This entry is part 14 of 16 in the series Dangerous Thirst

“Akala ko nakalimutan mo nang magpakita sa amin.” Mahihimigan ang tampo sa tinig ni Sandra habang hinahainan nito ng pagkain si Syven.

Malaki ang respeto ni Syven kay Sandra dahil hanggang ngayon ay pinaninindigan pa rin nito ang pagiging mabuting ina sa kanya.

“Nag-aalala siya dahil hindi mo sinasagot ang mga tawag namin sa’yo,” dagdag ni Sylas habang pinag-aaralan ang kapatid. Nilagay ni Syven sa panganib ang buhay nito upang mapapayag ang ama nila na humiwalay sa kanila. Naging tahimik ang buhay niya ng ilang araw na wala ito, kaya bakit hindi na lang ito tuluyang maglaho sa buhay nila?

“Kung gano’n, hindi na ako aalis para hindi na kayo mag-aalala sa akin.” Natutuwang dinala ni Syven sa bibig ang piraso ng ubas. Mas tumamis ito sa panlasa niya nang makita ni Syven na parehong natigilan ang dalawa. Kung hindi dahil sa usapan nila ni Callius na babalik siya isang beses sa isang linggo, ay matagal na niyang nakalimutan ang mag-inang ito.

“Alam kong may dahilan ka kaya pumayag ang Dad mong humiwalay ka sa amin. Ayokong isipin mo na wala kaming tiwala sa’yo.”

“Cunning woman,” kumento ni Syven sa isip niya. Minsan na siyang naniwala na tunay na anak ang tingin nito sa kanya. Ito ang laging nagtatanggol sa kanya sa tuwing pinapagalitan siya ni Callius. Mas pinapaboran siya nito kaysa sa sarili nitong anak. Ngunit maagang nakita ni Syven ang kasinungalingang ito. Kapag alam nitong hindi siya nakatingin, mas mahigpit ang yakap nito kay Sylas. Pinapagalitan nito si Sylas, subalit puno ng pag-aalala ang mga mata nito. Tuluyan nang natanggap ni Syven na si Sylas ang anak nito at matagal nang patay ang kanyang ina.

Pinatawag siya sa study room nang dumating si Callius.

“Hindi ako sanay na walang natatanggap na reports mula sa school mo. Anong pinagkakaabalahan mo ngayon? Mas mabuting sabihin mo ito sa akin nang maaga sa halip na marinig ko ito sa iba.”

“Mas mabuting sisantehin niyo na lang ang taong binabayaran niyo para bantayan ako kung hindi nila nagagawa nang maayos ang trabaho nila.” Alam ni Syven na lahat ng ginagawa niya ay nakakarating kay Callius.

“Hindi ako magsasayang ng oras sa’yo kung hindi mo dinadala ang pangalan ko.”

“Kung hindi kayo ang naging ama ko, mas magiging malaya ako sa mga desisyon ko.”

“Hangga’t parte ka ng pamilyang ito, hindi ako papayag na tarantaduhin mo ang reputasyong itinayo ko.”

“Ano na naman ba ang ginawa ko na makakasira sa napakatayog ninyong reputasyon?”

“Bubuo ng partnership ang kumpanya sa mga negosyo ng Laurel abroad. Hindi ko alam kung mapapabuti o malalagay sa alanganin ang partnership ko sa mga Laurel dahil sa relasyon mo sa nag-iisa nilang anak.”

Lihim na napamura si Syven sa pinupunto nito. Kahit alam na niyang mangyayari ito, ay hindi pa rin siya masasanay na dinidiktahan siya ni Callius.

“Kung tungkol ito kay Ellis, wala kayong karapatang pasukin ang relasyon naming dalawa.”

“Pinalagpas ko ang mga kapalpakang ginawa mo noon, pero kung idadamay mo ang kumpanya sa mga kapalpakan mo, hinding-hindi ko ito pahihintulutan.”

Ilang banta ang kailangan niyang marinig mula dito bago ito makuntento?

“Kung wala na kayong ibang sasabihin, aalis na ako.”

Hindi na hihintayin ni Syven na magdilim ang kanyang paningin at singilin ito sa lahat ng pasa at paso na binigay nito sa kanya. Ngunit ang totoo ay nawalan na siya ng lakas na magalit dito.

Tumigil ang kamay ni Syven sa pagbukas ng pinto nang may maalala siyang sabihin dito.

“Nasisiguro kong masaya ngayon ang una ninyong asawa dahil nakalaya na siya sa inyo.”

Mariing sinara ni Syven ang pinto paglabas niya. Hindi na siya nag-abalang tignan ang ekspresyon ni Callius matapos niya iyong sabihin. Bumalik man siya sa nakaraan o kasalukuyan, alam niyang hindi na maghihilom ang malaking pilat sa pagitan nilang mag-ama.

“Syven? Saan ka pupunta?” Habol ni Sandra nang makita siya nitong paalis. “Hindi ka ba dito magdidinner?”

Dinaanan lamang ito ni Syven at hindi nag-abalang tapunan ito ng tingin. Pumutla ang kulay ni Sandra sa biglang panlalamig ni Syven sa kanya.

“Kuya?” Si Sylas nang makita niya ang nangyari. Noon pa man ay malayo na ang loob ni Syven sa ina niya ngunit hindi nito iyon pinapakita.

Huminto si Syven sa tapat ni Sylas. “Mas makakabuti sa inyong dalawa kung igugugol niyo ang oras niyo sa pagiging mabuting asawa at anak sa kanya, nang sa gano’n ay hindi na niya maalalang guluhin ang buhay ko.”

Pinakuha ni Syven ang sasakyan niya at mabilis na nilisan ang tahanang nag-iwan sa kanya ng hindi magandang alaala. Kung maaari lang ay hindi na niya gustong makita ang mukha ng mga taong ito.

Dumaan ang oras ni Syven sa pagmamaneho nang walang destinasyon. Paikot-ikot lamang siya dahil hindi pa niya gustong bumalik sa hotel na tinutuluyan.

Humigpit ang hawak ni Syven sa manibela nang bumulong sa kanya ang lugar na pinagdalhan ng dati niyang driver noong hanapin niya ang mommy niya. Lahat ng mga bata ay may ina na dumating upang suportahan ang anak nila sa school, habang siya ay naiwang mag-isa.

Hindi pa naiintindihan ng pitong taong gulang na Syven ang ibig sabihin ng wala na siyang ina. Sinasabi nilang si Sandra ang ina niya, pero may nagsasabi na ang anak nito ay si Sylas at hindi siya. Kaya hiniling ng walang muwang na tulad niya na magkaroon ng sarili niyang ina na matatawag niyang sa kanya. Marahil ay naawa sa kanya ang dating driver ng mommy niya o marahil galit ito sa kanyang ama, kaya binigyang-linaw nito sa kanya ang lahat.

Dinala siya nito sa lugar kung saan nangyari ang aksidente sa mommy niya. Dito niya nalaman na naglayas ito dahil nalaman nitong may ibang babae ang ama niya at iyon ang ina ni Sylas. Pinayuhan siya nitong ipaghiganti ang pagkamatay nito at huwag niyang hayaang maagaw sa kanya ang karapatan niya bilang tunay na anak.

Sa paglaki ni Syven, unti-unti niyang naiintindihan ang ibig nitong sabihin. Hindi niya kinamuhian si Callius dahil sa kasalanan nito sa yumao niyang ina, kundi dahil pinaramdam nito sa kanya na wala siyang kakampi—na lagi siyang maiiwang mag-isa ng mga taong inakala niyang mananatili sa tabi niya. Hindi ito nagkamali, dahil kung hindi siya ang tatalikuran ng mga ito, siya ang bibitaw sa kanila. Kahit anong piliin ni Syven, sa huli ay sarili niyang anino ang tanging maiiwan sa kanya.

Pumasok ang sasakyan ni Syven sa lumang kalsada. Makikita na matagal nang inabandona ang dating kalsada. Marami ang naaksidente dito kaya pinaniniwalaang death road ang daan. Huminto ang sasakyan ni Syven sa gitna ng high bridge. Sa baba nito ay malalim na kasukalan ang makikita—perpektong lugar sa mga gustong wakasan ang buhay nila nang walang makakakita sa kanilang katawan.

Nang hugutin ni Syven ang susi, nakita niya ang isa pang susi ng sasakyan na naitabi niya. Naalala niyang dito niya madalas dalhin si Bryant tuwing tumatakas siya sa kanyang ama. Matagal nang nakalimutan ni Callius ang ina niya, kaya hindi nito maiisip ang lugar na ito sa tuwing pinapahanap siya nito noon.

Binaba ni Syven ang windshield upang pumasok ang liwanag ng palubog na sikat ng araw sa kalayuan. Minsan, naging makulay ang daang ito sa kanya, ngunit ngayon ay tunay nang naging abandonadong kalsada na ito sa kanyang paningin.

Sumandal si Syven sa headrest ng upuan nang magsimulang sumakit na naman ang kanyang sentido. Babagsak na ang talukap ng mga mata niya nang may marinig siyang ingay ng bagong dating na sasakyan.

Nagtatakang nagmulat si Syven ng mata. Naglaho ang antok niya nang makita niya sa side mirror kung sino ang bumaba ng sasakyan.

Humapdi ang kanyang paningin nang maramdaman ni Syven ang pagsikip ng kanyang paghinga. Mariin siyang napapikit nang magsimulang bumigat ang mga mata niya. Tinakpan ng kamay niya ang kalahati ng kanyang mukha habang pinipigilan ang panginginig ng kanyang balikat. Tuluyang natunaw ang yelong bumabalot sa kanya nang marinig niya ang huling pangako nito.

“Syven, pangako kong hindi kita papayagang bumisita sa lugar na ito nang mag-isa.”