“Gusto kong makipaghiwalay.”
Tahimik pero matalim na bumangga sa gabi ang mga salitang iyon. Hindi iyon sinabi ni Katty nang may galit o panunumbat, ngunit sa likod ng mahinahong tinig niya, may bigat na dumurog sa mga mata ni Xavier.
Hindi siya agad nakapagsalita. Tinitigan lang niya si Katty, para bang hinihintay na bawiin nito ang sinabi, na sabihin nitong nagbibiro lang siya. Pero wala siyang nakitang pag-aalinlangan sa mga mata nito—walang bakas ng pagsisisi, walang bahid ng pagdadalawang-isip.
“Hindi mo ba ako bibigyan ng dahilan?” tanong niya sa mahinang tinig.
Napalunok si Katty. Alam niyang darating ang tanong na ito, pero hindi pa rin niya alam kung paano sasagutin nang hindi niya ito lubos na masaktan.
“Hindi na tayo tulad ng dati, Xavier. Alam mong may mali, ‘di ba?”
Umiling ito, pilit na hinuhuli ang tingin niya. “Hindi ko maintindihan… Ano bang nagawa ko? May hindi ba ako naibigay sa’yo?”
Sa kabila ng kalmado nitong tono, dama ni Katty ang bigat ng emosyon sa bawat salita. Hindi ito sumigaw. Hindi ito nagalit. Pero ramdam niya ang sugat na iniwan niya rito, mas matalim pa kaysa sa anumang galit.
“Wala kang ginawang mali,” sagot niya, pero alam niyang hindi iyon sapat.
Sandaling yumuko si Xavier, marahang hinilot ang sentido. “Pwede naman nating ayusin, Kat.”
Huminga ito nang malalim bago muling tumingin sa kanya. “Kung may nagkamali man ako, sabihin mo sa’kin.”
Nagpipigil ng luha, umiwas siya ng tingin.
Gusto niya ang pag-aalaga sa kanya ni Xavier—ang lambing, ang atensyon, ang pakiramdam na may nagmamahal at nag-aasikaso sa kanya. She liked being cared for. Pero kay Hux, ibang klaseng apoy ang nagising sa kanya. He didn’t just take care of her—he made her feel like a woman. Desired. Claimed. Owned. She craved that dominance, that raw possession.
Ito ang totoo. Ito ang hinahanap-hanap niya.
At iyon ang mga bagay na hindi niya nakuha kay Xavier.
“I’m sorry, Xavier.”
At doon niya nakitang tuluyang naglaho ang pag-asa sa mga mata nito.
Hindi siya nito pinigilan. Hindi ito nagsalita pa. Pero ang sakit na iniwan niya rito—alam niyang hindi iyon basta mawawala.
Lumipas ang isang linggo.
Tahimik na nakaupo si Xavier sa gilid ng sofa, nakatitig sa bote ng alak sa kanyang kamay. Hindi siya lasing, pero halata sa kanya ang pagod—ang bigat na bumabalot sa kanya.
Isang bihirang tanawin.
Tahimik na lumapit si Hux at tumayo sa tapat ng anak.
“Xavier.”
Mabagal itong tumingala, para bang ngayon lang napansin ang kanyang presensya. Nangiti ito—isang mapait, walang buhay na ngiti.
“Mukhang ako lang ang hindi nakakita na darating ang araw na ito.”
Umupo si Hux sa tapat nito, hindi agad nagsalita.
“Hindi ko alam kung saan ako nagkulang,”mahina ngunit mabigat ang boses ni Xavier. “Ginawa ko naman ang lahat, pero bakit parang hindi pa rin sapat?”
Sa tanong na iyon, parang may pumiga sa dibdib ni Hux.
Akala niya, hindi magiging malalim ang iiwang sugat ng paghihiwalay ng mga ito. Akala niya, isang simpleng pagkakamali lang na madaling itama.
Pero hindi.
Hindi niya inaasahang ganito kasakit ang epekto kay Xavier.
At doon, sa katahimikan ng gabing iyon, nagsimulang gumapang ang bigat ng konsensya sa kanya.
Tahimik ang gabi, pero hindi para kay Katty.
Akala niya, tapos na. Akala niya, nagawa na niya ang pinakamahirap—ang iwan si Xavier. Pero ngayong kaharap niya si Hux, may isa pa palang mas masakit.
Nakatayo ito sa harap niya, walang emosyon, parang walang pakialam sa lahat ng nangyari. Pero ang mga salitang binitiwan nito, bumaon nang diretso sa kanyang dibdib.
“Bumalik ka kay Xavier.”
Natawa siya nang mapait. “You’re kidding, right?”
Tiningnan lang siya ni Hux, walang pagbabago sa ekspresyon.
Napailing siya, hindi makapaniwala. “After everything? After what happened between us?”
“Wala namang ‘tayo’ para pag-usapan ‘yon.”
Napaatras siya nang bahagya. Kahit anong tibay niya, hindi niya napigilan ang sakit na lumabas sa mga mata niya. “Then what about us?”
“There is no us, Katty.”
She felt it. Yung bigat na bumagsak sa dibdib niya. Lahat ng naramdaman niya noong kasama niya ito—yung paraan ng paghawak sa kanya, yung panibugho sa mga mata nito kapag may ibang lalaking lumalapit sa kanya—lahat ba ‘yon wala lang? Was it all just in her head?
Pero sa halip na umatras, tumayo siya nang mas matuwid. She won’t let him decide for her.
Huminga siya nang malalim bago nagsalita, diretso ang tingin sa kanya. “Fine. Babalik ako kay Xavier.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Hux, hinintay ang susunod na sasabihin niya.
“Pero may kondisyon ako.”
“And what’s that?”
“Ikaw.” Lumapit siya, hindi umatras. “Hindi mo ako pipigilan kung kailan kita gusto. Hindi mo ako itutulak palayo kung kailan ka nagde-desisyon na tapos na. I get to decide when this ends. I get to decide when I want you.”
Hindi agad sumagot si Hux. Tinitigan lang siya nito, para bang iniisip kung paano siya tututulan. Sa huli, ngumiti ito nang bahagya—isang tipid at bahagyang mapait na ngiti.
“Okay.”
Simple lang ang sagot, pero alam nilang dalawa kung anong klase ng kasunduan ang pinasok nila.
Alam nilang mali ito.
Pero hindi pa sila handang tumigil.
At si Hux—umaasa na isang araw, matatapos rin ang atraksiyon nilang dalawa. Na kapag dumating ang oras na ‘yon, wala nang natitirang dahilan para ipagpatuloy pa ito.