Sa palasyo ng prinsesa ng imperyal matatagpuan ang nakakasilaw na karilagan ng isang tunay na maharlika. Ang Unang Prinsesa na nanggaling sa Emperador at Emperatris ang tanging prinsesa na mananatili sa palasyo ng imperyal pagkatapos nitong makasal.
Tunay na ito ang kinaiingitan ng mga kababaihan sa imperyo. Ang mga kasuotan nito sa mga pagdiriwang ay laging pinag-uusapan. Mabibilang din ang mga kaibigan nito na nanggaling sa matataas na angkan.
Ang mga piling tagapaglingkod ay dumaan sa matinding pagsasanay upang mapagsilbihan ang natatanging prinsesa ng Emperatris.
Kumakalansing ang mga hawak na kubyertos ng mga katiwala patungo sa silid-tanggapan ng prinsesa. Sa tuwing may nalalapit na seremonya sa dakilang palasyo ng Emperador ay may dumarating na panauhin upang mag-usisa. Ito ang dalawang Xirin ng Kaliwang Ministro at ng Kanang Ministro na masasabing malapit na kaibigan ng prinsesa.
Iyon ang nakikita ng iba pagka’t ang reputasyon ni Keya ay maingat na inukit ng kanyang Inang Emperatris. Mula sa kanyang mga kasuotan at alahas, maging sa mga taong makakasalamuha ng prinsesa ay ang Emperatris ang pumipili nito. Ang lahat ay dapat naaangkop sa kanyang titulo. Ngunit para kay Keya, ang dalawang Xirin na ito ang huling taong nais niyang makita.
“Kamahalan? Nagkamali ba kami sa pag-imbita sa espesyal na Xienli ng Lu Ryen? Hindi ba’t mas mabuti ito upang maging pamilyar siya sa mga ganitong pagtitipon?” ang nag-aalalang tanong ng Xirin ng Kaliwang Ministro bagaman sa gilid ng mga mata nito ay makikita ang antisipasyon sa magiging reaksiyon ng prinsesa.
Pakiramdam ni Sena ay isa lamang siyang bagay kung ituring ng mga ito. Ang mga paalala ni Dao ang tanging pinanghahawakan niya. Hindi siya maaaring makagawa ng bagay na ikakapahiya ng kanyang Xuren. Lihim itong pinagtatawanan dahil tumanggap ito ng isang Fenglin bilang Xienli habang ang konsorte nito ay isang prinsesa ng imperyal. Hindi na niya bibigyan pa ang mga ito ng dahilan upang insultuhin ang Xuren niya.
“Siya ang napiling Xienli ng aking Lu Ryen sa kabila ng mga matataas na Xirin na naghangad na maging konsorte niya. Sapat na dahilan ito upang mapabilang siya sa ating pangkat.” Inangat ni Keya ang kopa at marahang sumimsim ng tsaa na mistulang walang basehan ang pag-aalala ni Latil. Ang simpleng tugon nito ay may kalakip na patalim sa dalawang Xirin. Nagpapahiwatig na kung nais nilang bumaba sa posisyon ng isang hamak na fenglin ay maluwag niya itong tatanggapin.
Natigil ang ngiti sa labi ni Latil sa naging tugon ni Keya. Napako naman ang tingin ng Xirin ng Kanang Ministro sa bagong Xienli ng Lu Ryen. Batid ng lahat na nagpakita ito ng interes sa Pangalawang Xuren ng Zhu bago pa man dumating ang kautusan. Higit na tumagos dito ang ibig ipahiwatig ng prinsesa. “Mapabilang sa atin? Gaano mo man sabuyan ng pabango ang isang bulaklak kung nabubulok na ito ay hindi mo parin maitatago ang baho nito.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Sena sa taynga ng kopa. Pilit na pinapakalma niya ang pag-nginig ng kanyang mga daliri. Sa harap ng mga ito ay lalo niyang nararamdaman na hindi ito ang mundo para sa kanya. Ni minsan ay hindi ipinaramdam sa kanya ng Xuren ang kanilang agwat. Sa tuwing naiisip niya ang Xuren, tanging ang pintig sa kanyang dibdib ang nararamdaman niya. Kaya niyang tiisin ang mga mapanuring tingin at nakakalasong mga salita ng mga tao sa paligid niya kung kapalit nito ay may lugar siya sa tabi ng Xuren.
“Qin, hindi tamang sabihin mo ito sa Xienli ng Ikalawang Xuren ng Zhu. Ang makulay na karanasan niya sa Fenglein ang naging tulay upang makatawid sa bisig ng Lu Ryen.” dagdag ni Latil.
Lihim naman na umangat ang labi ng prinsesa. Hindi niya dinamayan ang dalawang Xirin ngunit wala din siyang ginawa upang pigilan ang mga ito.
Qin, “Ah? Nalimutan kong matataas na opisyales ang iyong pinagsisilbihan. Kung ganon ay bihasa ka na sa pakikiharap sa mga malalaking tao sa imperyo. Hindi na marahil mabilang ang nahumaling sa galaw ng iyong musika. Kung tama ang nakarating sa akin, maging ang interes ng Ikalawang Prinsipe ay napukaw mo?”
Latil, “Napakahusay, ito ba ang ginamit mo upang makuha ang atensiyon ng Lu Ryen?”
Tuluyang bumigay ang kopa sa daliri ni Sena. Napaso ang kamay niya subalit mas mahapdi ang paso na natanggap niya sa mga ito.
Napasinghap si Latil ng makitang nabitawan ng Xienli ang tsaa na tumabig sa kamay nito.
Sinenyasan ni Keya ang mga katiwalang tahimik na nagmamasid sa tabi. Gumalaw lamang ang mga ito ng makatanggap ng utos mula sa prinsesa.
Bumukas ang pinto ng silid bago pa man makalapit ang mga katiwala. Napako ang tingin ng bagong dating na Lu Ryen sa namumulang kamay ni Sena. Sapat na ang nadatnan niya upang mabasa ang nangyari.
Tumayo ang Prinsesa na nais salubungin ang Lu Ryen subalit nilagpasan ito ng Lu Ryen at dumiretso sa kanyang Xienli. Walang iniwang salita na kinuha nito ang Xienli at lumabas ng silid. Natitigilan sa kinatatayuan ang Prinsesa ng makita niya ang papalayong larawan ng dalawa. Nanatili sa kanyang paningin ang mahigpit na pagkakahawak ng kanyang Lu Ryen sa kamay ng Xienli nito.
Matagal na katahimikan ang dumaan bago natauhan ang isa sa mga Xirin.
“Kamahala–!” Namumutlang napahawak si Latil sa gilid ng mukha nito. Tila namanhid ang kanyang mukha sa mabigat na kamay ng prinsesa na dumapo sa kanya.
Napatayo naman si Qin sa pagkabigla. Ito ang unang pagkakataon na nasaksihan niya ang nagdidilim na anyo ng prinsesa. Alam niyang dalawa ang mukha nito ngunit hindi niya inakalang ito ang tunay nitong kulay.
Keya, “Sa sandaling lumabas ang nangyaring ito, sisiguraduhin kong hindi lamang iyan ang matatanggap niyo mula sa akin.” Matalim na banta ng prinsesa sa dalawang Xirin.
Palasyong Xinn.
Sa pagdantay ng basang tela sa kanyang daliri ay paggapang ng init sa kanyang balat. Ang kamay ng Xuren na tila plumahe na maingat na dumadampi sa daliri niya ay sapat na upang matunaw ang hapding bumabalot sa kanya. Sumilay ang mapait na ngiti sa labi ng Xienli.
“Marahil tama sila.” namumula ang paninging sinalubong ni Sena ang tingin ni Yura. “Ang nais ko lamang ay manatili sa iyong tabi subalit lumalim ang kagustuhan ko at nalimutan kong hindi ako nababagay sa mundo mo.”
Mula sa daliri ni Sena ay umangat ang kamay ng Lu Ryen upang pahirin ang luha sa gilid ng mga mata nito.
Nagsara ang paningin ni Sena ng maramdaman niyang dumausdos ang daliri ni Yura sa gilid ng kanyang mukha.
Maagang kumalas si Yura sa prusisyon ng mga legado ng makarating sila sa pinakamalapit na nayon ng kapitolyo. Nais makita ni Yura ang kanyang Ina bago siya pumasok sa palasyo ng imperyal. Hindi niya inakalang ito ang madadatnan niya sa kanyang pagbalik. Naging kampante siya na isiping malalayo si Sena sa panganib kung mailalayo niya ito sa Ikalawang Prinsipe. Nawaglit sa isipan niya ang kanyang konsorte.
“Huwag mong hayaang lamunin ka ng kanilang mga salita.” Mas malalim ang tanim ng maahas na dila kumpara sa tunay na patalim. Tutuyuin nito ang natitirang dignidad na mayroon ka at kukulayan ito sa pinta na nais nilang iguhit sa iyong pagkatao. Hindi papayagan ni Yura na may masaktan pa ng dahil sa kanya.
“Dao.”
Mabilis na tumungo ang punong tagapaglingkod sa Lu Ryen.
“Simula ngayon ay hindi na makakalapit ang prinsesa sa aking mga Xienli ng wala ang aking pahintulot.”
Napalunok si Dao sa narinig. Nais niya mang sumunod subalit hindi ito makakabuti sa Lu Ryen. Dumating na ang pinangangambahan niyang mangyari. Malalim ang pabor na binibigay ng Lu Ryen sa bago nitong Xienli, natitiyak niyang hindi mananatili ang prinsesa at hayaang madungisan ang reputasyon nito.
“Lu Ryen, pag-isipan niyo po itong mabuti. Ang prinsesa parin ang inyong konsorte-“
“P-Paumanhin Lu Ryen, narito po ang Punong Katiwala ng Prinsesa.” Pabatid ng bagong pasok na batang lingkod sa silid. Halata ang pagkabahala sa tinig nito. Nang makita nito ang nagdidilim na anyo ng katiwala ng prinsesa ay sinalakay ito ng matinding kaba. Naramdaman nito ang bigat ng hangin sa paligid.
Lalong nadagdagan ang pagkabalisa ni Dao, alam niyang narito ang lingkod ng prinsesa upang hilingin sa Lu Ryen na bisitahin ang konsorte nito. Tinatagan ni Dao ang kanyang loob upang isalba ang relasyon ng kanyang panginoon sa prinsesa. “Matagal na pinaghandaan ng inyong konsorte ang pagbabalik ninyo. Nais niyang lumipat sa Palasyong Xinn sa sandaling makabalik kayo. Hiniling niya rin sa Emperador na kung nanaisin niyong lumabas sa palasyo ng imperyal ay susunod siya sa inyo.” Ang mga naging aksiyon ng prinsesa ay pagpapakita ng malalim na respeto at damdamin nito para sa Lu Ryen.
“Hindi makakabuti sa inyong Xienli kung magiging malamig kayo sa prinsesa. Mahuhulog lamang sila sa mga pain ng palasyo ng imperyal kung patuloy niyo silang papaboran. Higit sa lahat, hindi makakatulong sa inyo kung masisira ang relasyon niyo sa inyong konsorte, dahil hindi lamang umiikot sa inyong dalawa ang inyong matrimonya. Kundi nakasalalay dito ang magiging relasyon ng Emperador sa Punong Heneral.” Dagdag na payo ni Dao. May mga bagay na kailangang bigyan ng diin. Bakit kailangan pang higpitan ng Lu Ryen ang prinsesa na kung bubuksan lamang nito ang sarili nito sa kanyang konsorte ay magiging maayos ang lahat? Hindi niya maunawaan kung bakit nagiging matigas ang Lu Ryen.
Nanikip ang dibdib ni Sena ng mawala ang init ng mga daliri ng Xuren sa balat niya. Nakita niya rin na bahagya itong natigilan sa narinig nito mula sa punong-lingkod.
Nais niyang habulin ang init sa dulo ng mga daliri ni Yura at makulong sa mahigpit nitong yakap subalit iba ang binibigkas ng mga labi niya. “Xuren, walang kasalanan ang prinsesa, ang mga Xirin ang nag-imbita sa akin. Huwag sanang maging dahilan ito ng paglayo ng loob ninyo sa kanya.” Binawi ni Sena ang mga kamay upang pigilan ang sariling kumapit sa Xuren.
Nais maglabas ng malalim na hangin ni Yura. Ito ba ang dahilan kung bakit pinili ng kanyang ama na maging tapat sa kanyang ina? Kung ang kanyang ina ang nasa lugar ng prinsesa, anong mararamdaman nito? Matinding pagtutol ang gumapang kay Yura. Hindi niya nanaising makita na talikuran ng Punong Heneral ang kanyang ina ng dahil sa ibang babae.
Ano ang ginawa niya? Nagawa niya ang mga bagay na kinamumuhian niyang mangyari sa kanya.
Nagliwanag ang mukha ng mga katiwala ng makita nila ang pagbalik ng Lu Ryen sa palasyo ng prinsesa.
“Simula ng umalis kayo kasama ang Xienli, kinulong ng prinsesa ang sarili niya sa kanyang silid. Tinatanggihan niya ang ano mang inumin at pagkain na dinadala namin.” Pabatid ng punong katiwala ng prinsesa.
Naalala ni Yura ang Ikatlong Prinsipe. Tunay na magkapatid ang mga ito.
May dahilan siya noon na layuan ang konsorte niya, ngunit ngayong handa itong iwan ang posisyon nito sa imperyal para sa kanya ay wala ng dahilan upang ilayo niya ang sarili dito. Dumaloy ang kirot sa sentido ni Yura sa panibagong suliranin.
Tahimik na mga hikbi ang narinig ng Lu Ryen sa pagpasok nito sa loob ng silid. Sa likod ng manipis na tela ay makikita ang prinsesang nakayakap sa kanyang mga tuhod habang tinatago ang mukha nito. Ang Prinsesa ng Emperatris na taas noong humaharap at nagpapayuko sa sino mang sumasalubong ng tingin nito ay nahulog sa ganitong estado.
Sa paghawi ni Yura sa Seda ay naramdaman ng Prinsesa ang kanyang presensiya.
“Chuyo–” natigil ang katagang nais sabihin ni Keya ng hindi ang kanyang Punong Katiwala ang nabungaran niya. Umukit ang galit at hadpi sa kanyang mga mata ng masilayan niya ang Lu Ryen. “Nandito ka ba upang isumbat sa akin ang nangyari sa iyong pinakamamahal na Xienli?” Umagos ang pait sa puso ni Keya. “Pinaghandaan ko ang pagdating mo subalit hindi ako ang binalikan mo. Sinagip mo ang buhay ko ngunit mas nanaisin ko pang mawala ng sandaling iyon sa halip na maramdaman ko ang unting-unting pagdurog mo sa damdamin ko.” Napupunit ang dibdib na kumapit ang prinsesa kay Yura. “Bakit hindi mo na lang ako iniwan noon?!”
Pinigilan ni Yura ang nagwawalang mga kamay ng Prinsesa ngunit mas lalo lamang itong nagiging marahas. Napupuno ito ng galit at hinanakit sa kanya. Kung hahayaan niya ito ay masasaktan lamang nito ang sarili nito.
“Ano ang mayroon ang Fenglin na iyon na wala ako?” Sumisikip ang pakiramdam na humigpit ang hawak ni Keya kay Yura. “Maraming lalaki ang dumaan sa kanya pero sa akin ikaw lang. Ikaw lang.”
Ang garalgal na tinig ng prinsesa ay mistulang patalim na humihiwa kay Yura. May bahid ng galit ang mga mata ni Keya, ngunit naroon din ang matinding pagsusumamo at desperasyon sa mga tingin nito tulad ng nakita niya kay Yen.
Muling dumaloy ang kirot sa sentido ni Yura ng maalala ang hinanakit sa mga mata ng pinsan niya. Walang salita mula sa kanya ang makakapagpahilom sa sugat na kanyang nagawa. Mas mabuting mapalitan ng galit ang nararamdaman nito upang makalimutan nito ang nararamdaman nito para sa kanya hanggang sa tuluyan itong maging manhid.
Subalit…
Binitawan ni Yura ang mga kamay ni Keya at mahigpit itong ikinulong sa mga bisig niya. Kung niyakap niya ang pinsan niya ng sandaling iyon upang hindi nito maramdamang inabandona niya ito ay marahil hindi siya mag-iiwan ng malalim na sugat kay Yen.
Pilit na nagpupumiglas ang prinsesa subalit mas hinigpitan ni Yura ang pagkakakulong dito.
Walang nagawa si Keya ng hindi ito makawala sa yakap ng Lu Ryen.
Bumigay ang mga kamay ni Keya at tuluyang bumagsak ang kinikimkim niyang damdamin. Bumuhos ang takot at matinding selos na lumalamon sa kanya.
Ang Fenglin na iyon ang babaeng huling binisita ng kanyang Lu Ryen bago ito pumasok sa pamilya ng imperyal. Hindi ito nagdalawang isip na agawin ito mula sa Pangalawang Prinsipe. Maging ang titulo niya bilang konsorte nito ay walang halaga pagdating sa bago nitong Xienli. Ito ang unang pagkakataon na naramdaman niyang unti-unti siyang naglalaho sa kabila ng maringal niyang estado bilang Prinsesa ng Emperatris.
Bakit hindi nito magawa sa kanya ang mga bagay na ginawa nito para sa Xienli nito? Sadya bang wala itong nararamdaman para sa kanya?
Umangat ang mga kamay ni Keya sa likod ni Yura at diniin ang mukha sa balikat nito. Nais niyang ibaon ang sarili sa Lu Ryen upang maramdaman niyang pag-aari siya nito. Hangad niyang gawin nito sa kanya ang mga bagay na ginawa nito sa Fenglin. Hindi niya matanggap na bilang konsorte nito ay wala siyang natanggap na pagmamahal mula sa Lu Ryen.
Nagsimula siyang makaramdam ng uhaw, umangat ang mukha ni Keya upang abutin ang labi nito subalit ang labi ng Lu Ryen ang lumapat sa kanyang noo ng subukan niya itong halikan. Ang nakakapasong halik na dumantay sa kanyang noo ang nagpatunaw sa hapding bumabalot sa kanya. Sumidhi ang init na nararamdaman ni Keya ng masagap niya ang pamilyar na halimuyak sa katawan ng Lu Ryen.
Humigpit ang mga kamay niyang nakayakap sa Lu Ryen ng bumaba ang labi nito upang dampian ng halik ang tungki ng kanyang ilong. Ang init ng hininga nito ay tila kiliti na lumusob sa kanyang laman. Hindi niya matukoy kung anong pagkauhaw ang lumulusong sa kanya. Ang tanging nais ni Keya ng mga sandaling iyon ay ang Lu Ryen. Ang daliri nito na dumaan sa labi niya ay mistulang silab na sumindi sa natutulog na parte ng kanyang katawan. Sunod niyang naramdaman ang pagdilim ng kanyang paningin at tuluyang pagtakas ng kanyang kamalayan…
Pagdating ng hating gabi, hindi na nakatiis ang Punong Tagapaglingkod ng Palasyong Xinn na lapitan ang bagong Xienli na naghihintay sa Lu Ryen. “Maaari na kayong bumalik sa inyong silid. Anong mararamdaman ng Lu Ryen kapag nalaman niyang buong magdamag kayong naghintay sa kanya?” Isang katiwala mula sa palasyo ng prinsesa ang nagpaabot ng mensahe na hindi makakabalik ang Lu Ryen ngayong gabi. Sa kabila nito ay nanatili pa rin ang Xienli sa paghihintay nito sa Lu Ryen. Batid niyang mahalaga sa Lu Ryen ang Xienli na ito kaya naman naging maingat siya sa paglilingkod dito subalit hindi niya parin napigilan ang mga Xirin ng imbitahin ng mga ito ang Xienli. “Pakiusap, malamig na po ang gabi.” Muling pakiusap ni Dao. Nahahabag siya sa nakikita niyang anyo ng Xienli. Mistula itong bulaklak na hindi nasisinagan ng araw pagkat nakakubli ito sa isang madilim na sulok. Naghihintay na may pumitas upang madampian ng liwanag.
Nakagat ni Sena ang labi niya. Alam niyang hindi ito babalik muli para sa kanya. Nagkamali siya, hindi ang prinsesa kundi siya ang tunay na nagdadala ng makasariling pagnanasa para sa Xuren.
TAUHAN
Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu / Lu Ryen
Keya: Prinsesa ng Emperatris/ Pangunahing Konsorte ni Yura
Sena: Tanyag na Fenglin/ Kababata ni Yura
Qin: Xirin ng Kanang Ministro
Yen: Pinsan ni Yura
Chuyo: Punong Katiwala ni Keya
Dao: Ang Punong Lingkod ng Palasyong Xinn
TITULO
Xuren: Young Master
Xirin: Young Miss
Ximo: Madam
Xuwo: Lord/Master
Lu Ryen: Lordship
Xienli: Mistress
Yulin: Hukbo ng Punong Heneral
Goro: Mandirigma ng Zhu
Fenglin: Elite Courtesan
Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.