit sa kanya habang yakap sa bisig ang munti nitong supling.
Yanru, “Madalas mong hilingin sa ating Ina na bigyan ka ng mas nakakabatang kapatid.”
Tumuwid ang tayo ni Yura ng maingat na nilipat ni Yanru sa bisig niya ang kanyang pamangkin.
“Nais kong ikaw ang magbigay ng pangalan sa kanya.”
Ang maliit at malambot na supling na tila kumikinang na itim na ubas ang mga mata ay nakatingin sa kanya.
Walang makapang salita si Yura ng mga sandaling iyon. Nilapit niya sa kanyang mukha ang sanggol bago ito dinampian ng pinong halik.
“Yara.” Tawag niya sa pangalan ng sanggol. Nais niyang marinig ang pangalang ito na malayang nakalabas at hindi na lamang isang lihim. Ibibigay niya sa pamangkin ang kinabukasang kung saan hindi nito kailangang magtago. Na may kalayaan itong mamili kung ano ang direksiyon na nais nitong tahakin.
Dumaan ang lumbay sa puso ni Sula ng marinig ang pangalang binigay ni Yura.
Pagkatapos maibalik ang sanggol sa kanyang ina upang makapagpahinga, dinala ni Sula ang anak sa isang malawak na bulwagan kung saan nakasabit ang lahat ng bulaklak na ipininta ni Yura para sa kanya. Tila isang hardin ng mga makukulay na bulaklak ang haligi ng mahabang pasilyo.
“Madalas mo akong pitasan ng bulaklak ng maliit ka pa lamang. Nang malaman kong hindi na ako maaaring humawak ng bulaklak, ikaw ang lubhang nalungkot sa lugar ko. Subalit dahil sa malikot mong pag-iisip, nagsimula kang magpinta ng ibat-ibang uri ng bulaklak upang pasiyahin ako.” Hinawakan ni Sula ang mga kamay ni Yura at marahan iyong pinisil. “Ngunit alam mo bang hindi ang mga bulaklak kundi ikaw ang tunay na nagpapasaya sa akin?”
Tinanggap ni Yura ang mahigpit na yakap ng kanyang ina. “Hindi ko man naprotektahan ang kinabukasan mo ngunit nakikiusap ako sa iyong huwag mong tatalikuran ang iyong sarili.” Nilabas ni Sula ang isang ginintuang kwintas na kung saan nakaukit ang tunay na pangalan ni Yura. “Huwag mong kakalimutan kung sino ka.”
“Ina…” Ilang beses ng tinanggihan ni Yura ang kwintas na ito ng ibigay ito sa kanya ng kanyang ina noon. Subalit nawalan na siya ng lakas na tanggihan ito ng makita ni Yura ang hapdi sa mga mata nito.
Nakulong sa palad ni Yura ang kwintas. Matagal na niyang pinakawalan ang pangalang ito at ngayon ay tuluyan na niya itong ipinamana sa kanyang pamangkin.
Sa dulo ng pasilyo ay naghihintay sa kanila si Yeho. Sa pagkakataong ito ay hindi na maaring iwasan ni Yura ang kapatid. Pinaalam siya nito sa kanilang ina at dinala sa pribado nitong pagamutan.
Tahimik na kinuha ni Yeho ang kanyang pulso. Ang kalmado nitong ekspresyon ay unti-unting napapalitan ng matinding pag-aalala.
“Hanggang kaylan mo ito ililihim sa akin?” Hindi nakaligtas sa mapanuring tingin ni Yeho na may dinaramdam na karamdaman ang kapatid. Hindi niya lubos matanggap na tama ang kanyang hinala.
Inaasahan na ni Yura na matutuklasan ng kapatid na lumalala na ang kanyang kalagayan dahilan kung bakit niya ito iniiwasan.
“Batid mong mas magiging mapanganib para sayo kung hahayaan mong lamunin ka ng iyong karamdaman. Hindi ko ginugul ang panahon ko sa pagtuklas ng mga lunas kung wala akong magagawa para sayo.”
“Ibinuhos mo ang buhay mo sa paghahanap ng lunas sa karamdaman ko. Nauna kang nagkaroon ng pamilya subalit si Yanru ang unang nagsilang ng aking pamangkin.” Hindi na gustong nakawin ni Yura ang buhay ng kanyang kapatid. “Sapat na ang panahon na ginugul mo para sa akin.”
“Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, magagawa mo ba akong sukuan?” Napangiti ng mapait si Yeho ng wala siyang marinig na pagtutol kay Yura. “Natitiyak kong mas malaki ang sakripisyong kaya mong ibigay para sa ating pamilya.” Pinahid ni Yeho ang luha sa gilid ng kanyang mga mata at muling bumalik ang kalmado nitong anyo. “Hindi pa huli ang lahat, nakalikha ako ng lunas subalit hindi ko pa nadidiskubre ang magiging epekto nito sayo.”
“May posibilidad ba na umikli ang buhay ko?”
“Hindi ko ito tatawaging lunas kung kikitilin nito ang buhay mo.”
“Kung ganon ay gagamitin ko ito.”
“Yura-“
“Wala ng panahon.” Nakikiusap ang tingin ni Yura kay Yeho. “Lagi akong sumusunod sayo ngunit sa pagkakataong ito ako naman ang iyong pakinggan.”
Sumusukong nagpakawala ng hangin si Yeho mula sa kanyang naninikip na dibdib. Nilabas niya ang maliit na kahon na naglalaman ng medisina.
“Mapapanatag lamang ako kung nasa tabi mo ako kapag ininum mo ito.”
“Ngunit hindi iyon ang mararamdaman ko.” Tutol ni Yura. Hindi niya gustong makita siya ng kanyang kapatid sa ganoong kondisyon.
Muling ininda ni Yeho ang hapdi sa kanyang dibdib. Sa kabila nito ay maingat na nilipat ni Yeho ang kahon sa kamay ni Yura. “Siguraduhin mong nasa mainit kang lugar kung gagamitin mo ito. Babalutin ka ng nagyeyelong pakiramdam sa sandaling umepekto ang gamot.”
“Tatandaan ko.”
Matapos ang mahigpit na mga bilin ni Yeho ay pinayagan na niyang magpaalam ang kapatid.
Huminto si Yura sa pinto ng pribadong pagamutan ng sumagi sa alaala niya ang pabangong nadiskubre niya sa kasuotan ng prinsesa. “Tungkol sa prinsesa, hindi ko pahihintulutang madungisan ang iyong kamay.” Ang kamay ng kapatid niya ay para lamang sa paglikha ng medisina at pagsagip ng mga buhay.
“Wala kang dapat ipag-alala. Iyon ay hindi para sa prinsesa.” Ang wika ni Yeho ng tuluyang magpaalam sa kanya si Yura.
Nilisan ni Yura ang kanyang tahanan matapos niyang huling masilip ang pamangkin niyang mahimbing ng natutulog.
Kung magtatagal pa siya sa mga ito ay mas mahihirapan siyang buhatin ang mga paa niya palabas ng kanilang tahanan.
Hindi sumakay si Yura sa karwahe kundi kinuha niya ang kabayo ni Kaori.
“Xuren…?” Napapakamot sa ulong habol ni Kaori kay Yura ngunit ang hangin lamang ng alikabok ang naiwan sa kanya. Sa salungat na direksiyon ng Palasyong imperyal ang tinahak nito. Nagpapahiwatig na nais nitong mapag-isa.
Walang nagawa ang bantay kundi hintayin ang pagbalik ng Xuren. Nagsisimula na siyang mag-alala sa madalas nitong pagkawala.
Masusukal na kakahuyan ang pinasok ni Yura bago niya narating ang nakatagong mainit na bukal sa pusod ng gubat.
Tatlong taon na ang lumipas bago niya muling nasilayan ang paraiso na nahihimlay sa makapal na kagubatan.
Ang nakakabinging ingay ng mga kuliglig at iba pang insekto sa paligid ay patunay na hindi pa ito natatapakan ng mga tao.
Nakahinga siya ng maluwag na malamang wala pang nakakadiskubre sa lugar maliban sa kanya.
Nilubog ni Yura ang kamay upang damhin ang temperatura ng tubig. Naramdaman niyang maging ang init nito ay hindi nabago.
Dumulas ang panlabas niyang kasuotan ng simulan niyang kalasin ang laso sa kanyang daliri. Sumunod na umagos mula sa kanyang katawan ang natitira niyang mga saplot hanggang sa lumitaw ang pilak na nakabalot sa kanyang dibdib.
Kinalas ni Yura ang manipis at matigas na bagay na mahigpit na nakayakap sa kanya.
Tinatago ng matatayog na puno ang paglantad ng puting kamelya sa gitna ng bukal. Ang balat nito ay lalong nagliliwanag na tila napaglalagusan ng paningin sa tuwing dumadampi dito ang sinag ng araw.
Sa pagdaan ng hangin ay nalagas ang mga dahon sa puno na magaang nahulog sa mainit na bukal.
Ang isa sa mga talulot ay naligaw sa hubad na batok ni Yura.
Isang nakakabighaning larawan ang rumehistro sa paningin ng aninong nasa likod ng matayog na puno. Mistulang nakulong ito sa hipnotismo na sumunod ang tingin sa pagdausdos ng dahon sa hubad na likod.
Ang hamog ng bukal na nagpapalabo sa paligid ay hindi naging hadlang upang lumitaw ang karilagan ng nilalang na nasa tubig.
Kung may magsasabi sa kanyang isang engkanto ang nakikita niya ay hindi siya magdadalawang isip na ito’y paniwalaan. Sinong binibini ang lulusong sa kagubatan na iniiwasan ng mga manlalakbay dahil sa puno ito ng mga malulupit na ahas na nagdadala ng makamandag na lason? Maging ang mga bihasang mangangaso ay hindi naliligaw sa lugar na ito.
Tumigil sa labi ni Yura ang medisina ng mahagip niya ang kaluskos malapit sa kanya. Narinig niya ang huni ng ibon na lumipad mula sa isang sanga.
Kagyat na nilubog niya ang buong sarili sa tubig at lumangoy sa kanyang mga nahubad na kasuotan. Waring nahiwa ang bukal sa bilis ng pangyayari.
Bumukadkad ang roba na lumikha ng hugis plumahe ng paruparo bago yumakap sa hubad na katawan ni Yura.
Sa muling pagbagsak ng mga dahon ay paglaho ng mahiwagang nilalang sa tubig.
Nabulabog ang puting ibon na muling lumipad at dumapo sa balikat ng kanyang panginoon.
Ang pagtuka ng ibon sa gilid ng leeg ni Hanju ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Napadpad siya sa gubat na ito ng sundan niya ang kanyang alagang ibon sa paghahanap nito ng kabiyak. Hindi niya inaasahang iba ang matatagpuan niya.
Ginala ng Ikaanim na Prinsipe ang paningin sa paligid ng mainit na bukal. Kung walang naiwan na pagnginig sa tubig ay iisipin niyang ilusyon lamang ang kanyang nasaksihan. Hindi siya maaring magkamali, sa nakita niyang pag-angat ng roba ay hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang karit na disenyo ng buwan sa manggas nito.
Dumako ang tingin ni Hanju sa kumikinang na bagay na nasisinagan ng repleksiyon ng araw.
Leave a Reply