This entry is part 15 of 15 in the series Ang Nakatagong Bituin ng Imperyo

Nalipat ang tingin ni Yura sa nakakulong na pulso niya at sa Pangatlong Prinsipe.

Base sa nakikita niya, ang prinsipeng ito ang klase ng tao na hindi marunong magtago ng kanyang emosyon. Ang impormasyong natanggap ni Yura tungkol dito ay hindi nalalayo sa sarili niyang obserbasyon. Kung galit ito sa isang tao, hindi ito nagdadalawang isip na ilabas ang kanyang opinyon. Mapusok ang mga desisyon nito at hindi ito mapagpanggap sa tunay nitong intensyon. Kinagigiliwan ito ng mga opisyales dahil nakikita nila ang katapatan ng Prinsipe. Marahil kung hindi ito anak ng emperatris, walang poprotekta sa kalayaan nitong gawin ang nais nito.

“Yura Zhu… Hindi man naging maganda ang simula natin, nais kong maging daan ito upang kilalanin natin ng mas mabuti ang isa’t-isa. Sa ganoong paraan ay maiiwasan natin ang hindi pagkakaunawaan.”

“Walang dahilan para hindi ako sumang-ayon.” Tugon ni Yura ngunit ang tingin niya ay nasa kamay ng Prinsipe na mahigpit na nakahawak sa kanya.

Nagbukas ang pinto ng kwarto at pumasok ang Punong katiwala upang tanungin ang ingay na narinig nito sa labas ng silid. Kumatok si Dao ngunit walang sumagot kaya hindi siya nagdalawang isip na tingnan ang kalagayan ng Lu Ryen dahil hindi niya maiwasang mabahala sa Pangatlong Prinsipe.

“……….” Dao.

Hindi maipaliwanag ng Punong katiwala ng Xinn ang nabungaran niyang tanawin. Nag-aalangang lumapit si Dao.

“Kamahalan, ipapalit ko po agad ang inyong inumin.”

Inutusan ni Dao ang mga alalay na linisin ang natapong kopa ngunit hindi iniwan ng kanyang paningin ang kamay ni Prinsipe Yiju sa Lu Ryen.

Natauhan si Yiju at mabilis nitong pinakawalan ang pulso ni Yura. Natatawang tinapik-tapik niya ang balikat ng Lu Ryen.

“Hindi ko na kayo pakikialaman ng kapatid ko. Alam kong kapag nakilala ka ni Keya, tiyak na magbabago ang opinyon niya sa’yo.”

Tumango lamang si Yura bilang tugon at tahimik na ininom ang laman ng kanyang kopa. Dumaan ang matalim na titig ng yelo sa mga mata ni Yura. Hindi siya sanay na nahahawakan nang walang pahintulot niya. Kung hindi lamang ito kapatid ng kanyang konsorte, matagal nang nahiwalay ang kamay ng Prinsipe sa katawan nito.

Ang isa sa iniiwasan ni Yura ay ang mga taong katulad ng Pangatlong Prinsipe. Hindi siya maaaring magtagal sa iisang lugar kaya nilalayuan niya ang mga taong nagnanais na magkaroon ng malalim na koneksyon sa kanya. Wala siyang pinapapasok upang protektahan ang sarili niya at protektahan ang mga ito sa implikasyon na maaaring mangyari sa kanila. Subalit sa sitwasyon niya ngayon, hindi na niya ito maaaring iwasan.

Hindi inaasahan ni Dao na magtatagal ang Pangatlong Prinsipe sa Palasyong Xinn. Nakahinga siya nang maluwag nang makita niyang natunaw na ang tensiyon sa pagitan ng Prinsipe at ng Lu Ryen. Natutuwa man siya sa nakikita niyang interes ng Pangatlong Prinsipe sa Pangalawang Xuren ng Zhu, nangangamba pa rin si Dao sa mga susunod na mga araw.

Marami pang makakatagpo ang Lu Ryen sa palasyo ng imperyal, isang halimbawa na ang nangyari kanina upang madagdagan ang pangamba niya. Ang Pangalawang Xuren ng Punong Heneral ay hindi malalayong malagay sa mga mapanganib na sitwasyon. Maikukumpara niya ito sa isang bulaklak na natatakpan ng matataas na damo at tahimik na nagtatago sa mata ng lahat. Ngunit kahit gaano kakapal ang mga damong pumuprotekta dito hindi pa rin nito matatakpan ang matamis nitong halimuyak na umaakit sa mga tao na hanapin ito.

Hindi nga nagkamali ang Punong Katiwala dahil nang umalis ang Pangatlong Prinsipe, nagdatingan naman ang mga respetadong tagapagturo na nanggaling sa Guin, kung saan matatagpuan ang mga matatalinong iskolar na nag-aaral upang maging mahuhusay na Opisyales ng imperyo.

Mula sa daang-daang sumubok ng napakahirap na pagsusulit, mabibilang lamang sa kamay ang nakakapasok sa loob ng Guin upang maging ganap na iskolar. At ang mga Bihasang Tagapagturo ng Guin na napakahirap imbitahin sa mga pagpupulong ay kumakatok ngayon sa tarangkahan ng Palasyong Xinn.

“Ipagpaumanhin mo ang biglaang pagbisita namin nang walang paabiso. Nais sana naming imbitahin ang Lu Ryen sa magaganap na pagpupulong sa susunod na ikalawang araw.” Si Baoju, ang kanang kamay ng Punong Guro ng Guin. Mahigpit ang utos sa kanya ng Punong Guro na imbitahin ang Lu Ryen sa pagpupulong.

“Ginoo, kasalukuyang nagpapahinga ang Lu Ryen. Wala kayong dapat ipag-alala, ipaaabot ko ang inyong mensahe.” Masiglang tugon ni Dao ngunit direkta din nitong tinanggihan ang kagustuhan ng mga gurong makita ang Lu Ryen. Bahagya siyang yumuko sa mga ginoo bilang tanda na maaari na silang umalis.

Nagdidilim ang mga anyong nilisan ng mga tagapagturo ang Palasyong Xinn nang hindi man lamang nila nagawang tumapak sa loob.

“Ano bang mayroon ang Pangalawang Xuren ng Zhu at nais siyang imbitahin ng Punong Guro? Tunay ba na isa siyang henyo tulad ng kanyang mga kapatid? Kung ganon, bakit hindi siya sumunod sa yapak ng kanyang Ama? Bakit sa labas siya ng tahanan ng Punong Heneral lumaki?” may bahid na malalim na pagdududa ang mga tanong ni Baoju sa kanyang mga kasama.

“Hindi ako maglalabas ng aking opinyon hangga’t hindi ito nakikita ng aking mga mata.” makatwiran na tugon ng isang Guro.

“Iyon ay kung papaunlakan niya ang imbitasyon ng Punong Guro.”

Tuluyang napahugot nang malalim na hininga si Dao ng makaalis ang mga tagapagturo. Ang mga opinyon ng mga ito ay ilan lamang sa mga naririnig niyang bulung-bulungang na kumakalat sa Palasyo ng imperyal tungkol sa Lu Ryen.

Nang bumalik si Dao sa Lu Ryen, ipinaalam niya dito ang imbitasyon ng Punong Guro ng Guin. Wala siyang nakitang anumang interes sa simpleng pagtango ng Lu Ryen kaya isinantabi na lamang ni Dao ang liham ng Punong Guro, subalit ipinagtaka niya ang sumunod na tugon ng Lu Ryen.

“Ipaalam mo sa kanilang makakarating ako.”

Hindi mawari ni Dao kung nais ng bulaklak na lumabas sa pinagtataguan nito, o napagtanto nitong wala nang saysay ang kanyang pagkukubli sa dilim, dahil hindi nito magagawang mamukadkad kung hindi ito masisinagan ng araw.

Dapat ba siyang mangamba o mamangha sa desisyon ng Lu Ryen?