Takot.
Galit.
Kawalan ng pag-asa…
Iyon ang nararamdaman ni Hale ng mga sandaling iyon. Wala sa sariling napaatras ang mga paa niya nang makita niya ang pagdating ng binata. Nais niyang tumakbo, subalit pinipigilan siya ng kanyang takot, lalo na nang masalubong niya ang malamig at matalim nitong mga tingin. Bumilis ang pintig ng kanyang dibdib habang papalapit ito sa kanya. Madilim at nagyeyelo ang ekspresyon ng binata, na lalong nagpadagdag sa kanyang kaba.
“Ar–” Nilapitan siya nito at kinulong sa isang mahigpit na yakap. Ramdam niya ang galit na tinitimpi nito.
“Pakawalan mo na ako…” pakiusap ni Hale, subalit mas lalo lamang humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya.
“A-Ar..?” Iniangat ng binata ang mukha niya papalapit sa kanya upang siilin siya sa isang mapagparusang halik. Walang nagawa si Hale kundi pumikit ng mariin sa ginawa nito.
“Bakit ako? Bakit mo ‘to ginagawa sa ‘kin?”
Halos madurog ang labi ni Hale sa diin ng pagkakasakop nito sa kanya. Hindi siya pinakawalan ni Ar kahit kinakapos na siya ng hangin. Pilit itong tinutulak ni Hale, ngunit mas lalo lamang siyang nakukulong sa mga yakap at halik ng binata. Paano siya nahulog sa mga bisig nito? Bumalik sa alaala ni Hale kung paano niya inilahad ang isa niyang kamay para tulungan itong umahon sa pool, ngunit hindi niya inasahang kakapitan nito ang isa niya pang kamay upang hilain siya sa ilalim ng tubig. Halos maubusan siya ng hangin nang ginawa iyon ng binata, ngunit ginamit nito ang bibig nito upang wala siyang magawa kundi dito huminga. Hindi man siya nalunod sa tubig, nalunod naman siya sa mga halik nito.
At ganoon muli ang nangyayari sa kanya ngayon. Nasasakal siya sa higpit ng hawak ni Ar at wala siyang magawa kundi ang makulong sa mga yakap nito. Nais na niyang kumalas dahil hindi na siya makahinga sa mundo ng binata.
Sumungaw ang luhang pinipigilan niyang tumakas nang pakawalan ni Ar ang labi niya. Nagyeyelo ang tingin nitong sumalubong sa kanya.
“Sinong nagmamay-ari sa’yo?” matalim at mapang-angkin na tanong ng binata.
Kagat ang labi, iniwasan ni Hale ang malamig nitong tingin. Tila lalo siyang nasasakal, marahil kamatayan lang ang magpapalaya sa kanya mula sa kamay nito.
“Sino?” Kumislap ang galit sa mga mata ni Ar. Maging ang mga katulong at mga alalay sa paligid ay kinakabahan sa matinding tensiyon sa pagitan nila.
Sa kabila ng panginginig ni Hale, pilit niyang sinalubong ang mga mata ng binata. “Sa umpisa pa lang ay hindi ako naging sa’yo.” Kahit natatakot siya kay Ar, mas nangingibabaw pa rin ang hinanakit niya para dito. Naramdaman niyang tumindi ang higpit ng pagkakahawak ng binata sa kanya.
“Hangga’t humihinga ako, hindi ka makakawala sa akin.”
Nabalutan ng poot ang damdamin ng dalaga sa kanyang narinig. Unti-unting kumakawala ang galit na nararamdaman ni Hale para dito.
“Kahit na ikulong mo ako, hinding-hindi ako mapapasaiyo–hmm..!?” Mariing sinelyuhan ni Ar ang labi niya. Sinubukan niyang kumawala, na lalong nagpadagdag sa matinding galit nito. Hindi alintana ng binata ang mga katulong na nasa paligid nila, na silang nahiya at yumuko para sa kanila. Tinulak ito ni Hale nang sandaling pakawalan ng binata ang labi niya, subalit muling nasindihan ang galit nito at kinagat ang labi ng dalaga. Pilit na nagpumiglas si Hale nang makita niyang nagdilim ang anyo nito, ngunit mahigpit na niyakap ni Ar ang bewang niya at ang kamay nito ay pumalupot sa batok niya bago siya nito muling siniil ng halik.
Ramdam niya ang dila nito sa loob ng kanyang bibig. Nalasahan ng dalaga ang timpla ng matapang na alak. Langhap niya rin ang pabango sa leeg ng binata. Ang parehong halimuyak ay tila isang hipnotismo na humihigop sa kanya upang sumuko rito. Humigpit ang pagkakahawak ni Ar sa bewang niya at lalo pa nitong pinalalim ang halik. Nagsimulang kabahan si Hale. Sa tuwing tinatanggihan niya ito, lalo lamang tumitindi ang galit nito. Labag sa loob niyang sumuko siya sa mapangahas nitong halik.
Makalipas ang mahabang sandali, makikita ang pag-aalinlangan nitong iwan ang namumulang labi ng dalaga. Humugot ng malalim na hininga si Ar at mahinang kinagat ang balikat niya. Ramdam ni Hale ang mainit na hininga nito sa gilid ng kanyang leeg.
“Makinig ka, Hale, sa tuwing tatangkain mong iwan ako o kahit lumabas sa’yo ang salitang ‘yan, paparusahan kita nang ganito. Hindi kita gustong saktan. Ginagawa ko ang lahat para kontrolin ang sarili ko. Huwag mo akong subukan,” nagbabantang wika ng binata.
Sa wakas, pinakawalan siya ni Ar, ngunit napalitan ng pag-aalala ang nararamdaman ni Hale nang balikan ng binata ang driver na kasabwat niya sa pagtakas at hanggang ngayon ay bugbog-sarado sa mga tauhan nito.
Nanghihina ang mga tuhod niyang bumagsak sa sahig. Tumulo ang mainit na dugo mula sa gilid ng labi niya. Mabilis naman na inalalayan siya ng mga katulong at pinasok sa loob ng mansion.
“Sinabi ko na sa’yong hindi magandang ideya ang pagtakas mo, ngunit hindi ka na naman nakinig sa akin, Hale,” sermon ni Fein, ang kanyang personal maid, habang ginagamot ang sugat sa labi niya.
Nakakulong siya ngayon sa loob ng malaking silid na espesyal na pinagawa ni Ar para maging kulungan niya sa loob ng dalawang taon. Tinanggal niya ang kamay ni Fein na abala sa pagpupunas sa labi niya. “Si Rod?” Hindi mapigilang mag-alala ni Hale para sa driver na gumawa ng paraan upang ilabas siya sa mansion. Nakita ni Hale ang pagdadalawang-isip sa mukha ng dalagita.
“Anong nangyari sa kanya?” Kinurot ng konsensya ang puso ni Hale.
Naglabas ng malalim na buntong-hininga si Fein bago siya nito sinagot. “Asahan mo nang mangyayari ‘to nang planuhin niyong tumakas. Alam mo namang wala pang traydor ang nakakaligtas kay Sir Ar, lalo na kung may kinalaman ‘to sa’yo. Ano bang pinakain mo sa kanya at pumayag siyang itakas ka? Hindi lamang siya ang pinarusahan kundi maging ang lahat ng tauhan sa mansion ay hindi pinalagpas ni Sir Ar upang magsilbing leksyon ito sa lahat.”
Nanghihina ang katawang sumandal si Hale sa headboard ng kama. Napapikit siya ng mariin habang hawak ang kanyang sentido. Isang malaking pagkakamali ang nakilala niya si Ar. Kung hindi niya tinanggap ang imbitasyon sa isang party, hindi magtatagpo ang landas nila. Pero hindi na niya maibabalik pa ang panahon dahil ngayon ay nakakulong na siya sa mundo ng binata. Kaya naman ang tanging naiisip niya lang na paraan ay makalaya sa mga kamay nito, subalit nabigo pa rin siya. At dahil sa kanya, may madadamay na mga inosenteng tao.
“Hindi mo siya maililigtas,” dagdag ni Fein nang mabasa nito ang iniisip ni Hale. “Pinili niyang tulungan ka kaya wala siyang dapat sisihin kundi ang sarili niya. Isa pa, mas lalo mo lang gagalitin—” natigil sa pagsesermon si Fein nang makita niya kung sino ang pumasok sa loob ng kwarto. Mabilis itong tumayo mula sa pagkakaupo at tahimik na nilisan ang silid.
Napamulat si Hale nang maramdaman niya ang ibang presensya sa loob ng kwarto. Hindi si Fein ang nakita niya kundi ang taong tinutukoy nito. Humigpit ang pagkakahawak ni Hale sa ilalim ng unan nang lumapit ito at umupo sa tabi niya.
“Anong ginawa mo sa kanya?” Hindi siya sinagot ng binata; sa halip, natuon ang pansin nito sa labi niyang iniwanan nito ng sugat.
“Pakawalan mo na siya. Ako ang may kasalanan kung bakit niya iyon ginawa,” pinigilan ni Hale ang panginginig ng boses niya at matapang itong hinarap. “Matagal siyang naglingkod sa pamilya n’yo. He doesn’t deserve this.”
“If you say another word about him, I’ll make sure he won’t be able to make it tonight,” nagbabantang tinig nito na nagpagapang ng takot sa dibdib ni Hale.
Kilala niya si Ar—ni minsan ay wala itong binibitawang salita na hindi nito tinutupad. Hindi nito gustong naririnig ang pangalan ng ibang lalaki sa bibig niya. Halos lahat ng mga tauhang lumalapit sa kanya ay babae.
Mariing iniwasan ni Hale ang halik ng binata nang tangkain nitong angkinin ang labi niya.
“Hale, I’m only giving you two options. Let me kiss you, or I will kiss you.”
Halos bumaon ang daliri ni Hale sa palad niya nang hinayaan niyang dumampi ang labi ni Ar sa kanyang leeg.